3

Isang bagong umaga pero kahit sumikat man ang araw animo'y gabi pa rin dahil natatakpan ng makakapal na usok ang kalangitan. Nakakasulasok ang amoy ng usok na nagmumula sa isang pabrika ng Metal. Nakakabingi din ang mga iyak at sigaw ng mga bihag sa loob nito. Mga sigaw na humihingi ng tulong.

Napangitngit sa galit si Anino. May namumuong bigat sa kanyang dibdib na nais kumawala. Mabilis ang tibok ng kanyang puso at halos sumakit na ang kanyang ulo dahil naglalaban ang dating pag-iisip at ang kanyang konsensya. Pero hindi niya makakaila na nagwagi na ang kanyang bagong katauhan. Wala na ang dating Anino, kung nanlalaban man, talo na ito. He'to na ang bagong Anino na may matinding pagnanais na makatulong. Hindi siya matahimik at balisa sa mga sigaw ng mga humihingi ng tulong.

"Alam ko ang nararamdaman mo." sabi ni Itim. "Natutuwa ako pero hindi mo pa kaya ngayon."

Huminga ng malalim si Anino at kinalma ang sarili. "Oo, alam ko. Wala pa akong kakayanan para makatulong."

Nginitian siya ni Mayumi na kanina pa palang pinagmamasdan siya. Napangiti din si Anino. Naninibago pa siya sa kanyang nararamdamang malasakit para sa iba pero gusto niya ito. Gusto niyang makakita pa ng mas marami pang mga ngiti ng kagaya ng kay Mayumi.

Maraming nakapaligid na mga Steel Knight sa pabrika. Hindi tulad ng mga Metal na Iron na kalimitan ay mababangis na hayop ang anyo, ang mga Steel naman ay mga kabalyerong nakabaluti na may kanya-kanyang armas gaya ng espada, palakol at sibat. Binabantayan nila ang paligid ng pabrika. Sila din ang mga nangunguha ng mga bagong alipin. Kumpara sa mga Iron, mas may talino ito sa pakikipaglaban at hindi ito malilinlang ng simpleng pag-suot ng mga bagay na may Metal para lang makalampas sa paningin nito.

Kahit hawak ni Mayumi ang hiyas na emerald, hindi niya kayang talunin ang mahigit isang daang mga Steel Knight sa pabrika. Hindi pa kasama dito ang ilang daang din na panibagong mga Metal na ginagawa sa loob. At higit sa lahat, mayroon ding isang General Bronze na namumuno rito. Hindi tulad ng mga Steel at Iron na sumusunod lang sa utos, sila ay may sariling desisyon at nakakapagsalita.

Batid ni Anino na mas may pag-asa silang makatulong sa mga bihag ng pabrika kung mayroon din siyang kapangyarihan. Kahit nais na niyang makatulong ay tinuon muna niya ang sarili sa kanilang destinasyon.

***

Hindi kalayuan sa pabrika, may isang sementeryo. Nagkalat ang mga sira-sirang puntod ng mga namayapa na bago pa man sinakop ng mga Metal ang mundo. Kung iisipin, para bang mas swerte pa ang mga ito na namatay na at hindi na naranasan pa ang saklap ng buhay sa kamay ng mga Metal.

"Nasa ilalim ng sementeryong ito ang hiyas ng dilim." hayag ni Itim. "Walang sino man ang makakadiskubre ng hiyas dahil malapit ito sa isang pabrika ng mga Metal."

"Swerte tayo dahil nandito si Mayumi. Ang ating presensya ay nakukubli ng mga bato at lupang nakapalibot sa atin." sambit ni Anino pero saglit na natigilan at napaisip. "Teka, kung walang makakadiskubre sa hiyas ng dilim dahil sa panganib dulot ng mga Metal, paano mo nalaman na nandito ito sa sementeryo?"

"Malakas ang aking pakiramdam sa mga hiyas." sagot ni Itim.

Hindi kumbinsido si Anino. Alam niyang may mas malalim pang dahilan kaya alam ito ni Itim. Balot ng misteryo ang nagsasalitang pusa at marami pa ring katanungan si Anino. Pero kahit may mga lihim, handa siyang pagkatiwalaan ito. Bilang dating diyos ng dilim, siya mismo ang makakaalam kung may masamang ninanais ang isang nilalang at sa ilang araw niyang pakikisama sa pusa, wala siyang katiting na nakikitang kasamaan at dumi ng budhi mula rito. Si Mayumi naman ay isang mabuti at inosenteng diwata. Sa kanilang tatlo, tanging siya lang ang hindi katiwa-tiwala.

