Chapter 46: Mabuhay ang Pilipinas!
Oram, Quezon.
Para bang gripo na anumang higpit mo ng sara'y may butil pa rin ng patak. Mahina, malayo ang laktaw. Sa loob ng ICU ward, ang patak ay tulad ng pitik ng EKG na nagmomonitor ng heart rate. Isa sa tatlong pasyente na naroon ay si Father Deng na nasa life support. Nakapikit, natatakpan ang mukha ng Aprikano ng oxygen mask at ang ulo'y may benda. At sa tatlo, siya ang malalang nagaagaw-buhay. Ang bulungan nga ng mga duktor, nurses at ibang staff, ay baka hindi na siya abutan ng umaga. Ang patak ng gripo'y 'di magtatagal ay mawawala.
11:52 PM.
Hindi mapakali si Dr. Pontificano, palakad-lakad sa malawak na waiting area habang ang kanyang mga kasamaha'y mga nakaupo sa hilerang plastic na upuang may sandalan. Ang waiting area ay nasa pagitan ng dalawang wings ng ospital at may malaking bintana kung saan tanaw ng duktora ang parking area sa ibaba. Ang waiting area ay katabi ng lobby ng elevator at stairwell. Malinis at amoy bago pa ang loob ng ospital na wala pang isang taon na nago-operate. Dahil hatinggabi na, patay na ang karamihan ng mga ilaw sa mga floors, at may katahimikan na, anumang ingay ay tila nage-echo sa mahahabang hallways. Kasama na'ng tunog ng high heels sa vinyl na flooring.
"Sit down, Pilar," sabi ni Tony. "Try to relax."
"I-I can't, Tony," balisang balik ni Dr. Pontificano. Hindi na niya maalis ang habit na mag-pacing ng lakad tuwing siya'y anxious o worried. "Cigarette. Sinong may cigarette sa inyo?"
Ang tanong ay nakadirekta kina Precious at Sunshine pagka't alam niyang wala na si Tony, pagka't naubos na nila kanina. Kapuwa nagsipagilingan ang dalawang mga dalaga na magkatabing nakaupo sa bandang dulo ng pahabang upuan, mga mata'y kalahating sara na dahil sa pagod at nakatulog na sana kundi lang sa maingay na takatak ng heels ng duktora-na napansin ang kalagayan nila.
"Ba't 'di pa kayo umuwi?" ani ng duktora sa dalawa. "You don't need to stay. Magpahinga na kayo."
Sa curious na reaksyon nina Precious at Sunshine, ay naalala ni Dr. Pontificano kung bakit nga pala sila naroroon pa. Ang pangakong showbiz sa kanila. Bumaling siya kay Tony.
"Tony, you better tell them the truth."
"Ha?"
Biglang nawala ang antok ni Tony at napaayos ng upo. Nakatingin sa kanya si Dr. Pontificano, pinungay ang mga mata sa likod ng kanyang salamin, at finold kanyang mga arms. Napabuntong-hininga si Tony at na-realize na panahon na rin para sabihin sa dalawang dalaga ang katotohanan. Hinawi niya ng ayos ang kanyang buhok at hinarap sila.
"Ah...eh, mga iha, 'yung tungkol nga pala doon sa pinangako namin ni Mr. Tiglao..."
Nang marinig iyo'y nawala rin ang antok nina Precious at Sunshine, at mga na-excite bigla.
"Oo nga po pala, Mr. Tony," interrupt ni Precious. "'Yung titirahan po pala namin..."
"Apartment po ba o condo?" dugtong ni Sunshine. "Kasi okay na kami sa condo."
"Basta po may bathtub sana," sabi ni Precious sabay tingin sa kasama, mga kinikilig na para bang na-discuss na nila ang bagay na iyon.
"Ah eh..."
Nasira lang ang momentum ni Tony, at bago pa uli makapagsalita'y dumating sina Manong Gerry at Pvt Torres-na nagmaneho sa kanila tungo sa Oram. Si Gerry naman noong sinugod si Father Deng doon sa ospital. Galing sila sa lobby kung saan naroon ang coffee dispenser at ngayo'y tangan ang mga kape na nasa plastic cups. Dinistribute nila ang kape, tig-isa, at noon pa lang napilitang maupo ni Dr. Pontificano sa tabi ni Tony para uminom. Naupo rin sina Gerry at Torres habang hinihipan ang kape nila.
