Chapter 17: Game Plans

Bago pa lamang mag-alas 5:00 ng umaga ay gising na ang mga madre sa Order of the Sacred Light Sisters Convent para salubungin ang pagsikat ng araw sa pamamagitan ng pagdarasal. Sabay-sabay silang nagsipagbangunan sa kanilang mga kuwarto para magbihis. 23 lahat ng mga madre sa kumbento na karamihan ay nasa edad 18 to 30. Anim ang nasa 40 pataas, kasama na si Mother Superior at ang pinakamatanda ay isang 86 taong gulang na retired nun na naka-wheelchair at alagain. May kanya-kanya ng assigned na mga gawain ang mga madre—sa kusina, sa hardin, sa pamimili ng groceries sa labas gamit ang bisikleta na may basket, at iba pa.

Nguni't isang gawain ang nadagdag ngayong umaga na walang gustong umangkin—at ito'y ang maghatid ng pagkain kay Mother Superior...sa crypt. Hindi lang matiis ng mga sisters na magutom ang minamahal nilang pinuno kahit na alam nilang ito'y possessed. Kaya't matapos ang umagang dasal ay nagbunutan sila kung sino ang 'di mapalad na bababa ng crypt at isa sa mga batang madre ang nakabunot ng pinakamahabang stick.

"Gabayan ka ni San Raphael, Sister Shirley."

"At ni San Christopher."

Si Sister Shirley ay nagkataon na siya ring iyong nasa loob ng cubicle sa CR noong naroon sina Hannah at Jules kagabi. Kunsumido lang na lagi siyang dinadapuan ng malas. Inabot sa kanya ang tray na naglalaman ng tatlong hard boiled eggs, anim na pandesal, bowl ng chicken sopas, dalawang saging Latundan, kape at malaking baso ng orange juice. Kilala lang si Mother Superior sa kanyang higanteng appetite.

Sa entrance ng crypt ay naghihintay na ang madre na hawak ang susi kasama ang isa pa na may sinding kandila sa candle holder na kanyang pinatong sa tray ni Sister Shirley. Nakaligtaan nilang lagyan ng langis o ng WD-40 ang bakal na gate kaya't nang kanilang buksan ay gumawa ito ng nakangingilong ingay na naglakbay pababa ng batong hagdan tungo sa madilim at mala-kuwebang crypt. Kinabahan sila na mabulabog ang kasamaan na nasa baba kaya't minadali nila si Sister Shirley paloob ng gate para maisara na agad ito.

"I...iwan ko na lang kaya dito?" turo ni Sister Shirley sa sahig, ukol sa tray ng pagkain.

Umiling ang mga madre.

"Baka kainin ng daga," sabi ng isang madre.

"O ipisin," ani ng isa pa.

"Bilisan mo baka nagugutom na si Mother Superior," at ng isa pa.

Napalunok si Sister Shirley at nakitang wala talaga siyang choice. Napapikit siya't nagdasal at nilakasan ang loob, at dahan-dahang humakbang pababa ng hagdan. Maka-ilang steps ay nagulat siya't napasandal sa pader nang biglang may dumaang malaking daga na paakyat naman. Napalingon siya sa pinanggalingan nang marinig na nagsigawan ang mga madre sa itaas at nakitang hindi na niya tanaw ang liwanag ng pintuan pagka't paikot ang hagdan. Lalo siyang kinabahan.

Nagpatuloy sa pagbaba si Sister Shirley at makarating sa dulo ng hagdan ay naliwanagan ng kandila ang loob ng crypt at natapat siya sa sarcophagus—ang ancient na ataol, na kanyang pinagmasdan ng may pagkamangha.

"Mother?" lumingon siya sa direksyon na papunta ng kuwarto kung nasaan ang altar.

Hindi pa siya nakakalayo nang pumasok sa ilong niya ang mabahong amoy—ng parang nabubulok na karne. Hindi niya iyon matiis. Para siyang masusuka. At tutal wala rin namang makakaalam, napagdesisyunan niya na bumalik na sa itaas. Iniwan na lang niya ang tray sa taas ng sarcophagus nguni't paglingon niya pabalik ng hagdan ay biglang tumumbad sa kanya si Mother Superior. Ganoon na lang takot ni Sister Shirley na hindi siya makasalita. Nakakakilabot ang hitsura ni Mother Superior na ang mga mata'y puro itim lamang at putlang-putla ang balat.