Kaliwa't kanan ang paglingon ni Itim, kanyang pinag-aaralan ang paligid ng sementeryo. May hinahanap siya. Tahimik lang na sinusundan nina Anino at Mayumi si Itim dahil ang pusa lang ang tanging may alam kung ano ang hinahanap niya. Hindi rin sila pwedeng gumawa ng malakas na ingay dahil may nagpapatrolyang mga Steel Knight sa buong libingan.

"Iyon! Ang puntod na iyon!" sambit ng pusa at dali-daling nilapitan ang isang bukas na kabaong. Walang laman ang kabaong kundi isang itim na brilyante.

"Iyan na ba ng hiyas ng dilim?" buong sayang sambit ni Anino at wala pang isang segundo ay dinampot ang hiyas.

Napailing na lang si Itim dahil sa sobrang pagmamadali ni Anino. Alam niyang hindi madaling makuha ang kapangyarihang inaasam nito. Napabuntong-hininga ang pusa at nagsenyas kay Mayumi na lumayo.

"Parang wal-" sasabihin sana ni Anino na wala siyang nararamdamang kapangyarihang nagmumula sa hiyas nang biglang yumanig ang lupang nakapalibot sa kanya. Bumukas ang lupa at nahulog siya papaloob. Naalarma ang ilang mga Steel Knight at mabilisang tinungo ang kinaroroonan nila.

Gamit ang hiyas ng emerald, bumuo ng golem na bato si Mayumi. Sa malapad nitong balikat sila sumakay ni Itim at sinundan si Anino. Natigilan ang mga Metal dahil sa isang iglap ay nawala ng parang bula ang butas sa lupa.

***

"AAAHhh! Arrrgh!" napasubsob si Anino sa malamig at magaspang na lupa. Napangiwi siya saglit dahil sumakit na naman ng kanyang sugat sa may tiyan. Alam niyang kailangan niyang mag-ingat dahil maselan ang kanyang sugat. Kahit kinapalan at ilang ikot na ng tela ang ginawa niya sa sugat, nagmamansta pa rin ang dugo dito. Pero hindi siya magpapatalo sa sakit, pinilit niyang makatayo. Buti may tumulong sa kanya na magbalanse papatayo, ang golem na bato ni Mayumi.

"Huwag kasing padalos-dalos." pangaral ni Itim. Napatango na lang si Anino dahil tama nga naman ang pusa. Siya itong basta-basta na lang kung kumilos.

"Nawala!" biglang sambit ni Anino nang mapagtanto na wala ang hawak-hawak na hiyas mula sa kabaong.

Hindi nabahala si Itim. "Ang iyong nakuha kanina ay hindi ang hiyas ng dilim. Ang tunay na hiyas ay nasa dulo ng kwebang ito."

Nilibot ni Anino ang kanyang paningin. Sila ay nasa isang pahabang kweba na puno ng mga itim na kristal at mga bato. May mahinang kinang ang mga kristal na nagsisilbing ilaw na kahit papano ay nakikita nila ang kanilang kapaligiran. Pero mas lamang pa rin ang kadiliman sa mga sulok na para bang kahit anong oras ay may lalabas at susugod sa kanila. Kapansin-pansin din ang nagkalat na sapot ng mga gagamba.

Ramdam ni Anino ang kilabot nang may nagmamasid. Pero hindi siya takot dahil pamilyar ito sa kanya. Bilang diyos ng poot at dilim, may kakayanan siyang humalo sa mga anino at magmasid mula rito.

"Humanda kayo kasi alam kong may nagmamatyag sa atin." babala ni Anino. Nilabas niya ang isang punyal na napulot niya mula sa mga dating nagtangka sa kayang buhay. Hindi siya marunong gumamit ng mga armas na pang deretsyahang pag-atake gaya ng espada o baril. Mas sanay siya sa mga patago at biglaang pagsalakay. Ito ang kanyang paraan ng pakikipaglaban kahit noong siya pa ay isang diyos. Nagtatago siya sa dilim at kapag may tamang pagkakataon ay sasalakay.

"Mayumi, maging alisto ka at ang iyong golem." sambit ni Itim. Alam ng pusa kung paano makipaglaban si Anino. "Ang golem mo ang sasalo sa mga unang aatake. Anino, ikaw naman ang huling aatake. Kami ni Mayumi ang bahala. Hindi ka dapat sobrang mapagod dahil sa sugat mo. Tutulungan ka namin hanggang sa makarating tayo sa dulo ng kwebang ito, dahil nasa dulo ang totoong laban mo."