"Ah! Saka meron po ba nung aparador ng damit na parang kuwarto?" pahigop na si Sunshine nang pumasok sa isipan niya iyon.
"You mean, walk-in closet..." tukoy ni Dr. Pontificano habang marahang nag-sip.
"Yun ata 'yun!" ngiti ni Precious, sabay apir kay Sunshine.
Lalong nailang tuloy si Tony na i-disappoint ang dalawa. Pero, at last, nabitawan na rin niya ang gustong sabihin, at bumagsak ang mga mukha nina Precious at Sunshine nang malaman ang katotohanan.
"Hindi po kayo tunay na movie director?" malungkot na sabi ni Precious. "At si Mr. Tiglao ay hindi tunay na producer?"
Tumango si Tony at inamin na nagpunta talaga sila sa Callejon hindi para maghanap ng mga bagong talents, kundi'y para imbestigahan si Manuel at ang kulto niya. Na sila'y talagang mga P.I.
"P.I.?" pagtataka ni Sunshine. "As in, putang..."
"Private investigators," agad na sabi ni Dr. Pontificano. "Private detectives."
Sabay na napa-ahh sina Precious at Sunshine. Pero, obvious na disappointed pa rin. Nag-sorry si Tony at sinabi na kung gusto pa rin nilang sumama papuntang Maynila ay wala namang problema, na kung willing nga sila'y puwede silang magtrabaho sa kanyang kumpanya-ang Maverick Private Investigators at malay nila, makapagartista pa rin sila dahil may mga kliyente ang agency na nasa showbiz. Natuwa naman sina Precious at Sunshine. Game sila. Anila, okay na iyon kesa sa dati nilang trabaho bilang mga usherettes sa kulto ni Manuel.
"Speaking of Manuel," paglingon-lingon ni Dr. Pontificano. "Nasaan siya?"
"Kasabay nating bumaba 'di ba?" sabi ni Manong Gerry kay Pvt Torres.
"Lalabas daw siya, ma'm. Magpapahangin," sabi ng sundalo.
Napatango si Dr. Pontificano. Bukod sa pag-aalala kay Father Deng, concern din niya ang kalagayan ni Manuel. Bilang kanyang dating pasyente, na bagama't alam niyang napagaling na niya ito dati, ay nagkaroon siya ng bagong pagdududa. Nagkamali ba siya ng kanyang analisa sa pagkatao ni Manuel? Kung si Manuel ay hindi si Kristo tulad ng pagaakala nito noon, bakit siya nilapitan ni Cartaphilus in the first place?
Nabulabog ang katahimikan, nang biglang narinig nila na nagkakagulo ang mga nurses. At narinig ang pagbukas at sara ng pintuan ng ICU ward. Kinabahan sila. Sa hallway patungo ng ICU ward, ay ang kulay pulang ilaw. Nalaman nila na si Father Deng ay nagka-cardiac arrest.
Naluluhang napayakap si Dr. Pontificano kay Tony.
#
Callejon.
Sa kanyang mahabang career sa military, marami nang nakita't naranasan ang 56-year old na si Colonel Laxamana. Taong 1984, bilang isang batang tinyente pa lang ay naroon siya sa isang isla sa Mindoro para hanapin ang WWII Japanese straggler na si Kenji Nishina, ang kahuli-hulihang sundalong Hapon na sumuko sa gobyerno. Isang karanasan na hindi niya malilimutan. Matapos iyon ay nakipagbakbakan siya sa mga rebelde sa lahat ng dako ng bansa, napabilang sa mga hostage negotiations, mga disaster relief operations, at ilang mga covert military operations o Black Ops. At kamakailan lamang, bilang isang beteranong colonel, pinamunuan niya ang isang top secet operation na kailan man ay hindi niya inakalang mangyayari-close encounters sa mga UFO's sa kaso ng mass alien abduction sa bayan ng Callejon. At ngayon, sa kanyang muling pagbabalik sa sinumpaang bayan, hindi lamang mga aliens ang kanya ngayo'y nakakaharap.
"Tangina..."
Hindi makapaniwala si Colonel Laxamana sa nakikita ng kanyang mga mata.
Dimonyo. Sa ngalan ng Amang makapangyarihan sa lahat, mga tunay na dimonyo!
