Chapter 35: The Wandering Jew/The Attack

Naguunahan ang mga sisiw sa mga butil ng bigas, kasamang kanilang inahen na paikot-ikot sa basang lupa sa bakuran ng maliit na kubo. Hindi tubig ulan kundi'y mula sa pagdidilig ng mga halaman ng may-edarang maybahay na naka-daster at siya na ngayo'y nagsasaboy ng pakain sa kanyang mga alaga. Sinadya niyang basain ang buhangin para hindi hanginin papasok ng bahay. Ang umaga'y may preskong simoy mula sa dagat na tanaw mula sa bakuran. May duyan na nakatali sa magkabilang puno ng niyog.

"Kain lang ng kain," ngiti ng maybahay na may katabaan, sa mga manok habang hawak ang lata ng bigas. "Para paglaki n'yo, bibigyan n'yo kami ng masasarap na itlog..."

"Kundi tinola ang abot n'yo!" sabi ng boses mula sa kanyang likuran.

Sa may hagdan ng kubo nakaupo ang asawa ng maybahay, maliit na lalaking kalbo, suot ay sando at shorts. Siya'y pumapalo na sa kanyang 60s, halata sa mauugat niyang mga bisig na tangan ang alagang tandang na kanyang binubugahan ng usok ng sigarilyo.

"Ano't ke-aga aga eh nakaupo ka na naman d'yan?" bulyaw ng maybahay na iilang taon lang na mas bata.

"Gusto ko kasing panoorin kang nagwawalis sa umaga at gumigiling 'yang beywang mo," ngiti ng asawa. "Ako'y naaakit."

"Aysus! Kung makapambola ka!"

"Tutoo naman!"

Natigilan sila nang makitang may nakatayong lalaki sa kahoy na gate. Naka-cap, itim na jacket, maong at kulay brown na hiking shoes. Sa nakasukbit sa balikat niyang knapsack bag ay mukhang malayo ang pinanggalingan niya.

"Mawalang galang po," sabi ng lalaki. "Kayo po ba sina Aling Openg at Ka Sebyo?"

Saglit na nagkatinginan ang mag-asawa.

"Kami nga," sagot ng maybahay. "Ano bang sadya n'yo?"

"Nand'yan po ba si Manuel?" tanong ng lalaki.

"Sebyo, nasaan ba si Manuel?" tanong ni Openg sa asawa. "Maaga siyang gumising hindi ba?"

Napakunot-noo si Sebyo sa pag-alala.

"Nagpa-bayan ata," aniya, pero saglit lang ay binawi agad. "O baka nasa aplaya..."

"Ano ba talaga?" bulyaw uli ni Openg. "Nakakahiya sa kanya."

Naglabas ng munting ngiti ang lalaki.

"Ah natatandaan ko na!" pagliwanag ng mukha ni Sebyo. "Nasa aplaya nga't inaayos ang kanyang bangka."

"Tuloy ka't dito ka na dumaan," imbita ni Openg sa lalaki at tinuro ang direksyon ng dagat. "Malapit lang nakadaong ang bangka, makikita mo agad si Manuel."

"Salamat," sabi ng lalaki habang hinubad ang kanyang cap at naglakad papaalis.

Naiwang may pagtataka sa mukha sina Openg at Sebyo. Sanay naman sila na makatanggap ng mga bisita ang anak nilang si Manuel, pero may kakaiba sa lalaking ito. Na bagama't may postura at sigla ng isang bente o trenta anyos ay wari nila'y hindi nalalayo sa kanilang mga edad. Marami na itong guhit sa mukha at kanyang buhok ay pulos puti na.

1 Year and 4 months ago. Dinagatan, Quezon.

Banayad ang mga alon sa dalampasigan. Tago pa ang araw sa likuran ng mga bundok kung kaya't may liwanag sa buong kapaligiran na masarap sa mga mata. Ang alon ay asul na salamin ng langit. Malawak ang tanawing dagat. May mga bangkang maaga nang naglayag.

Inaayos ni Manuel ang kanyang bangka na nakadaong sa buhangin, hinihigpitan ang tali sa pagitan ng tarik, ang horizontal beam kung saan nakakapit ang katig, ang mahabang kawayan na siyang bumabalanse sa bangka sa tubig. Ramdam niya ang sariwang hangin sa kanyang mukha, at buhok na nagsisimula pa lamang humaba mula sa pagkaka-semi-kalbo noong nasa ospital pa siya. Suot niya'y kulay puti na t-shirt at maong shorts.

Natanaw niya ang papalapit na lalaki habang natapos ang pagtatali at siya'y tumayo ng tuwid.

"Gandang umaga, Manuel," bati ng lalaking puti ang buhok.

"Gandang umaga din," kuryosong balik ni Manuel pagka't hindi niya kilala ang lalaki.

"Sabi ng mga magulang mo dito raw kita matatagpuan," aniya ng lalaki habang pinagmasdan ang tanawing dagat.

"Hindi ka ata tagarito," tingin ni Manuel.

Umiling ang lalaki.

"Pero, nakapunta na 'ko dito sa Dinagatan. Hindi lang dito sa baybayin. Wala naman kasing ipinagkaiba sa ibang nakita ko na. Pare-pareho lang. Ang ipinagkaiba lang ay ang mga tao."

Pagkasabi niyo'y tumingin siya kay Manuel as though siyang tinutukoy nitong "tao."

