Kabanata 14 - Usapan
Nakapag-enroll na rin ako sa inirerekomendang unibersidad sa ’kin ni Kuya Simeon—ang University of San Martin, at tama nga siya sa mga sinabi niya, napakaraming oportunidad ang naghihintay sa ’kin sa college. Sa kabila man ng kahirapan ng buhay ay nakaya kong makatungtong ng kolehiyo... alam kong mahirap pero kakayanin ko!
Ayaw mag-aksaya ng oras ni Kuya Simeon sa lahat ng bagay at pagkakataon, alam ko na ’yon dahil wala talaga siyang pinalalampas na magandang oportunidad upang ’di niya ’yon makuha.
Ganito rin ang ipinagawa at ipinayo niya sa ’kin, tumatanggap kasi ng late enrollees ang unibersidad na ’yon kaya p’wede pa ’kong mag-enroll. Nakatapos ako ng senior high school sa strand na Humanities and Social Sciences, kaya’t pinilian ako ni Kuya Simeon ng isang magandang program na tatahakin sa college.
Habang naglalakad kaming dalawa ni Kuya Simeon sa hallway ng unibersidad ay nakikita ko talaga ang ganda nito. Sa kabila ng kalungsuran kung sa’n nakatayo ang university na ’to ay napakaraming puno sa buong campus at ’di na alintana ang init ng araw dahil sa mga ’yon. Malamig din ang simoy ng hangin sa paligid dahil maraming nakatanim na puno.
Naalala ko ang mga sinabi sa ’kin ni Kuya Simeon bago pa man ako mag-enroll, at dahil nga wala siyang pinalalagpas na pagkakataon ay hinikayat niya ’kong tumulad sa mga yapak niya.
“Hindi mo kasi dapat sayangin ang oras, Ejiroh. Kaya’t kung may pagkakataon ka na, sungkitin mo na nang mas maaga para makuha mo rin nang mas maaga.” Payo niya sa ’kin.
“Pero kapag naman po nag-enroll ako sa pangalawang semester, magiging irregular student naman po ako. Ayo’ko po nang maraming pinagsasabay-sabay, Kuya.” Katwiran ko naman, tinanguan niya ’ko at nginitian.
“Tama ka, pero in order to get yourself there quickly, you need to pull yourself together. Kailangan mong magsakripisyo ng oras para makamit mo ang gusto mo.” Saad ni Kuya Simeon habang marahang nakangiti sa ’kin.
“May ibang way pa po ba para mabawasan ang mga gawain?” tanong ko naman, saglit pang napaisip si Kuya Simeon.
“Well, the university is offering certain units in the summer break. Kung ayaw mong magbakasyon at gusto mong aral ka na lang nang aral, you can take that.” Tugon niya dahilan upang mapangisi ako.
“’Yon na lang po ang gagawin ko, Kuya. Baka po kasi hindi ko kayaning pagsabayin ang trabaho sa pag-aaral kapag marami akong kukuhaning units.” Saad ko naman, nakita ko naman siyang tumango.
“Kung ’yan ang gusto mo, then sino ba ’ko para pigilan ka? Siya nga pala, ano nga palang kukuhanin mong program?” tanong naman ni Kuya Simeon.
“Gusto ko pong magturo, Kuya, katulad po ninyo. Education po ang kukuhanin ko, major in Filipino.” Tugon ko, rito naman ay nakita kong labis na ang tuwang nadarama niya nang sabihin ko ang balak ko.
“Good for you, Ejiroh. Basta’t kaya mo, why not?” ngisi naman ni Kuya.
Nabalik ako sa ulirat nang marinig ko ang boses ni Kuya Simeon. Narinig ko siyang nagsalita sa ’kin kaya naputol ang iniisip ko dahil pinakinggan ko siya.
“Ejiroh, ngayong nakapag-enroll ka na, wala ka nang pro-problemahin as of now. Maghintay ka na lang magpasukan, ang pag-aaral na mismo ang pro-problemahin mo.” Pagbibiro ni Kuya Simeon sa ’kin, napatawa naman ako nang marahan.
