Kabanata 4 - Takas
“Salamat po sa pagpapatuloy sa ’kin, Kuya Simeon. Maaasahan po talaga kayo sa oras ng kagipitan.” Ngiti ko sa lalaking kausap ko ngayon, si Kuya Simeon na kasama kong crew sa pinapasukan kong fast food chain.
“No probs, my boy! Dumito ka na muna hanggang nakaluwag-luwag ka na’t kaya mo nang umupa ng sarili mong bahay. Alam kong matagal-tagal pa ’yon kaya alam ko ring magtatagal ka pa rito sa puder ko.” Ngisi niya sa ’kin, natawa na lang din ako.
Mag-uumaga na at binulabog ko pa si Kuya Simeon dito sa inuupahan niyang boarding house sa Kalye Escolta, isa sa pinaka-abalang kalye dito sa Siyudad ng San Martin. Ilang oras lang ang itinagal ng pag-idlip ko sa eskinita, at napag-desisyunan kong puntahan na si Kuya Simeon dahil siya na lang talaga ang matatakbuhan ko. Hindi nga ako nagkamali ng nilapitan dahil handa niya naman akong tulungan.
“Kung ako lang din naman ikaw, eh talagang lalayasan ko ang mga kasama ko sa bahay kung ako lang din naman ang bumubuhay. Aba naman, isang maagang nabuntis, isang lasenggera, at isang adik sa droga! Diyos mio, eh para akong nagpapakin ng patabaing baboy na hindi ko rin naman pala mabebenta sa huli!” Kamot pa ni Kuya Simeon sa ulo niya.
Hindi ako nagagalit sa mga sinabi niya laban sa pamilya ko, dahil ako pa man din ay galit na galit na sa kanila noong una pa man. Nagtimpi ako ng napakatagal na panahon upang sa huli’y layasan ko lang din sila. Pinal na ang sinabi ko, hinding-hindi na ’ko babalik sa pinagmulan ko.
Nagtimpla ng dalawang tasa ng kape si Kuya Simeon at magkasama namin itong ininom. Pansamantalang napawi ang lahat ng sakit na pinagdaanan ko kagabi sa isang langhap at higop ko sa tasa ng kape. Napahinga ako nang malalim at hindi na lang ako umimik.
Hindi gano’n kalaki ang bahay na inuupahan ni Kuya Simeon. Kaparehas ko lang din siyang mag-isa na lang din sa buhay ngayon. Si Kuya Simeon ay isa nang ulila, nalaman ko ’yon nang maging kaibigan ko siya sa fast food chain. Inampon daw siya ng mga tiya at tiyo niya pero inaabuso raw siya ng mga ito kaya niya sila nilayasan nang may pagkakataon na siya. Nakipag-sapalaran dito sa San Martin at ngayo’y maginhawa naman na ang buhay.
Sa salas ng boarding house na inuupahan ni Kuya Simeon ay may mga librong nakalagay sa isang book shelf. May isang T.V., maliit na lamesa at dalawang sofa, ang isa nga’y inuupuan ko na ngayon. Maganda ang boarding house niya at para ngang ang yaman ni Kuya Simeon, pero paano niya kaya nababayan ang ganitong klaseng apartment kung isa lang naman siyang part-timer sa fast food.
“Alam ko kung anong iniisip mo, iniisip mo siguro kung paano ko naa-afford ang ganitong klaseng bahay?” sarkastikong tanong ni Kuya Simeon sa ’kin.
“Well, kakilala ko kasi ’yong may-ari ng paupahang ’to kaya naka-discount ako sa bayad ng bahay. Libre tubig at libre kuryente, sa’n ka pa, ’di ba?” tanong at ngisi ni Kuya Simeon sa ’kin at sabay kaming dalawang napatawa.
“Oh, sige na, magpahinga ka na muna riyan at gagayak na ’ko papasok sa school. Nag-desisyon na ’kong mag-aral, nasabi ko na ba sa ’yong fourt year Education student ako?” Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ’yon at kaagad ko siyang tinignan.
“Talaga ba, Kuya? Ang galing mo naman!” bulalas ko. Napakamot naman si Kuya Simeon sa kan’yang ulo habang paunti-unti siyang humahagikgik.
“Oo, hindi ko nga lang ipinagkakalat sa iba at wala naman akong gano’ng kakilala rito kaya wala rin akong mapagsabihan. Ipinapaalam ko lang sa ’yo kasi makakasama mo ako nang matagal-tagal dito sa boarding house.
Humigop si Kuya Simeon sa tasa ng kape na kan’yang hawak at ’di ko na namalayang naubos niya na pala ’yon. Inilagay niya ang tasa sa lababo habang ako naman ay humihigop pa rin sa tasa ko.
Nakita kong nagsaing ng kanin si Kuya Simeon at binuksan niya ang isang lata ng corned beef na kinuha niya sa isang tray habang naghihiwa na ng bawang at sibuyas. Tiyak kong sa tagal na ni Kuya Simeon dito ay alam niya na ang bawat gawaing bahay. Tutulong na lang muna ako sa kan’ya rito habang umaga o kaya nama’y humanap ako ng bagong paglilibangan. P’wede ko rin namang ilaan na lang ang oras ko sa umaga sa pamamahinga.