"SINABI KONG LUBAYAN N'YO AKO!" sigaw ng punong madre. "GUSTO KONG MAGDASAL NANG PAYAPA SA PANGINOON NATIN SA IMPIYERNO!"

Nagtakip ng mukha si Sister Shirley at umiwas ng tingin.

"D-d-dinalhan ko kayo ng pagkain, Mother Superior..." nanginginig niyang sabi. Nanatiling nakatakip ang mga kamay sa kanyang mukha, inaantay ang worse na mangyayari. Nguni't, maya-maya'y narinig niya ang maingay na mga pagnguya. Nang buksan niyang kanyang mga mata ay nakita niyang busy na si Mother Superior na nilalantakan ang pagkaing dinala niya—kinakamay ang pancit canton at sinusubo.

Nagmamadaling tumakbo paakyat ng hagdan si Sister Shirley, habang paulit-ulit na sinasabi "Ayoko na! Ayoko na nito! Hindi worth it!"

#

"Kumusta naman si Mayor?" tanong ni Father Paul.

"Okay lang," kibit-balikat ni Jules. "Hindi naman nagtatampo na iniwan natin siya sa bahay. Mukhang nag-e-enjoy naman kasama ni Lola Edna."

"Onga pala, sarap nung beef stew ni lola ha!" sabi ni Hannah, hawak ang kutsara. "Jules, dapat pala dinalhan natin si Father!"

"Okay lang," sabi ni Father Paul. "Anong oras naman na kayo nakabalik? Nakakain naman na kami..."

6:45AM. Nasa loob ng dining hall ang tatlo at nag-aalmusal ng chicken sopas, pandesal at kape. Enjoy lang sila pagka't matagal na silang hindi nakakakain ng ganon. Simple, at hindi na lang puro Mcdo. Suot nilang kanilang pinantulog—t-shirt, jogging pants, sweater, jacket at medyas. Sa kuwartong tulugan na may double deck beds feeling nila kagabi'y mga high schoolers sila na nag-re-retreat. May pa-night prayer pa si Father Paul. At lalo na't wala pang internet, wala silang choice kundi pakinggan ang mga kuliglig. Dakong hatinggabi nang bumalik ang ulan, bagama't mahina lang, pumasok ang lamig nito papasok ng bintana at sila'y nakatulog balot na balot ng makapal na kumot. Nagising sila sa mala-ugong na dasal ng mga madre sa bakuran nakaharap sa Silangan. Ang umaga ay may maginhawang samyo. May hamog sa labas na masarap sa balat.

"Sana ganito lang lagi," sabi ni Hannah habang uminom ng kape. "Chill lang."

"Walang iniisip, walang pinoproblema," pag-agree ni Jules.

"Bakasyon lang everyday!" tawa ni Hannah.

"O 'di mag-madre ka na lang!" sabi ni Father Paul.

"Yoko nga, Father!" malakas na sabi ni Hannah. "Ako magmamadre? 'Di na oy!"

Napatingin ang grupo ng mga madre na nagaalmusal sa kalapit na mesa.

"No, offense, sisters," ngiti ni Hannah sa kanila.

Bumalik sa pagkain ang mga sisters na nagbubulungan.

"Saka gusto ko ring mag-asawa noh," balik ni Hannah sa mga kausap. "At magka-baby."

Pagkasabi noo'y saglit silang nagkatinginan ni Jules.

Maya-maya'y dumating si Sam na may dalang tray na may bowl ng sopas at tasa ng kape. Naka-sweater din siya at beanie, ang mahaba niyang buhok ay nags-sway sa kanyang likuran. Kasabay din nila siyang gumising although may mga inasikaso muna at pinauna silang magalmusal. Aniya, galing siya sa crypt para i-check ang kalagayan doon. Ang nangyari, kinailangan daw niyang sabihan ng calming spell ang isang madre na nagbabalak nang mag-quit dahil na-trauma nang bumaba ng crypt para maghatid ng pagkain kay Mother Superior.

"Sabi ko huwag na silang bumaba sa crypt unless I say so," sabi ni Sam habang nilapag ang tray sa mesa't naupo. Umuusok pa ang sopas niya. "Kung ayaw nilang ma-possess."

"So, anong game plan natin?" tanong ni Hannah.