“Pero seryoso po, Kuya... salamat po sa advice ninyong mag-aral po ulit ako. Salamat din po kasi pinayagan niyo po akong tumira sa bahay niyo, salamat po dahil tinulungan niyo ’ko sa lowest point ng buhay ko.” Seryoso akong nagpasalamat kay Kuya.
“Tinitingala ko po kayo nang sobra bilang totoong Kuya ko na po, Kuya Simeon. Kasi po kahit ’di niyo naman po ako tunay na kapatid—o tunay na kadugo, tinulungan niyo pa rin po ako.” Ngiti ko pa, nakita ko namang ngumiti rin si Kuya Simeon.
“’Yon na siguro ang least na magagawa ko, Eiji. Alam kong alam mo ang mga pinagdaanan ko sa mga kamag-anak ko, alam mo rin ang dahilan kung bakit ako naglayas sa ’min. Halos pareho tayo ng pinagdaanan, so sino ako para pagkaitan ka ng masisilungan when you’re in need?” marahan niyang tugon sa ’kin.
Labis-labis talaga ang pasasalamat ko sa Diyos dahil ’di Niya ’ko pinabayaan sa mga pagkakataong wala akong napuntahan. Binigyan ako ng Diyos ng taong tutulungan akong tumayo mula sa pagkakadapa. Ang sarap sa pakiramdam at kaygandang isiping sa panahon ngayon ay may mga tao pa ring kagaya ni Kuya Simeon.
Matapos kaming makapag-enroll ay umuwi muna kami ni Kuya Simeon upang magpahinga, naidlip ako saglit dahil may shift pa ’ko mamayang gabi sa fast food chain, kasama ko naman si Kuya Simeon kaya parehong sa umaga ang tulog namin dahil sa gabi naman kami pumapasok.
Sa ngayon, kapag natutulog o kaya naman ay umiidlip ako ay ’di naman ako napupunta sa istasyon, tatlong araw na ang nakalipas simula nang magbalik ako sa totoong reyalidad ko at tatlong araw na rin ang nakakalipas noong huli kong makita si Ethan, pero sa simpleng pag-idlip ko ngayon ay bigo pa rin akong makapag-shift.
Hindi ko maintindihan ang concept o kung paano ako nakakapunta sa istasyon, wala rin akong ideya sa kung saan ba nagmula ang abilidad kong mag-shift sa iba’t ibang reyalidad.
Naisip ko na rin dating baka nananaginip lang ako at ’di talaga totoo ang lahat ng nangyayari, pero nang dumating si Ethan sa buhay ko, para bang ipinakita niya at ipina-realize niya sa ’king may mas malalim pang kahuluhan ang abilidad ko, pero hanggang ngayon ay nananatili pa ring isang misyeryo sa ’kin ang mga bagay na may kinalaman sa shifting.
***
Kasalukuyan kong hinuhugasan ang mga platong pinagkainan ng mga customer ng fast food chain. Kasalukuyan kaming naglilinis dahil magsasara na kami sa kaunting oras na lang, inililigpit na ng iba ko pang mga kasama ang mga upuan at ang iba naman’y nagwawalis at nagmo-mop na.
“Eiji, tapos na ’ko, mauna na ’ko sa ’yo, sumunod ka na lang pauwi.” Paalam sa ’kin ni Kuya Simeon na ngayon ay nakapag-palit na ng ordinaryong damit mula sa uniform niya rito sa resto.
“Sige po, Kuya, sunod na lang po ako.” Saad ko naman, nauna na nga si Kuya Simeon na lumabas sa ’kin.
Nang matapos ko rin naman ang ginagawa ko ay nagdesisyon na rin akong umuwi. Mula uniporme ay nagpalit muna ako ng normal kong damit sa C.R. bago lumarga. Nilakad ko na lang ang daan since hindi naman gano’n kalayo ang boarding house sa resto, habang naglalakad ay dinama ko muna ang malamig na hangin ng Disyembre.
