Kabanata 5 - Reyalidad

Walong taon na ang nakakaraan...

Minsan ko na ring itinanong sa sarili ko kung paano nga ba maging masaya, kung ano ba ang pakiramdam ng kasiyahan at kung bakit ba nagiging masaya ang mga tao. Isang partikular na pagkakataon, isang partikular na lugar, isang partikular na tanawin.

Mga ilaw na kumukuti-kutitap, iba’t ibang kulay. Mga parol na nakasabit, iba’t ibang hugis. Isang beleng sumisimbolo sa pagsilang ng Diyos sa sabsaban. Ang panahon ng Pasko kung saan ay masaya ang lahat sa matanggap nilang regalo. Ngunit ako, isang simpleng bata lamang at lugmok ang loob dahil sa hirap.

Pinagmamasdan ko ang ibang mga bata, ang gagara ng mga damit nila. Kinatutuwaan sila ng mga ninong at ninang nila at binibigyan sila ng aguinaldo. Isang masayang paligid, ngunit masaya ba ako? Akong isang batang hindi man lang naranasan ang mga bagay na ito, akong isang hamog na talagang walang maibibili dahil wala ako ni isang kusing dahil sa lasenggera kong ina.

Naaalala ko ang lahat ng ’yon kapag nakakakita ako ng isang paligid ng mga dekorasyong Pamasko. Isang tanawing punong-puno ng mga kumukuti-kutitap na mga ilaw. Naaalala ko ang mga bagay na nangyari noong gabi bago ang Pasko, noong una kong naramdaman ang salitang, “kasiyahan”.

Nabalik ako sa reyalidad nang bigla kong maramdaman ang malamig na simoy ng hangin. Napakaraming puno ng acacia sa gilid ng highway. Napapalamutian ang bawat puno ng mga parol na umiilaw, iba’t ibang kulay ang kumikislap sa harapan ng aking mga mata. Hindi ko mapigilang hindi ngumiti nang makita ko Ang mga ilaw na ’yon.

Inilinga-linga ko ang paningin ko, narating ko na pala ang Freedom Park sa paglalakad ko nang wala sa sarili. Habang tinatanong ko ang sarili sa mga bagay na wala naman dapat akong kapuwang-puwang ay naisip ko na lang din na sana pala’y ginamit ko na lang ang mga oras na ’yon sa paghahanap ng pera.

Naririnig ko ang mga batang kumakanta ng mga awiting pamasko. Bigla na lang akong nagkaroon ng ideya sa nais kong gawin ngayon. Dali-dali akong tumakbo sa mga kabataang ’yon at napansin kong pare-parehas pala kaming mga batang palaboy. Nanlaki ang mga mata ko at napangiti ako, tsamba, tiyak kong isasama nila ako sa pagka-caroling nila!

“K-Kumusta!” bati ko. Nagsi-tingin naman silang lahat sa ’kin, lima silang mga bata.

Ang grupo nila’y binubuo ng dalawang babae at tatlong lalaki, kapwa kaawa-awa tulad ko ang mga hitsura nila. Marurungis, tila mga walang mga magulang na nag-aalaga. Sakto lang ang tiyempo ko kasi halos katulad din nila ako. Gusto kong sumali sa kanila dahil sayang lang din ang oras na gugugulin ko kung hindi ko naman ’yon gagamitin sa mga bagay na makabuluhan.

“P-P’wede bang s-sumali sa inyo? Kailangan ko lang kasi ng ekstra.” Rason ko, nakita ko naman silang ngumisi sa ’kin at kapwa sila tumango-tangong lahat.

“Sige ba, magaling ka bang kumanta?” tanong ng isang batang lalaking halos kaedad ko lang sa ’kin. Napangisi ako at tumango lang bago ako nagsalita.

“Aba, oo naman, pang-The Voice nga ’tong boses ko, kung hindi niyo tatanungin.” Kapwa silang napatawa sa sinabi ko, kulang na lang lumabas ang mga panga nila sa kakatawa.

“Aba naman, totoo ba ’yan? Baka naman wala pang iba-batbat ’yan sa pa-singing contest ng kapitan natin?” tawa nila. Pinag-krus ko naman ang mga braso ko at ngumisi ulit ako sa kanila. Kumanta ako ng isang kantang pamasko sa harap nila at nakita ko na lang silang natulala.

