Chapter 38: Nyx Blessing
"Ako lang ba? O parang dumidilim ang bahay?" pansin ni Jules.
Bukas na ang mga ilaw, pati na ang apoy sa fireplace pero ang loob ng bahay ay kataka-takang may kadiliman. Hindi naman pundi ang mga bumbilya at LED lights pero ang liwanag nila'y tila ba kinukulob, na tila pinipigilang kumalat. Nasa loob sila ng kusina na naghahapunan at pinaguusapan ang gagawing ritual—ang pag-cast ng spell para palakasin ang artifact na spearhead ni Father Paul.
"Ina-absorb ng dimension ng banga ang ilaw," sabi ni Sam habang pumasok ng kusina galing ng sala. "Mahina na ang mga protective spells na nilagay namin ni 'La. Ganon din 'yung protection na nilagay ni Father Markus."
Sa mesa sa tapat ni Lola Edna, nilapag ni Sam ang isang hugis bilog na bato na kulay puti. Smooth ito, at may sheen. Ang laki'y sukat sa palad ng tao.
"Ano 'yan?" tingin ni Hannah.
"Moonstone," sagot ni Sam.
"Kala ko panghilod ni 'La," tawa ni Hannah habang uminom ng iced tea.
Ang dinner nila'y tasty bread at french bread na pinalamanan nila ng piniritong Spam, strawberry at blueberry jams. Wala na silang oras para makapagluto pa ng ulam. Wala na rin silang oras sa mga jokes.
"Chill! Gusto ko lang i-lighten ang mood noh!" sabi ni Hannah at tumingin sa paligid. "Although padilim nga nang padilim."
"Sorry, Hannah," sabi ni Father Paul. "Mukhang padelikado rin nang padelikado ang sitwasyon natin kasi."
Iisa lang ang ibig sabihin nang banggitin ni Sam ang ukol sa ilaw—na sakop na ng Trinity of Evil—sina Asmodeus, Belial at Mephistopheles ang dimension ng banga at nanganganib nang sakupin ng dilim nito ang buong bahay. Kung hindi nila mapipigilan ito, maaaring kumalat pa ang panganib sa buong Baguio, tulad nang nangyayari sa Manila Cathedral. Nakasalalay ang lahat sa gagawin nilang ritual.
"Para saan ang Moonstone, 'La?" tanong ni Hannah.
"Ang Moonstone ay isang gemstone na ginagamit para i-harness ang kapangyarihan ng buwan," sabi ni Lola Edna habang hawak iyon sa kanyang kamay at nakatingin ang lahat. "May mga taong naniniwala pa nga na ito'y gawa mismo sa sinag ng buwan na nag-hugis bato."
"'Di nga?" gulat na react ni Hannah. "Gawa sa moonrays?"
Tumango si Lola Edna, "Oo, at mga luko-luko 'yon! Sinong sinto-sinto ang maniniwala na ang sinag ng buwan ay magiging bato? Kasama na 'yung mga tingin nila'y puwede itong panghilod."
Napataas-kilay si Hannah, habang nagtawanan ang lahat. Tumahol si Misty na nasa gilid pala ng mesa.
"Nayari ka ni lola, dear," tawa ni Jules.
"Wala palang time sa jokes ha," simangot ni Hannah.
"7 na," tingin ni Sam sa kanyang relo. "Malapit nang lumitaw ang full moon. Mag-prepare na tayo."
Nagtanguan ang lahat at nagsipagtayuan.
#
Malamig ang hanging Disyembre nang lumabas sila ng bahay tungo sa harap-bakuran. Suot nila'y mga jacket, sweaters, scarfs at beanies sa ulo. Sa kanilang mga bibig ay may munting usok-lamig na mas titindi pa pag lalim ng gabi. Pumuwesto sila sa gitna ng bakuran, ang nagtataasang mga pine tress na nakapaligid ay tila nakayukong pinapanood ang bawat kilos nila. Nag-form ng triangle sina Sam, Lola Edna at Father Paul, at naupo na pa-Indian seat sa damo na magkakaharap. Nilapag nilang tig-iisa nilang book of spells o grimoire sa tapat nila, at sa gitna ng kanilang triangle pinuwesto ang spearhead artifact at ang moonstone. Paikot ng dalawang ito, nagpatong sila ng tatlong matatabang mga kandila. Nang tumingala si Father Paul ay nakita niyang mga itim na ulap, nguni't maya-maya'y nagsipagtabihan ang mga ito at bumulaga sa kanila ang maliwanag na bilog na buwan, na tila ba naghihintay lamang sa kanila.