Nadaananan ko ang high way, pagbungad pa lang ay naroro’n na ang convenience store kung sa’n ako muntik manakawan no’ng binatilyong hamog dati. Nakita ko ring naroro’n sa loob ang isang pamilyar na muka, ang pinaghihinalaan kong kaklase ko no’ng senior high school—si Coleen.
Bawat daan ko sa Llanares Mini Mart paglabas ko sa trabaho ko tuwing madaling-araw, nakikita ko pa rin siyang nagta-trabaho, at paminsan-minsan ay bumibili ako ro’n pero ’di niya naman ako naaaninag. Gusto ko siyang kumustahin at tanungin kung bakit siya nagta-trabaho sa mini mart na ’yon, pero baka totoo ang hinala kong kamuka lang niya ’yon.
Bigla akong nakadama ng lamig sa kaibuturan ng sikmura ko kaya nagdesisyon akong pumasok sa convenience store para bumili ng kape. Kung tama man ang hinala ko o hindi, ano na lang ngayon ang magagawa no’n sa ’kin? Curious lang naman ako, wala naman akong ibang intensiyon kung ’di ang malaman lang kung bakit siya nagta-trabaho rito.
“Good mornight, sir! Welcome to Llanares Mini Mart—” Pagpasok ko sa convenience store ay saglit pa ’kong nakarinig ng isang maligamgam na pagbati pero bigla siyang napahinto.
“Eiji? Oo, ikaw nga! Kumusta ka na!” natutuwang saad ng babae sa counter. Isa lang ang ibig-sabihin no’n, totoo ang hinala ko.
“Coleen? Coleen Paraguison?” pagtatatanong ko pa. Nakita ko naman siyang ngumisi at tumango.
“Uy, kumusta ka na, valedictorian!” masaya kong bati at lumapit ako sa kan’ya nang nakangiti.
“Hay, heto... kailangang mag-night shift sa gabi para panustos sa pag-aaral. Nakaka-relate na ’ko sa ’yo ngayon.” Buntong-hininga niya.
“Alam mo, I did not expect my life to turn upside-down. Kaya heto, isang working student ang valedictorian niyo no’ng senior high.” Nakangiti niya ’yong sinabi pero nababatid ko ang kalungkutan sa kan’yang mga mata.
“Soon-to-be working student na rin ako, at mabuti na lang ay may tumulong sa ’kin para makapag-aral ako ng college.” Kaswal ko namang saad.
Kumuha ako ng sachet ng kape at tinimpla ko ’yon sa tabi ng counter habang nakikipag-usap pa rin ako. Kaming dalawa ang tao rito sa convenience store kaya kahit ga’no kami kaingay ay ayos lang. ’Di ko alam kung anong naging dahilan naming dalawa ni Coleen kung bakit namin tinatawanan ang malulungkot naming buhay.
“Just this summer, my father passed away in a car accident, of course... nagkaro’n kami ng maraming utang from his passing. Dati kaming may-kaya and nakakaangat-angat but now, heto’t one of the impoverished na.” Saglit pa siyang suninghal at umupo sa likod ng estante.
“Aan’hin ko ba ang talino ko? Wala namang nagawa ang mga medal ko sa krisis na kinakaharap namin ngayon, walang nagawa ang mga panalo ko sa mga quiz bee, sa mga sports events, sa journalism, and sa marami pang competition. Reality hit me, Ejiroh, iba pala ang pumasan ng kalbaryo.” Saad pa niya habang nakangisi.
Natapos ko nang lagyan ng mainit na tubig ang kape, kumuha ako ng disposable plastic spoon sa counter at binayaran ko kay Coleen ang kinuha kong kape. Sa singkuwenta pesos na binayad ko, sinuklian niya ’ko ng trenta y singko, pagkakita ko no’n ay napasinghal na lang ako sa taas ng presyo ng bilihin. Saglit ko pang pinunan ang sinabi ni Coleen.
