5

"Anak ko! Ang aking mahal na anak! Patawarin mo ako dahil hindi ka namin natagpuan agad. Anak, mahal na mahal kita!" umiiyak na salubong ng isang napakagandang babae. "Patawarin mo ako."

Umiling si Anino, umiiyak at sinuklian ang pagyakap ang babae. "Wala na po iyon sa akin, kalimutan na natin ang nakaraan! Ang mahalaga ay magkasama na tayo!  Gusto ko nang magpatuloy sa buhay na kasama kayo!"

"Sa wakas kumpleto na ang ating pamilya!" sabi ng isang lalaki at niyakap si Anino at ang babae. Umiiyak din siya.

Isang alaala ng masayang pamilya.

***

Nagising si Anino na nakakunot ang noo mula sa kanyang pagkakatulog.  Isa na namang nakapagtatakang tagpo sa kanyang isip. Hindi niyang masabing panaginip lamang ito dahil sigurado siya na nangyari ito sa kanya at isa ito sa pinakamasaya niyang alaala. Naguguluhan na si Anino. Ano bang dahilan ng mga alaalang ito? 

"Ugh!" marahan niyang ungol sabay hawak sa kanyang tiyan. Nagsimulang mabasa ng dugo ang kanyang itim na kasuotan. Taliwas sa kanyang inaakala, hindi gumaling ang sugat niya sa kanyang tiyan. Salamat sa hiyas ng onyx, mas nagkaroon siya ng lakas at nagagawa niyang makagalaw na para bang wala siyang sugat pero gaya ng kanyang pagiging tao, ang sugat na ito ay animo'y sumpa na hindi niya matakasan. 

"Humanda sa akin kung sino mang sumaksak sa akin, hinding-hindi kita mapapatawad!" sabi niya at niluwagan ang pang-itaas na damit para punasan ang sariwang sugat. 

"He'to." may kagat-kagat si Itim na mga lumang damit na nakita niya sa isa sa mga nagibang bahay sa ibabaw ng kwebang kanilang tinataguan. 

Bahagyang nagulat si Anino dahil alam kaagad ni Itim ang kailangan niya. Marahil na isip na ito ng pusa dahil hindi niya nilihim dito ang tungkol sa sugat na hindi gumagaling.  Tumango si Anino kay Itim at pinunit ang mga damit para gawing bendahe sa kanyang sugat. "Bakit ba hindi gumaling-galing ang sugat kong ito. Nakakainis!" bulalas niya, "Gusto kong lumaban sa mga Metal pero sagabal ang sugat na ito."

Napaisip si Itim. "Si Sibol, ang diyosa ng buhay at pagkalinga ay may kakayahang magpagaling."

Umaliwalas ang mukha ni Anino sa pagsang-ayon. "Oo! Ang kakayahan ni Sibol! Marahil kagaya ng ibang elementong kapangyarihan, ang mga espesyal na kakayanan ng mga diyos at diyosa ay naging Hiyas ng Kalikasan din."

"May posibilidad." sagot ni Itim. 

"Magaling! Kapag nahanap natin ang hiyas na may kakayahang magpagaling, sana ay tuluyan nang maghilom ang sugat kong ito."

"Anino, may posibilidad din na may nagmamay-ari na ng hiyas na nagpapagaling."

Hinigpitan ni Anino ang bendahe at inayos ang kanyang damit. "Kung sino mang may hawak ng hiyas, pipilitin kong pagalingin niya ako!"

"Pipilitin?" pag-ulit ni Itim. Nakatitig ang kanyang dilaw na mga mata kay Anino. 

Natigilan si Anino. "Ah... Eh..." parang batang napahiya si Anino. "Ang ibig kong sabihin ay makikiusap na pagalingin niya ako."

Tumango si Itim. 

Malakas at malalim na napabuntong hininga si Anino. Pakiramdam niya ay kailangan lagi siyang magpakabait kapag nandyan si Itim. Pero hindi niyang magawang magreklamo dahil ang mga payo at gabay ni Itim ang laging nagpapaalala sa kanya na magbago bilang isang mabuting tao. Animo'y si Itim ay isang ama sa kanya na hindi niya kailan man naransan. 

Biglang napahawak si Anino sa kanyang ulo. Mali. May ama siya. Alam niya ito. Patunay ang kanyang alaala kani-kanina lamang. Pero Imposible. Siya si Anino, isang diyos at si Inang Kalikasan lamang ang maituturing ng mga diyos at diyosa na magulang. Wala silang ama. Ngunit taliwas sa sinasabi ng kanyang isipan. Malakas din ang tibok ng kanyang puso na para bang sumasang-ayon na mayroon nga siyang ama na mahal na mahal siya. 

"Anong gumagambala sa isipan mo?" tanong ni Itim na napansin ang pagkabalisa sa mukha ni Anino. 