“Whenever I see girls and boys and the boys and girls see me, I remember the child and the child remembers me...”

Kinanta ko ang bahaging ’yon ng isang popular na awiting pamasko, hindi ko lang alam kung tama ba ang mga pinagsasabi ko kasi hindi ko naman talaga alam ’yong kanta. Nakita ko na lang na nagsi-palakpak ’yong mga bata sa harap ko, siguro tama lang ako? Siguro nagustuhan nila ’yong kantang ’yon?

“Wow, ang galing! Kumakanta ka rin pala ng English! Hindi kami marunong kumanta ng English!” galing na galing na bulalas sa ’kin ng isang batang babae sa grupo, mga anim na taon pa lang siya sa tingin ko.

“Oo nga, paano mo natutunan ’yong kanta? Alam mo ba ang ibig-sabihin no’ng kantang inawit mo?” tanong ulit no’ng batang lalaking kausap ko kanina.

“Ah, oo... narinig ko lang ’yon sa mga kanta kapag nakikinuod ako ng TV at nakikinig ako sa radyo sa may tindahan sa kanto namin.” Kamot ko sa ulo ko, pero ang totoo ay hindi ko naman talaga alam ang mga pinagsasabi ko sa kanila, alam ko lang ang ibang liriko ngunit iniba ko ang ilan rito dahil hindi ko ’yon alam.

“Wow! P’wede awitin mo nang buo? Gusto naming marinig ’yong kanta nang buo, pakiusap?!” saad naman ng isa pang batang babaeng mga na sa sampung taon na ang edad.

“Ah... eh... hindi ko kasi kabisado ’yong buong kanta, eh. ’Yong parteng ’yon lang ang alam ko. Pero marami pa naman akong alam na kanta na p’wede kong kantahin basta’t isali niyo lang ako.” Ngisi kong muli sa kanila, nakita ko naman silang nagtinginan bago sila muling luminga sa ’kin.

“Maganda naman ang boses mo, magaling ka namang kumanta, at marunong ka pang kumanta ng English! Sige, pumapayag na kaming sumali ka sa Kwayr ni Roy!” ngiti no’ng batang lalaki. Tumango naman ako ngumiti rin, ibinaba ko na ang mga kamay ko mula sa posisyon nito kanina at ninais kong makipag-kamay sa kanila.

“Ako nga pala si Ejiroh, Eiji na lang. Labing-dalawang taong gulang na ’ko.” Magalak kong ipinakilala ang sarili ko sa mga batang ’yon. Masaya rin naman nilang ipinakilala ang sarili nila.

“Ako si Mikael, anim na taon.” Pakilala no’ng isang batang lalaki.

“Ako naman si Gaspar, sampung taon.” Pakilala pa ng isa.

“Betty ang pangalan ko, labing-isang taong gulang na ’ko.” Saad naman no’ng isang batang babae.

“Ako si Lulu, anim na taon.” Saad pa no’ng maliit na batang babaeng kinausap din ako kanina.

“At ako naman si Royette, Roy na lang. Labing-dalawang taong gulang. Ako ang lider ng kwayr na ito kaya Kwayr ni Roy ang pangalan ng grupo namin!” bulalas nitong si Roy na siyang unang kumausap sa ’kin. Natuwa naman ako sa sinabi niya.

“Umaawit kami ng mga kantang pamasko kapag magpa-pasko na, at mga ordinaryong kanta naman kapag hindi na Pasko. Madalas kaming kumakanta sa istasyon ng jeep at bus, o kaya nama’y sa mga parke at harap simbahan kung saan maraming tao.” Ngisi niya, muka ngang madiskarte ang grupo nila.

“Pero gan’yan na ba talaga kayo kapag kumakanta kayo? Ang rurumi kaya ng suot niyo at ang dudumi rin ng balat at muka niyo. Bakit hindi kayo maglinis bago kayo kumanta?” tanong ko sa kanila.

