Kabanata 10: Muling pagtatagpo
Matapos naming makausap si tatang ay umalis na rin kami sa bundok ng Ignis. Hindi naman pala nasayang ang pagtungo ko rito dahil kahit papaano ay nabigyan kasagutan ang mga bagay na gusto kong malaman.
"Seryoso ka bang kakalabanin mo ang gobyerno, Basil?" Tanong sa akin ni Jacko. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay na tinatawag ako ng ibang tao bilang Basil pero kailangan ko nang mamuhay sa ilalim ng pangalan na ito. Matagal ng patay si Blade at ang gobyerrno ang pumatay dito.
"Bakit hindi?" Tanong ko sa kanya na may seryosong mukha. "Buong buhay ko ay nakita ko ang magagandang gawain ng ating gobyerno. Pero sa kabila pala nito, may mga taong naaagrabyado, may mga taong nagugutom, may mga taong hindi nabibigyan ng halaga. Hindi lahat ay nabibigyan ng importansya." Pagsisimula kong kwento sa kanya. Nakasunod lang silang dalawa sa akin ni Isla sa paglalakad.
Balak naming bumalik sa Havoc kahit papaano upang magkaroon ng lugar na matutuluyan. Hindi naman kasi kami maaaring makitulog sa pamayanan na tinirahan ni Jacko dahil hindi na siya pwedeng bumalik dito lalo na't may matinding kasalanan siyang nagawa rito.
"At isa pa, gusto kong gawin ang misyon na ito," kumuyom ang aking kamao at mukhang napansin nila ito. "Gusto kong pagbayarin ang mga taong nanghusga sa akin."
"Panginoon," biglang hinawakan ni Isla ang aking kamay at ngumiti. "Sasamahan ka namin sa gusto mong mangyari, panginoon. Simula ngayong araw ay tayo na ang Sol Invictus at kung sino man ang mga taong kumalaban sa aming panginoon ay kalaban na rin namin." Hindi ko talaga lubos maisip na pitong taong gulang itong batang kasama ko.
"Kung magsalita kang bata ka ay parang mas matanda ka pa kay tatang, ah," sabat ni Jacko kung kaya't sinamaan siya nang tingin ni Isla.
"Ikaw naman ay halos kasing edad ka ni panginoon pero kung umasta ka ay para kang mas bata sa akin!" Ganti ni Isla sa kanya.
"Pangit!"
"Mahina!"
Hanggang sa makabalik kami sa bayan ng Havoc ay puro asaran lang ang dalawa, sumakit din ang ulo ko dahil sa pagtatalo nila. Agad kaming naghanap ng lugar na matutulugan sa pagkabalik namin.
Kumagat na ang dilim ngunit hindi pa rin kami natutulog na tatlo. Pinagmamasdan ko ang pinta sa braso ko. Tunay nga na miyembro na ako ng Sol Invictus, wala akong pakialam kung anong iisipin sa akin ng ibang tao. Ang mahalaga ngayon ay sa pagkakataong ito ay maisasakatuparan ko na ang mga bagay na gusto kong mangyari.
Gusto kong baguhin ang sistema sa gobyerno, gusto kong tulungan ang mga taong nasa laylayan ng lipunan, gusto kong wakasan ang buhay ng pitong maalamat na hayop, at gusto kong magkita na kami ni Avery at gusto kong manggaling mismo sa kanyang bibig ang katotohanan.
"Mag-usap muna tayo bago tayo matulog," tawag ko sa dalawa at umupo kami sa harap ng lamesa. Mukhang napagod sila sa aming ginawang paglalakbay kung kaya't bibilisan ko na lamang ang pag-uusap na ito.
"Alam ninyo naman na mayroon lamang tayong limang buwan upang mapatay ang pitong maalamat na hayop, hindi ba?" Parehas na napatango sa akin sina Isla at Jacko. "Ngayon ay gusto kong malaman kung mayroon ba kayong alam kung saan natin sila maaaring matagpuan?" Tanong ko sa kanilang dalawa.
Sa Norton, may bali-balitang doon namamalagi sa malapit na gubat ang Arimoanga, madalas iyon ipanakot sa amin nina Avery sa tuwing pumupunta kami rito. Pero hindi ko muna sasabihin sa kanila na alam ko kung saan ito maaaring matagpuan. Hindi pa ako pwede bumalik ng Norton na ganito ang kalagayan ko.
Gusto ko kapag bumalik man ako sa Norton, handa na ako. Gusto ko ay yung makakalaban ko na silang lahat, at gusto ko yung matatalo ko si Avery para sa bibig niya mismo manggaling ang katotohanan na wala akong kinalaman sa nangyaring pagkamatay ni Alvaro.
