Chapter 11: Angels & Donuts

Nanaginip si Tiglao.

At sa kanyang panaginip ay nakatayo siya sa gitna ng malawak at malayang bukirin. Ginintuan ang mga dayami na yumuyuko sa hangin. Ang malayong kabundukan ay silwetang hugis sa nakasisilaw na araw. Nasaan ako? Tanong niya sa sarili. Lumingon siya sa kanyang likuran at nakita ang grupo ng mga bahay na may bakod na kahoy. Isang maliit na komunidad. At doon ay may taniman ng gulay, may mga kambing at asong gumagala. At mga tao. Mga babae. Mga dalaga na mahahaba ang buhok at suot ay kulay puti na mga mga bistidang lampas tuhod. Ilan sa kanila'y may bitbit na mga balde ng tubig. Ang iba nama'y tila naghahanda para sa isang pagsasalo.

Namukaan niya ang lugar. Ito ang pinagdalahan ng nakidnap na mga bata—ang huling kaso na hinawakan niya noon kasama si Andy, at bago siya magretiro sa PNP-AKG o Anti-Kidnapping Group.

Ang Tahanan nina Ama at kanyang Doomsday Cult.

Nguni't parang may kakaiba.

Napalingon si Tiglao nang marinig niyang tawa ng mga bata.

At humarap siya kung nasaan ang araw pagka't tila doon nanggagaling ang mga tawa. At naaninag niya sa kanyang harapan ang hugis ng isang lalaki na nagniningning sa liwanag ng araw. Mahaba ang buhok nito na lampas ng kanyang balikat, at may buong balbas. Suot ay kulay puti na t-shirt at maong. At ang lalaki ay napapaligiran ng mga bata. Lalaki at babae. Mga batang hindi lalampas ng sampung taon ang edad na pinaiikutan siya. Nagtatawanan. Sila'y naglalaro.

Minumukaan niya. Naalala niya si Ama, ang pinuno ng tahanan. Nguni't alam niyang patay na ito.

Hindi. Hindi ito si Ama. Si Ama na huwad na propeta.

Humakbang siyang palapit.

At isa sa mga batang babae na nakahawak sa kamay ng lalaki'y namukaan niya.

"Macy?" tawag niya.

Lumingon sa kanya ang bata at ngumiti, at para bang tinatawag siya.

"Macy!" sigaw ni Tiglao.

Binilisan niyang mga hakbang at nang malapit na'y nakita niyang mukha ng lalaki pagka't tumingin ito sa kanya. At nang masilayan niya'y nanginig ang buo niyang katawan at ang tuhod niya'y tila nawalan ng lakas na para bang inuudyok siyang lumuhod.

Lumuhod at magdasal.

At umiyak.

Nguni't pumikit si Tiglao.

At nang muli siyang dumilat ay gabi na.

At ang kadiliman ay may galit.

Ang kalangitan ay napupuno ng maiitim na ulap na tumatakip sa mga bituin. At sa mga ulap na ito'y kidlat, at narinig niya ang malalalim na mga pagkulog. Sa likuran ng mga madilim na silweta ng bundok ay nagbabagang ilaw na pula na para bang mga pagsabog sa giyera.

Wala na ang lalaki. Wala na ang mga bata.

At naramdaman niya ang mainit na bugso ng hangin na parang singaw ng bulkan, at nang lumingon si Tiglao para tignan ang Tahanan ay nakita niyang nasusunog ang mga bahay nito. Ang mga babae'y nagsipagluhuran, nakatingala na nagdarasal, umiiyak, at humihingi ng kapatawaran.

Tumingin si Tiglao sa kalangitan at nanlaking kanyang mga mata sa natunghayan.

Isang giyera.

Mga naglalabanang anghel at kapuwa nila anghel. Isang grupo'y nagliliwanag sa kanilang mga kasuotang bakal, hawak ang mga espadang nagliliyab samantalang ang isa nama'y balot sa kadiliman at itim ang mga pakpak. Mga dimonyo. Ilang mula sa magkabilang panig ay mamamatay at mahuhulog sa lupa. Nakita niyang ang maliliwanag na mga anghel ang tila nagwawagi ngun't mula sa lupa ay nagsulputan ang iba pang mga itim na anghel at sumali sa labanan. At ang mabubuting mga anghel ay siya nang natatalo.

At mula sa kalangitan, nakita ni Tiglao ang isang mabuting anghel na bumulusok pababa at ito'y bumagsak malapit sa kanyang kinatatayuan. Lumapit siya at nakitang duguan ito at kanyang kinalong. May sinasabi ang anghel nguni't ang wika niya'y kakaiba. Isang lenguwahe na walang katulad.

Dorpha lap tia.

"Hindi ko naiintindihan," sabi ni Tiglao.