“Hindi ba’t nilalayuan ng mga tao ang mga maruruming bata? ’Yon ang sabi ng mga taong nakakasalamuha ko kapag nagta-trabaho ako sa palengke.” Dagdag ko pa sa tinanong ko, napatawa na lang ulit ang mga batang kausap ko.

“Mali ang akala nila, mas gustong magbigay ng mga tao sa mga batang maruruming katulad namin dahil muka kaming kawawa. Mas marami nga kaming kinikitang pera kapag muka kaming gan’to kaysa kapag naglinis kami ng katawan namin.” Saad ni Roy, saglit pa’y may dinukot siya sa isang bag na dala ng isa sa kanilang lima.

“Ito, oh... uling. Ipinapahid namin ito sa balat namin at isinusuot namin ang mga damit na gusot at butas sa pagka-caroling namin. Nagpapalit din naman kami ng malinis na damit pagkatapos namin, nagpapanggap lang kaming kawawa para mas maraming pera kaming matanggap.” Hagikgik ni Roy, ang ganda ng ideya niya.

“Oo, mahirap kami, pero hindi naman lugmok. Ginagawa namin ’to para may sarili kaming pera. Tulad mo, ume-ekstra lang din kami sa pagka-caroling.” Saad naman nitong si Betty, ngayon ay naiintindihan ko na sila, balak ko ngang sumali sa kanila.

Nagpahid ako ng uling sa katawan ko at binigyan nila ako nang basahan upang suutin, mabaho man pero maganda naman ang naging resulta. Marami kaming natanggap na barya mula sa mga nagdaraang tao sa parke sa pagkanta namin ng mga awiting pamasko. Halos mapuno ang lalagyanang plastic na container ng sorbetes nitong si Lulu dahil namamangha ang mga tao sa amin.

“Ang Pasko ay sumapit, tayo ay mamagsiawit ng magandang himig, dahil sa ang Diyos ay pag-ibig...”

“Kaya ngayong Pasko, ang blessings ko’y kayo, thank you, thank you, ang babait ninyo.”

“Ngayong Pasko’y pag-ibig ang kailangan ng daigdig...”

“Kaya’t kahit anong mangyari, ang pag-ibig sana’y maghari. Sapat nang si Hesus ang kasama mo, tuloy na tuloy pa rin ang Pasko...”

Kumanta kami nang kumanta hanggang sa mapuno nang maraming barya ang lalagyan. Nang mapuno nga ito ay tuwang-tuwa kaming pinaghati-hatian ang mga baryang napag-karoling-an namin. Nakaupo kami ngayon sa isang pabilog na lamesa rito sa parke, halos maga-alas diyes na nang gabi pero marami pa ring tao rito.

“Dahil ikaw ang pinakamagaling kumanta sa ating lahat, ikaw ang may pinakamaraming bahagi sa kita natin. Singkuwenta pesos ang ibibigay namin sa ’yo. Salamat dahil natulungan mo kaming mapuno ang lalagyanan ni Lulu.” Ngiti sa ’kin ni Roy. Tumango naman ako at nagpasalamat din.

“Salamat din dahil tinanggap niyo ’ko sa kwayr niyo, p’wede bang sumama ulit ako sa susunod?” tanong ko. Nagsi-oo naman sila, at sa susunod daw ay sa istasyon ng bus na kami kakanta ng mga ordinaryong awitin.

Sinabi nilang dito na lang nila ako hihintayin pagkatapos ng mga trabaho ko sa palengke. Hindi nagtagal ay naghiwa-hiwalay na rin kaming lahat dahil lumalalim na ang gabi. Napagtanto ko na rin na tiyak kong kukuhanin ni Nanay lahat ng mga napagkakitaan ko sa pagta-trabaho sa palengke, hindi rin naman sasapat ang naipon kong pera sa pagka-caroling upang maipangbili ng regalo para sa sarili ko.

Naisip ko ang isang bagay nang makita ko ang tindahan ng bibingka sa isang tabi. Naamoy ko ang mabango nitong halimuyak, nakakagutom din pala at nakakapagod ang ginawa ko ngayon pero nagkaroon naman ako ng singkuwenta pesos sa p’wede kong ipangbili ng pagkain.