Tinaas ni Sam kanyang hintuturo bilang sign na may naisip siya, pero sumubo muna ng ilang kutsara ng sopas bago nagsalita.

"Naalala n'yo kagabi nung magdatingan ang mga madre na may mga kandila at nagdadasal ng Hail Mary?"

Nagtanguan ang iba. Medyo matagal bago tumango si Jules.

"Puno ka kasi ng suka no'n, baka'di mo napansin," sabi ni Sam sa kanya.

"Alam ko, noh," mabilis na sabi ni Jules. Nagpipigil tumawa sina Hannah at Father Paul.

"Anyway, na-distract nila si Mother Superior, 'di ba?" patuloy ni Sam. "Long enough para talsikan siya ng holy water ni Father."

Tumango si Father Paul, "Sinusuggest mo ba na i-distract natin uli si Mother Superior ng mga madre na nagdadasal?"

"More than that, Father," sabi ni Sam. "Sasabayan natin siya sa pagdadasal."

"What the fuck? You mean, magdadasal tayo kay Satanas?" bulalas ni Hannah. Napatingin muli ang mga madre sa katabing mesa. Pati ang madre na naghahalo ng sopas sa malaking vat sa malayong mesa. Nagsipag-sign of the cross sila. May ilang madre ang magmamadaling lumabas ng dining hall.

"In a way. Kunwari lang," tango ni Sam. "Yun naman ang gusto niya 'di ba?"

"I-indulge natin si Mother Superior..." intindi ni Jules.

"Yes, Jules."

"Pero, may twist ito..." sabi ng parapsychologist. "Anong twist nito?"

"'Yan ang fun part," ngiti ni Sam. "'Di ba gusto mong matuto ng Enochian? Ng Celestial Speech?"

Nagtatakang tumango si Jules.

"Well, tuturuan ko kayo," sabi ni Sam.

#

Manila:

Maaga si Tiglao sa presinto ni Hepe para makapagusap sila tulad ng ipinangako nito. Alas-7:25 AM ay inabutan ng P.I. ang kaibigang pulis bago ito pumunta ng Manila Cathedral. Pinauna naman na roon ni Hepe sina Sarge at Joboy para panatilihin ang police presence sa request na rin ni Bishop Israel. Isang deterrence sa makukulit na Press.

"Kape?" alok ni Hepe habang pinapasok ang kanyang bisita sa loob ng kuwarto.

"Brewed?" ngiti ni Tiglao.

"Anong tingin mo sa istasyon ko, hotel?" tawa ni Hepe.

Naupo si Tiglao sa bakanteng upuan na nasa harapan ng desk, at habang sumenyas si Hepe sa labas ng pintuan para dalhan sila ng kape, ay inikutan niya ng tingin ang loob ng opisina. Naalala niya ang dati niyang opisina sa Crame bago siya magretiro. The usual. Nariyan ang mga framed pictures, ng mga diploma at awards, ng mga newspaper headline clippings. PCPT Jose Candelaria. PNP Station Commander ang nakaukit sa desk name plate. Senior Inspector sa ranggo ng kapulisan. Although, aniya, dapat talaga ay Community Precinct Commander. Amoy air freshener ang loob ng opisina.

At malamig ang aircon.

Naalala ng P.I. ang gabi ng kanyang pagreretiro. Ang munting retirement party kung saan naroon ang dati niyang mga pulis—sina Suratos, Laperna, maging si Mr. Albalde, ang tech expert na bumubuo ng team niya na nagawang maresolba ang kaso ng kinidnap na mga bata ng isang doomsday cult. Naalala niya ang gabing iyon, pagka't iyon din ang gabi na napanood nila sa TV ang pagguho ng belfry tower. Sa mga nasaksihan niya kahapon, hindi maalis sa isipan niya na maaaring may kinalaman ang kidnapping case niya sa nangyari sa Manila Cathedral, pati na rin sa pagkawala ni Andy. Tatlong magkakahiwalay na insidente, pero iyon ang kutob niya. Ano ba iyon kasabihan? Na lahat ng bagay ay konektado?

"Instant coffee lang meron kami, okay lang ba 'yun, pare?" sabi ni Hepe habang naupo sa kanyang swivel chair.

"Nung gabing iyon? Nandoon ka..." tanong ni Tiglao.