Itinaas ng anghel ang kanyang kamay at tinuro ang kalangitan, at humawak sa kanyang balikat na may pagmamakaawang hiling.

Ge savior niis irasd a aoiveae.

Bago ito nalagutan ng hininga.

Tumingala si Tiglao sa langit at nakita niyang nagsisipaghulugan ang mabubuting mga anghel. Nagwawagi ang mga itim na anghel, at nakaramdam siya ng matinding takot.

At siya'y nagising.

"Conrado?"

Nang dumilat si Tiglao ang nakikita na niya'y kisame ng kanyang kuwarto. Naramdaman niyang kamay ng kanyang asawa na lumapat sa kanyang dibdib.

"Nananaginip ka ata," sabi ni Rose habang binuksan ang lamp sa side table ng kama. Nagbigay ito ng dilaw na liwanag sa madilim na kuwarto.

Napahawak si Tiglao sa kanyang dibdib. Medyo hirap siyang huminga at tila mabilis ang pintig ng kanyang puso.

"Hina-highblood ka..." daliang pagtayo ng maybahay para kumuha ng gamot sa kabinet at sandali lang ay bumalik dala ang tableta at baso ng tubig.

"Heto," pagabot ng gamot ni Rose, habang marahang naupo sa kama si Tiglao.

Sinubo ni Tiglao ang gamot at uminom ng tubig.

"Anong oras na?" tanong niya.

"Alas-Tres ng umaga," sabi ni Rose kahit hindi tumitingin sa orasan pagka't sanay din siyang magising sa oras na ito dahil sa body clock ng asawa. "Iihi ka ba?"

Tumango si Tiglao at hinanap ng mga paa ang kanyang tsinelas sa sahig pero bigla siyang natigilan. Pagka't hindi naman siya naiihi.

"O bakit?" pagtataka ni Rose.

Hindi nakasagot si Tiglao.

"Sumandal ka na uli at matulog."

Bumalik ng higa si Tiglao habang pinatay ng kanyang asawa ang table lamp, nakatitig muli sa kisame, laman ng isipan ang napanaginipan.

Kinabukasan nang magkita sila ni Tony ay iyon agad ang bukang bibig niya.

"Giyera ng mga anghel?" bulalas ni Tony habang humigop ng kape na nasa styro. Sa mesa ay may apat siyang mga donut. Inalok niya si Tiglao pero tumanggi ito. Okay na si Tiglao sa kape at iniiwasan din niyang matatamis. "Wild din ng panaginip mo, pare."

Kapuwa naka-jacket ang dalawang P.I. at nasa loob sila ng isang donut shop na apat na kanto ang layo mula sa building kung nasaan ang opisina nila na Maverick Private Investigators. Alas 8:20 AM ng umaga. Ngayong araw ang appointment nila kay Bishop Israel sa Manila Cathedral at minungkahi ni Tiglao na maaga muna silang magkita para makapagusap. Top priority nila ang kaso na ito na ukol kay Andy, na may kinalaman ang simbahan at tiyak silang involved din ang sinundan nilang babae sa Solaire.

Nang pumasok ang grupo ng mga 20-something na mga office girls ay napatingin si Tony na siyang nakaharap sa entrance, at nginitian niyang mga ito na para bang siya ang proprietor ng donut shop. Pilit na ngumiti pabalik sa kanya ang mga office girls na medyo nagtataka, as if saying "who's he?"

"Wild?" ulit ni Tiglao habang humigop din ng kape. "Ano bang depinisyon mo ng wild?"

"Wild ba sinabi ko?" pag-isip ni Tony habang ready nang kumagat ng donut. "I mean, weird."

Maya-maya'y bumukas uli ang pintuan ng donut shop at pumasok si Pauline.

"Hello po," bati ng dalaga at kinuha ang upuan sa tabi ni Tiglao habang nilapag ang kanyang handbag sa mesang pang-apatan.

"Nagalmusal ka na ba, iha?" tanong ni Tiglao.

"Hindi pa po."

"Iha?" react ni Tony kay Tiglao. "Kaya tayo nilolokong old school ni Pauline, pare eh."

"Hindi naman po," tawa ng dalaga.

"O, umorder ka muna," sabi ni Tony sabay subo sa donut.

May nagpasukan namang grupo ng mga lalaki na mga naka-long sleeves na naupo sa mesa ng naunang grupo ng mga babae na ka-edaran nila. Napansin ni Tiglao na pasimpleng tinuro ng mga babae ang mesa nila, at agad na nagsipaglingunan ang mga lalaki. Nabasa niya sa mga bibig nila na si Tony ang pinaguusapan nila. "'Yung malaking lalaki" tila sabi nila. Nagtawanan ang grupo ng mga nag-oopisina at nang lumingon si Tony ay nagsipagtahimik ang mga ito. Medyo nagtaka si Tony habang napailing na lang si Tiglao.

