Kabanata 1: Ang pagsasanay

Bumukas ang pinto ng dormitoryo na tinutuluyan namin ng mga napiling kabataan para maging isang miyembro ng Ixion. Napalingon kaming lahat sa isang guwardiya at nakasunod sa kanya ang isang lalaki. "Siya ang huli ninyong makakasama para sa pagsasanay bilang mapabilang sa Ixion." Anunsyo nung guwardiya.

"Avery!" Sigaw ko at yumakap sa aking kaibigan, halos tatlong linggo ko rin siyang hindi nakita. Mukhang masaya naman si Avery nung makita niya ako at para akong bata na naglulundag habang nakayakap sa kanya. "Kumusta ka na?" Tanong ko sa kanya.

Noong natanggap kasi ako sa Ixion bilang isang kalahok upang mapabahagi sa Ixion, agad nila akong kinuha kanila tatay David at sinabing titira ako sa dormitoryo upang magsanay. Gaya ng aking inaasahan, tumutol si Tatay David ngunit wala rin naman siyang nagawa dahil alam niyang bata pa lamang ako ay ito na ang pangarap ko... ang mapabilang sa Ixion.

"Pinasunod ako nila tatay dito dahil nag-aalala sila para sa'yo," sabi niya at umupo sa isa sa mga sopa sa sala ng dormitoryo.

"Masaya ako na nandito ka, Avery." Bati ko sa kanya. Ngayong napili rin siya bilang kalahok sa pagiging Ixion, paniguradong may nakita ring kakaiba sa kanya ang mga dating miyembro ng Ixion kung kaya't napili siya.

Naglakad papasok sa loob ng dormitoryo si Alvaro kung kaya't nagtipon-tipon kaming lahat sa sala. Kasunod ni Alvaro si Adara na siya ring dating miyembro ng Ixion, magandang babae si Adara kung kaya't pare-parehas kaming hindi maalis ang tingin sa kanya.

Naalala ko noon na gumawa siya ng malaking bolang apoy upang puksain ang isang halimaw na sumubok sugurin ang Norton, mahina man si Adara sa pisikal na labanan pero nag-uumapaw naman ang magi na dumadaloy sa kanyang katawan.

"Ngayong araw na ito, nakumpleto na ang mga kabataang lalahok upang mapabilang sa Ixion," Nagkatinginan kami ng mga kasama ko, sumatutal ay may pitumpu't limang kabataan ang nandito kabilang ako at si Avery. "Pitumpu't pitong kabataan kayong sasanay sa pagsasanay ngunit sa huli... pito lang ang pipiliin sa inyo upang mapabilang sa Ixion, pitong natatanging kabataan na magpapakita ng katapangan, katalinuhan, kakayahan, at kapangyarihan."

Ngayong ipinapaliwanag na ni Alvaro ang mga bagay-bagay ay para bang tuluyan ko nang naramdaman na totoo nga ang mga nangyayaring ito, hindi ito isang panaginip. Nakangiti ako at nag-uumapaw ang aking determinasyon, alam ko sa sarili ko na kaya kong makapasok, kaya kong maging parte ng Ixion.

"Para kay tatay David at para sa bayan." Mahina kong bulong sa aking sarili.

"Bukas na bukas din ay magsisimula na ang inyong pagsasanay, ihanda ninyo na ang inyong mga sarili." Bilin sa amin ni Alvaro. "Maliwanag ba?" tanong niya.

"Opo," Hindi naming sabay-sabay na sagot.

"Maliwanag ba kako?" Mas nilakasan ni Alvaro ang kanyang boses kung kaya't napaayos ako ng tindig.

Kinagabihan, nasa loob ako ng silid at ako'y nasa balkonahe. Pinagmamasdan ko lamang ang mga ilaw sa bayan. Nasa mataas na bahagi ang palasyo (kung saan nandoon ang dormitoryo namin) kung kaya't matatanaw ang kagandahan ng Norton. Ang mga ilaw ng mga tahanan ay animo'y mga bituin sa lupa na kumukutikutitap na pagmasdan.

Dinadama ko ang malamig na simoy ng hangin pero may narinig akong katok mula sa labas. "Pasok," sabi ko at napalingon sa may pintuan.

Pumasok sa loob ng kwarto si Avery. "Naiistorbo ba kita?" Tanong niya sa akin, naglakad siya patungo sa balkonahe at tumayo sa aking tabi habang nakatanaw sa kabuuan ng Norton.

"Hindi naman, pinagmamasdan ko lang ang Norton," itinuro ko ang kaliwang parte ng Norton kung nasaan nandoon ang bahay ni tatay David. "Kumusta na kaya sila tatay David at Parisa? Paniguradong nag-aalala na sila sa ating dalawa, lalo na sa akin dahil ang tagal ko nang hindi umuuwi."