"Nagkakilala na ba tayo?" tanong ni Manuel.

Ngumiti ang lalaki at inabot ang kanyang kamay.

"Ako nga pala si Cartaphilus."

Nagkamay sila.

"Cartaphilus?" nagtatakang bigkas ni Manuel. Kakaiba ang pangalan pero parang pamilyar sa kanya. May panahon noon na iginugol niya sa pagbabasa ng bibliya at ng iba pang mga libro. Parang nabasa na niya ang Cartaphilus.

"Nandito ako noong nagtuturo ka pa," pahayag ni Cartaphilus.

Nailang si Manuel. Bagay iyon na nais na niyang ibaon sa limot.

"Noong ang tawag pa sa iyo'y si Kristo."

Napaindak si Manuel.

"Matagal nang nabuwag ang simbahan, hindi na ako nagtuturo, kung iyon ang ipinunta mo," aniya. "Hindi na ako ang taong sinasabi mo."

Nakangiting binunot ni Cartaphilus ang kaha ng sigarilyo mula sa bulsa ng kanyang jacket na kanya ring ginamit na panakip sa hangin para makapagsindi ng stick. Inalok niya si Manuel na tumanggi, bago bumuga ng makapal na usok.

"Tignan mo nga naman ang mga tao dito, ano?," aniya. "Kung gaano ka kabilis sambahin at idolohin...ganoon ka din kabilis na itatakwil. Sabagay, hindi lang naman dito kundi sa lahat ng lugar, sa lahat ng parte ng mundo. Walang ipinagbago ang tao. Kung ano ang uso, kung sino ang matunog, siya ang isasalang sa entablado."

Nagsiryoso ang mukha ni Manuel, hind kumportable sa pinatutunguhan ng usapan. Duda siya sa pagkatao ng kausap, at pakiramdam niya'y alam nito ang tutoong nangyari—kung bakit siya dinala sa ospital para sa mga luko-luko. Walang himala, walang milagro. Wala siyang kapangyarihan. Ang inakala niyang kaya niyang magpagaling ng may sakit ay pakana lang pala ng isa sa pinagkakatiwalaan niyang kaibigan. Isang raket.

"Si Isko," matigas na sabi ni Manuel. "Siya ang may kagagawan ng lahat."

"Ah, ang iyong Hudas," sabi ni Cartaphilus. "Marami na sa akin ang nagtanong kung ano raw ang nangyari kay Hudas Iscariote matapos niyang ipagpalit si Hesus sa tatlumpung piraso ng pilak. Na matapos niya bang magpakamatay, siya ba'y napunta sa langit o sa impiyerno?"

Mabilis ang sagot ni Manuel. At may poot.

"Walang ibang lugar para sa taong ganyan kundi sa impiyerno."

"Ah, pero nagsisi naman si Hudas noong bandang huli hindi ba?" Napangiti ni Cartaphilus sa panggigigil ni Manuel. Inaasahan niya ito. Nang alukin niya muli ito ng sigarilyo'y hindi na tumanggi. Pinasok ni Manuel ang subong stick sa loob ng neckline ng kanyang t-shirt at doon sinindihan para labanan ang hangin.

"Isa pa, kundi dahil sa pagtataksil ni Hudas, eh hindi hindi sana natuloy ang misyon ni Hesus na maging tagapaglitas ng sangkatauhan," patuloy ni Cartaphilus. "Eh 'di sana siya napako sa krus. Eh 'di sana wala tayo nitong simbolo na sinasamba ng milyon-milyong tao."

Napatingin si Manuel. Siryoso.

"Anong punto mo?" aniya.

"Ang punto ko ay itong si Isko ay may papel sa lahat ng nangyari, may role ikanga sa pelikula," sabi ni Cartaphilus. "Tulad na lang ng papel na ginampanan mo."

Nagkunot-noo si Manuel. Patuloy ni Cartaphilus:

"Kung nasa impiyerno si Hudas, iyon ba ang kaparusahan niya kung ginawa lang naman niya ang papel na ibinigay sa kanya? Hindi ba dapat pa siyang gantimpalaan sa pagganap niya bilang dakilang taksil?"

Tinignan ni Cartaphilus si Manuel ng diretso.

"Ang lagay Manuel ay ginamit ka din lang niya. Ng Diyos. Siya ang nagsalang sa iyo sa entablado na hindi mo naman ginusto. Ginawa kang palabas. Isang experimento. Siguro gusto lang niyang malaman kung marami pa rin bang may debosyon sa kanya. At anong napala mo? Nasayang ang isang taon ng buhay mo sa isang ospital para sa mga luko-luko. Oras na sana'y napunta na lang sa payapang pangingisda..."

Kitang napapaisip si Manuel.

Patuloy ni Cartaphilus:

"At ngayon, hindi ka makapunta ng bayan. Sa takot na ikaw ay alipustahin, pagbabatuhin, at tawaging huwad."

Tama ito. Iniiwasang pumunta ng bayan si Manuel pagka't kilala siya roon bilang isang manloloko. Maging sa kalapit na mga baryo'y nakakarinig siya ng hindi maganda. Kahit ang mga malalapit niyang mga kaibigan, ang dati niyang mga disipulo ay nakararanas ng ganoong pagtrato.

"Ano bang kailangan mo?" matigas na sabi ni Manuel kay Cartaphilus. "Nagpunta ka ba dito para lang ipaalala ito? At pasamain ang araw ko?"

