9

Kung ang mundo ng mga tao ay pinaghahatian ng mga bayan at syudad, ang mundo ng mga elemental na nilalang, ang El Kantadia ay nahahati ayon sa anim na elemento: ang Kapatagan ng Lupa kung saan may malawak na kagubatan at diserto, ang Bulkan ng Apoy, ang Karagatan ng Tubig, ang Isla ng Hangin na dati'y lumumutang pero ngayon ay lumubog sa lupa, ang Tore ng Kidlat, at ang Kabundukan ng Yelo. Sa gitna ng lahat ng mga teritoryo ng elemento, may isang napakalaking puno na tinatawag na Puso ng Kalikasan. Ang tambuhalang puno na ito ay kita saang man direksyon, ang mga sanga ay halos natatakpan ang kalangitan at ang mga ugat sa ilalim ay abot kahit saan. Ito rin ang tahanan ng mga sugo ng kalikasan, ang mga diyos at diyosa. Nang naghalo ang dalawang mundo, ang kinang at ganda ng El Kantadia ay nawala ay naging pangkaraniwan na lamang.  Ang Puso ng Kalikasan ay naging isang malaking patay na puno. 

Halos ang kabuuan ng  mundo ng mga tao ay nahalo sa Kapatagan ng Lupa. Nandito ang lahat na pamilyar na mga lugar para sa mga tao kaya karamihan ng mga nakaligtas sa pananakop ng mga Metal ay naninirahan sa mga hukay at sa mga matitibay na kongkretong gusali. Batid ito ng mga matatalinong mga Metal kaya karamihan din ng kanilang mga pabrika ay nasa Kapatagan ng Lupa. Ngunit kahit nasa tabi lang ang panangib, hindi magawang iwanan ng mga tao ang Kapatagan ng Lupa dahil kahit nawala man ang hiwaga ng lugar, mayaman pa rin sa natural na sustansya ang lupa nito kaya napagtataniman ng mga puno at halamang makakain. Ang tanging mga lugar na tuyo at patay ay ang mga malapit at nasasakupan ng Pabrika ng Metal. 

Maraming nang  sakuna ang hinarap ng mga tao at marami na ring beses na ito ay kanilang nalagpasan. Hangga't may kagustuhang mabuhay, ang mga tao ay gagawa ng paraan para manatiling mabuhay. Ito ay natural na sa kanila kahit noong una pa. Hindi mawawala ang mga sakim at masasama pero hindi rin kailan man mawawala ang mga taong may malasakit at may likas na kabutihan. Ito ang natutunan ni Anino. 

Labis na nasaktan at nagalit si Anino sa reaksyon ng mga tao at ilang mga elementong nilalang nang malaman nila na siya ang dating diyos ng poot at dilim. Kung sino man ang nagsabing siya ang may kasalanan sa pananakop ng mga Metal ay siniguradong nakapako sa mga isipin ng mga ito na siya ang salarin at dapat sisihin sa lahat. Imbes na magpasalamat, puro pula at sumbat ang natanggap ni Anino mula sa mga ito. Mapagmataas si Anino at dapat hindi siya magpaapekto pero hindi niya ipagkakaila na lahat ng mga pangungutya ay masakit at tagos sa puso. 

Mabuti na lang nandyan si Itim na para bang isang ama na laging gumagapay at nagpapayo sa kanya. Malaki din ang kanyang pasasalamat kina Mayumi, Clyde at Milo na hindi nawala ang suporta sa kanya. Kung wala ang mga ito, batid niyang mabubuhay siyang mag-isa na puno ng galit at poot katulad ng kanyang pamumuhay noong siya ay isang diyos. Kahit malakas pa rin sa kanya ang tawag ng dating makasarili at mapagmataas na pag-iisip at ang halina ng masamang gawain at paghihiganti, pinipilit niyang magbago. 

"Hindi na natin kailangang, ihayag na ako si Anino."

Napatingin si Itim kay Anino at hindi sumang-ayon. "Kailangan nating malinis ang iyong pangalan. Hindi ikaw ang may kasalanan ng pananakop ng mga Metal. Ikaw na ang bagong si Anino, ang tagapagligtas."

"Ang tagapagligtas." hindi mapigilang matawa sa hiya si Anino, "Parang hindi bagay sa akin."

"Oo, Anino, dahil naniniwala ako na ikaw lamang ang tanging pag-asa ng buong mundo."

"Hindi ba, masyadong mataas ang tingin mo sa akin, Itim. Paano kung hindi ko kayang gampanan ang maging tagapagligtas."

"May tiwala ako sa iyo."

Natigilan si Anino. Hindi siya agad nakasagot. Napangiti at at napapikit saglit. Ano bang mayroon sa kanya at sobrang tiwala sa kanya ang isang nagsasalitang pusa. "H-Hindi ko alam kung karapat-dapat ba ako sa tiwala mo. Alam mo naman na isa akong masamang diyos."