Medyo na-off si Hepe na ang sagot sa tanong niya'y isa ring tanong, na bagama't tanong ay tunog pagmumuni.

"Tinatanong mo ba ako?"

"Nakita mo mismo? Na gumuho?"

"Oo, pare," tango ni Hepe, ngayon nag-connect na sila. "Hindi lang iyon."

Napakunot-noo si Tiglao. Hindi na siya nagtanong pa, alam niyang may kasunod na agad iyon.

"May nakita ako na hindi nakita ni Sarge," sabi ni Hepe. "Doon sa ilalim ng tore."

Napaayos ng upo si Tiglao nang marinig iyon. Sa ilalim ng tore—ang basement na binanggit ng foreman sa kanila nila Tony. Tahimik lang siya habang kinuwento ni Hepe ang nasaksihan niya sa ilalim ng belfry tower, sa tinatawag na "dungeon," at hindi siya makapaniwala sa narinig.

"Dimonyo? Nakakita ka ng dimonyo? Ng tunay na dimonyo?" gulat na bigkas ni P.I.

"Oo, pare," pagsandal ni Hepe sa upuan. "Maniwala ka sa hindi, pero nakita ng dalawang mga mata ko."

Nang tanungin ang hitsura, dinescribe ni Hepe ang dimonyong si Asmodeus—na may mala-grasang itim na katawan, mahahabang sungay, at buntot na sa ahas. Kinuwento niya kung paano binaril pa niya ito at hindi namatay at kung paano muntik pa siyang magka-heart attack na kagagawan ng kapangyarihan ng dimonyo. Aminado ang pulis na na-trauma siya sa nasaksihan, na kamuntikan pa siyang bumitaw sa serbisyo dahil doon.

Maya-maya'y may kumatok sa pintuan at pumasok ang isang maliit na manang na dala ang tray na may dalawang baso ng instant coffee na may ka-ternong naka-cellophane na ensaymada.

"Masarap 'yang ensaymada, pare," turo ni Hepe. "Mura pero lasang mahal."

Pero, distracted na si Tiglao.

"May napanaginapan ako," aniya.

"Anong panaginip?" tanong ni Hepe habang in-unwrap ang isang ensaymada. Napataas kilay ang manang sa paksa ng kanilang usapan at nagmamadaling lumabas ng kuwarto at sinara ang pintuan.

Kinuwento nni Tiglao ang napanaginipan niyang giyera ng mga anghel at dimonyo, kung saan tila nananalo ang kampon ng kasamaan. Kinuwento niya ang nanghihingalong anghel na nasugatan sa laban na kanyang nilapitan at may sinabi sa kanya na hindi niya naintindihan, bago ito tuluyang namatay.

"Latin?" tanong ni Hepe habang kumagat ng ensaymada.

"Ha?"

"'Yung salita nila."

"H-hindi," iling ni Tiglao. "Ba't mo nasabing Latin?"

"In-assume ko lang na Latin," sabi ni Hepe habang ngumunguya. "Pare, tikman mo 'yung ensaymada. Masarap talaga."

"I-ibang salita...language...hindi Latin..." sabi ni Tiglao habang inabot ang kanyang kape.

Saglit silang natahimik para uminom ng kape sa pagaalalang lumamig iyon dahil sa aircon. At nahikayat na rin si Tiglao na tikman ang ensaymada, which nagustuhan naman niya. At habang nag-eenjoy sa pagkain ay laman ng isip niya ang kuwento ng kaibigang pulis, at na siya'y naniniwala rito. Naniniwala siya pagka't ang tanging paraan lang para bumalik si Andy ay sa paraang hindi kapani-paniwala. At handa siyang maniwala alang-alang sa kanyang kumpare. Pero, may isa siyang talagang gustong maliwanagan.

"'Yung pari..." patuloy ni Tiglao. "Na sinabi nilang natabunan ng gumuhong tore. Ano ba talagang nangyari sa kanya?"

Natigilan sa pagnguya si Hepe at mabagal na kinuhang kape niya para uminom, taking his time bago sinabi:

"Kay Father Markus?"

Tumango ang P.I.

"Hindi iyon ang nangyari," sabi ni Hepe, at sinalaysay niya kung paano tumalon sa mahiwagang ilaw si Father Markus dala ang tatlong mga bagay—artifacts kung tawagin na siyang tumalo kay Asmodeus, at doon sa ilaw nawala. Pagkatapos ay lumindol at sila'y nagsipaglikas.