Umiling si Cartaphilus.

"Narito ako, Manuel para bigyan ka ng isa pang pagkakataon," aniya. "Gusto mo bang bumalik ang pananampalataya ng tao sa iyo? Gusto mo bang maramdaman muli ang kapangyarihan?"

"Wala akong kapangyarihan," sabi ni Manuel. "Wala akong milagro."

"Ah! D'yan ka nagkakamali, kaibigan!" balik ni Cartaphilus. "Ang kapangyarihan mo ay nasa boses mo! Kapag nagsalita ka, lahat nakikinig! May bagay sa iyong pagkatao na nakakaakit sa tao. Tulad ni Hesus noon."

Nagpalakad-lakad si Manuel sa buhangin. Nag-iisip. Nagdadalawang-isip habang pinagmamasdan siya ni Cartaphilus. At bigla, napahinto siya. Naalala na niya ang pangalan.

"Cartaphilus..." biglang nanlaking mga mata niya. "Ang hudyo!"

Ang istorya ni Cartaphilus na kung tawagin din ay "the wandering jew" ay ang sumusunod: na noong pasyon ni Hesus, na habang dala niyang kanyang krus patungo sa Golgotha para ipako, si Cartaphilus ay isa sa mga hudyo na lumait sa kanya sa daan. Na kanyang sinigawan si Hesus na bilisan nito ang paglalakad. Na kanya pa ngang hinampas o sinampal si Hesus. At na umano'y lumingon sa kanya si Hesus at sinabi: "I go, and you will wait until I return." Nangangahulugan itong maghihintay si Cartaphilus ng mahabang panahon hanggang sa ikalawang pagbabalik ni Hesus.

"Sinumpa kang maghintay ng habambuhay hanggang bumalik s Hesus!" turo ni Manuel sa kanya. "Isa kang imortal!"

Tumango si Cartaphilus.

"Hindi mo alam kung gaanong pagdurusa ang dinanas ko," aniya, siya naman ang may poot. "Ang makita ang mga mahal mo sa buhay na tumanda, mamatay habang patuloy ka pa rin na nabubuhay. Ang makitang dumaan ang napakaraming giyera, mga sakuna, ng kamatayan. Ang pait ng kalungkutan na alam mong ikaw ay nag-iisa. Nagkasala ako sa kanya. Inalipusta ko siya, pero, tao lang ako. Sagutin mo ako, sapat ba ang aking parusa?"

Hindi alam ni Manuel ang isasagot, pero alam niyang kanyang iniisip. Na iyon ay mali. Napaatras siya tungo sa dagat hanggang sa naramdaman niyang tubig dagat sa kanyang hubad na mga paa.

"Paparating ang isang giyera, giyera ng langit at impiyerno dito sa lupa," paglapit ni Cartaphilus. "Matagal kong hinintay ito, Manuel. Ito ang magpapalaya sa akin. Sa aking sumpa."

"A...anong kailangan mo sa akin?" tanong ni Manuel.

"Panahon na, na tayo naman ang masusunod."

Tumingin pabalik si Manuel.

"Kilala na ako dito," aniya. "Hindi na ako paniniwalaan dito."

"May bayan ang minsan nang naglaho at nagbalik," sabi ni Cartaphilus. "Ang mga mamamayan niya'y ligaw pa sa kanilang karanasan. Madali silang mapapaniwala. Nangangailangan sila ng tagapagligtas."

Tinanaw ni Manuel ang karagatan. Tahimik. Payapa. Pero alam niyang paparating na ang malalaking mga alon.

#

"Manuel?" tawag ni Dr. Pontificano.

Malayo ang tanaw ni Manuel habang nakaupo sa lilim ng malaking puno, sa patse ng tuyong damo. Ang puno'y tuyo rin ang mga dahon at marami ang nalaglag na sa lupa. May ihip ng hangin na dumadaloy sa mahabang buhok at balbas ng tinatawag nilang Hesus. Lumapit ang duktora. Alam niyang dito mahahanap si Manuel, sa malayong puwesto sa loob ng compound kung saan tahimik. Payapa.

"Si Cartaphilus...ang mga tauhan n'yo...saan sila pupunta?" tanong ng duktora. May urgency sa kanyang boses.

Hindi sumagot si Manuel.

"Nahanap na nila ang portal?"

Nanatiling tahimik si Manuel, nangangahulugang iyon ang katotohanan.

"Please, Manuel. Kailangan mong pigilan ito, habang may oras pa."

Mabagal na tumayo si Manuel, "Nagsimula na. Hindi na ito mapipigilan."

"Bakit mo ba ginagawa ito? Ano bang ipinangako ni Cartaphilus sa iyo?"

"May sariling dahilan si Cartaphilus. Meron din ako."

"Anong dahilan mo?"

"Hindi mo maiintindihan."

"Try me. After all, ako ang psychiatrist mo," sabi ni Dr. Pontificano.

"Dati..." mahinang sabi ni Manuel. "Pero, hindi na ngayon."

"Then, bakit mo ako pinapunta dito? Anong kailangan mo sa akin?"

Napabuntong-hininga si Manuel.

"H-hindi ko rin alam."

"Then just let me go!" demand ni Dr. Pontificano.

"Alam mong hindi ko magagawa iyon."

Naglakad paalis si Manuel. Naiwan si Dr. Pontificano, frustrated.

