Chapter 4: Friendly Stranger
"Conrado?"
"C.R. lang ako. Matulog ka na uli."
Tuwing madaling-araw ay babangon ang 57-anyos na si Conrado Tiglao para umihi gawa ng kanyang body clock. Patay ang ilaw sa kuwarto at gamit ang paa'y kinapa niyang mga tsinelas sa sahig at nang maisuot ay dumiretso sa banyo. Mula roon ay nagpunta siya'ng kusina para maghanap ng makakain sa ref. Nakita niyang dalawang slice ng pizza na tira noong meryenda nila ng asawang si Rose.
"Ayos..." kanyang sabi habang naupo sa kusina.
Hindi siya nagmamadaling kumain. Kapag bumalik agad siya sa kama'y maantala lang niya ang pagtulog muli ng kanyang asawa. Bukod doon ay gusto niyang namnamin ang katahimikan ng gabi na noo'y hindi niya nagagawa, noong nakatira pa sa bahay ang bunso niyang anak na si Aaron na magdamag sa internet. Nami-miss niya ang anak kahit na alam niyang hindi siya nami-miss nito. Iniisip niyang sana'y naging close sila, nguni't sobrang nalulong siya sa trabaho. Si Tiglao ay dating senior inspector sa Anti-Kidnapping Group o AKG ng PNP at naging obsession ng malaking parte ng kanyang buhay ang malutas ang mga kidnapping cases at maibalik ang mga nawawala sa kanilang mga pamilya. So much so na ang sarili niyang pamilya, partikular si Aaron ay nakaligtaan na niya.
Malamig na ang pizza pero malasa pa rin. Nagsalin siya ng tubig sa pitsel at uminom.
Inakala niya na matapos niyang magretiro ay makakapagbonding na sila ng anak, nguni't nang magkatrabaho, ay naisipan ni Aaron na magsarili. Marahil sinadya rin iyon ni Aaron, patunay ng kanyang sama ng loob. Ngayon ay huli na ang lahat, at dumating na sa punto, finally, na sa bahay nila kung saan lumaki ang tatlong mga anak nilang lalaki ay ngayon ang natira na lamang ay ang mga magulang.
"Conrado...matulog ka na..." dinig niyang tawag ng kanyang asawa.
"Ubusin ko lang itong pizza!" balik niya.
"Masama 'yang kumakain sa gabi. Ang blood pressure mo..."
"Matulog ka na kasi, huwag mo na akong antayin," matigas niyang sabi, pero may lambing.
Kaya rin tanggap niyang pagreretiro ay dahil sa puso niya. Hirap na siya sa demanding na trabaho. Ang malimit na paglalakbay, kadalasan on the road, lalo na ang matinding pressure ng pakikipagnegosasyon sa buhay ng mga nakidnap. Kaya't nang magretiro ay ramdam talaga niya na nabunutan siya ng tinik, nguni't matapos ang isang taon na pagpapahinga ay nagkaroon siya ng bagong obssession—at ito'y alamin ang nangyari sa matalik niyang kaibigan na si Andy Madrid, ang beteranong private investigator na katulong niyang lumutas sa huli niyang major na kaso—ang kidnapping ng isang school bus lulan ang walong mga elementary na mag-aaral ng isang doomsday cult. Sensational ang kaso at ginawan pa ng TV mini-series na pinamagatang Little Lambs.
Iyon ang huling beses na nakita't nakausap niya si Andy bago nagpunta ang P.I. sa bayan ng Callejon para imbestigahan ang pagkawala ng limang daang katao na hinihinalaang in-abduct ng aliens. Si Andy umano'y in-abduct din ng mga aliens at hindi na nakitang muli.
Iyon ay ayon sa secret report ng military na nakuha niya. Noo'y hindi siya naniniwala sa aliens at sa mga bagay na konektado sa aliens hanggang sa mabasa niya ang report. Hindi niya mapagkakaila ang mga testimonya ng mga mamamayan ng Callejon, ng mga sundalo, ng mga high-ranking officials, at lalo na ni Andy na may mga testimonials din. Na ang nasabing alien abduction ay imposibleng isang mass hysteria lamang.