"W-Wala. Ka-Kailangan ko nang magbantay sa labas." sagot ni Itim. Nag-anyong usok siya upang makapasok sa masikip na butas palabas ng kweba. Hindi siya makapag desisyon kung sasabihin ba niya  o hindi kay Itim ang tungkol sa mga alaala. Siguro nga kailangan na niyang sabihin pero natatakot siya sa maaring sasabihin nito. Hindi pa siya handang marinig ang dahilan. Malakas ang kanyang kutob na mabigat at hindi niya agad matatanggap ang kung ano mang katotohanang nasa likod ng mga alaala.

***

Pagbalik ni Anino sa loob ng kweba pagkaraan ng ilang minuto, gising na sina Clyde at Mayumi mula sa pagkakaiglip. Tinuturo ni Clyde kay Itim kung paano siya nakatakas mula sa Pabrika ng Metal. Gamit ang isang maiksing kahoy, iginuhit niya ang mga pasikot-sikot ng pabrika sa lupa.

"Sa mga tubo ng hangin kami dumaan." paliwanag ni Clyde. "Dito dumadaloy ang hangin para makahinga sa ilalim ng lupa ang mga bihag. Maraming ganitong tubo sa buong pabrika kaya walang nakapansin kung ang isang tubo man ay barado."

"Kung marami palang daluyang ng hangin para daanan, bakit hindi ito naisip ng ibang bihag?" tanong ni Anino.

"Marami nang nagtangka pero dahil sa pagkakakonekta ang mga tubo at puno ng pasikot-sikot, karamihan ay naligaw sa loob ng tubo. May mga malas na ang pinaglabasan ay sa palapag mismo ng Bronze General.  Kamatayan ang agad na parusa kapag nahuli ang mga nagtangka." nalungkot bigla si Clyde at nangatal ang labi sa pagsasalita. "S-Salamat sa aking kaibigang si M-Milo at kakambal na si B-Bonnie. Sila naman talaga. Si-Sila ang nakaisip, ako ang walang kwenta pero ako pa ang nakalabas ng pabrika! Sana-"

Kita ni Mayumi ang kalungkutan si Clyde kaya hinawakan nito ang kamay upang magbigay ng suporta at lakas ng loob.

"Umasa tayo na nasa maayos ang iyong kapatid at kaibigan." sabi ni Itim.

"Paanong hindi kayo naligaw sa loob ng mga tubo?" tanong ni Anino. Tiningnan siya ang masama ni Itim at umuling. Hindi niya ito na intindihan saglit pero nang makita niyang maluha-luha na si Clyde ay napagtanto niyang dapat marunong siyang makiramdam sa damdamin ng iba.

"Hindi kami naligaw sa mga tubo ng hangin dahil sa amoy." sagot ni Clyde at pinahid ang mga luha sa mata. Alam niyang walang patutunguhan ang pag-iyak. "Hindi man sariwa, ang hangin sa labas ay bukod tanging mas okay amuyin. Hindi nakakasulasok ang amoy. Iniwasan namin ang malakas na amoy ng sunog na goma at bakal dahil ito ay siguradong patungo sa pagawaan mismo ng mga Metal. Ang patungo naman sa palapag ng Bronze General ay amoy nabubulok dahil-" natigilan si Clyde at napuno ng pagkamuhi ang mukha, "hindi tinatapon ng Heneral ang kanyang pinapatay na bihag na para bang mga trophy! Kung magagawa ko lang kalabanin ang Metal na iyon ng harap-harapan, mabibigyan ko ng hustisya ang mga biktima niya!"

"Kailangan din natin paghandaan ang pakikipaglaban sa Bronze General." sabi ni Itim. "Para tuluyan natin masira ang pabrika ng Metal at mapalaya ng lubos ang mga bihag, kailangan natin mapatay ang Metal na iyon."

Tumango si Clyde. "Mas naging malakas ang loob ko ngayon dahil may kasama na ako." sambit niya sabay tingin kay Mayumi. 

Natawa si Anino. "Mga kabataan nga naman." bulong niya sa sarili. 

"Isang malaking biyaya sa atin ang taglay na hiyas ni Mayumi." sabi ni Itim. "Kakampi natin ang lupa." 

Tumango si Mayumi at ngumiti. 

"Tama!" pagsang-ayon ni Clyde. "Dahil nasa ilalim ng lupa ang totoong Pabrika ng Metal, maari tayong maghukay patungo sa ikalimang palapag kung saan nakakulong ang mga bihag!"

"Sa malamang gawa din sa metal ang mga pader ng bawat palapag. Maaalarma ang mga Steel Knight dahil sa ingay sa pagsira sa pader." komento ni Anino. "Hindi ito papalapasin ng Bronze General."

"Bakit hindi natin pagsabay-sabayin ang kaguluhan?" mungkahi ni Itim. Napatingin ang lahat sa kanya.

***

Original Version posted 2018-2020

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top