"Hindi pa naman huli ang lahat, Blade," napalingon ako kay Avery na seryosong nakatingin sa akin. "Pwede pa tayong bumalik, pwede tayong tumakas dito. Kaya ako pumasok dito para pilitin kang umuwi na lang, Blade." Mahaba niyang litana sa akin.

"Umuwi? Hindi ko isusuko ang pangarap ko, Avery."

"Pangarap? Gulo 'tong pinapasok mo, Blade. Guguluhin lang nito ang tahimik nating pamumuhay." Nagtaas na ng boses si Avery.

"Tahimik? Kailan pa naging tahimik ang buhay natin, Avery? Halos linggo-linggo sinisingil ng mga guwardiya si tatay David ng buwis. Maraming taga-Norton ang nagugutom dahil sa kakulangan sa pagkain. Oo, maganda ang Norton pero gusto kong ituwid ang baluktot na pamamahala nito. Kapag nakapasok ako sa Ixion ay makakaharap ko ang hari, masasabi ko sa kanya ang tunay na kalagayan ng kanyang nasasakupan. Kapag naging miyembro ako ng Ixion, doon lang magiging tahimik ang lugar na ito, Avery." Mahaba kong paliwanag sa kanya, gusto kong maintindihan niya ang gusto kong mangyari.

"Hindi dapat tayo ang bumago niyan, Blade. Dapat ang hari mismo ang bumisita sa bayan upang makita niya ang nangyayari. Dapat hindi lang siya nakaupo sa kanyang trono! Kumakain siya ng masasarap na pagkain ngunit tayo ay swerte kung makakain ng tatlong beses sa isang araw." sabi ni Avery sa akin.

"Kung hindi tayo? Sino ang gagawa, Avery?" Tanong ko sa kanya. Akmang magsasalita siya ngunit parang naubusan siya nang salita. Hinawakan ko siya sa kanyan balikat. "Tayo ang magpapasimula, Avery. Para kay tatay." sabi ko sa kanya.

Tumingin sa akin ng ilang segundo si Avery at nagbitaw nang malalim na buntong hininga, mukhang sumusuko na siya. "Para kay tatay." sabi niya sa akin.

"Para sa bayan,"

"Para sa bayan."

***

Nasa loob kami ng isang malaking koliseo dahil pinapunta kami ng mga guwardiya rito. Alas sais pa lang nang umaga ay pinabangon na nila kami. Hindi pa nga ako nakakain o nakakaligo man lang, agad lang akong nagbihis para makarating dito.

"Isama ninyo sa mga dapat ninyong sanayin ang paggising ng maaga, maliwanag ba?" Sabi ni Alvaro sa amin. Nag-unat-unat ako upang ihanda ang sarili ko sa pagsasanay na maaari naming kaharapin.

"Ang unang pagsasanay na dapat ninyong gawing araw ay ang pagtakbo sa buong koliseo na ito nang sampung ikot," sabi ni Alvaro sa amin.

"Ha!" Malakas na nagrereklamo ang mga kasama ko dahil sa kanilang narinig, kung iikutin mo itong koliseo ay katumbas nito ay isang kilometro. Kaya ibig sabihin lamang nito ay kinakailangan naming tumakbo ng sampung kilometro.

"Wala kayong karapatang magreklamo, ginusto ninyong makapasok sa Ixion at kusa kayong sumama rito, nangangahulugan lamang na maluwag sa loob ninyong tinatanggap ang mga pagsubok na kakaharapin ninyo," napatango-tango ako sa sinabi ni Alvaro. Kung ang pagsunod sa utos ni Alvaro ang magiging dahilan para maging kasinglakas ko siya, maluwag ko itong tinatanggap. "Ano pang hinihintay ninyo?"

Bumuntong hininga ako at ako na ang unang tumakbo paikot sa koliseo, tumingin sa akin ang mga kasamahan ko pero sumunod din naman sa akin si Avery. "Para kay tatay?" Tanong niya sa akin habang sinasabayan niya ako sa pagtakbo.

Napangiti ako sa sinabi niya dahil alam niyang ito ang magpapagana sa akin. "Para kay tatay."

"Para sa bayan," 

"Para sa bayan." sabi ko sa kanya. Sumunod naman ang iba pa naming kasama sa pagtakbo. Ganyan nga, dapat ay galingan ng lahat. Gusto ko ay maging karapat-dapat kaming lahat sa mga pagsubok na ibibigay ni Alvaro upang lahat kami ay maaaring maging miyembero ng Ixion.

Isa't kalahating oras. Nanginginig na ang aking paa at hindi ko na maramdaman ang aking hita nung matapos ko ang pagsasanay. Napaupo ako sa sahig at naghahabol ng aking paghinga. Ako ang unang nakatapos ng sampung kilometro na pagtakbo.