"Hindi naman kasi madaling hanapin ang pitong hayop na iyon lalo na't mailap sila sa mga tao." Kwento ni Jacko. "Pakiramdam ko ay kulang ang pitong buwan para mahanap natin silang lahat."
"Panginoon, maaari ba akong magsalita?" Tanong sa akin ni Isla at tumango ako. "May bali-balitang nananatili ang Bakunawa sa kailaliman ng dagat malapit sa Galanos, madalas ko itong marinig sa mga mangingisda sa lugar na iyon nung minsan akong mapadpad sa lugar."
Tiningnan ko ang mapa na mayroon ako at sobrang layo ng Galanos dito sa Havoc, sa hula ko ay sa pagpunta pa lamang namin doon ay aabutin na ito ng sampung araw. Maraming masasayang na oras at araw, wala rin naman kasiguraduhan kung doon namamalagi talaga ang Bakunawa dahil malawak ang karagatan.
"Wala ba kayong alam na mas malapit, maraming masasayang na oras kung mauuna tayong pumunta sa Galanos. Malayo ito rito sa Havoc." Paliwanag ko sa kanila. Mukhang wala akong ibang magagawa kun'di ang pumunta mamayang gabi sa taberna upang mangalap ng impormasyon mula sa ibang manlalakbay.
"Basil, kung lalakbayin nga natin ito mula sa lupa ay aabutin tayo ng sampung araw para makarating sa Galanos. Pero may daungan ng barko rito sa Havoc, sa dulong bahagi ng lugar na ito." Paliwanag sa akin ni Jacko, ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa daungan ng barko. Mabuti na lamang at maraming alam si Jacko sa lugar na ito. "Kung sasakay tayo sa barko ay maaaring abutin lamang tayo ng tatlong araw para makarating sa Galanos."
"Kung gayon, bukas na umaga rin ay tutungo tayo sa Galanos at aalamin natin kung doon nga ba nananatili ang Bakunawa." Paliwanag ko sa kanya at ngumiti naman silang dalawa sa akin. "Magpahinga na kayo."
***
Kinabukasan ay nagising na lamang ako nung may ingay akong narinig ibaba dito sa bahay-panuluyan na aming tinutulugan. Hindi ko na ginising si Jacko at Isla na mahimbing pang natutulog. Dahan-dahan akong bumaba at nawala ang antok sa katawan ko nung Makita si Irida (May-ari nitong bahay-panuluyan) na may kinakausap na isang lalaki. Likod lang niya ang nakikita ko pero naaalala ko ang dilaw niyang buhok at ang makisig na hubog na kanyang mukha, hindi maipagkakaila na si Moses ito.
Si Moses ay nakasama ko sa pagsasanay nung lumalahok pa 'ko sa pagiging miyembro ng Ixion. Hindi ko alam kung anong ginagawa niya rito pero isa lang ang nasa isip ko ngayon, hindi na kami ligtas dito lalo na kapag nakita niya ako.
"Mananatili sana kami rito ng isang gabi kasama ang dalawa ko pang kasama sa Ixion." Dinig ko pang sabi ni Moses.
Mabilis at maingat muli akong humakbang patungo sa ikalawang palapag, tumungo ako sa kwarto nina Isla at Jacko. "Gumising na kayo, halika na." Bulong ko at dahan-dahan silang bumangon. Pumupungas pa ang mata ng batang si Isla pero kinarga ko na siya para mapabilis kami. Si Jacko ay nagtataka man pero sumunod pa rin. Binuksan ko ang bintana pababa sa likod ng bahay-panuluyan. "Bakit ba nagmamadali kang umalis, Basil?" Tanong niya ng puno nang pagtataka.
"Bilisan mo na lang," wala akong oras para magpaliwanag. Tumalon ako pababa at tumakbo paalis ng bahay-panuluyan.
"Panginoon, wala yung balabal na parati mong suot." Sabi ni Isla sa akin at doon ko lang napansin na naiwan ko ito, wala na akong panahon na balikan ito lalo na't baka mag-krus ulit ang landas namin ni Moses.
Anong ginagawa ng Ixion dito sa Havoc? Alam kaya nilang nandito ako? O baka naman may nakakilala sa akin sa Taberna at ipinagbigay-alam sa kanila?
"Jacko, alam mo ba ang daan patungo sa daungan ng barko?" Tanong ko sa kanya, mabilis kaming tumatakbo na dalawa at yung mga naglalakad na tao na ang umiiwas sa amin.
"Oo pero—"
"Manguna ka, kailangan natin makapunta doon sa lalong madaling panahon." Pinutol ko na ang kanyang sinasabi pero mabilis din namang ginawa ni Jacko. Wala kaming laban sa tatlong Ixion na nandito, kung sino ang kasama ni Moses... hindi ko alam.