"Bilog. Bilog na naman ang buwan..." mahinang kanta ni Hannah, panlaban na rin sa lamig.
Magkatabi silang nakatayo ni Jules malapit lang sa kinaroroonan nila Sam. Si Misty ay nasa tabi lang nila.
"...Ilabas n'yo na ang kalokohan..." patuloy ni Hannah.
Nagkatinginan sila ni Jules, at nagpalitan ng mga ngiti na may halong buntong-hininga. Mga tingin na nagsasabing mararausan din nila ang lahat ng ito, at na may naghihintay na kasiyahan sa kanila. Inabot ni Jules ang kamay ni Hannah at saglit nilang dinama ang init ng kanilang mga palad.
Sinindihan ng posporo nina Sam, Lola Edna at Father Paul ang mga kandila. Naliwanagan ang kanilang mga mukha kung saan gumapang ang anino pataas.
"Handa na kami, Charlie," sabi ni Lola Edna.
Napalunok si Father Paul. Alam niyang ibig sabihin no'n. Bumaling siya kay Sam at nakitang nakatingin na ito sa kanya. Tumango ang witch sa pari bilang pampalakas ng loob. Tumango pabalik si Father Paul.
Lumingon si Lola Edna kay Hannah. Isang hudyat. Humakbang palapit si Hannah, huminto't pumikit at nag-concentrate.
"Lola Charlie..." tawag ng psychic. "Kung naririnig mo ako, magparamdam ka."
Inantay nila ang kasagutan. Wala.
Inulit ni Hannah ang kanyang hiling.
"'Lo, kung naririnig mo ako, magparamdam ka."
Biglang nag-flicker ang ilaw ng mga kandila na tila dinaanan ng banayad na hangin. Isang sign mula kay Lolo Charlie.
"Here it goes..." bulong ni Hannah.
Maya-maya'y naramdaman ni Father Paul ang unti-unting paninigas ng kanyang katawan, ng kanyang mga muscles mula sa kanyang mga binti paakyat sa kanyang mga braso. Naramdaman niya na bumibigat ang kanyang likuran na tila ba may pumapasan sa kanya. At bigla, napa-indak pataas ang kanyang ulo.
Ang mga mata ni Father Paul ay tumirik, at pulos nagkulay puti.
Umungol siya nang malakas.
At nang ibaba niyang kanyang ulo'y nagbalik ang itim ng kanyang mga mata. Nawala ang paninigas ng kanyang katawaan. Nakatingin sa kanya ang lahat.
"Edna..." sabi ni Father Paul.
"Charlie? Ikaw na ba 'yan?" paglawak ng mata ni Lola Edna.
"Ako na nga."
"'Lo..." bati ni Sam.
"Sam..."
Bumaling ng tingin si Lolo Charlie na nasa katawan ni Father Paul sa gawi nina Jules, Hannah at Misty.
"Hello, Misty..."
Tumahol ang labrador.
"Hello, Jules. Hello, Hannah...long time no see."
Kumaway ang mga binati. Last time nilang nakita ang matanda ay buhay pa ito, 6 years na ang nakakaraan, ni hindi pa nabubuo ang JHS.
"Hi, 'Lo..." bati ni Jules.
"Sorry, 'di kami nakapunta sa libing n'yo..." paumanhin ni Hannah.
"Okay, lang," ngiti ni Lolo Charlie sa katawan ni Father Paul at binalik ang tingin niya kina Sam at Lola Edna.
Nakangiting siniko ni Hannah si Jules.
"Ngayon, alam na ni Father kung anong pakiramdam ng pinapasok ang katawan..." aniya.
Sa gulat nila'y biglang bumalik ng tingin sa kanila ang pari.
"Naririnig kita, Hannah."
"What the fuck?" react ni Hannah. "Nand'yan ka rin, father?"
Nagulat ang lahat.
"Nandito kami pareho," sagot ni Lolo Charlie sa katawan (at boses) ni Father Paul, at sinabi sa sarili. "Hello, Father Paul." At sinagot din ang kanyang sarili. "Hello, Lolo Charlie, nagkakilala rin tayo."
"Pareho silang conscious..." manghang tingin ni Jules. "Sa iisang katawan..."
Napahawak si Hannah sa balikat ng parapsychologist.
"Ang gross lang..."
Hindi na kailangang ipaliwanag pa sa kanila kung bakit ganoon, na habang possessed ni Lolo Charlie ang katawan ni Father Paul, ay may malay din ang pari. Ngayon lang nila nakita ang ganito, maging sina Sam at Lola Edna. Ipinagpalagay na lang nila na kasama na iyon sa pagiging mysterious at minsa'y pagiging unpredictable ng bahay at ng dimension ng banga.