Naubos ni Tiglao ang pizza at maingat na nag-sneak-in sa madilim na kuwarto, hinubad ang kanyang mga tsinelas at dahan-dahang nahiga sa kama.
"Gising pa ako..." sabi ni Rose.
"Sabi ko matulog ka na eh," iling ni Tiglao.
"Conrado naman, alam mo namang hindi ako nakakatulog kapag wala ka sa tabi ko," pagakap ng kanyang asawa.
Napangiti si Tiglao at pinatong ang mga braso sa asawa.
"Masyado kang nagaalala kasi sa akin."
"At bakit naman hindi? Nagretiro ka na tapos bumalik ka uli sa pagtatrabaho. Isang araw, aatakihin ka na lang sa puso at mabubuwal kung saan."
Hindi nakasagot si Tiglao dahil tutoo iyon. Upang matulungan niyang malutas ang pagkawala ni Andy ay pumasok siya sa trabaho na konektado sa kanyang paghahanap. Tutol una si Rose, pero nakumbinse niya na mas mabuti iyon kaysa sa nakatunganga lang siya sa bahay at nagaantay ng kasagutan. Utang na loob din niya kay Andy na at least, nag-try siya na hanapin ang kaibigan.
Naramdaman niya na unti-unting dumulas ang pagkakaakap sa kanya ng asawa. Tanda na nakatulog na ito. Pumikit si Tiglao at nangarap na makitang muli ang kanyang kaibigan.
***
10:20AM. Kinabukasan.
Ang maganda sa bagong trabaho ni Tiglao ay hawak niyang kanyang oras. Naintindihan naman ng kanyang partner sa opisina ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Sa oras na nasa loob na ng mga opisina ang karamihang nagtatrabaho sa area ng Roxas Boulevard sa Maynila, ay parating pa lang si Tiglao sa kanyang office building.
Pinarada niyang 2012 Toyota Corolla sa reserved spot sa basement at dala ang maliit na leather suitcase at ang metal canteen na baong handa ni Rose ay sumakay siya sa elevator tungo ng 9th floor kung saan naroon ang kanyang opisina, si Tiglao, retired senior inspector ng AKG-PNP ay ngayo'y isa ng private investigator sa Maverick Private Investigators, Inc.
"Good morning!" masaya niyang pasok sa loob. Excited lang siya pagka't ang binaon ni Rose ay ang paborito niyang kare-kare at sabik na siyang mananghalian.
"G-good morning, boss," bati ni Marissa, ang 44-anyos na sekretarya na isang matandang dalaga. "Boss, ah, eh..."
Hinubad ni Marissa kanyang antipara, may gusto siyang sabihin pero mabilis na naglakad si Tiglao tungo ng pantry para magtimpla ng kape, nakaugalian na niya ito at hindi na ipinauubaya kay Vic, ang all-purpose nilang errand boy at messenger na taga-timpla ng kape, taga-xerox at taga-masahe pa kung kinakailangan. Although nag-hire na rin sila ng isa pang tao para tulungan si Vic, isang 18-anyos na mahiyaing babaeng nagngangalang Nina.
"Good morning, Nina!" bati ni Tiglao sa nagxe-xerox na empleyado. "Si Vic?"
"Good morning, sir," ngiti ni Nina pabalik. "May binibili lang po si Vic sa labas."
"Ah eh, boss!" habol pa ni Marissa mula sa kanyang mesa, tila hindi na makapaghintay sabihin ang kanyang dapat sabihin.
"Si Tony ba nand'yan na?" tanong ni Tiglao habang nilalagyan ng hot water ang mug niya mula sa water dispenser. Si Tony ang kumuha kay Tiglao para maging bagong partner kapalit ni Andy sa Maverick P.I., at isa ring ex-PNP bagama't mas bata sa kanila ng ilang taon. Matagal nang magkakakilala ang tatlo.
Hindi agad nakasagot si Nina pagka't nag-jam ang xerox machine.
"Ah, boss...boss..." tawag pa rin ni Marissa mula sa kanyang mesa.