“Pero, Eiji, hanggang kailan ka mamumuhay nang gan’to?” Bigla akong nabalik sa ulirat nang marinig ko si Kuya Simeon na nagsasalita habang naggigisa ng corned beef.
“Ano po?” tanong kong muli.
“Ang ibig kong sabihin ay... hanggang kailan mo titiising maging isang crew lang sa fast food? Kung matanggal ka ro’n, may trabaho bang naghihintay sa ’yo?” tanong ni Kuya, hindi ko naisip ’yon kaya naman ay wala akong naitugon sa kan’ya.
“Hindi ka sumagot, alam ko na rin ang na sa isip mo.” Huminga muna nang malalim si Kuya Simeon bago siya tumuloy sa pagsasalita.
“Try mo kayang nagpatuloy sa pag-aaral? P’wede kitang i-recommend sa scholarship program ng school na pinapasukan ko?” Nanlaki ang mga mata ko nang sabihin ’yon ni Kuya Simeon.
“Pag-aaral? Hindi ’yon pumasok sa isip ko pero mainam na nga po. Ngayong lumayas na ’ko sa ’min, ano pa nga bang saysay ng pagta-trabaho ko kung ’di lang din para sa sarili ko?” Napangiti ako at sumandal sa inuupuan kong sofa.
“December na ngayon, sa January, p’wede kang mag-enroll sa kahit anong program. Kaso nga lang, magiging irregular ka at hindi mo kasabay ga-graduate ang mga nauna sa ’yo.” Saad pa ni Kuya Simeon.
“Opo, kaya ko namang pagsabayin ang pagta-trabaho sa gabi at ang pag-aaral sa umaga. Pipili na lang ako ng mainam sa schedule para ’di ako mapu-puwersa. Gusto ko rin po kasing mag-aral, noon pa po.” Muli akong humigop sa kapeng iniinom ko.
Naubos ko na ang isang tasang kape at saglit kong ipinatong sa isang katabing coffee table ang tasa. Natapos nang magluto si Kuya Simeon at hinihintay niya na lang ang kanin, saglit siyang umupo sa isang upuan kaharap ako at nag-usap pa kami.
“Magandang desisyon ang ginawa mo, welcome ka naman dito sa boarding house kahit hanggang kailan pa. Handa rin naman akong tulungan ka dahil hindi na nalalayo sa isang kapatid ang tingin ko sa ’yo.” Nakangiting sambit ni Kuya Simeon.
“Don’t worry, akong bahala sa ’yo. Simulan mo nang kuhanin ang mga requirements na dapat mong kuhanin, papasok ka na sa January.” Ngisi ni Kuya Simeon at ginulo niya ang buhok ko.
Parehas kaming tumawa, hindi nga nagtagal ay pinagsaluhan namin ang niluto niyang corned beef kasama ang bagong saing na kanin. Gumayak na rin si Kuya Simeon dahil Lunes ngayon at mayro’n siyang pasok sa paaralan. Daraan pa raw siya saglit sa simbahan para sa Misa de Gallo, hindi na ’ko sumama dahil sa pagod at dahil na rin gabi ang nakasanayan kong pagsisimba ng Simbang Gabi.
Naiwan akong mag-isa sa bahay, pumasok ako sa kuwarto at humiga ako sa kama. Sing-lambot ng foam sa bahay ko dati ang foam dito sa boarding house ni Kuya Simeon. Palagay ko ngang makaka-adjust ako nang maayos dito at nang mas mabilis. Hindi ko rin naman inaasahang may mga tao rin palang pagmamalasakitan ang isang gaya ko.
Ipinikit ko ang mata ko at dali-daling nawaglit sa reyalidad ang ang diwa ko. Sa mga sumunod na pangyayari’y nakita ko na naman ang istasyon at ang tren, gaya ng dati kong ginagawa ay sumakay ako rito. Inaasahan ko nang makikita kong muli si Ethan sa loob ng tren.
Nginitian ko siya at kaagad akong tumabi sa kan’ya, nakangiti akong nagkuwento about sa sitwasyon ko at kung paano kaagad ako nakabangon mula sa pagkakadapa. Habang bumibiyahe kami ay ’yon lang ang ikinu-kuwento ko kay Ethan, hindi naman siya nagsasalita at nakatingin lang siya sa ’kin habang ako ang walang humpay na nagku-kuwento.
Nang makababa kami ay bumungad sa ’min ang isang magarang siyudad, isang siyudad kung saan ay wala gaanong matataas na mga gusali, kung ’di ay napapalibutan ito ng mga lumang bahay na ginawa pa noong panahon ng mga Kastila. Mistulang naging parang Intramuros ang lugar, at marami na ring mga nakayangyang na Christmas decorations sa paligid.