"Umpisahan na natin," sabi ni Lola Edna.
"Mahalaga ang oras," dagdag ni Sam.
Binuklat ng tatlo ang mga grimore na nasa kanilang mga tapat, at huminto sa spell na kanilang babasahin—ang Nyx Blessing, ang makapangyarihang spell na ang mga words ay hiniwalay sa tatlong magkakaibang mga libro. Naghawak kamay sina Sam, Lola Edna at Lolo Charlie/Father Paul para sumara ang triangle nila, at kanilang inumpisahan ang spell.
Si Lola Edna ang unang nagsalita, kanyang binasa ang nasa pahina ng libro na nasa tapat niya.
Lux Lunae Lux Nyx
Kasunod si Lolo Charlie, na binasa ang kasunod na phrase mula sa sariling libro.
I dýnami tou fengarioú, eínai i dýnami tou Nyx
Tapos ay si Sam.
If ol blans a olpirt ol blans a lash
If ol bogpa a olprit ol bogpa a lash
In English, ang translation nito ay:
The light of the moon is the light of Nyx
The power of the moon is the power of Nyx
If I hold the light I hold the power
If I command the light I command the power
Sa kanilang puwesto, manghang nanonood sina Jules at Hannah. Ngayon din lang sila naka-witness ng ganitong klaseng spell casting, at under the light of the moon pa. Si Misty ay attentive naman na nakamasid. Paulit-ulit na chinant nina Sam, Lola Edna at Lolo Charlie ang spell.
"E...noch...ian?" bulong ni Hannah kay Jules ukol sa language ng spell, nagiingat din na hindi ma-wrong spell.
"...at Latin," pakinig ni Jules "At may isa pa..."
"Isa pang language?" pagtataka ni Hannah.
"I think, Greek 'yung isa..." sabi ni Jules, owing to the fact na si Nyx ay Greek Goddess of Night.
"Tatlong languages?" pagkamot ni Hannah. "Tatlo na naman?"
Turns out na isa pang layer of protection ng spell na Nyx Blessing bukod sa tatlong mga grimoire at talong witches ang kailangang mag-cast nito, ay tatlong magkakaibang language pa ang dapat gamitin. Na ikinabahala naman ni Jules, pagka't nanganguhulugang uber lakas nga ang spell at delikado na mapasailalim sa iba. Napansin nila na biglang hindi mapakali si Misty.
"Misty?" paglapit ni Hannah. "Anong problema, girl?"
"May nase-sense siya..." sabi ni Jules.
Palingon-lingon si Misty sa paligid. May nakikita ang aso na hindi kita ng iba.
Nakaramdam sila ng panlalamig.
Lux Lunae Lux Nyx
I dýnami tou fengarioú, eínai i dýnami tou Nyx
If ol blans a olpirt ol blans a lash
If ol bogpa a olprit ol bogpa a lash
Patuloy na chant nila Sam.
"Look!" biglang turo ni Hannah.
Nagliliwanag ang moonstone. Palakas nang palakas. At sa gulat nila'y umangat ito mula sa lupa, at nanatiling nakalutang sa ere na sa ibabaw lamang ng mga ulo nila Sam.
IF OL BLANS A OLPRIT OL BLANS A LASH!
IF OL BOGPA A OLPRIT OL BOGPA A LASH!
Mas malakas na chant nila Sam habang patuloy ang pagliwanag ng moonstone hanggang sa tila kasinliwanag na siya ng buwan. Ang buong bakuran ay nabalot sa liwanag. Napaatras sina Jules at Hannah, mga braso nila'y naka-shield sa kanilang mga mukha. Si Misty ay napayuko sa damuhan. Napapikit sina Sam, Lola Edna at Lolo Charlie/Father Paul sa pagkasilaw. Wala namang hangin, pero ramdam nila sa kanilang mga katawan ang kakaibang force na para ring hangin.
"'WAG KAYONG BIBITAW!" sigaw ni Lola Edna.
Lumakas pa ang invisible na force at ang liwanag.
At saglit lang, ay naglaho ito nang bigla.
At pagdilat nila'y payapa na naman ang gabi.
Nagpalitan ng mga tingin sina Sam, Lola Edna at Lolo Charlie/Father Paul.
"Tapos na ba?" tanong ni Sam na tumitingin-tingin sa paligid.
"Charlie?" baling ni Lola Edna kay Father Paul, at iyon ay si Father Paul na talaga.
"Wala na po si 'Lo..." ani ng pari.
Bumalik na sa dimension ng banga si Lolo Charlie.
At wala na rin ang Moonstone. Naglaho sa liwanag.