"Kung saan siya napunta hindi ko alam. Langit? Impiyerno? Pugatoryo? Kung saan man, isang malaking ewan," sabi ni Hepe.

"Parang si Andy..." muni ni Tiglao. "Isang malaking palaisipan..."

"So, anong plano mo?" tanong ni Hepe.

"Pupunta kami sa Callejon, sa bayan ni Andy, kung saan siya nawala," sagot ni Tiglao.

"Kung saan siya kinuha ng mga aliens?"

"Ganoon na nga."

"Good luck," sabi ni Hepe.

"Sa 'yo rin," balik ni Tiglao. "Mukhang matindi ang problema mo sa Manila Cathedral. 'Yung Bishop Israel. Tiwala ka ba sa kanya? Anong balak nila?"

"Sa tutoo, hindi ko rin alam, pare," iling ni Hepe. "May mga darating daw. Ewan ko kung anong gagawin nila. Pero, nakasisiguro ako na magiging masalimuot ang lahat bago maging okay."

Matapos nilang mag-usap ay sabay silang nagtungo ng Manila Cathedral. Ani ni Tiglao, kakausapin niya si Bishop ukol sa napagkasunduang retainer at na pondohan ang excursion nila sa Callejon bilang kanilang unang mission. Nguni't nang marinig ni Bishop Israel ang plano niya'y marami siyang mga katanungan. Isa na'y kung anong vital na koneksyon ng pagkawala ni Andy sa kasalukuyang nangyayari, na ayon sa P.I ay isa lamang gut-feel.

"What do you expect to find there?" tanong ng obispo.

"Answers," sagot ni Tiglao.

Nasa loob ng opisina ng obispo ang dalawa. Sina Hepe, Sarge at P01 Manalang ay nasa may belfry tower na nagmamanman. Ilang mga ibon pa ang nabiktima ng mahiwagang puwersa, karamihan mga kalapating dumadapo roon tuwing umaga. Kagagawa pa lamang ng contract retainer na kasalukuyang pinipirmahan ni Bishop Israel para ibigay kay Tiglao na nangangahulugang siya at kanyang team ay nasa employ na ng Catholic church.

"Answers?" ulit ni Bishop Israel habang pinipirmahan ang mga papel.

Tumango si Tiglao.

"Your highness, may binanggit kang tungkol sa portal," aniya. Kahapon sa belfry tower, iyon ang explanasyon ng obispo kung bakit nagsisipaghulog mula sa ere ang mga ibon at kung bakit nawawalan din ng malay ang mga taong lumalapit. Hindi masyadong binigyang tuon iyon nila Tony, Pauline at Jang-Mi, pero sa kanya, nag-resonate iyon. Kinagabihan, ni-research ni Tiglao ang tungkol sa mga portals.

"What about it?" tanong ng obispo, naisip na sana nailagay niya sa kontrata na dapat itawag sa kanya at all times ay "your excellency."

"Kung hindi ako nagkakamali, ginagamit ng mga dimonyo ang portals para makatuntong sa mundo," sabi ni Tiglao. "Am I correct?"

"Hypothetically, yes," sagot ni Bishop Israel.

Natigilan saglit si Tiglao. Not sure kung ano 'yung term.

"Anyway, your honor, ito ang theory ko..." patuloy ni Tiglao.

Napasandal ang obispo at muling ipinagdikit ang dulo ng mga daliri na nilapat niya sa kanyang bibig, anticipating ang sasabihin ni Tiglao. Ini-expect na niya na kung gaano kahusay si Andy na private investigator ay ganoon din ang kaharap.

Bumuwelo si Tiglao at sinabi:

"Tingin ko ang nangyayaring kababalaghan ay may bumubukas na portal o mga portals kung saan anytime soon...okay, 'wag naman soon, may mga papasok na mga dimonyo sa mundo. Pakiramdam ko, may mangyayaring giyera ng mga dimonyo kontra sa anghel, at kayo, ang simbahang Katoliko ay nanginginig na sa takot. Hindi n'yo alam kung paano isasara ang portal. On the other way around...eh...kailangan n'yo rin ang portal para papasukin ang dapat n'yong papasukin...sabihin natin...isang pari na may mga sandata na maaaring makatalo sa mga dimonyo?"