"Manuel!" sigaw ng duktora. "MANUEL!"

#

Abalang naguusap sina Tiglao at Tony, nakaupo sa magkaharap na mga kama sa loob ng malaking kubo na communal na tulugan nang pumasok sa loob si Dr. Pontificano.

"It's confirmed," paglapit ng duktora. "Nahanap na nga nila ang portal."

"Tiyak na gulo ito," sabi ni Tiglao. "Tulad nga ng sinabi mo dok, palaban itong kulto na ito."

"Anong sabi ni Manuel?" tanong ni Tony.

"He's beyond reasoning," may regret na sagot ng psychiatrist. "Napagusapan n'yo na ba ang gagawin?"

Tumango sina Tiglao at Tony.

"I told the girls na dalhan kayo ng lunch, ng sandwiches," sabi ni Dr. Pontificano.

Pagkasabi'y saktong pumasok ang tinutukoy ng duktora—ang dalawang mga dalaga na unang bumati kina Tiglao at Tony noong pumasok sila sa loob ng compound. Isa'y lampas balikat ang buhok na siyang kumuha ng blood pressure ni Tiglao, ang isa nama'y shoulder-length. Suot nila'y kulay puti na bistida na hanggang tuhod. Sa wari nila, kung ang mga ito'y madaling mahumaling sa tulad ni Manuel, may tyansang makuha nilang mga ito sa kanilang panig, lalo na't mukhang may pagkahumaling din sila kay Tony. Dala ng dalawang dalaga sa tray ang pares ng sandwiches at bottled mineral water.

"Ito na pong lunch n'yo," ngiti ng dalawang dalaga. At sabay na sumulyap kay Tony na medyo nailang.

"Well, mabuti pa iwan ko na muna kayo," paalam ng duktora.

"O-okay..." sabi ni Tony habang pinagmasdan siya paalis.

"Masarap po ito," pag-abot ng mga dalaga sa mga sandwiches. Nang makita nilang umalis si Dr. Pontificano ay nagbulungan sila't pumuwesto sa may kama ni Tony.

"May kailangan pa po ba kayo?" tanong ng dalagang mahaba ang buhok.

Sumenyas ng ulo si Tiglao kay Tony. Alam na ni Tony ang ibig sabihin noon.

"Ano bang mga pangalan n'yo?" ngiti ni Tony sa dalawang dalaga na agad na natuwa sa tanong. May mga hitsura sila at landi sa mga kilos.

"Ako po si Sunshine," pakilala ng dalaga at hinawi pa'ng mahaba niyang buhok, at sa kasama: "Siya si Precious."

"Sunshine...Precious..." nakangiting ulit ni Tony. "Alam n'yo bang Sunshine at Precious ang pinakapaborito kong mga pangalan sa lahat?"

Nagsipag-giggle ang dalawang mga dalaga. Napailing naman si Tiglao habang sinimulang kainin ang kanyang sandwich na nakita niya'y pinalamanan lamang ng keso habang ang kay Tony ay double decker na egg, ham at bacon.

"I'm Tony," pagkamay ng P.I. at tinuro si Tiglao. "Siya si Conrado."

Mabilis na sulyap lang ang ibinigay ng mga dalaga kay Tiglao bago ibinalik agad ang atensyon kay Tony.

"Parang pamilyar ang mukha n'yo?" tugon ni Sunshine.

"Oo nga, may kamukha kayo," pag-agree ni Precious.

"Baka siguro nakita n'yo na ko TV," sabi ni Tony. "Napapanood n'yo ba 'yung teleserye tuwing hapon? 'Yung tungkol sa mayayamang angkan? Ako 'yung gumaganap na mayamang don."

"Sabi na nga ba!" masayang bulalas ni Sunshine sabay apir kay Precious.

"Talaga? Artista kayo?" tanong ni Precious.

Pinagusapan nina Tiglao at Tony ito. Ang kanilang ruse. Na kunwa'y taga-showbiz sila. Nagkataon na hawig ni Tony ang isang hindi ganoong kasikat na artista.

"Eh, siya ba artista din?" turo ni Sunshine kay Tiglao.

"Siya 'yung director," sabi ni Tony.

Kinilig ang dalawang dalaga. Lalo pa nang sabihin nina Tiglao at Tony na naroon talaga sila sa Callejon para maghanap ng mga talent. Anila, ang dalawang dalaga'y pasok na pasok sa profile na hinahanap nila.

"Mga bagong mukha ang hinahanap namin," sabi ni Tony. "Kahit na walang experience sa acting."

"Talaga po?!" ngiti ni Precious.

"Ia-acting workshop ko kayo."

"TALAGA POOO?!" sabay na sabi nina Sunshine at Precious.

"Teka, paano ang tungkulin n'yo dito?" tanong ni Tony sa kanila. "Paano si Manuel? Hindi ba devoted kayo sa kanya?"

"Ano bang ipinangako sa inyo ni Manuel?" dagdag ni Tiglao.

Nakakagat-labi na nagkatinginan sina Sunshine at Precious.

"Maliligtas daw po kami," sabi ni Precious.

"Maliligtas? Saan?" nagtatakang tanong ni Tiglao.