Nagsilapit sina Jules at Hannah, at nanlaking mga mata nilang lahat nang tumingin sila sa gitna ng triangle at nakita ang artifact na spearhead.
Nagbago ito. Hindi na gawa sa, o kulay bronze.
Kundi'y gawa na sa kulay puti na bato. Gawa na sa moonstone.
Hindi sila makapaniwala. Hindi rin ini-expect ni Lola Edna ito. Ang spearhead artifact at moonstone ay nag-merge. At walang mas mangha sa lahat kundi ang nagmamay-ari nito.
"Take it, Father," pag-urge ni Sam.
Maingat na dinampot ni Father Paul ang spearhead na kulay Moonstone na. Naramdaman niya na mas bumigat ito. Parang ceramic pero solid. May pagkalamig. Nang mahawakan ng pari'y medyo natulala siya, at ayaw na niyang bitawan.
#
Nang bumalik sila sa loob ng bahay ay laking gulat nila na makitang mas dumilim pa ang loob. May liyab ang fireplace pero ang liwanag nito'y hindi dilaw kundi gray. Ganoon din ang mga light fixtures. Ang liwanag ay kinakain ng dilim. Nang tignan nilang mga sarili, ang mga balat nila'y nawawalan na rin ng kulay at nagiging grayish na rin.
Biglang tumahol si Misty. At nang tumingin si Sam ay na-realize niya kung bakit.
"Ang banga!" sigaw ng witch.
Nakita nila na ang banga'y nagkulay itim na. Mula sa butas nito'y may gumagapang na itim na usok palabas.
"Anong nangyayari?" tanong ni Jules.
"Nagi-spill out ang dimension. Na-penetrate na ng mga dimonyo ang protection ng banga!" sabi ni Sam. Sa mukha ng witch kita nila ang genuine na takot.
"Ilaw! Kailangan natin ng ilaw para labanan ito!" sabi ni Lola Edna.
Nagmamadaling tumungo sa cabinet sa ilalim ng hagdan si Sam at binuksan ang pintuan nito. Pagbalik niya'y dala niya ang dalawang magic wand na gawa sa kahoy. Binigay niya ang isa kay Lola Edna, at sabay nila itong itinaas at sumigaw ng:
OLPRIT!
Ang spell na pang-cast ng liwanag. Pero, walang nangyayari.
OLPRIT! Mas malakas na sigaw ng mag-lolang witches.
Nguni't hindi gumagana ang spell nila.
"Hindi na kaya ng spells!" sabi ni Sam. "Masyado nang malakas ang dilim!"
"Oh, my God! Anong gagawin natin?" sabi ni Hannah.
Nag-iisip sina Sam at Lola Edna. Ng ibang spells. Pero, mukhang wala nang ibang spell ang makakalaban sa dilim.
Napansin ni Jules si Father Paul na tulalang nag-iisip.
"Father?"
Napatingin din ang iba.
Tumingin sa kanila si Father Paul. May kakaibang expresyon sa mukha ang pari na ngayon lang nila nakita. Expresyon na nagsasabing may nagbago sa kanya. Na may nagbago sa kanyang pagkatao pero hindi niya agad masabi kung ano. Parang may nag-spark sa kanyang isipan. Mga bagay, mga kaalaman na hindi niya agad ma-explain.
"Father, ano 'yon?" paglapit ni Sam.
Nagkatinginan sila ng pari. May gustong sabihin si Father Paul. Pero imbes na magsalita siya'y tinaas niyang kanyang dalawang mga kamay—ang isang kamay ay hawak ang artifact na Moonstone Spearhead, sa kabila ay ang bakal na crucifix. At kanyang sinabi:
OLPRIT!
Biglang nagliwanag ang mga hawak ng pari. Halintulad sa isang magic wand.
At unti-unting nagliwanag ang loob ng bahay. Unti-unting tinulak ng liwanag ang dilim pabalik sa loob ng banga. At maya-maya'y nagbalik ang liwanag. Saglit lang ay bumalik ang normal na kulay sa bahay. Ang apoy sa fireplace ay nagbabagang dilaw na muli. Bumalik nang mga kulay sa kanilang mga balat.
Hawak pa rin ni Father Paul ang spearhead at crucifix, hindi makapaniwala sa kanyang nagawa. Sina Sam at Lola Edna'y nagtatakang nagkatinginan. Si Jules ay nakanganga. At si Hannah ay sumabog sa tuwa.
"Holy fuck, father!" malakas na sabi ng psychic. "Nakakapag-cast ka na ng spell!"
NEXT CHAPTER: "In Darkness"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top