"Dati." dagdag ni Itim. "Hindi na ngayon. Ikaw, Anino ay isa nang tao. Isang taong nagbago." 

Napabuntong-hinga si Anino. Mahirap makipagtalo sa isang nagsasalitang pusa. Natahimik siya saglit at napatingin sa direskyon kung saan tinuturuan ni Clyde si Milo na humawak ng espada. Si Mayumi naman ay gumagawa ng maliliit na mga lupang golem para kalabanin ni Milo.

"Malaki ang potensyal ni Clyde. Kahit matigas ang ulo at makulit, masasabi kong siya ang mas tatanggapin ng lahat na maging tagapagligtas." komento ni Anino. 

Muling tiningnan ni Itim si Anino. Batid niyang labis pa ring naapektuhan ito sa nangyaring negatibong reaksyon ng kanilang mga niligtas. Bilang diyos ng poot at dilim, ilang beses na itong pinagtabuyan at kinamuhian. Pero ngayon, si Anino ay isang tao na, nakakaramdam na ito ng mga emosyong hindi pamilyar sa kanya.

"Naiintindihan na kita, Anino. Mas nais mong tumulong kahit walang nakakalam kung sino ka."

Tumango si Anino. "Hindi ko na ipipilit na walang akong kasalanan o itatangging nakipagtulungan ako sa mga Metal. Wala na akong pakialam sa paniniwala ng iba. Hindi ako maghahangad ng pagkilala o hihingi ng pasasalamat. Lalaban sa mga Metal at tutulong ako dahil gusto ko. Masama akong diyos noon, ngayon bilang tao, nais kong magpakabuti at magbago."

Napangiti si Itim. 

***

Buong araw nang nagmamasid si Anino sa isang napakalaking gusali na gawa sa bloke ng mga bato at lupa sa gitna ng disertong bahagi ng Kapatagan ng Lupa. Ito ang dating templo ng diyos ng gubat at lupa na si Bulkano na ngayon ay ginawang pabrika ng mga Metal. Sa likod ng templo ay may tatlong nagtataasang tore ng purong metal na nilalabasan ng itim na usok na nagmumula sa pagawaan ng mga Metal sa loob nito. Hindi tulad ng huling pabrika na sinira nila sa gitna ng sementeryo na pinamumunuan ng isang Bronze General, ang pabrikang ito ay isang Silver ang namamahala. Matalino at mas malakas ang mga Silver kaysa sa mga Bronze.

Gaano man kalaki ang kagustuhan nina Clyde at Milo na sumugod at iligtas si Bonnie, batid nila na kailangang mag-ingat at maghanda. Nagpagdesisyunan na magmasid muna si Anino at tiyakin na nasa templo si Bonnie. Mas mahigpit ang pagbabantay at mas higit ang dami ng mga Steel Knights sa labas ng templo pero wala itong kwenta para kay Anino na may kakayahang humalo sa anino ng mga Metal at kahit anong bagay. Malaki din ang tulong na kanyang kakayahang mag-anyong usok na nagkukubli ng kanyang pisikal na anyo. 

Bumungad agad sa kanya ang malawak bulwagan na may napakataas na kisame at naglalakihang mga poste. Sa dulo ay may isang trono pero wala na ang estatwa ni Bulkano na dati ay nakaupo dito. Isang tambuhalang Silver na Metal ang nakaupo ngayon na may malaking katawan at ulo ng isang toro na may dalawang malapad na sungay.

Napalingon ang Silver pagpasok ni Anino na agad namang humalo sa anino ng pinakamalapit na poste. Hindi maitatanggi ni Anino ang lakas ng presensya ng Silver na ito dahil kinabahan siya at agad na nagtago. 

May dalawang Bronze General na nagbabantay sa harapan ng Silver. Sa bawat sulok din ng bulwagan ay may tig-sasampung Steel Knight na nakatayo. Tama ang desisyon nina Anino na huwag agad sumugod dahil hindi nila kakayanin ang makipaglaban ng harap-harapan sa ganitong kadami at kahigpit na seguridad. 

"May problema po ba, Taurus?" tanong ng isa sa mga Bronze General. 

Muling tumingin ang Silver ng direksyon ni Anino pero buti ay humalo na siya sa mga anino Steel Knight.

"Hmmm. Wala naman." sagot ni Taurus, "Siguro naiinip lang ako."

"Gusto n'yo po ng libangan?" alok ng pangalawang Bronze General.

Natawa si Taurus at tumango. "Ilabas ang aking mga laruan." utos nito.

Agad pumasok ang ilang mga Steel Knight na may buhat-buhat na dalawang kahon na gawa sa purong metal. Maririnig ang galit na galit na mga sigaw at ungol na nagmumula sa isa sa mga kahon.   

"Mukhang hindi makapaghintay makipaglaro ang bago kong laruan." sabi ni Taurus at tumayo. Agad na namang lumayo ang dalawang Bronze General. 