Habang tumatakbo kami ay napapalingon sa amin ang ibang mamamayan ng Havoc. Kailangan namin bilisan dahil baka may makakilala na sa akin.
"Dito tayo dumaan sa eskinitang ito!" Turo ni Jacko at sumunod kaming dalawa ni Isla sa kanya, nagpababa na si Isla mula sa pagkakabuhat ko dahil baka raw nahihirapan ako. "Mula sa eskinitang ito, sa dulo nito ay may daan ulit. Kakanan na lamang tayo at mararating na natin ang daungan ng barko."
Mukhang naguguluhan din sila sa mga nangyayari pero mabuti na lamang at hindi sila nagtatanong... sa ngayon. Balang-araw din naman ay paniguradong kukwestyunin nilang dalawa ang nakaraan ko.
Pagkalabas namin sa duloay paliko na sana kami ngunit may nabunggong lalaki si Isla kung kaya't napatigil kaming dalawa ni Jacko. Napaupo si Isla sa sahig kung kaya't nilapitan ko siya. "Pasensya na, pasensya na." Paulit-ulit na sabi ni Isla.
Napatingin ako sa lalaking kausap ni Isla. "Pasensya n—" naputol ang aking sasabihin nung makilala siya. Ilang araw din kaming hindi nagkita ng kaibigan kong ito, si Kaia. "Kaia." Tawag ko sa kanyang pangalan.
"Blade! Mabuti't buhay ka," lumingon-lingon sa paligid si Kaia, maraming tao ang napapatingin sa amin dahil nga miyembro siya ng Ixion. Hinatak niya ako pabalik sa eskinita dahil nga medyo madilim sa bahaging ito. "Anong ginagawa mo rito?" Tanong niya pa.
"Kayo, anong ginagawa ninyo rito!?" Tanong ko pabalik.
"Masaya ako na buhay ka, kaibigan," may ngiti sa labi ni Kaia. "Pero kailangan mong umalis dito, maraming tao na taga-Norton ang nandito ngayon. Kasama ko sina Moses at Avery na nag-iikot dito." Kwento niya. Nung marinig ko ang pangalan ni Avery ay napakuyom ang aking kamao.
Pero hindi ito ang tamang panahon para manaig ang galit ko, hindi pa ito ang tamang panahon para pagbayarin siya dahil may misyon pa akong dapat gawin... iyon ay ang patayin ang pitong maalamat na isla.
Nalulungkot din ako para kay Kaia dahil wala siyang kaalam-alam na ako na kaibigan niya ay magiging matinding kaaway nila balang-araw. "Plano ko na ring umalis dito, hindi ko lang inasahan ang inyong pagpunta sa bayang ito lalo na't malayo-layo rin ito sa Norton."
"May mga kabayo kami. Kaya kami naparito ay nawawala si Melia, may nakapagsabing dito ito nagpunta kung kaya't inutusan kami ni Adara na tumungo rito." Kwento niya pa. "Hindi ito ang tamang panahon para magkumustahan tayo, kaibigan."
"Aalis na ako," sabi ko sa kanya.
"Pagtatakpan kita kung sakaling may makakilala man sa'yo, basta ba ay ipangako mo sa akin na lumayo ka sa lugar na ito, lumayo ka sa Norton at sa Ixion." Bumuntong hininga si Kaia. "Ito na ang huling beses na tutulungan kita, Blade, kapag nag-krus muli an gating landas ay baka hindi na kita muling mapagbigyan pa lalo na't may tungkulin na ako sa Norton." Pagpapaliwanag niya sa akin.
"Naiintindihan ko," tumango ako sa kanya. "Mauuna na ako, Kaia. Masaya ako at nagkita tayong muli."
Tumakbo na ako muli sa direksyon nina Isla at Jacko na kanina pa naghihintay sa akin. Tumungo kaming tatlo sa daungan ng barko. Sakto lamang ang dating namin dahil paalis ang unang layag sa araw na ito kung kaya't nakaalis din kami sa bayan ng Havoc.
Nakatingin ako sa bayan ng Havoc habang lumiliit ito sa paningin ko dahil lumalayo na kami. Nasa iisang bayan lang muli ang ginalawan naming dalawa ni Avery ngunit hindi kami nagkita. Tumindi ang pagkakakuyom ng aking kamao. "Pagbabayarin kita, Avery."
**********
I want to clarify my characters gender dahil maraming nalilito (maybe because I am using weird names lol)
Basil/Blade- Lalaki
Isla- Babae
Jacko- Lalaki
Melia- Babae
Ixion members:
Avery- lalaki
Gandalf- lalaki
Sabrina- Babae
Kaia- Lalaki
Moses- Lalaki
Rufus- Lalaki
Tami- Lalaki
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top