Isa...dalawa...tatlo...apat...apat na mga dimonyong itim na itim ang katawang parang grasa ang lumabas mula sa portal ng Stargate. Mga braso't daliri nila'y mas mahaba sa normal na tao, ganoon din ang kanilang mga binti na para bang sa kambing, katuwang ang dalawang sungay sa kanilang mga noo, ang tindig nila'y pakuba, sila'y may mahabang buntot na parang sa ahas, at ang kanilang mga mata'y kulay ng dugo.
"Do not fire! Wait for my command!" sigaw ni Colonel Laxamana sa kanyang mga sundalo-labing-dalawang mga kawal (sina Pvt Rosalia at Pvt Tuason ay bumalik ng resort/headquarters para magpagaling) na siyang mga naghukay sa Stargate ay pulos makikisig nguni't ngayo'y may mga expresyon na pagkalito't pagdududa. "Concentrate! Focus!"
Nagsitanguan ang mga sundalo at nilakasan kanilang mga loob.
"Sir, kung unahan na kaya natin," sabi ni Lt Esguerra hawak kanyang 9mm.
"Hold your fire," matigas na utos ni Laxamana sa kanya, pagkatapos ay tumingin kay Tiglao. "Pare, naalala mo 'yung hostage negotiation natin dati? Sa Cordillera?"
Napaisip si Tiglao, at napakamot sa puti niyang buhok. Mas matanda lamang siya ng isang taon kay Laxamana, at sa kanila'y mas matalas ang kanyang memorya. Hostage situation. Of course, naaalala niya. Isang insidente iyon noong early 2000s. Humingi noon ang military ng assistance sa PNP-AKG o Anti-Kidnapping Group at si Tiglao ang ipinadala. Noon sila nagkakilala ni Laxamana.
"'Yung hinostage na Dutch?" ani ni Tiglao.
"Parehong sitwasyon," sabi ni Colonel Laxamana.
Sabay na tumango ang dalawa.
"Si Jang-Mi, tito," concerned na sabi ni Pauline.
In-assure ni Tiglao sa dalaga na aware sila sa kalagayan ni Jang-Mi at ang kanyang kaligtasan ang kanilang top priority. Pagkasabi noo'y may sinenyas si Colonel Laxamana kay Lt. Esguerra, at ito nama'y pumito sa isang sundalo. Tumango ang sundalo at may tinanggal sa kanyang belt buckle at initsa kay Esguerra. Nang masalo'y kita ni Pauline kung ano iyon-aniya'y isang granada. Pinasa ni Esguerra iyon kay Tiglao na tinago sa loob ng kanyang jacket.
"Okay, dating gawi," sabi ni Tiglao.
"Good luck," sabi ni Laxamana.
Tumango si Tiglao pagkatapos ay humakbang patungo ng Stargate habang sinenyasan naman ni Laxamana ang mga sundalo na magsipaghanda. May mga sign languages sila na hindi naintindihan ni Pauline.
Nasa 50 feet ang layo nila sa Stargate, pero pakiramdam ni Tiglao ay parang milya ang nilakad niya. Ang oras ay parang bumagal na ang segundo'y parang naging minuto. Tumakbo sa isipan niyang mga ala-ala ng mga karanasan niya sa mga hostage situation. Ang pagkakaiba lang ay ang ka-deal niya ngayon ay mga nilalang na galing impiyerno. Straight-out-of-hell ikanga niya. Huminto ang may edarang P.I. mga ten feet mula sa paanan ng Stargate, ang mga dimonyo'y nagsipagtinginan sa kanya na para bang siya'y sinusuri.
"H-hello..." pagtaas ng kamay ni Tiglao.
Biglang nagsipag-ungol ang mga dimonyo at nilabas kanilang matatalas na mga ngipin mula sa bibig na naglalaway. Bahagyang napaatras si Tiglao, hindi sure kung iyon ba'y "hello" rin ng mga taga-impiyerno. Sa tingin niya'y hindi.
"Tiglao. Conrado Tiglao," turo ng P.I. sa kanyang sarili. "Sinong lider n'yo? Pinuno?"
Nagkatinginan ang mga dimonyo na parang hindi siya tanto. Napaisip tuloy si Tiglao na kung siya ba'y naiintindihan, kung ang mga hinayupak na mga dimonyo bang ito'y nagta-Tagalog.
"Lider," ulit niya. "Big boss. As in, Satan."
Nang marinig ang pangalan na iyo'y nag-react ang mga dimonyo, pero walang umaako sa kanila.