Dati rati'y alam na agad kung nandyan si Tony dahil isang malaking open space lang ang opisina pero ngayo'y may divider na ang magkabilang cubicle nina Tiglao at Tony. Nilagay nila'ng mga divider para magkaroon ng privacy between P.I. and client, kung kaya't pagpasok ni Tiglao ay hindi niya kita kung naroon na nga si Tony.
"Nandito na ko, pare..." sabi ng boses. Si Tony.
Distinct ang malalim na boses ni Tony na may katangkarang tao at maskulado ang pangangatawan. Na kahit nakapikit ka'y alam mong siya iyon.
"Pare, may gusto akong pagusapan sa 'yo..." pagharap ni Tiglao habang tumikim ng kanyang kape.
Siryoso ang mukha ni Tony, hindi karaniwan ito sa umaga, kaya't naramdaman agad ni Tiglao na may problema, lalo na't siryoso ring nakatingin si Marissa habang ang walang muang na Nina'y busy na hinahatak ang naipit na papel sa xerox machine. At nakita ni Tiglao sa frosted na salamin ng divider ni Tony na may bisita siya, obvious na isang kliyente. Obvious na isang babae.
At tumayo ang babae't lumabas ng cubicle at nang makita ni Tiglao ay nanlambot ang mga tuhod niya.
"P...Pauline!" sabi ni Tiglao, nanlalaking mga mata.
May hitsura ang 19-anyos na dalaga. Shoulder-length ang buhok at simple ang make-up, pati ang pananamit na bagama't simple rin ay halatang branded. Naka-salamin siya at hindi mapagkakailang may mataas na pinagaralan, matalino, may talinhaga sa kilos at galaw.
"Tito..." sabi ni Pauline.
Nilapag ni Tiglao ang kape sa taas ng xerox machine bago pa niya mabitawan ito at mabagal na humakbang papalapit. Hindi sure sa susunod na sasabihin, hindi sure sa ipapakitang emosyon. Napatingin siya kay Tony at tulad niya siya rin ay napako sa iisang facial expression, at ito ay ang pagkagulat. Noong huling makita ni Tiglao si Pauline ay high school pa lamang ito.
Si Pauline, ang estranged daughter ng kaibigan niyang si Andy.
Bumeso sa kanya si Pauline at dahil doon ay medyo na-relax si Tiglao. Alam nila ni Tony ang history ni Andy sa kanyang anak, alam nila kung gaano dinamdam ni Andy ang pagkawala ni Pauline sa kanyang buhay.
At ngayon, naririto si Pauline.
Kung kailan wala na si Andy.
***
Nang bumalik si Vic ay dala niyang dalawang kahon ng donuts at mga Starbucks coffee. Pinabili iyon ni Tony dahil naririyan si Pauline. Kahit na hindi iyon ni-request ng dalaga'y naisip niyang nararapat lamang na masarap ang kanilang iniinom dahil ang pagkikitang ito'y espesyal.
"K-kumusta ang mommy mo? Kumusta si Carol?" tanong ni Tiglao.
Naupo sila sa maliit na bilog na mesa sa pantry na may dalawang purpose: kainan at waiting area ng mga bisita. Nakaupo sa magkabila ni Pauline sina Tiglao at Tony. Sina Marissa, Vic at Nina ay nage-enjoy din sa biglaang biyayang mga donut, at curious na nakikinig sa usapan.
"Mabuti naman po si mommy," sagot ni Pauline hawak ang Starbucks coffee. "Nagkita kami last nung graduation ni Troy."
"Oh, that's good," sabi ni Tony. "Graduate na pala si Troy.
Si Carol ang ex-wife ni Andy at ina ni Pauline at may iba ng pamilya, asawa at teenager na anak.
May awkward silence as though naubusan sila ng topic at awkwardly rin ay napasabay-sabay ng higop ng kape. Tahimik maliban sa ugong ng xerox machine na gamit ni Nina. Nilagay ni Marissa ang mga telepono sa mute.
"Alam ko pong iniisip n'yo kung bakit ako nandito..." pagbreak ng silence ni Pauline.
Nagkatinginan sina Tiglao at Tony. Iyon ang kanina pa nilang gustong itanong nguni't hindi nila magawa. Tense na napahawak si Marissa sa armrest ng upuan niya.