Sabi ng dalawang dalaga, na ayon daw kay Manuel ay malapit na ang katapusan ng mundo, at kung sila raw ay maniniwala sa kanya't sasama, sila raw ay maliligtas, at dadalhin sa langit. Na malapit na raw ang "rapture." Nang tanungin kung ano iyon, ay hindi rin nila ma-explain. Dahil doon, hindi nahirapan ang mga private investigators na nagpapanggap na artista at director na makumbinse ang mga ito na iwan ang samahan ni Manuel kapalit ng pagiging artista. Sabagay, once-in-a-blue-moon lang daw ang pagkakataon na iyon sabi ni Sunshine. Bata pa raw siya'y pangarap na niyang maging artista, sabi naman ni Precious. And besides, anila, gusto daw nilang magkapera.

"Sa langit walang pera, noh!" maarteng sabi ni Sunshine.

"And dami pang bawal," sabi naman ni Precious.

Nag-apir ang dalawa.

"May problema lang tayo," sabi ni Tony.

Sinabi nina Tiglao at Tony na bihag sila ngayon ni Manuel at hindi pinapayagang makalabas ng compound. Kung bakit sila bihag, hindi naman na tinanong nina Sunshine at Precious. Sinabi ng mga P.I. na kung tutulungan sila ng mga dalaga'y garantisado na ang kontrata nila. May signing bonus na, may pa-kotse pa't pa-bahay. Kung nasilaw ang mga dalaga sa mga pananalita ni Manuel, ay mas nasilaw sila sa pangako ng showbiz.

"Sa labas, may dark green na L-300," sabi ni Tiglao sa mga dalaga. "Mga escort naming military 'yun. Kailangang ma-warningan sila."

"Hanapin n'yo si Lieutenant Esguerra," sabi ni Tony. "Ipasa n'yo sa kanya ang mensahe namin."

"Sabihin n'yo na okay kami, na 'wag silang susugod sa loob" sabi ni Tiglao.

"At sabihin n'yo na na-locate namin si Dr. Pontificano," dagdag ni Tony.

Nagtatakang nagkatinginan sina Sunshine at Precious. Taas-baba ang mga kilay. Lito lang sila sa napakaraming instructions.

"Ba't 'di n'yo na lang kaya tawagan?" sabi ni Sunshine.

Nilabas ni Sunshine mula sa bulsa ng kanyang bistida ang isang android phone at inabot sa nagtatakang si Tony.

"Hoy, may load ka pa ba?" tanong ni Precious sa kasama.

"Ka-ka-load ko lang kanina kaya," sagot ni Sunshine.

Nagtatakang nagkatinginan sina Tiglao at Tony na hawak ang android phone.

#

2:50 PM.

Iyon ang oras sa wristwatch ni Cpl Diazon. 40 minutes ang ibinigay na ultimatum ni Cartaphilus bago ang banta niyang puwersahang aagawin ang lugar. Naka-firing formation sina Diazon, Pvt Belen, Rosalia, Marasigan at Tuason, nakahilera tatlong metro ang agwat sa isa't-isa. Open field ang lugar at wala silang cover kundi ang natuyong dayami na wala pang isang dangkal at ang kurba ng terrain. Naka-luhod sila sa isang tuhod at naka-umang ang mga baril. Sa kalayuan, naka-spread out ang isandaang mga kalaban nila na armado ng mga itak, karit at ang iba'y may mga pistol. Si Cartaphilus ay nakalilim sa nag-iisang puno sa malawak na palayan, hawak ang kanyang baril at nakatingin sa kanyang relo.

10 minutes na lang ang nalalabi, bago saktong alas 3:00 ay magsisimula ang labanan. Kabado sila Diazon. Sa apat sa kanila, siya at si Marasigan lamang ang talagang may combat experience. Sina Belen, Rosalia at Tuason ay hanggang firing range lang.

"LIMANG MINUTO!" sigaw ni Cartaphilus mula sa pinaglilimliman, naka-senyas pa'ng kanyang bukas na palad.

"Diazon!" tawag ni Pvt Belen. "Nasaan na sila Colonel?"

"O...on the way," sabi ni Diazon.

"Tangina, ang dami nito!" sabi ni Pvt Rosalia.

"Ba't ga hindi tayo umatras du-on sa bahay?" angal ni Pvt Marasigan. "Ala'y bukas na bukas tayo dine!"

"Kailangan nating protektahan 'yun," turo ni Diazon sa hukay.

"Tanginang portal 'yan," sabi ni Pvt Rosalia.

Hangga't hindi dumadating sina Colonel Laxamana kasamang back-up ay wala silang choice kundi protektahan ang lugar, partikular ang hukay sa lupa kung saan nakabaon ang misteryosong metal na hindi mula dito sa mundo—ang pinaghihinalaan nilang portal o stargate na gagamitin nila para maibalik si Andy—na siya ring pakay ng mga kalaban nila. Pero, bakit? Anong balak ng kulto ng taong nag-aala-Hesus sa portal? Naalala ni Diazon ang kuwento ni Tiglao noong nasa biyahe sila, ang panaginip nitong giyera ng mga anghel at dimonyo. Alam niyang mahalagang bagay ito na ma-protektahan nila.

"Stand your ground!" sabi ni Diazon.

"Narinig n'yo siya, walang aatras!" diin ni Belen sa ibang mga sundalo, at tumingin kay Diazon at tumango ng assurance.

Nagtanguan naman ang iba, wala rin talaga silang choice. Kay Colonel Laxamana nanggaling ang mission order.

"TATLONG MINUTO!" sigaw ni Cartaphilus.