Mga tauhan lang ito, pag-isip ni Tiglao, at sa magkakaparehang anyo ng mga dimonyo, aniya'y mga sundalo lang, mga walang ranggo, ni hindi nga mga fallen angels tulad ng sa kanyang panaginip. Walang mga itim na pakpak. Hindi mukhang mga dating anghel. Ito'y mga minions lamang, wari niya. Maaaring mga scouts tulad ng sa military. Advanced party para sa paparating na main army.
Tinuro ni Tiglao si Jang-Mi, "Kasamahan namin siya. Kung maaari lang, pakawalan n'yo."
Tumingin ang dimonyong nakahawak kay Jang-Mi pagkatapos ay kay Tiglao, at ngumiti, pagkatapos ay hinigpitan pa niyang kapit sa balikat ng Koreanang psychic na tila nangungutya. Umungol si Jang-Mi sa sakit, ang kamay ng dimonyo'y mahapdi.
"Pakawalan n'yo ngayon din!" pagtaas ng boses ni Tiglao sa hope na masindak niyang mga katunggali. "At trespassing kayo! Bumalik kayo sa impiyernong pinanggalingan n'yo!"
Nguni't nagtawanan lang ang mga dimonyo.
Napakunot-noo si Tiglao, at mula sa loob ng kanyang jacket ay hinugot niyang tinagong granada at itinaas ng kanyang kamay. Nang makita iyo'y napahinto ang mga dimonyo't nagulat, na-threaten.
"Ah, ayun, alam n'yo naman pala kung ano ito. Ngayon, nagkakaintindihan na tayo," sabi ni Tiglao. "Pakawalan n'yo si Jang-Mi kundi'y pasasabugin ko ang Stargate na ito, nang sa ganon hindi na makakapasok ang iba n'yong mga kasamahan. Ang army n'yo. At 'pag nangyari 'yon, tiyak, yari kayo sa mga boss n'yo. Lalo na kay Satanas."
Napaindak ang mga dimonyo at nagkatinginan. Alam nilang tama si Tiglao.
Napangiti si Colonel Laxamana. Kita nilang nasindak ang mga dimonyo. Pero, si Pauline ay nabahala pagka't hindi niya inaasahan na iyon ang plano nina Laxamana't Tiglao, takot lang na kapag nangyari nga't pinasabog ang Stargate ay paano pa nila maibabalik ang kanyang amang si Andy?
"Sir..." nagaalalang tawag ni Pauline sa colonel.
"Alam ko, trust us," assure ni Laxamana.
Tumango ang dalaga. Napansin niya'ng mga sundalo na pumupuwesto papunta sa gilid ng Stargate at napatingin nang biglang umalingawngaw ang boses ni Tiglao sa madilim na gabi.
"Bibilang ako ng tatlo at pakakawalan n'yo si Jang-Mi!" sigaw ni Tiglao sa mga dimonyo habang hinawakan ang pin ng granada. "ISA!"
Si Jang-Mi nama'y nanlaking mga mata, ang takot niya sa dimonyo'y biglang lumipat sa hawak na granada ni Tiglao, at napatingin siya sa P.I. Tumango sa kanya si Tiglao, senyales na huwag siyang mabahala.
"DALAWA!"
Nagtinginan ang mga dimonyo sa isa't-isa't nagpalitan ng mga ungol. Nataranta sila.
"TAT-"
Biglang binitawan ng dimonyo ang kapit niya kay Jang-Mi.
"Jang-mi, go down, now," agad na sabi ni Tiglao sa Koreana, hindi binibitawan ang kapit sa granada.
Nagmamadaling bumaba si Jang-Mi mula sa platform.
"Go, go," senyas ni Tiglao sa kanyang likuran. Nang makita niyang nakarating na ang Koreana kina Laxamana'y hinarap niyang muli ang mga dimonyo.
Nakatingin ang apat na dimonyo sa kanya, mga pulang mata'y nanlilisik, mga bibig ay naglalaway sa galit. Handa na nilang atakihin si Tiglao kung wala lang itong hawak na granada at ang pangamba na sumabog ang Stargate. Dahan-dahang humakbang paatras ang P.I. hindi nawawala ang tingin sa kanila. At makailang hakbang, sa gulat ng mga dimono'y inalis niya ang pin. Nanlaking mga mata ng mga dimonyo.
Initsa ni Tiglao ang granada, sabay dapa sa lupa.
"COVER!" sigaw ni Colonel Laxamana.
