Kabanata 11: Ang dating kasama
"Panginoon, sino yung lalaking kausap mo kanina?" Tanong sa akin ni Isla habang nakatayo kami sa balkonahe ng barko at nakatanaw sa dagat. Ang sarap lamang pagmasdan ng payapang dagat, ang mga isda na tumatalon mula sa tubig, ang bughaw na kalangitan, at maging ang mga huni ng ibon.
"Isang dating kaibigan," hindi ko na maaaring ituring pang kaibigan si Kaia dahil sa oras na magkita ulit kami ay hindi na kami magtutulungan. Isa nang kalaban ang magiging turingan namin sa isa't-isa.
"Mukha ngang malapit kayo sa isa't-isa." Nagkaroon nang panandaliang katahimikan at narinig ko ang pagtunog ng tiyan ni Isla. "P-pasensya na panginoon, nagugutom na 'ko. Hindi naman kasi tayo nag-agahan bago umalis kanina."
Oo nga pala, bigla ko na lang silang ginising ni Jacko para magmadaling umalis. Hindi ko rin naman kasi inaasahan ang pagdating ng Ixion doon sa Havoc.
"Halika na sa loob," Mabuti na lamang at may kainan din naman dito sa barko kahit papaano. "Tawagin mo na si Jacko."
Sabay-sabay kaming kumain na tatlo kaso nga lang ay hindi ako mapakali dahil nakatingin sa akin si Jacko. "Anong problema mo?" Tanong ko sa kanya.
Kumain ng manok si Jacko. "Hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangan nating magmadaling umalis sa Havoc at bakit sa mga eskinita tayo dapat dumaan kanina," hindi naman tanga si Jacko para hindi mapansin iyon lalo na't hindi na rin naman siya bata.
"Hinabol lang natin ang unang layag ng barko dahil nabalitaan kong maaga itong umaalis," paliwanag ko sa kanya. "Mas maganda na rin na maaga tayong makarating sa Galanos lalo na't pitong maalamat na hayop ang hinahanap natin." Pagsisinungaling ko, napatango-tango si Jacko na parang kinagat niya ang paliwanag ko.
"Oo nga! Tama ang panginoon ko, wala tayong dapat sayangin!" Sabat ni Isla.
"Hoy batang bungal, huwag kang sumabat sa usapan namin!" Ganti ni Jacko sa kanya.
"Anong sinabi mo!?" ngumuso si Isla. "Ikaw naman ay mukhang demonyo na umahon mula sa impryerno!" Ganti ni Isla sa kanya. Lumalakas ang kanilang pagtatalo at may ibang napapatingin sa amin. Napailing-iling ako at hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sila ang napili kong isama sa paglalakbay na ito.
"Kumain na kayo, baka lumamig ang pagkain." Sabi ko na lamang at doon lang sila napaupo muli na dalawa.
Habang kumakain kami ay napaikot-ikot ang paningin ko rito sa kainan. Karamihan ng nandito ay mga manlalakbay o kaya naman ay mangangalakal na magbebenta sa Galanos. Habang lumilibot ang paningin ko ay isang tao na nakasuot ng balabal ang nakakuha ng atensyon ko, nakaupo siya sa isang bangko kaharap ang gumagawa ng alak.
Napakunot ang noo ko dahil pamilyar ang pigura ng taong ito, mabilis kong tinapos ang aking pagkain at tumayo. "Tapos ka na panginoon, saan ka tutungo?" Tanong sa akin ni Isla.
"Magpapahangin lang sa labas." Sagot ko sa kanya at iniwan ko na silang dalawa ni Jacko na kumakain.
Lumabas ang taong ito at sinundan ko siya sa labas. Sinundan ko siya, mukhang napansin niya na nakasunod ako sa kanya dahil binilisan niya ang kanyang paglalakad. Lumiko siya sa isang pasilyo at lumiko rin naman ako, pagkaliko ko ay walang ibang tao. Luminga-linga ako sa paligid pero walang tao.
Napatigil ako sa paggalaw nung may patalim na nakatutok sa aking leeg. "Bakit mo ako sinusundan?" Tanong niya, ang boses na iyon... pamilyar ito.
Hinawakan ko ang kanyang kamay at pinihit ito, nagkaroon ako ng pagkakataon na makuha ang aking balaraw at humarap sa kanya, natanggal ang pagkakatakip ng balabal sa kanyang ulo at nakita ko ang kanyang hitsura.
Ang bagsak nitong itim na buhok, ang mapulang mata at maputing kulis ng balat, hinding mapagkakaila na si Melia nga itong babae na kaharap kong ito. Nung nakaharap na niya ako ay doon namilog ang kanyang mata dahil nakita niya na rin ang mukha ko.
"Blade?"
"Melia?"