Ngunit paghakbang ko pa lamang nang isa papunta sa tindahan ng bibingka ay may naramdaman akong isang kamay na humawak sa balikat ko. Nakaramdam ako ng gulat at kaagad kong nilingon kung sino ang kumalabit sa ’kin sa balikat ko, namataan ko ang isang lalaking nakasuot ng isang kulay puting hoodie jacket at itim na face mask. May nakasabit ding isang backpack na itim sa likuran niya.

Napagkamalan ko siyang isang masamang-loob pero bigla na lang niyang iniluhod ang isa niyang tuhod upang pantayan ang taas ko. Ang mainit niyang kamay ay naramdaman ko sa ’king pisngi na para bang hinahaplos niya ’yon. Saglit pa’y napaiyak ang lalaking ’yon sa harapan ko. Sino ba ’to at bakit siya umiiyak sa ’kin? Patay na ba ako?

“Ah... k-kuya... bakit po kayo umiiyak?” tanong ko ro’n sa lalaki. Nakita ko naman siyang pinunasan niya ang luha niya at umiling-iling siya.

“H-hindi... nalukungkot lang akong nakakakita ng mga batang kagaya mo. Pinabayaan ka ba ng mga magulang mo?” tanong niya. Wala sa sarili na lang akong napatango dahil totoo namang pinabayaan ako ng mga magulang ko.

“Alam kong mahirap sa ’yo ang mga pagsubok ngayon pero kayanin mo lang dahil alam kong balang-araw ay malalampasan mo rin ang mga ’yan.” Base sa pagsingkit ng mga mata no’ng lalaki, alam kong ngumingiti siya kahit pa nakasuot siya ng face mask.

“At dahil matatag ka, bata... gusto kitang bigyan ng regalo.” Saad pa no’ng lalaki, nabigla naman ako nang ibinaba niya ’yong bag niya at may inilabas siyang mga bagay.

Isang magandang damit, pares ng pantalon, sapatos, at medyas, pati na rin ilang pang-araw-araw na damit at shorts at may tsinelas pa. Ibinigay niya ’yon sa ’kin kasama ng backpack. Sa sobrang pagkabigla ko ay nayakap ko na lang ’yong lalaki, hindi ko namalayang umiiyak na pala ako nang dahil sa saya.

“S-Salamat po! Salamat po sa mga ito! Buong buhay ko, hindi pa ’ko nakatanggap ng ganitong klaseng mga bagay! Salamat po!” Abot-abot ang pasasalamat ko sa lalaking ’yon.

Nang kumalas ako sa yakap ay pinunasan ng lalaki ang luha sa mga mata ko at saglit pa’y dumukot ito sa bulsa niya. Naglabas siya ng pera at nang pagtingin ko rito’y ito ay buong isang libong piso. Halos mahimatay ako pero pinilit kong hindi mawala sa wisyo. Sinubukan kong kurutin ang sarili ko kung nananaginip lang ba ako ngunit hindi, totoo ang lahat ng ito!

“Hindi ka nananaginip, bata... kaya sige na, umuwi ka na’t gawin mo lahat ng gusto mo sa mga ipinamigay ko sa ’yo. Basta’t tandaan mo lang na maging mabuti kang bata at bibiyayaan ka ni Lord ng higit pa sa kabutihang ginagawa mo sa ’yong kapwa.” Ngumiti ang lalaki at saka’y tumayo na siya.

Kumaway pa siya sa ’kin upang magpaalam at gayon din naman ako sa kan’ya. Nawala na lang ang lalaki sa paningin ko nang nilamon na siya ng dagsa ng mga tao rito sa parke. Itinago ko sa bag ang isang libong pisong bigay niya at ibinili ko ang singkuwenta pesos ng bibingka at palamig upang kainin.

Noon ko na lamang din naisip na hindi ko natanong ang pangalan no’ng lalaki, hindi ko alam kung sino ang nagbigay sa ’kin ng mga regalo pero tandang-tanda ko ang hitsura niya, ang ningning ng mga mata niya sa mukang natatakpan ng itim na face mask. Kung sino man ang lalaking ’yon, nagpapasalamat ako sa kan’ya dahil ginawa niyang memorable ang Paskong ito para sa ’kin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top