Humigpit ang hawak ni Diazon sa armalite, ang iba sa kanilang mga pistol.

#

"Wat es happening?" tanong ni Father Deng pagpasok ng kusina mula sa sala ng dating bahay ni Andy.

Sa may bintana kung saan tanaw ang likod-bakuran, and beyond that, ang malawak na palayan, nakasilip sina Jang-Mi, Pauline at Mang Gerry driver. Kita nila ang mga sundalo sa kanilang formation. Mga 50 feet ang layo ng mga sundalo mula sa puno sa bakuran. Sa malayo, tanaw nila ang napakaraming miyembro ng kulto na mukhang naghahanda nang umatake.

"Kung ako sa inyo, lumikas na tayo, madadamay tayo dito," sabi ni Mang Gerry.

"I'm sure padating na po sila Colonel at iba pang mga sundalo," sabi ni Pauline.

"We cannot leave them," sabi ni Jang-Mi. "We promised them."

Natigilan sila nang marinig ang tawa ng mga dimonyo mula sa sala.

"MAMAMATAY KAYONG LAHAT! TULAD NG MGA BATANG ITO, ANG KALULUWA NINYO'Y AANGKININ NAMIN!"

Nagtatawanan ang tatlong mga possessed na bata, mga anak nina Mang Ireneo at Aling Rhodora na mga nakatali sa kahoy na supa. Nang magsalita ang mga ito'y sabay-sabay, sa bibig nila narinig ang boses ng napakaraming dimonyo na tila iisa. Si Legion.

Kunsumidong napakamot ng ulo si Mang Gerry at nagsindi ng sigarilyo, "Anak ng dimonyo, hanggang dito ba naman? Sabi sa akin maghahatid lang ako ng artifact...."

"Father, when are you going to use that?" paglapit ni Pauline sa pari.

Sa palad ni Father Deng ang maliit na amber bottle—ang isa sa Trinity of Artifacts, ang holy water ni Pedro Calungsod.

"I em afred, I cannonoot concentret," may alalang sabi ni Father Deng, apektado sa nangyayari sa labas, sa maaaring mangyari sa kanila.

Ayon sa Aprikanong pari, nanumbalik ang mga ala-ala niya ng civil war sa Rwanda. Ang genocide na nangyari between April 7 hanggang July 15, taong 1994. Mahigit na kalahating milyong mamamayan na kabilang sa ethnic minority na mga Tutsi ang pinagpapapatay ng mga extremist militia na mga Hutus, ang ethic majority ng Rwanda. Isang sytematic na ethnic cleansing sa pamamagitan ng baril at machete. Buong mga barangay at mga bayan ang minassacre. Maging ang mga mababait na Hutu ay napilitang patayin ang kanyang kapitbahay na Tutsi para lamang hindi maakusahang nagsisimpatiya. Si Father Deng na isang Hutu ay isa sa mga tutol at kamuntikan nang mapatay. Ang nasaksihan niya sa Rwanda ay mahirap nang makalimutan. At ngayon, tila wala siya sa kundisyon na mag-perform ng exorcism.

"You can do this, father," sabi ni Pauline.

"You must have faith," sabi naman ni Jang-Mi.

Maya-maya'y natigilan sila.

Narinig nila ang unang mga putok ng baril.

#

Pagpatak ng alas-3:00 PM ay sabay-sabay na sumugod ang mga miyembro ng kulto sa pangunguna ni Cartaphilus. Dalawa sa kanila'y dead-on the spot agad nang paputukan nila Cpl Diazon.

"RELOAD!" sigaw ni Diazon.

"RELOADING!" sigaw Pvt Belen.

Isang advantage kina Diazon ay nang bumaba ang araw ng alas-tres ay nakatapat ito sa mga sumusugod nilang mga kalaban kaya't bahagyang nasisilaw ang mga ito. Nguni't hindi iyon naging hadlang sa kanila. Pursigido ang kulto, hawak ng mga naka-kulay puti na robe ang kanilang mga itak habang pasugod na sumisigaw, mga walang takot na mamatay. Maraming ipinangako sa kanila ang simbahan ni Manuel. Kayamanan hindi lamang sa lupa kundi pati na rin sa langit. Sinabi ni Manuel na aakyat silang lahat ng langit kasama niya sa pagtatapos ng mundo.

"SA KALIWA MO!" sigaw ni Pvt Rosalia.

Patuloy ang putok ng mga baril.

Nanggagaling sa gitna at magkabila nila ang mga sumusugod. Dalawa pa ang natumba. Sina Pvt Marasigan at Tuason ang nakapuntirya sa kanila. Bumaril pabalik ang mga kalaban nila at sa kasamaang palad ay tinamaan sa kanyang kanang balikat si Pvt Marasigan at nabitawan niyang kanyang baril. Dumaing siya sa sakit. Nilapitan siya ni Tuason para alalayan, pero dalawang lalaking may itak ang nakalapit sa bandang kanan nila. Inundayan ng taga ng isa si Tuason, mabuti't nakailag siya, nguni't maliit na parte ng kanyang tenga'y natapyas. Binaril ni Tuason ang lalaki sa leeg, ang isa nama'y tinamaan niya sa dibdib.

"PARINE! NANG KAYO'Y PAGPAPATAYIN NAMIN!" galit na sigaw ni Pvt Marasigan.