“’Wag kang mag-isip ng mga gan’yang bagay, matalino ka naman talaga. Hanga nga ’ko sa ’yo kasi nakapag-adjust ka sa kabila ng hirap. Kung ’di ka matalino, ’di palamunin ka lang sana sa inyo ngayon?” Sinabi ko ang na sa loob ko, nakita ko naman siyang ngumiti.
“I’ll take that as a compliment mula sa isang taong experienced na. Salamat.” Ngisi naman ni Coleen, napangiti na lang din ako.
“Siya nga pala, ilang araw na rin ang nakaraan no’ng huli akong mapunta sa convenience store na ’to. Nakita na rin kita rito kaso... ’di mo ’ko namukaan no’ng nakita kita.” Pagsingit ko sa pinag-uusapan namin.
“Ah, ’yon ba? Mahabang kuwento pero pasi-simplehan ko na lang, pagod ako kahit kaiidlip ko lang, nakalimutan kong nandito pa rin pala ako sa trabaho pero nakaidlip ako. Nagising ako nang biglaan, nabigla, ayo’n... sabog.” Tawa niya, medyo sabog nga siya no’ng huli ko siyang nakita, ’yon na siguro ang paliwanag do’n.
“Sa’n ka nga pala nag-aaral ngayon? Sabi mo, working student ka ’di ba?” Pagsingit ko pang tanong.
“Sa mura lang, sa University of San Martin kasi free tuition.” Saglit akong nagulat sa sinabi niya.
“Wow, talaga! Do’n din kasi ako nag-enroll! Tumatanggap sila ng mga late enrollees kaya ’di ko na pinalagpas. Magmi-midyear na lang ako sa July.” Sagot ko naman sa kan’ya, nakita ko rin siyang nagulat pero masaya naman siya nang marinig niya ’yon.
“Anong program kukunin mo?” tanong niya pa.
“Educ,” simple kong sagot.
“Pareho pala tayo, anong major mo?” sagot at tanong niya.
“Filipino,” sagot ko naman.
“Do’n tayo nagkaiba, General Education sa ’kin. Meaning, Elementary Education kinuha ko.” Paliwanag naman niya, tumango naman ako at ngumiti.
“It’s nice to see na nag-aaral ka na ulit, kasi nabalitaan ko nga noong tumigil ka. Saka maganda ring nagpatuloy ka kasi sabi nga, education an asset daw.” Saglit pang nag-inat si Coleen habang humihikab.
“Salamat nga rin at na-clear na ’yong curiosity ko sa nangyari sa ’yo. Mabuti naman at nakakaya mo, basta’t sipagan lang natin at makakaalis rin tayo sa gan’tong estado ng buhay. Tiis-tiis na Kang din siguro.” Huminga ako nang malalim saka minsan pang ngumiti.
“Wish ko rin ’yang sinabi mo, pero I have my ways of coping with life, and some are even unfamiliar of it. Dinadaan ko na lang do’n ang hirap ng buhay.” Ngisi pa niya sa ’kim.
“Good to know.” Saad ko rin.
Kinuha ko ang kape at saglit akong humigop mula sa plastic cup. Ngumiti pa ’ko kay Coleen at tumango bago ko naisipang umuwi na rin dahil lumilipas na ang oras.
“Oh siya, mauna na ’ko, gold luck na lang sa ’yo.” Paalam ko kay Coleen nang makuha ko ang kape, nakita ko naman siyang tumango.
“Bili ka ulit dito para may kausap ako, thank you!” nagpasalamat naman siya. Binuksan ko nga ang pinto ng convenience store at lumabas ako rito upang maglakad na pauwi.
Ilang minuto pa ng paglalakad ay nakarating na ’ko sa boarding house. Kaagad na rin naman akong matulog dahil sa sobrang nakakapagod na araw, pero kahit na gano’n ay hindi ko pa rin maibalik sa sarili ko sa Betty Go-Belmonte Station.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top