"Ang galing ko ba, Alvaro?" Tanong ko sa kanya ngunit hindi niya lang ako pinansin pero napangiti pa rin ako.

Sumunod na nakatapos ang isang lalaki na may kahel na kulay na buhok at pulang mata, kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at mas nakakatakaw pansin din ang pangil niya na para bang isang bampira. "Ang bilis mong tumakbo, kaibigan," sabi niya sa akin.

"Ikaw din," sagot ko sa kanya. "Anong pangalan mo?" tanong ko sa kanya. Dahil pitumpu't lima kaming nagsasanay para rito ay hindi ko rin naman nakakausap ang lahat at karamihan sa kanila ay hindi ko kilala maging sa pangalan.

"Kaia," sagot niya sa akin at umupo siya sa tabi ko. Kagaya ko ay nanlalambot din ang kanyang hita dahil sa layo nang aming itinakbo. "Ikaw?" 

"Blade," pagpapakilala ko at itinuro si Avery na patapos na rin sa pagtakbo. "Siya naman si Avery, parang kapatid ko na siya."

Sunod natapos ang isang babae na nakapagpamangha sa aming dalawa ni Kaia. "Para sa isang babae ay nakakamangha na mabilis niyang natapos ang hamon na ito," bulong ko kay Kaia. Hindi ko minamaliit ang mga babae, maging si Parisa ay nagiging malakas kapag naiinis pero ang makaya niya ang napakahirap na na pagsubok na ito at nakakapagsabayan sa ibang matitipuno na lalaki, nakakamangha.

"Hindi mo siya kilala?" Tanong sa akin ni Kaia at mabilis akong umiling. "Seryoso? Hindi mo siya kilala?!" Tila ba gulat na gulat niyang sabi.

Kumunot ako noo ko, napatiim-bagang si Kaia. "Siya si Melia, anak ni Adara." Namilog ang aking mata sa kanyang sinabi. Kaya pala ganoon na lang nakakatakaw ng pansin ang kagandahan nitong si Melia dahil may pinagmanahan naman pala. "Kilala din siya bilang mas maton pa sa mga lalaki, kagabi ay tatlong lalaki ang binugbog niya sa dormitoryo dahil lamang sinubukan siyang kulitin ng mga ito. Kapag kinausap mo siya, bugbog ang aabutin mo."

Isa-isa ng natapos ang mga kasamahan namin, "Magsitayo." Utos ni Alvaro.

Nanginginig man ang aking tuhod at hindi ko maramdaman ang aking hita ay tumayo ako. Inalalayan ko rin si Avery upang siya'y makatayo rin. "Ang huling limang nakatapos ay maaari nang mag-empake, makakaalis na kayo sa dormitoryo at dito na mapuputol ang pangarap ninyong mapabilang sa Ixion."

Pare-parehas kaming nabigla sa sinabi ni Alvaro, ngayon pa lang ay nagsisimula na silang magbawas ng mga kalahok.

"Ha! Tatanggalin mo kami dahil lamang nahuli kami sa pagtakbo?" Sabi ng isang matabang lalaki na nakakuha ng aming atensyon. "Hindi mo ba naisip ginoong Alvaro na may iba kaming espesyalidad bukod sa pagtakbo, maaaring mas malakas kami--"

"Kung ito pa lang ay hindi ninyo na magawa, paano pa ang mga susunod pang hamon. Huwag ka nang magdahilan dahil isa ito sa mga kinakailangan upang mapabilang sa Ixion," sabi ni Alvaro sa kanya at bumaling ang tingin niya sa amin. "At kayo, linggo-linggo ninyo gagawin ang pagsasanay upang mas lumakas kayo."

Pinaayos kami nang tayo ni Alvaro. May inabot ang isang guwardiya sa kanya na nakalagay sa isang kahon at nung inilabas niya ang laman nito-- isang gintong sagisag. "Ang sagisag na ito ay sumisimbolo sa iyong tiyaga at pagpapakita ng lakas. Hanggang sa huling sandali ng hamon ay nanatili ka pa ring nakangiti, ito'y para sa'yo... Blade." 

Nagulat ako sa sinabi ni Alvaro at naglakad ako papalapit sa kanya, inilagay niya ang sagisag sa kanang dibdib ko at sa pagkakataong ito ay ngumiti na si Alvaro sa akin. "Mahusay ang ipinakita mo, bata. Simula pa lang ay alam ko nang hindi ako nagkamali sa pagpili sa'yo." 

Narinig ko ang palakpakan ng mga kasama namin. Tumingin ako kay Avery at maging siya ay masaya na nagbunga ng maganda ang pinaghirapan ko ngayong araw.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top