Bumalik si Pauline dalang tray ng kape at donuts at pagkaupo'y ikinuwento ni Tiglao ang kanyang panaginip kagabi.

"Ito 'yung lugar sa Benguet na pinuntuhan n'yo ni Andy? 'Yung kaso ng mga kinindap na mga bata?" sabi ni Tony. "'Yung tinawag n'yo na..."

"Tahanan," dugtong ni Tiglao. "Nandon yung mga bahay, pero 'yung lugar parang may kakaiba..."

"Ganon talaga mga panaginip, pare," taas-balikat ni Tony.

"Wala po si daddy? Sa panaginip n'yo?" tanong ni Pauline.

Umiling si Tiglao. Disappointed na wala si Andy sa kanyang panaginip. Sa isip niya, kahit sa panaginip lang sana'y makita niya ito. Wala siyang iba pang nais sa mga lumipas na taon kundi magkaroon ng kahit man lang katiting na clue kung anong tutoong nangyari sa kanyang kaibigan. Saglit siyang natulala at naalimpungatan sa tanong ni Pauline.

"Ano naman pong hitsura ng mga angels at devils?"

"The usual, kung ano 'yung nakikita n'yo sa TV at pelikula..." sabi ni Tiglao. Bigla niyang naalala at kinuwento iyong anghel na kinalong niya't bago namatay ay may tinuturo sa kalangitan. "May sinabi siya pero 'di ko maintindihan. Ibang language."

"Baka Latin?" sabi ni Tony habang dinampot ang huli niyang donut, at muling inalok sa kanyang partner. "Ayaw mo talaga?"

Umiling si Tiglao.

"Hindi Latin," sabi ni Pauline habang hawak ang cup ng coffee at may inaalala. "May sariling language ang mga anghel...nabasa ko dati..."

"Baka French? O German?" tawa ni Tony.

"O Russian?" nakangiting sabi ni Tiglao.

Pero, naalala ni Pauline.

"Enochian," aniya.

Nagkatinginan ang dalawang P.I.

"Enoch...ano?" kunot-noo ni Tiglao.

"Yes, based po kay Enoch" tango ni Pauline habang nag-search sa internet gamit kanyang cellphone. "Si Enoch ay parang isang prophet na supposed to be nakausap si God..."

"Old Testament?" tanong ni Tiglao.

"P-parang...Book of Enoch 'yung tawag sa libro..."

"Sorry, wala akong alam masyado sa bible," sabi ni Tony habang may nginunguyang donut at mabulon-bulon pa. "Bukod sa mga istorya ni Samson and Delilah, David and Bathseba, Noah at ni Moses, 'di ba pare?"

"Ten Commanments. Charlton Heston," ngiti ni Tiglao.

"Well, nasa Book of Enoch po 'yung tungkol sa Great Flood," sabi ni Pauline at binasa ang article sa cellphone na tungkol sa Enochian Language.

Noong late 16th Century sa England, ang occultist na si John Dee kasama ang spirit medium na si Edward Kelley ang nag-claim na nakakapag-communicate sila sa mga anghel sa pamamagitan ng scrying o ang pag-foretell ng future events gamit ang crystal ball, tubig o mga reflective na material, at ni-reveal sa kanila ang nasabing language na may 21 alphabets. Nalathala ito sa libro na Liber Loagaeth. Ipinangalan nina Dee at Kelley ang language kay Enoch, na ayon sa kanila'y ang kahuli-hulihang nilalang na nakaalam ng language na ito na tawag din ay Angelical, Celestial Speech at Adamical.

"Adamical?" tingin ni Tiglao. "As in, si Adam? Adam and Eve?"

Sabi si Pauline, "Kung natatandaan n'yo may part sa Genesis kung saan binigyan ni Adam ng pangalan ang mga hayop...ibon... "

"Enochian language ang ginamit n'ya," sabi ni Tiglao.

Tumango si Pauline.

"So, parang first language siya ng mundo," pagliwanag ng mga mata ni Tony sabay tingin kay Tiglao, sobrang na-interested lang. "Gusto n'yo pang donuts? O kape?"

Umiling ang dalawa niyang kasama.

Ayon pa sa article, ni-reveal ng mga angels kina Dee At Kelley ang series of texts or poetic verses na tawag din nila'y Claves Angelicae or Angelic Keys na sinubukan nilang gamitin para buksan ang tinatawag na 49 Gates of Wisdom na nagtataglay ng mga infinite knowledge.

"Anyway, ang Enochian language ay gamit din primarily ng mga occultists para sa magic," patuloy ni Pauline. "Para mag summon ng angels at devils."

"Sounds like black magic," sabi ni Tony.

Nagkatinginan silang tatlo.

"Okay, medyo lumalayo na tayo ng topic," pagsandal ni Tiglao. "Ang tanong eh, may kinalaman ba ang panaginip ko sa kaso natin?"