Napangiti si Bishop Israel. Wari niya nag-usap sila ni Hepe kung saan nakuha ni Tiglao ang mga ideya niya tungkol kay Father Markus. Na-impressed siya sa investigative powers ng P.I. Pero, saan niya nakuha ang ideya tungkol sa Second Great War between Heaven and Hell?

"Sabihin na nating may nagsabi sa aking anghel," may ngiting tugon ni Tiglao.

Hinimas ng bishop ang kanyang noo.

"Let's assume na tama ka," aniya. "But you still haven't answered my question. Anong makukuha mo sa pagpunta sa Callejon kung ang mahalagang nangyayari ay nandito sa Manila Cathedral?"

Si Tiglao naman ang sumandal sa upuan, and with confidence sinabi:

"I believe, your honor, na ang paglaho ni Andy ay may pagkakapareha sa pari. Na may portal sa Callejon. Maaaring sa dati niyang bahay o sa simbahan kung saan siya in-abduct ng aliens. Malaki ang paniniwala ko na may portal sa bayan ng Callejon at iyon ang hahanapin namin."

Saglit silang natahimik. Si Bishop Israel lunod sa pag-iisip.

"I guess there's only one way to find out kung tama ka," ani ni Bishop.

Tinulak ng obispo ang mga papel—ang kontrata, ang retainer tungo kay Tiglao, na nag-suot ng antipara para tignan iyon, at napangiti sa nakasaad na amount. Kinuha niya ang bolpen at pumirma. Lalo pa siyang napangiti nang maglabas ng cheque book ang obispo at inabutan siya ng cheke na may halagang 80k.

"That will cover your team's expenses papunta ng Callejon," ani ni Bishop. "I'll transfer money to your account kapag kinulang kayo. You will leave as soon as possible."

Masayang tumayo si Tiglao sa pagtatapos ng kanilang meeting. Nagkamay sila ng bishop na may sinabi sa kanya na hindi niya gets. Voluntas-something. Kung may Latin ito 'yon, wari niya. Palabas ng pintuan may pahabol si Bishop Israel.

"One more thing," aniya. "You will need a priest."

"Priest?" pagtataka ni Tiglao.

"Every team needs a priest," balik ng obispo.

#

Nilapag ni Sam ang papel sa mesa at sabay-sabay na tinignan nina Jules, Hannah at Father Paul. Nakasulat doon ang phrases na nasa salitang Enochian o Celestial Speech—ang wika ng mga anghel at dimonyo. Ang wika na gamit ni Mother Superior noong nagdarasal siya.

"Sam..." buntong-hininga ni Jules. "Nung sinabi ko na gusto kong matuto ng Enochian, eh 'di ko naman ini-expect na ang una kong matututunan ay ang Prayer to Satan."

"'Yan ang dadasalin natin? What the fuck?" bulalas ni Hannah at napasindi ng yosi bagama't bawal na bawal sa dining hall o kahit na saang lugar sa kumbento. Nag-ubuhan ang mga sisters at winasiwas ang usok nang makarating sa mesa nila. "Paano ba makakatulong ito para ma-exorcise si Mother Superior?"

"Tulad ng sabi ni Jules, i-indulge natin si Mother Superior," sabi ni Sam.

"Oo nga, pero paano?"

"Vanity..." sabi ni Jules. Na-gets niyang gustong mangyari ni Sam.

"Ha?" tingin ni Hannah.

"Vanity. The devil's favorite sin," sabi ni Jules.

Napangiti si Sam na nahuli ni Jules ang plano niya. In-explain ng parapsychologist na ang gagawin nila ay sasabayan nila si Mother Superior sa pagdarasal ng Prayer to Satan, sila kasamang mga madre, at gagamitin ang pagka-vain ng mga dimonyo para malaman nila ang pangalan ng nag-possess kay Mother Superior. In that way, ma-e-exorcise nila ito. Natuwa sila. Sure sila na magwo-work ang kanilang plano.

Pero tahimik lang si Father Paul. Napapalunok.

"Okay ka lang, father?" may concern na tingin ni Sam. "Game ka ba?"

Napatingin sa pari sina Jules at Hannah.

"Never ko na-imagine na balang araw pagdadasalin n'yo ko kay Satanas," sabi ni Father Paul sabay sign-of-the-cross.

"Basta 'wag mo lang i-me-mean, Father," tawa ni Hannah.