Binuksan ng Steel Knight ang maingay na kahon at agad-agad na lumabas ang galit na galit na binata. Madungis at sira-sira ang damit pero kapansin-pansin ang buhok nito na kulay asul. Nanlilisik ang mga mata nito. 

"Pinatay mo ang aking mga kasama!" sigaw ng binatilyo, "Magbabayad ka!" 

"Magbabayad ako?" natatawang sagot ni Taurus, "Sige, pagbayarin mo ako, nilalang ng lupa!" hamon niya. 

"Ako si Ryle, ANG PAPATAY SA LAHAT NG MGA METAL!" nilahad niya ang kanyang kamay at may isang hiyas na kulay mapusyaw na berde ang lumabas. Isang peridot. 

Nabuhayan ng loob si Anino at hindi mapigilang lumipat sa anino ng isa sa mga Bronze General para mas malapitang makita ang lalaking mayroon ding Hiyas ng Kalikasan. Sa malapitan ay masasabi ni Anino na hindi nalalayo ang edad nito kina Clyde at Milo. Mas malamang lang ito sa tangkad. 

Humulma at kumuntrol ng buhangin ang kapangyarihan ng hiyas na hawak ni Ryle. Dahil na nasa diserto ang templo, pabor ito sa kanya at nagawa niyang bumuo ng isang malaking golem na gawa sa buhangin. 

Natuwa si Taurus at nanabik pa sa kalabang nasa harapan niya. Gamit ang kanyang tambuhalang mga kamao ay pinagsusuntok niya ang golem. Kahit tumatagos lamang ang bawat atake niya, hindi siya nabahala bagkus ay tumatawa pa at para bang ginagawa lang niyang pang-ensayo ang golem.

Labis ang inis ni Ryle dahil pinagkakatuwaan lang ng Silver ang kanyang kakayahan. Bilang ganti ay ginawa niyang kumunoy ang tinatapakan nito upang ito ay unti-unting lumubog habang patuloy naman ang pag-atake ng golem. 

Napailing si Anino. Hindi alam ni Ryle kung paano patayin ang mga Metal. Hangga't hindi nasisira ang metal core, walang magagawa ang bawat atake nito. Kaya pala laruan ang tawag ni Taurus dito dahil literal na pinaglalaruan at libangan lang niya ang pakikipaglaban kay Ryle. 

Isang malakas na suntok at tumalsik si Ryle at nauntog sa isang poste. Agad namang nawala ang kumunoy at bumalik sa buhangin kanyang ang golem.

"Ang saya! Hahaha!" sabi ni Taurus habang nagpapagpag ng buhangin sa kanyang makapal na balabal. 

"GGRRRRRR!" umungol si Ryle at nagpalit ng kanyang totoong anyo. Isa siyang lobo. Ang kanyang balahibo ay kulay asul gaya ng kulay ng kanyang buhok. Ang kanyang madilim na asul na mga mata ay puno ng pagkamuhi. Tumalon si Ryle para umatake paitaas pero saktong sumalubong ang kamay ni Taurus sa kanyang leeg. 

"Kahit kailan ang mga kagaya mong nilalang ng lupa ay walang kakayahang kalabanin ang mga tulad naming Metal!" hayag ni Taurus habang unti-unting hinigipitan ang pagkakasakal kay Ryle. 

Nagpupumiglas si Ryle pero nauubus na rin ang kanyang hininga at lakas. Unti-unti nang tumitirk ang kanyang mga mata. 

Naalarma si Anino. Hindi maaring mamatay si Ryle! Handa na siyang lumipat sa anino ni Taurus para tangkaing pigilan ang paggalaw nito. Nahirapan siya sa pagkontrol sa Bronze General dati, alam niyang mas lalong mahirap gawin ito sa isang Silver. Buti na lang walang planong patayin ni Taurus ang kanyang laruan. Inihagis niya ito sa sahig. Umiiyak na naghabol si Ryle ng hininga habang unti-unting bumabalik sa anyong tao. Napuno ang buong bulwagan ng halakhak ni Taurus. 

"Nabuhayan ako! Ilabas ang pangalawa kong laruan!" utos ni Taurus. 

Binuksan ng isang Steel Knight ang pangalawang metal na kahon. 

"Ryle!" sigaw ng lumabas sa kahon at dali-daling lumapit sa nawalang malay na si Ryle. 

"Kamusta, paborito kong laruan!" bati ni Taurus. 

Hindi ito umimik at walang takot na humarap sa Silver. Tinaas niya ang kanyang kanang kamay at mula dito ay lumabas ang isang maputing hiyas na may halong asul na kinang. Isang Celestine. 

Nagkaroon ng kaguluhan dahil lahat ng mga hawak na armas ng mga Steel Knights gaya ng espada, panakol at sibat ay lumutang palibot kay Taurus.

Nanlaki ang mga mata ni Anino. Sa wakas nakita na niya ang kakambal ni Clyde na si Bonnie. 

***

Original Version posted 2018-2020

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top