"Kung mata-translate po natin kung anong sinabi sa inyo ng angel," sabi ni Pauline.

Which is impossible, pagka't hindi natatandaan ni Tiglao ang mga salitang lumabas sa bibig ng namatay na anghel sa kanyang panaginip, bukod sa hindi rin niya naiintindihan. Ang tanging clue lang nila'y ang pagturo nito sa kalawakan, na more or less, ay isa lamang symbolic gesture. In fact, ang buong panaginip ni Tiglao ay maaaring isa lamang symbolism. Pero, ng ano?

"Bago ko makalimutan, ito pala..." binunot ni Tony ang envelope sa loob ng bulsa ng kanyang jacket at nilabas ang mga litrato na kanyang nilatag sa mesa, habang tinabi ni Tiglao ang mga styro ng kape. Mga print-outs ito na mula sa mga kuha ng kanyang dslr camera. "Na-trace ang plaka ng Range Rover, salamat sa kaibigan nating Colonel."

"At sino ang may-ari?" anxious na tanong ni Tiglao.

"Isang Adelaine Markus," sabi ni Tony. "Which I suppose, ay 'yung hot na babaeng may pagka-Latina."

"Markus?" pagdikit ng mga kilay ni Tiglao. "Kamag-anak nung pari?"

"Hindi ito isang coincidence lang," sabi ni Tony.

Nagkatinginan silang tatlo.

"Mabuti pa pumunta na tayo sa Manila Cathedral," sabi ni Tiglao. "At makausap ang ating elusive na bishop."

Nagtanguan sila at naghandang umalis.

Palabas na sila sa pintuan nang nahagip ng tenga ni Tony na may nagsalita mula sa mesa ng mga office boys and girls—na siyang nginitian ni Tony kanina. "D.O.M." na sinabi habang sinabayan ng ubo. D.O.M., Dirty Old Man. Alam niyang siya ang pinaringgan, pagka't napansin din niya na kanina pang sumusulyap sa kanya ang grupong ito. Na tuwing titingin siya sa gawi nila'y biglang magbubulungan.

Napahinto si Tony at huminga nang malalim.

Narinig din ni Tiglao. Umiling siya sa kanyang partner na huwag nang patulan. Pero:

"Saglit. Susunod ako," sabi ni Tony. Napailing na lang si Tiglao at sinundan palabas si Pauline.

Nilapitan ni Tony ang mesa ng mga office workers na nang makita siya'y nagsipagbulungan pa. May ibang tumatawa. Ayan na ang mamang D.O.M., manyak alert dinig niyang bulong nila. Kahit malaking tao si Tony ay tila hindi nasisindak ang mga ito sa kanya. Tumayo siya sa tapat ng mesa nila. Nilagay niyang nasa mga edad sila na mid to late 20s.

"Yes? Can we help you?" natatawang sabi ng isang office girl. Nakangisi ang mga kasamahan niya.

Nagpamewang si Tony at nang ginawa niya iyon ay bahagya niyang binuklat ang kanyang jacket kung saan sa loob na-reveal ang kanyang gun holster. Kuminang ang chrome niyang Beretta. Nang makita'y mabilis na naglaho ang mga ngiti ng mga taga-opisina at biglang hindi sila makagalaw. Inisa-isa silang tignan ni Tony na hindi makatingin naman sa kanya, at nakita niya ang mga donut sa mesa.

"Kakainin n'yo pa ba 'yang donuts n'yo?" tanong niya sa kanyang malalim na boses.

"D-donut, s-sir?" may nginig na sabi ng isang lalaki. "S-sa inyo na lang..."

"B-busog na po kami," sabi ng isang babae.

Napangiti si Tony.

Nag-aantay sa labas ng donut shop sina Tiglao at Pauline. Nang lumabas si Tony ay may hawak siyang donut sa magkabilang kamay, may isa pa na kagat-kagat niya.

"Take out?" tingin ni Pauline.

Napailing si Tiglao, "Sa'n ka naka-park?"

Tinuro ng ulo ni Tony ang direksyon at sila'y naglakad sa kung saan naka-park sa curb ang silver Nissan X-Trail niya. Sinubo ni Tony ang isang donut nang buo para ma-free ang kamay at mabunot ang susi sa kanyang bulsa. Tunog ng electronic remote key, bumukas ang autolock. Papasok na sila nang biglang may narinig silang boses.

"Hello..."

Nang lumingon sila'y nakita nila ang nakatayong babae na naka-olive green na military-style jacket. Nakatali ang mahaba nitong buhok, at wari ng dalawang P.I. ay nasa kanyang early 30s.

At isang Koreana.

"My name is Jang-Mi Dang," sabi ng babae. "You are looking for me?"

Nagkatinginan ang tatlo.

NEXT CHAPTER: "The Crypt"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top