Papalubog na ang araw at nakikita na ang mga bituin sa kalangitan, unti-unti na ring sumisindi ang mga dekorasyong Pamasko habang binabagtas namin ni Ethan ang daang gawa sa bricks. Maraming tao sa paligid, kapwa sila masasaya at batid ko ang ngiti sa kanilang mga labi.
“Ang ganda ng atmosphere ng Desired Reality mo ngayon, Ejiroh. Ang gaan sa pakiramdam at parang mas nagkaro’n ito ng buhay kumpara sa mga nakaraan nating pinupuntahan.” Saad ni Ethan sa ’kin habang iginagala niya ang kan’yang paningin sa paligid.
“Well, ito lang ang takas ko sa masalimuot kong buhay. Kaya na rin siguro maganda ang Desired Reality ko ngayon ay mas naging magaan na ang buhay ko. Wala na ’ko sa puder ng mga magulang ko kaya mas malaya na ’kong gawin ang gusto ko.” Ngiti ko.
“Buti ka pa, malaya mong nagagawa ang gusto mo. You have this passion to make everything you want possible. I wish I had a life like yours, I feel like there’s something within you that keeps you on your tracks.” Tugon naman ni Ethan.
“Hindi mo rin gugustuhing magkaro’n ka ng buhay na kagaya ng sa ’kin. S’werte na lang siguro dahil may tumulong sa ’kin. Pero kung wala, baka kung saan na ’ko napadpad.” Pagkontra ko kay Ethan.
“Perhaps, yes... but what I like about your life is that even though dumaraan ka sa mga pagsubok and such, hindi mo pa rin hinahayaang matalo ka sa laban ng buhay. I just wish na mayro’n din akong tapang na gan’yan sa ’yo para maging optimistic pa rin kahit na ang dami-rami mo nang problema.” Saad niyang muli.
“Kung gano’n, bakit mo pa sinasabi sa ’king ang s’werte ko kung p’wede ka rin namang maging kagaya ko. Tingnan mo lang ang paligid mo at humanap ka ng pag-asa rito, humanap ka ng mga taong maaaring tumulong sa ’yo para malampasan mo ang problemang dinadala mo.” Tumingin ako kay Ethan at ngumiti.
“Hindi pa kita masyadong kilala pero nararamdaman ko nang kaya ka naging isang shifter ay dahil gaya rin kitang kulang sa pagmamahal. Tama ba ’ko?” tanong ko pa.
Saglit pang napahinto sa paglalakad si Ethan at napatingin siya sa ’kin. Ngumiti siya at tumango, gayon din ako. Sandali pa’y hindi ko na namalayang dinala na pala ako ng aking mga paa palapit kay Ethan at nakatingin lang ako sa mga mata nito.
Ang ningning ng mga mata niya, gaya ng langit na punong-puno ng mga bituin. Lumipas pa ang ilang segundo bago ako humiwalay ng tingin kay Ethan, napag-isip-isip ko ang kan’yang pagkatao. Wala pa ’kong ga’nong alam tungkol sa kan’ya, dahil dito’y na-curious ako sa pagkatao niya.
“Ethan, anong buhay ang mero’n ka? Curious lang ako... bakit ka naging isang shifter? Saka... bakit kaya mong mag-travel sa mga Desired Reality ng ibang tao?” tanong ko. Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Ethan at para bang kinabahan siya.
“Bakit naman kailangan mo pang tanungin ’yan?” simpleng ngisi niya. Nagpapaka-kalmado siya pero nahahalata kong parang kinakabahan siya.
Ang strange, mahiyain bang tao si Ethan at ayaw niyang mag-kuwento ng patungkol sa sarili niya? Bakit bigla siyang kinakabahan sa mga sinasabi ko ngayon?
“Gusto ko lang sanang malaman kung anong buhay ang mero’n ka, para sa gano’n ay alam ko ang pinaghuhugutan mo ng lakas para tumakas sa totoong reyalidad. Gusto kong mas makilala ka dahil bukod sa bigla ka na lang sumulpot dito’y... ang strange rin ng una nating pagkikita.” Paliwanag ko naman sa kan’ya.
“’Di pa ’ko handang sabihin sa ngayon. Maybe... some other times. Private kasi akong tao and I don’t want to let anybody delve into my life further. I feel like I’d just hurt them if masyado silang mapapalapit sa ’kin.” Muli niya namang saad, naiintinhan ko naman siya.
“Ayos lang ’yon, basta kung handa ka na... p’wede ka namang mag-kuwento sa ’kin sa kahit anong oras. Gusto pa kitang mas makilala, eh.” Ngiti ko pa.
Tumango lang siya at nanguna siya sa paglalakad. Ilang minuto rin kaming nagkailangan bago muling bumalik ang magandang atmospera sa pagitan naming dalawa. Oo nga’t alam ko nang may pagka-private pala ’tong si Ethan kaya hihintayin ko na lang muna ang pagkakataong maging handa na siyang magkuwento ng mga bagay na tungkol sa sarili niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top