At sa hudyat niya'y nagsipagiwas ng tingin ang mga sundalo. Si Esguerra'y pinayuko sina Pauline at Jang-Mi.
Nahulog ang granada sa gitna ng platform.
Bukod kina Pauline at Jang-Mi, ay alam ng lahat na iyon ay isa lamang Flash Grenade, kilala rin bilang Flashbang o Stun Grenade, at hindi tulad ng fragmentation grenade na pumapatay ng tao, ang purpose nito'y pansamantalang pagkabulag sa kalaban ng approximately 5 seconds sa pamamagitan ng malakas na flash ng ilaw.
At iyon nga ang nangyari sa mga dimonyo.
For 5 seconds.
Sapat na panahon para sumigaw si Colonel Laxamana ng:
"FIRE!"
#
BAGUIO.
Pababa ang kalsada at ang simento nito'y bitak-bitak na nagpaalala kay Jules ng mga cobblestone roads sa Italya. Nakaupo ang parapsychologist sa sidewalk, si Misty sa kanyang paanan. Tahimik ang lugar sa parteng ito ng Baguio City kung saan sarado na'ng mga establisyimento, at kailangan iyon ni Jules para makapag-isip, nguni't kung bakit ang pumapasok sa isipan niya'y cobblestones.
Magdadalawang taon na nang magpunta sila Roma sa Italya matapos ang kaso ng dalawang kambal na sinapian mismo ni Satanas, sa imbitasyon ng Sacerdo Institute, upang mag-talk si Father Markus bilang panauhin ng kanilang exorcism course. Tulad sa Baguio, maraming kalsadang taas-baba rin sa Roma kung saan namasyal sila ni Hannah habang busy si Father Markus sa piling ng mga bighaning pari. Alone moment nila ng psychic. Quiet moment. Well, not exactly, since panay tili ni Hannah tuwing mapupunta sila sa magagandang mga tourist spots na nare-recognize ng psychic sa mga libro, magazine at internet, at panay tanong ng kung anu-ano ukol doon na alam naman ni Jules ang mga kasagutan. History ng St. Peter's Square, ng Pantheon, Colloseum at Trevi Fountain. Advantages ng pagkakaroon ng photographic memory na sabi ng iba sa kanya'y isang gift.
Pero, para kay Jules, minsa'y pakiramdam niya'y isa pa nga itong curse.
Na-distract si Jules nang may dumaang kulay puti na van, at napatayo, at naupo ring muli sa bangketa nang makitang ang mga lulan nito'y grupo ng mga bakasyunista na pulos mga naka-sweater at beanies. Malamang papuntang Harrison Road, isip ni Jules, at tumingin sa kanyang relo at nakitang tumawid na sa hatinggabi ang kanyang paghihintay. Naramdaman niya ang lamig ng hanging Disyembre at napahimas sa manggas ng kanyang sweater. Kapuwa sila may hanging-lamig ni Misty sa kanilang mga bibig at ilong. Nakatingin sa kanya ang labrador na malungkot na dumapa sa simento.
"I know," buntong-hininga ni Jules. "Mahirap ang sitwasyon natin. Hindi ko nga sure kung paano natin sila matatalo."
Kumahol si Misty na tila may gustong sabihin. Na-gets ni Jules at hinugot mula sa kanyang bulsa ang Moonstone Spearhead.
"Ito?" pakita ni Jules, kanina'y natuwa siya na nakuha iyon ng Labrador, pero ngayon, hindi na siya sure. "Ito ngang problema, Misty," aniya sa aso. "Alam ng Trinity of Evil kung sino dapat ang i-possess. 'Yung mga malalakas at marunong ng mga spells, at si Hannah kinontrol din nila. Since ang pag-asa na lang natin talaga ay i-destroy ang banga, at ang makakagawa lang no'n ay 'yung makakagamit nitong artifact. Sa kamay ko, itong artifact ay useless."
Useless. Iyon din ang pakiramdam ni Jules sa kanyang sarili. Photographic Memory, naisip niya at siya'y natawa. Hindi lang pala curse, useless na ability din.
Malungkot na umungol si Misty.