Gamit ni Diazon ang M-16 rifle at pakalat niyang binabaril ang mga sumusugod. Napapabagal niyang pagsugod pagka't marami siyang tinatamaan. May isang may itak ang nakalapit habang siya'y nagpapalit ng magasin at inundayan siya ng taga. Nasangga niya ito gamit ang kanyang rifle, nguni't natumba siya pabalik at nabitawan kanyang armas. Tatagain na siya uli nguni't nabaril ni Belen ang lalaki.

"Diazon! Kelangan nating umatras!" paglapit ni Pvt Belen.

Kita naman ni Diazon na talagang dehado sila. Alam niyang mapapatay lang silang lahat. Tumango siya kay Belen.

"RETREAT!" sigaw ni Pvt Belen sa mga kasama nila. "RET---"

Napapikit si Diazon nang tumalsik ang dugo sa kanyang mukha. At mga parte ng utak.

Pagdilat niya'y namutla siya. Dilat na nakatumba sa lupa si Belen, umaagos ang dugo sa ulo nito. Dead-on-the-spot. Nanginginig na pinulot ni Diazon ang kanyang armalite, gusto niyang umiyak pero wala siyang oras. Pinasakan niya ng bagong magasin ang M-16 at kinasa. Nagpaulan siya ng bala sa direksyon ng mga sumusugod.

"TUASON! COVER FIRE!" sigaw niya.

Habang nag-cover fire sina Diazon at Tuason ay nagsipagatrasan sina Pvt Rosalia at Marasigan tungo sa bahay. Si Pvt Marasigan ay hawak ang dumudugo niyang balikat na hindi niya maiangat para bumaril. Natisod si Pvt Rosalia at tinulungan niyang makatayo gamit ang kaliwa niyang kamay.

Sumenyas si Diazon kay Tuason at sabay silang lumipat ng posisyon paatras, pagkatapos ay nag-cover fire ulit. Bumaril pabalik ang mga kalaban nila. Lumingon si Diazon sa bahay at nakita niyang nakarating na roon sina Rosalia at Marasigan.

"TUASON! GO!" sigaw niya.

Tumigil sa pagbaril si Tuason para tumakbo tungo sa bahay habang patuloy ang cover-fire ni Diazon. Sa malayo natanaw niya si Cartaphilus na inumang ang kanyang .45 pistol at bumaril. Naramdaman ni Diazon ang lipad ng bala sa taas ng kanyang ulo. Napayuko siya, at nag-return fire. Kita niyang yumuko si Cartaphilus. Lumingon muli si Diazon sa bahay at nakita niyang papasok na sa loob si Tuason. Sa may pintuan, natanaw niya si Pauline.

Nagpaputok muli si Diazon bago tumayo at tumakbo tungo sa bahay. Malapit na siya roon nang biglang maramdaman niya ang kirot sa kanyang likuran.

#

Sa loob ng bahay, kita nina Jang-Mi, Pauline, Mang Gerry at Father Deng ang nangyayari. Kita nilang nagatrasan ang mga sundalo patungo sa kanila.

"We open the door!" hudyat ni Jang-Mi.

Binuksan nila ang pintuan at nagpasukan sina Pvt Rosalia at Marasigan. Mga hinihingal pa. Kita nilang duguan si Marasigan. Nataranta ang mga nasa loob.

"M-may first aid kit ba tayo?" tanong ni Pauline.

"Nasa tent kukunin ko," sabi ni Pvt Rosalia. "May ammo pa doon."

"Ika'y sa harap duma-an," sabi ni Pvt Marasigan.

"Ah wel come with you," sabi ni Father Deng.

Daliang umalis sina Pvt Rosalia at Father Deng tungo ng sala papunta sa front door habang tinulungan nila Pauline na maupo si Marasigan na hawak ang dumudugo niyang balikat.

"Tubig..." sabi ni Marasigan. Tinitiis niyang sakit.

Tumakbo sa kusina si Pauline at bumalik dala ang baso ng tubig na kanyang inabot kay Marasigan.

"Nasaan 'yung isang babaeng sundalo? 'Yung matapang?" tanong ni Pauline matapos uminom ang sundalo.

Malungkot na umiling si Marasigan. Nakita niya kung paano natumba si Pvt Belen.

Maya-maya'y bumalik sina Pvt Rosalia na dala ang plastic box ng first aid kit, dala naman ni Father Deng ang mga ammo.

"Masuwerte ka, Marasigan, tumagos ang bala sa balikat mo," sabi ni Rosalia habang ginamot ang balikat ng kasamahan.

Maya-maya'y pumasok si Pvt Tuason.

"Si Diazon?" agad na tanong ni Pauline.

"Kasunod ko na," sabi ni Tuason habang pumuwesto sa bintana. Hinawi niya pasara ang kurtina at pinatay ang ilaw, aniya: "Wala na akong ammo."

"Meron dito," sabi ni Rosalia at tinuro si Father Deng.

Pagtingin ni Tuason ay nakita niyang naka-sukbit sa magkaliwang balikat ni Father Deng ang dalawang military belt kung saan may mga holster na laman ay magazine na pang 8mm pistol at M-16 armalite.

"Para kayong si Rambo, father," sabi ni Tuason.

"Who me?" pagdilat ni Father Deng, hawak pa niyang pistol sa isang kamay at crucifix sa kabila.

Maya-maya'y pumasok si Diazon na tila matamlay. Kanyang salamin sa mata'y nakatabingi.