Agad niyang itinago ang balaraw sa kanyang lalagyan at umayos nang pagkakatayo. "Sinasabi ko na nga ba na maaaring buhay ka pa lalo na't hindi ka rin naman basta-bastang mandirigma. Hindi rin naman magaan ang kasalanan ang tinatakasan mo ngayon." Sabi niya sa akin.
Gusto kong ipaliwanag sa kanya na wala akong kasalanan sa nangyari pero alam kong mababalewala lang ito. Hindi na ako si Blade, pagod na akong sabihin sa ibang tao ang katotohanan lalo na't hindi naman nila ito paniniwalaan. Bahala na sila sa kung anong iniisip nila sa akin.
"Sino ring mag-aakala na ang isang malakas na mandirigma na gaya mo ay hindi makakapasok sa Ixion?" Sumandal ako sa sandalan ng barko at tinanaw ang malawak na dagat.
"Mas pinili ko talagang isuko ang pagiging kandidata ko sa Ixion," sagot niya sa akin at napalingon ako sa babaeng katabi ko ngayon. "Mas gusto kong ibalik sa Norton, gusto kong hulihin ang gaya mo ke'sa tumanggap ng papuri roon."
"Ngayong nahanap mo na 'ko, anong gagawin mo? Huhulihin mo ako?" Bagot kong sabi. Hindi rin naman ako magpapahuli sa kanya. May importanteng misyon akong dapat gawin. "Ipagsigawan mo ngayon dito sa barko na isa akong masamang tao. Ipagsigawan mo na pinatay ko si Alvaro, wala na 'kong pakialam."
Hinawi ni Melia ang buhok niya. "Nagpapaawa ka ba sa akin? Pasensya na per--" naputol ang kanyang sinasabi nung makaramdam kami nang pagyanig at makarinig ng malakas na pagsabog.
"Inaatake tayo!" Sigaw nung isang lalaki.
Tumakbo kami ni Melia papunta sa harap at nakita nga namin na may malapit na barko sa aming direksyon-- mga pirata. Ito'y mga manlalakbay sa dagat na umaatake ng barko upang makakuha ng mga kayamanan at kagamitan.
"Mga pirata." Sabi ni Melia.
Hindi na ako nag-aksaya ng oras dahil alam ko namang mas magiging malaki lang ang pinsala kapag pinatagal ko pa ito. "Jacko! Lumikha ka ng griffin!" Sigaw ko kay Jacko.
Mabilis na nagsabi ng enkantasyon si Jacko.
"Suh estivas vimi!"
Nagkaroon ng liwanag mula sa kalangitan at may griffin na bumababa mula rito. Sumakay ako sa likod nito. "Isla, Jacko, protektahan ninyo ang barko at maging ang mga taong nakasakay!" Utos ko sa kanila.
Lilipad na sana ang griffin ngunit may isang tao na sumakay sa likod. Napalingon ako kung sino iyon-- si Melia. "Hindi naman maaaring ikaw lang ang lumaban sa kanila, tandaan mo, sinanay din ako para maging parte ng Ixion kung kaya't hindi rin basta-basta ang kakayahan ko." Sabi sa akin ni Melia.
Tumingin ako saglit sa kanya bago pinalipad ang Griffin. Tumungo ito sa direksyon ng mga pirata na nakasakay din sa barko. "May sumusugod sa atin!" Sigaw nung isang lalaki.
"Panain ninyo!" Utos nung pinakapinuno nila at ganoon nga ang nangyari, para kaming pinaulanan ng palaso sa kalangitan.
"Kumapit ka maigi," utos ko kay Melia at nagsimula na kaming iwasan ang mga palaso. Napakapit siya sa laylayan ng damit ko upang maiwasan ang pagkahulog.
Nung nasa tapat na kami ng barko nila ay tumalon kami pababa. Gaya ng inaasahan ko ay sinalubong kami ng maraming pirata. Agad kong inilabas ang Jian ko at sinimulang atakihin ang mga piratang sumusugod sa akin.
Magkatalikuran kami ni Melia, nung may magtangka na saksakin ako ay mabilis ko itong naiwasan at hiniwa ko siya sa kanyang tiyan. Umagos ang napakaraming dugo. Habang nakikipaglaban ay napapatingin ako kay Melia, wala pa rin siyang pinagbago. Isa pa rin siya sa pinakamalalakas na mandirigma na nakalaban ko.
"Melia, may papana mula sa itaas!" Sabi ko sa kanya.
"Ta akular akula!" Sigaw niya at may apoy na lumabas mula sa kanyang kamay at bumulusok sa mga namamana, isang malakas na pagsabog ang nilikha nito at malaking pinsala ang nangyari.
Magkatalikuran kaming dalawa habang napapalibutan kami ng mga pirata. "Wala ka pa ring pinagbago, gamit mo pa ring 'yang Xiphos mo." sabi ko. Ang Xiphos ay ang espadang ginagamit ni Melia magmula nung magsanay kami sa Ixion.