Maya-maya'y natanaw nila ang headlights mula sa malayo. Tumayo si Jules na sinundan ni Misty at nakita nila ang kulay puti na van, isang Revo ang pababa ng kalsada. Ito na, wari ni Jules. Naka-imprenta sa gilid ng Revo ang Order of the Sacred Light Sisters Convent, at si Mother Superior pa mismo ang nagmamaneho, ang dibdib ng mataba at matangkad na madre'y dikit na sa manibela. Kumaway si Jules at binusinahan siya. Huminto ang Revo sa tapat niya, at dumungaw sa bintana ang punong madre. Sa loob, kasama niyang lahat ng kanyang mga madre na nagsisiksikan sa loob, nagliliwanag lang sa kulay puti ang pangkalahatan.
"Sorry, Jules," sabi ni Mother Superior at sinenyas ang van at kanyang mga madre. "Na-flatan pa kami. Paano naman, malambot na pala ang goma eh hindi naman pinapahanginan ng mga ito!"
May ilang mga madre ang nagbulungan sa bandang likuran, at nagngitian pa. Sa isipan nila'y ang punong madre ang talagang dahilan kung ba't sila na-flatan.
"Okay lang, Mother Superior," sabi ni Jules.
"O, sakay na."
Nag-save sila ng puwesto sa passenger side at doon sumiksik sina Jules at Misty, katabi ng isa pang madre, at ni Mother Superior na nagmamaneho.
"Anong plano mo?" tanong niya kay Jules.
"Sasabihin ko on the way."
Tumingin si Mother Superior sa rear view mirror at in-annouce, "O makinig kayong lahat!" to which, nagsipagtahimik ang mga sakay para pakinggan si Jules, mga biglang kinabahan sa magaganap pagka't alam nila full well, na kung nasaan ang banga, ay naroon din ang mga dimonyo.
#
Callejon.
"FIRE!"
Umalingawngaw ang putok ng mga baril sa payapang gabi. Ang apat na mga dimonyo na pansamantalang nabulag dahil sa flash grenade, ay pinagbabaril ng mga sundalo. Sa una, laban sa 9mm na mga pistol, nagagawa pang ma-absorb ng mga dimonyo ang bala sa kanilang mga katawan, nguni't nang ratratin na sila ng M-16 armalite ay sila'y nagsipagtumbahan, ang isa sa kanila ay tumalsik pa mula sa platform at bumagsak sa lupa. Nang sumigaw ng ceasefire si Colonel Laxamana'y nakita nilang nakabulagta na ang apat na mga dimonyo. Napatay na nila.
Walang makapagsalita. Saka pa lamang nanginig ang kamay ng mga sundalo matapos nilang magpaputok. Tumayo si Tiglao mula sa pagkakadapa sa lupa't nagpagpag ng sarili, habang tinanggal naman nina Pauline at Jang-Mi ang mga kamay nila na ipinantakip sa tenga at naginhawaan sa katahimikan. Ang naririnig lang nila'y mga hininga ng nasa paligid, at ang parang tunog ng elektrisidad ng energy field ng portal-nagliliwanag at buhay na buhay.
"Patay na ba? Patay na ba?" pag-break ng silence ng isang sundalo.
"Siguraduhin nating hindi na humihinga," sabi naman ng isa.
Sumenyas si Colonel Laxamana ng kanyang ulo at si Lt. Esguerra at dalawang sundalo ay marahang lumapit sa Stargate upang tignan ang mga bangkay. Tatlo sa mga dimonyo'y nasa taas ng platform, ang isa'y nakabagsak sa lupa sa kabilang gilid nito. Alam naman ng mga sundalo na napuruhan nila, na wala namang makaka-survive sa pinaulan nilang mga bala, pero hindi pa rin maalis sa pakiramdam nila na kailangan nilang makasiguro, kaya't nakatutok pa rin ang kanilang mga baril.
Nang makalapit sina Esguerra't dalawang sundalo, ang unang napansin nila ay:
"Sir! Kulay itim ang dugo!" sabi ng sundalo.
Kasing-itim ng kanilang mala-grasang mga katawan ay ganoon rin ang kulay ng dugo ng mga dimonyo. Napatakip ng mga ilong sila Esguerra pagka't may amoy ang dugo na kakaiba at nakakasuka.
"O, 'wag mong hawakan!" sigaw ng tinyente sa sundalo na gusto sanang hawakan ang dugo.
"Esguerra!" sigaw ni Colonel Laxamana mula sa likuran.
Lumingon ang tinyente at tumango.
Nang lumapit sina Colonel Laxamana at Tiglao ay nagsipaglapitan na rin ang ibang mga sundalo, pati sina Jang-Mi at Pauline, at tulad ng mga nauna'y agad na napansin ang kakaibang dugo. Parang grasa, sabi ng ilan, putik ang tingin naman ng iba.