"Alam n'yo po, na-gi-guilty ako..." sabi ni Pauline, halos nakayuko at hawak ng dalawang kamay ang Starbucks at nang muling nagsalita'y nag-crack nang boses niya. "Malaki rin ang fault ko sa nangyari sa amin ni daddy..."
Nagkatinginan muli sina Tiglao at Tony.
"Alam mo naman na mahal na mahal ka ng daddy mo..." sabi ni Tony. "Wala siyang bukang bibig kundi "si Pauline ganito," si "Pauline ganon..."
Tumango si Pauline.
"Mas mahal ka pa, iha, ng daddy mo, kesa sa sarili niyang buhay," hirit ni Marissa.
Nang marinig iyon ay naluha si Pauline. Sumenyas si Tony ng "tissue." Iaabot sana ni Vic ay tissue na kasama ng mga donut, pero inis na sinaway siya ni Marissa at instead, inabot ang box niya ng tissue. Nagpahid ng luha si Pauline.
"A-alam ko pong sobrang mahal ako ng daddy kahit na nagkagalit kami," sabi ni Pauline habang nagpupunas ng ilong. "'Yun din pong sinabi ni Colonel."
Muling nagkatinginan sina Tiglao at Tony.
"Colonel Laxamana?" banggit ni Tony.
"Si Greg?" paglaki ng mata ni Tiglao.
Tumango si Pauline at kinuwentong nagkaroon ng inquiry sa pagkawala ni Andy. Na sila ni Carol at stepfather niyang si George ay inimbitahan sa Camp Aguinaldo para ipaalam ang nangyari kay Andy. Kasama sa nakausap nilang panel ng mga military officials ay isang Colonel Greg Laxamana na nagpakilalang dating classmate ni Andy at siyang nag-hire sa P.I. na magtungo sa Callejon para sa isang top secret na mission. Na nang sila lang daw dalawa ng Colonel ay sinabi sa kanya ang last words ni Andy bago siya kunin ng mga aliens ay:
"Greg, pasabi kay Pauline. Siya ang pinakamahalagang bagay para sa akin sa mundong ito. She meant all the world to me."
Naiiyak at paputol-putol na sinabi iyon ni Pauline sa kanila, ang puso niya'y tila nabibiyak. Si Marissa'y hindi napigilang maiyak din at binuksan ang kanyang drawer para magbukas ng bagong kahon ng tissue. Si Vic ay nag-excuse me pa para tumakbo sa CR.
Hinayaan muna nilang mag-subside ang luha ni Pauline at inabutan ng tubig.
"Hindi po kami makapaniwala," sabi ni Pauline pagkainom. "I mean, aliens?"
Tumingin si Pauline sa dalawang P.I. as if naghahanap ng confirmation na isang kababalaghan ang tungkol sa aliens. Pero ang tingin na ibinigay sa kanya'y taliwas.
"N-nabasa ko ang report, Pauline," sabi ni Tiglao. "Si Colonel Laxamana mismo ang nagbigay sa akin..."
At sinabi ni Tiglao na mahirap man paniwalaan, pero wala nang ibang dahilan sa misteryo ng pagkawala ni Andy, kundi ang nasa report. Agree rin si Tony. Nabasa rin niya ang report.
"You're smart, Pauline," sabi ni Tony. "Kung mas may naniniwala na may mga aliens, na hindi tayo nag-iisa sa universe, ay kayong mga bagong generation."
"Ang alam ko lang na alien, eh 'yung "alien!" patawang hirit ni Vic na kakagaling lang sa CR at ginaya pang gesture ni Brod Pete. Napailing si Marissa. Na-lighten naman ang mood.
At sa wakas, natapos na rin sa pagxe-xerox si Nina.
"'Yun lang ba ang dahilan kung bakit ka nandito, Pauline?" tanong ni Tony at nang humigop siya ng kape'y nalasahan niyang malamig na pala iyon.
"L-let's say na in-abduct po si daddy ng aliens," umpisa ni Pauline, ngayo'y siryoso na at may purpose. "It doesn't mean na wala na siya. Marami rin sa mga alien abductees ang nakakabalik uli."