"Huwag mo akong kausapin na para bang magkaibigan tayo. Tandaan mo, nandito ako para hulihin ka dahil taksil ka sa bayan."
"Sabi mo eh." Sagot ko sa kanya at muling inatake ang mga pirata, sa dami ng pirata na kaharap naming dalawa ay wala man lang sa mga ito ang nakasugat sa akin. Marami lang sila pero karamihan sa kanila ay mahihina.
Iilang tao na lang ang nandito at humihingal na kami ni Melia, yung iba sa kanila ay hindi na rin lumaban dahil sa takot. Naglakad kami ni Melia tungo sa direksyon nung pinakapinuno nila. Nakaupo siya sa sahig at nanginginig na umaatras.
"H-huwag ninyo akong saktan, nangangako ako na hindi ko na muli kayo gagambalain pa!" Sabi niya sa amin. Tumingin sa amin ito hanggang napatingin ito sa aking braso. "Sol Invictus?! Ang simbolong iyan, miyembro kayo ng Sol Invictus!?"
Hindi ko inaasahan na ganoon pala kakilala sa mundong ito ang simbolong ito. Itinapat ko sa leeg niya ang aking Jian. "Oo miyembro ako ng Sol Invictus, sa susunod ay piliin mo ang kakabanggain mo. Sa susunod na magkrus ang landas natin ay hindi na kita papakitaan ng kahit anong awa."
"H-hindi na mauulit, hayaan ninyong pagsilbihan ka ng grupo namin! Magagamit kami ng Sol--"
"Hindi ko kailangan ng mahihina sa grupo namin. Sa taba mo na iyan ay alam kong hindi ka makakalaban sa gobyerno." Sabi ko sa kanya. "Akin na lahat ng pera na mayroon kayo,"
"K-kuhanin ninyo ang mga ginto sa loob!" Utos niya sa dalawa pang buhay niyang kasama. "Magmadali!" Tumakbo naman ito papasok.
"Sol Invictus? Sumali ka sa masaman grupo na iyon?" Nagtatakang tanong ni Melia sa akin. "Mukhang mas madadagdagan lang ang dahilan para hulihin ka dahil magdadala ka nang gulo sa mundong ito."
Malamig kong tiningnan si Melia. "Iyon ay kung mahuhuli mo ako. Ilang araw na rin ang lumipas, Melia, marami na ang nagbago. Hindi ikaw ang taong pipigil sa plano ko. Bago mo ako mahuli ay sisiguraduhin ko munang makakapaghiganti ako sa mga taong nanghusga sa akin."
Bumalik ang dalawang lalaki at inabot sa akin ang supot ng ginto. "Ayoko nang makita ang pagmumukha ninyo. Sa susunod na pagkikita natin ay baka patayin ko na rin kayo." Bumaba ang Griffin dito sa barko at sumakay na muli kaming dalawa ni Melia.
Pagbalik namin sa barko ay nagsaya ang mga tao. Kumuha ako ng panyo sa aking bulsa at tinakpan ang pinta sa aking braso. "Maraming salamat sa tulong ninyong dalawa!" Karamihan sa kanila ay iyon ang sinasabi pero hindi ko na ito binigyan ng pansin.
"Sinasabi ko na nga ba, tunay na malakas kang manlalakbay, Panginoon!" Puri sa akin ni Isla.
Naglakad na ako pabalik sa aking kwarto at sumunod pala sa akin si Melia. "Ano bang pinaglalaban mo, Blade--"
"Basil." Pagtatama ko sa kanya. "Matagal ng patay si Blade. Nakalimutan ninyo na ba na kayo ang pumatay kay Blade?" Ang mga panghuhusga na ginawa ninyo at pagdidiin sa kasalanang hindi ko naman ginawa, iyon ang pumatay kay Blade.
"Basil. Balak mo bang kalabanin ang gobyerno? Kulang pa ba ang pagkamatay ni Alvaro?" Tanong niya.
"Papatayin ko ang lahat ng masasamang tao na nasa mataas na pwesto." Sagot ko sa kanya. "Hindi mo ako mapipigilan sa balak kong gawin, Melia. Kung gusto mo ay bumalik ka sa Norton at ipamalita na buhay pa ako. Ipahuli mo ako, wala na akong pakialam sa gagawin mo. Lahat ng haharang sa plano ko... papatayin ko."
Ngumiti siya sa akin. "Bakit ko naman ipagsasabi sa iba na buhay ka? Mas marami lang ang magkakaroon ng interes na hulihin ka, ako lang ang makakaalam na buhay ka pa, Bla--Basil. Ako lang din ang huhuli sa'yo."
"Bahala ka." Naglakad na ako papasok sa aking silid para matulog. Mahaba-habang paglalakbay pa ito bago kami makarating sa Galanos.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top