"Are they all dead?" tanong ni Jang-Mi.
Gamit ang barrel ng kanilang mga armalite ay tinukod iyon ng mga sundalo sa katawan ng mga dimonyo, pagkatapos ay sinipa pa nila ng kanilang mga bota, at nakita nilang hindi na nga gumagalaw ang mga ito.
"Mas dead pa ito sa dead!" bulalas ng isang sundalo.
Nang marinig iyon ay nagbunyi ang kanyang mga kasamahan. Hindi lamang pagkamangha sa kakaibang nature ng dugo't bangkay ng kanilang kalaban, ay nakaramdam sila ng pagkamangha na kaya pala nilang patayin ang mga ito. Na kaya nilang pumatay ng mga dimonyo. Ang takot nila kanina'y napalitan ng kasiyahan at ang feeling ng pagiging invincible.
"Bala lang pala ang katapat," sabi ni Lt Esguerra.
"Good job, men!" hayag ni Colonel Laxamana sa lahat at sila'y nagsigawan sa saya.
Maliban kay Tiglao.
Hindi siya kumbinsido na ganoon na lang.
Pinuntahan ng P.I. ang bangkay ng dimonyo na nahulog sa platform, sa may kabilang gilid na malayo sa iba. Ito ang dimonyo na siyang bumihag kay Jang-Mi. Lumuhod siya sa isang tuhod sa tapat nito. Hindi ito ang unang pagkakataon na makakita si Tiglao ng bangkay na hindi tao, na hindi mula sa mundo, at kanyang naalala ang naghingalong anghel sa kanyang panaginip. Napapatay sila, alam niya iyon, pero ng kanilang kapuwa supernatural beings, ng kanilang supernatural weapons. Pero, ng bala?
Pero heto, ang dimonyo sa kanyang harapan ay patay na nga. Gamit ang flashlight ng kanyang cellphone ay inilawan ni Tiglao ang bangkay ng dimonyo, at nakitang ang mga mata nitong kulay itim rin ay mulat pero wala ng buhay.
Sa kanyang likuran, naging abala na ang iba na kunan ng mga litrato ang mga patay na dimonyo na nasa platform, ang mga sundalo'y pinagbababa ang kanilang mga armas para makapag-selfie at group picture, at kanya-kanyang congratulate sa isa't-isa. Sina Jang-Mi at Pauline ay masaya rin at nakiki-picture, relieved din na ngayon ay masusubukan na muli nilang kontakin si Andy.
Narinig ni Tiglao na tinatawag siya at siya'y tatayo na sana nang siya'y may mapansin.
Hindi sinasadya'y nailawan niya ang patak ng dugo na nasa lupa.
At namalik-mata lang ba siya? Pagka't parang iyon ay gumalaw.
Tinutok niya ang flashlight ng cellphone sa dugo.
At nanlaking mga mata niya.
Ang dugo nga'y gumagalaw. Mabagal sa umpisa, at pabilis nang pabilis.
At gumapang ito palapit sa isa pang patak ng dugo at sila'y nagsanib.
Hindi makapaniwala si Tiglao. Sinundan niya ng flashlight ang dugo at nagulat na makita na ang mga dugo sa paligid ay nagsisipaggalawan, nagsisipagsanib sa isa't-isa at nagsisipaggapangan.
Pabalik sa bangkay ng dimonyo.
Tinutok ni Tiglao ang flashlight roon at nanlaking kanyang mga mata.
Ang mga dugo'y nagpapasukan muli sa loob ng mga sugat ng dimonyo, tila sinisipsip sila pabalik. At ang mga sugat ay unti-unting nagsasara.
At nang itutok ni Tiglao ang flashlight ng cellphone sa mukha ng dimonyo'y...
...ang mga mata nito'y gumalaw.
Agad na napatayo si Tiglao.
At tumakbo tungo sa kanyang mga kasamahan, "B-buhay! Buhay pa!" kanyang sigaw.
Hindi agad siya napansin, o narinig kung anuman ang sinigaw niya.
"Pare, ano 'yon?" tanong ni Colonel Laxamana. Nakatingin din sina Jang-Mi at Pauline na nagtataka.
"BUHAY PA SILA!" paghawak ni Tiglao sa balikat ng colonel.