"Oo, 'wag kang ma-carried away," dagdag ni Jules.

"Okay..." buntong-hininga ng pari. "'Wag n'yo na lang ikuwento sa iba, lalo na kay Bishop Israel."

"Oo naman!" sabay-sabay na sabi ng kanyang mga kasama.

Maya-maya'y dumating ang dalawang madre na magkatulong na bitbit ang malaking salamin na may bakal na frame at kasinlaki ng body mirror.

"Sister Sam," sabi ng isang madre. "Sa'n po ba namin ilalagay ito?"

"D'un na lang sa chapel!" turo ni Sam. Tumalima ang mga sisters dala ang salamin.

"Para saan 'yun?"nagtatakang tanong ni Hannah.

"Ano pa," taas-balikat ni Sam. "Eh 'di vanity."

#

Nang makarating sa Maverick P.I. office si Tiglao ay ibinalita niya kay Tony ang naging meeting niya kay Bishop Israel. Ganon na lang tuwa ng kanyang partner nang makita ang retainer contract at ng 80k na cheke. Sa lakas ng sigaw niya ay nayanig ang kisame. Saglit na nabingi si Marissa na may kausap sa phone sa kanyang desk, si Vic na nagtitimpla ng kape ay medyo napatalon, samantalang busy lang si Nina na nagxe-xerox.

"Panalo, pare," sabi ni Tony. "This means, pwede na nating itapon ang ibang mga walang kakuwenta-kuwentang kaso natin. Ito lang buhay na tayo!"

Naupo si Tiglao katapat ng mesa ni Tony, habang dinalhan siya ni Vic ng kape.

"Thank you, Vic," pasalamat niya.

Nakangiti si Vic na tila ba magkaka-bonus siya, at bumalik sa pantry kung saan nagtipon sila nina Marissa at Nina at nagbulungan.

"Kaya na nating lumipat ng mas magandang opisina," pag-isip ni Tony. Malayo ang kanyang tanaw as though marami na siyang nakikitang mga pagbabago sa kanilang future. "Somewhere in Makati o kaya BGC..."

"Awat muna, pare," tawa ni Tiglao. "Marami pa tayong kailangang gawin bago ang lahat ng 'yan."

"Ah, yes, tama ka," sabi ni Tony. "So, what's the plan? Tuloy tayo sa Callejon?"

"Bukas na bukas ng umaga, larga na tayo," tango ni Tiglao.

"Ite-text ko na si Jang-Mi at Pauline," pagdampot ni Tony sa kanyang cellphone at nagsimulang mag-text. Excited lang.

Inantay ni Tiglao na makapag-text ang partner bago sinabi:

"Kailangan nating tawagan si Greg," aniya. "Sabihin sa kanya na pupunta tayo ng Callejon."

"Yes, dapat," agree ni Tony sabay dial ng kanyang landline.

Ring ng telepono bago narinig ang boses ni Colonel Greg Laxamana na sumagot. Nilagay ni Tony sa speakerphone para makausap nila ito ng sabay. Sinabi ni Tiglao ang plano nilang pagpunta sa Callejon para imbestigahan ang nangyari kay Andy, to which may malaking concern ang military official.

"May malaking pagbabago sa bayan ng Callejon," sabi ni Colonel Laxamana. "Ang tutoo ay under close monitoring namin ito..."

Nagtaka sina Tiglao at Tony.

"After ng insidente may mga unusual activities na nangyari," patuloy ng colonel. Ang tinutukoy niya ay ang nangyaring mass alien abduction sa maliit na bayang iyon sa Quezon more than a year ago. Ang Bayang Naglaho, bansag ng mga conspiracy theorists.

"Huwag mong sabihin na naging no man's land na naman ang Callejon?" sabi ni Tiglao.

"Hindi," sabi ng colonel sa speakerphone. "Sa katunayan, kabaligtaran ang nangyari doon. Nagdagsaan ang libo-libong mga tao, ng mga deboto, ng mga religious fanatics, mga kulto galing kung saan-saan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, ang bayan ng Callejon ay parang naging isang pilgrimage spot."

Nagkatinginan sina Tiglao at Tony.

"Mabuti pa sumama ako sa inyo," mungkahi ng colonel.

"Mabuti pa nga," sabi ni Tiglao.

NEXT CHAPTER: "Let Us Pray..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top