"Diazon!" salubong ni Pauline.

Napangiti si Diazon nang makita ang dalaga.

Bago siya natumba.

#

"Esguerra..."

"Tiglao?"

Sa labas ng compound kung saan nakaparada ang surveillance van, hindi inaasahan ni Lt Esguerra ang tawag ni Tiglao. Bilang niyang mga oras at nasa sa isip na niyang pasukin ang loob ng compound. Kinausap na niyang mga pulis. Kaya't laking ginhawa na malaman niyang ligtas ang dalawang P.I. at sa kanila na-confirm niyang identity ni Manuel at na naroon si Dr. Pontificano, bukod pa sa mga video footages ng spycam.

Sa loob ng malaking kubo, nakabantay si Tony sa pintuan habang nasa telepono si Tiglao. Sa labas, dini-distract nina Sunshine at Precious ang dalawang bantay.

Pwede kayong stuntman sa pelikula...
Ang mamacho n'yo kaya!
Pag sumikat kami, kukunin namin kayong extra sa pelikula namin...
Oo naman! May kilala kami sa showbiz noh! Kami pa!

Dinig ni Tony na sabi ng mga dalaga sa dalawang bantay na goons. Kinakabahan siya na baka madulas ang kanilang mga dila.

"'Wag kayong basta susugod. May ambush na naghihintay dito," sabi ni Tiglao sa cellphone. "Gagawa kami ni Tony ng paraan para makalabas kami dito..."

Sinabi ng P.I. na maraming miyembro ng kulto ang pasugod sa site—sa dating bahay ni Andy, pero alam na iyon ni Esguerra at sinabing papunta na sa headquarters sina Colonel Laxamana at Pvt Torres para kumuha ng tao't armas.

"Sana walang mangyari sa kanilang masama," sabi ni Tiglao, nasa isipan niya sina Pauline, Jang-Mi at iba pa. At pahabol niya, "May isa pang bagay pala..."

"Ano 'yon?" boses ni Esguerra sa kabilang linya.

"Tutoo ang higante," sabi ni Tiglao.

"Higante? Sigurado ka?"

"Nakita namin ni Tony."

Nagkatinginan sina Tiglao at Tony. Saglit na pause bago nagsalita uli si Esguerra.

"Kahit na higante pa 'yan. Tinatablan din 'yan ng bala, aniya."

Natapos ang tawag.

"Ano na, pare?" paglapit ni Tony kay Tiglao.

"Kailangang makalabas tayo dito," sagot ni Tiglao.

#

"DIAZON!"

Bumagsak si Diazon sa sahig at agad na nilapitan ng iba.

"M-may tama siya," sabi ni Pvt Rosalia.

May bakas ng dugo si Diazon sa kanyang likuran, sa kanang bahagi. Malakas ang agos ng kanyang dugo. Kitang nanghihina siya. Hiniga nila ang corporal sa sahig at nilagyan ng pinulupot na jacket ang likod ng kanyang ulo pagka't kita nilang bumubulwak ang dugo sa bibig niya. Lethal ang gunshot wound ni Diazon. Posibleng sa kanyang lungs. Posibleng sa puso.

"Stay with us, corporal!" sigaw ni Jang-Mi.

Lumuhod si Pauline sa tabi ni Diazon at hinawakan ito sa kamay.

"Diazon..." iyak ng dalaga, ramdam niyang humigpit ang kapit ng corporal.

Nakatingin sa kanya si Diazon, may parang gustong sabihin pero hindi ito makapagsalita. Sa gilid ng mata ng corporal, may namumuong luha.

"He needs to go to the hospital!" sigaw ni Jang-Mi.

"Isakay n'yo sa Pajero!" sabi ni Mang Gerry. "Dadalhin ko sa---"

Hindi natapos ng driver ang sasabihin pagka't inulan ng bala ang bahay. Nagsipagbasag ang mga salamin ng bintana at nagtalsikan ang mga bubog. Nagsipagdapaan sila. Marami sa kanila ang nasugat sa lumipad na bubog. Si Marasigan na nakaupo ay hinatak pababa ni Rosalia. Napadaing ang batangueño nang tumama ang balikat niya sa sahg. Sina Jang-Mi at Father Deng ay nagtago sa ilalim ng mesang kainan habang si Pvt Tuason ay nakayuko sa ilalim ng bintana malapit sa pintuan. Si Mang Gerry ay nakadapa sa ilalim ng lababong hugasan.

Sa labas, sabay-sabay na pinapuputukuan ng mga kalaban nila ang bahay. Hawak ni Cartaphilus ang M-16 armalite na naiwan ni Diazon sa labas at kanyang niraratrat ang bahay.

Nang matapos ang pagbabaril ay napuno ng usok ang kusina. Nagkagutay-gutay ang kurtina. Nagsipagbasag ang mga plato, baso at kagamitan sa loob. Ang pader ay tadtad ng butas.

Shocked ang lahat. Walang makapagsalita. Tila nabalot sa katahimikan ang bahay matapos ang ratrat ng mga baril.

Tahimik.

Bukod sa mahinang pag-iyak ni Pauline nang maramdaman niyang dumulas ang kapit ni Diazon sa kanyang kamay.

Inalis ng dalaga ang salamin sa mata ng corporal.

Nakatingin pa rin ito sa kanya.

Nguni't hindi na kumukurap. 

NEXT CHAPTER: "Heeere's Satan!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top