Ngayo'y napatingin na rin ang iba. Si Lt Esguerra, gayon din ang mga sundalo, pati na ang sundalo na nakasandal pa sa bangkay ng dimonyo na nasa platform habang siya'y kinukunan ng litrato ng kanyang mga kasamahan. Sa saya nila'y hindi nila napansin ang paggapang ng mga dugo sa dilim.
"Anong buhay pa?" gulat na sabi ni Colonel Laxamana.
"Lumayo kayo!" lingon ni Tiglao sa mga sundalo na nasa platform.
Nguni't huli na.
Biglang dumilat ang mga dimonyo at sa isang mabilis na paggalaw, ay hinawakan ng dimonyo ang ulo ng sundalo na nakasandal sa kanya, at kanya itong hinugot mula sa kanyang katawan. Tumalsik ang dugo't napunta sa mga mata ng kanyang mga kasama, at napangiti ang dimonyo pagka't sila naman ang nabulag. Bumangon ang dalawa pang mga dimonyo na nasa platform at tumalon pababa at tig-isang sinunggaban ang sundalo na may dugo sa mukha't hindi makakita at kanilang biniyak ang mga katawan nito. Umagos ang mga laman-loob sa lupa.
Napanganga ang iba sa nakita. Mga dinapuan ng takot na hindi sila agad makagalaw. Tinignan nilang mga kamay nila at nakitang wala silang hawak na mga armas kundi'y mga cellphone. Ang kanilang mga baril, armalite at 9mm pistol ay magkakasamang nakapatong sa lupa sa may kalayuan.
At dalawa pang mga sundalo ang sinunggaban ng mga dimonyo.
At hinugot kanilang mga puso mula sa kanilang dibdib.
Si Lt Esguerra na nasa holster kanyang baril ang nagawang magpaputok. At tinamaan niya ang isang dimonyo na napaatras. Ang ibang mga sundalo'y nagkandarapa na tumakbo tungo sa kanilang mga armas habang hinarap ni Esguerra ang mga dimonyo't pinagbabaril.
Nguni't ngayo'y mabibilis nang gumalaw ang mga dimonyo at mas mautak na. Dalawa sa mga dimonyo ang nagawang masunggab ang dalawa pang sundalo na ginawa nilang shield. By now, kasama na nila ang dimonyo na tinignan ni Tiglao at apat silang pasugod.
Napaatras sina Colonel Laxamana, Tiglao, Jang-Mi at Pauline. Ganoon din sina Lt Esguerra at limang sundalong armado. Hawak ng dalawang dimonyo ang dalawang sundalo sa leeg na ipinantatapat nila sa kanila, habang paabante ng lakad.
"Retreat! Sa bahay!" turo ni Colonel Laxamana.
"Go! GO!" sigaw ni Lt Esguerra habang nagsipagpasukan ng bahay sina Colonel Laxamana, Tiglao, Jang-Mi at Pauline. "Kayo! Go!" sigaw pa ng tinyente sa ibang mga sundalo. Dalawa ang nauna na, habang tatlo ang natira sa kanyang tabi.
Paatras sila Lt Esguerra habang paabante ang mga dimonyo.
Nasa isipan na ng tinyente na once malapit na sila sa bahay ay barilin ang dalawang kapuwa sundalo nang sa gayon ay ma-spare sila sa kahindik-hindik na kamatayan, pero nang magkatinginan sila ng mga ito'y nakita niya sa kanilang mga mata na alam din nilang sila'y as-good-as-dead. Sumenyas sa mga mata ang dalawang sundalo at nakita nila Esguerra at kasama niyang tatlong sundalo na hawak ng mga ito ang granada na nakasukbit sa kanilang mga belt.
This time, hindi ito mga flash grenade.
"Sir, pakisabi sa mga pamilya namin na mahal namin sila," sabi ng dalawang sundalong hawak sa leeg ng mga dimonyo, at humugot ng natitirang tapang. "Sa asawa ko't mga anak..."
Tumango si Lt Esguerra at sumaludo sa kanila, tapos ay sumigaw.
"Go! GO!
Nagsipagtakbuhan sina Esguerra at tatlong mga sundalo tungo ng bahay sa pagtataka ng mga dimonyo.
At ang mga huli nilang narinig ay ang sigaw ng dalawang sundalo na bihag ng mga dimonyo: Mabuhay ang Philippine Army! Mabuhay ang Pilipinas!
Pagkatapos ay ang pagsabog.
NEXT CHAPTER: "Demons in the Dark"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top