"'Yan din ang paniniwala ko," sabi ni Tiglao.
"So, naniniwala po kayo na buhay pa si daddy?" mulat na sabi ni Pauline.
"A-alam kong buhay pa si pare, nararamdaman ko sa puso ko..."
"Y-yes, we all do," tango ni Tony.
"Kami rin," sabi nina Marissa at Vic.
Tumingin sa kanila si Pauline na may pagtataka.
"I mean, hindi lang philosopically," aniya.
Nagkatinginan ang iba.
Patuloy ni Pauline:
"I think, may mas concrete evidence ako na buhay pa ang daddy...well...I think..."
Gulat sina Tiglao at Tony at tinanong nila si Pauline kung bakit. Sinabi ng dalaga na nakatanggap siya ng message sa facebook mula sa nagpakilala lamang na "Friendly Stranger."
"Friendly Stranger?" kunot-noo ni Tony.
"Roleplaying account po siguro..." sabi ni Nina na nagi-stapler ng mga papel na nasa taas ng xerox machine.
"Anong sabi sa message?" tanong ni Tiglao.
"Sabi niya buhay daw si daddy at nami-miss niya ako," sabi ni Pauline. "Na wala daw si daddy dito sa mundo kundi nasa ibang planeta, at na someday magbabalik daw siya. May mga sinabi pa siya na mga bagay na kami lang ni daddy ang nakakaalam."
"Wow!" hindi napigilang bulalas ni Marissa. "Paano niya nalaman yun? Ano siya manghuhula?"
Hindi natinag si Pauline.
"Yes, sabi niya isa siyang psychic."
Napatayo na si Tiglao at nagtungo sa cubicle niya habang si Tony ay napaisip.
"Baka 'yung kasama nilang psychic sa Callejon," aniya. "Nabanggit sa akin ni Greg na may kasama silang psychic na babae. Korean pa nga ata. Nakalimutan ko lang ang pangalan."
"Siguro, boss, tawagan natin si Colonel Laxamana," suggest ni Marissa.
"Yes, ngayon din!"
Mabilis na bumalik sa kanyang mesa si Marissa at agad na hinanap ang numero ni Colonel Laxamana. Tumingin si Tony sa wall clock at nakitang palapit na ang lunch at inutusan si Vic na umorder ng take out. Mabilis na hinanap ng messenger ang mga menu flyer, excited lang pagka't bibihirang dalawang beses sila na makakalibre ng pagkain.
"Busy ang number ni Colonel!" sabi ni Marissa.
"Try mo ulit mamaya," sabi ni Tony. "Pag 'di makontak, pupuntahan natin mismo sa Aguinaldo."
"May isa pa akong gustong puntahan, Tony," sabi ni Tiglao na bumalik mula sa kanyang cubicle dala ang mga diyaryo na kanyang nilapag sa mesa.
Nang tignan nila'y mga diyaryo pa ito last year at ang mga headlines ay:
BELFRY TOWER NG MANILA CATHEDRAL GUMUHO.
MAHIWAGANG MGA ILAW SA BELFRY TOWER NG MANILA CATHEDRAL, ISANG PALAISIPAN.
GUMUHONG TOWER SA MANILA CATHEDRAL, ISANG PARI ANG NASAWI.
"I remember this," tingin ni Pauline. "'Yung malakas na lindol December last year."
"Tingin ko may koneksyon ito sa nangyari sa Callejon, sa alien abduction," sabi ni Tiglao at tinuro ang litrato ng mahiwagang ulap at beam of light sa itaas ng belfry tower.
"Aliens?" tingin ni Tony.
"What else, pare?" sabi ni Tiglao. "At 'yung namatay na pari, hindi nabanggit sa diyaryo, pero nakuha ko ang pangalan niya. Tingin ko in-abduct din siya ng aliens."
"Anong pangalan nung pari?"
"Markus. Father Markus."
Napanganga sina Tony, Marissa at Vic, at sabay-sabay na sinabi:
"Kilala namin siya."
NEXT CHAPTER: "Expect the Unexpected"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top