Napabilib naman si Anino. Hindi niya akalaing may estratehiya agad ang pusa para sa kanila. Napaisip na naman siya kung paano makakatulong ang pusa sa pakikipaglaban pero hindi na siyang nagtangkang magtanong.

Nakailang hakbang palang sila ay agad may labing-anim na mapulang mga mata ang nagsilabasan mula sa isang madilim na sulok. Ito ay nagmula sa isang malaking gagamba na kasing laki ng isang busog na baka.

Naging hugis palakol ang magkabilang kamay ng golem at sumugod sa gagamba. Si Itim naman ay biglang nagliyab at nabalot ng apoy.

Nanlaki ang mga mata ni Anino pero ngayon alam na niya kung paano makakatulong ang nagsasalitang pusa. "Itim, may taglay ka rin bang hiyas?" hindi napigilang tanong ni Anino.

Hindi sumagot si Itim. Ang atensyon nito ay nasa kalaban. Kinalmot niya ang mabalahibong katawan ng gagamba. Nagliliyab ang mga kuko niya kaya kumalat ang apoy. Nagwala ang gagamba at nagtangkang bumalik sa sulok pero nagawang maputol ng golem na bato ang apat sa anim na mga paa nito at binuhat pabaliktad. "ANINO!" tawag ni Itim.

Ito ang hudyat at nagseryoso si Anino. Tumakbo siya at tumalon sa ibabaw ng gagambang nakatihaya. Tatlong saksak at sumirit ang itim ng dugo ng gagamba. Nagpumiglas ito saglit pero nabawian din ng buhay nang ibaon ng malalim ni Anino ang kanyang punyal.

May malakas na ungol at sa paglingon nina Anino, ang hindi makasigaw na si Mayumi ay binabalot na pala ng sapot ng isa pang gagamba na nagtatago sa dilim. Agad na sumaklolo si Anino at pinkawalan si Mayumi mula sa sapot. Ang golem na bato ay hindi nag-aksaya ng pagkakataon upang makaganti at pinagtataga ng palakol ang gagamba.

"Ayos ka lang, Mayumi?" tanong ni Anino. Tumango ang batang diwata.

"Bilisan natin bago pa madagdagan ang mga gagamba." sabi ni itim.

Tumakbo ang grupo nila papasok sa kweba at tulong-tulong nilang kinalaban ang mga gagambang sumasalubong sa kanila. Ang daanan papunta sa dulo ng kweba ay animo'y walang hangganan pero sa wakas bumungad sa kanila ang isang malaking pintuan na inukit mula sa isang itim na kristal.

"Hanggang dito na lang kami, Anino." sabi ni Itim. "Kung nais mong makuha ang kapangyarihan ng hiyas ng dilim, patunayan mo na kaya mo."

Tumango si Anino at buong lakas ng loob na pumasok mag-isa sa pintuan.

***

Hindi kinakabahan si Anino bagkus puno pa ng pananabik dahil sa wakas ang dating kapangyarihan ay mapapasakanya muli. Kung ikukumpara siya dati, nais niyang bumalik sa pagiging diyos dahil hindi lang sa pangyarihan pati sa kadahilanang mas mataas ang tingin niya sa sarili kaysa sa mga hamak na taong mortal lamang. Ngayon, wala na siyang pakialam na magbalik bilang isang diyos, sapat na sa kanya kahit mabalik lamang ang kanyang kapangyarihan. Gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan upang malinis ang kanyang pangalan. Hindi siya ang nagpakawala sa mga Metal, yan ang totoo at nais niyang ihayag ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtulong sa iba.

Pumasok siya sa isang malawak na silid na gawa lahat sa purong itim na kristal simula sa mga pader, haligi at kisame. Naiilawan ito ng mga nagkalat na nakasinding kandila. May mataas na upuan sa malayong parte ng silid na gawa din sa kristal at mga itim na brilyante. Ito ay isang trono.

Natigilan si Anino dahil sa trono ay may nakaupo. Ang dating si Anino, ang diyos ng poot at dilim. Nakatingin ito sa kanya na may malisyosong ngiti. Suot nito ang isang itim na kasuotan na gawa sa malambot na tela. Animo'y isang mahabang ilog na sumasalalim sa kalangitang puno ng bituin ang itim na buhok nito na umabot hanggang sahig. Matikas ang pangangatawan at perpektong itsura na bagay lamang sa isang nilalang nalamang sa mga tao, isang diyos.

Napapikit si Anino. "Ako iyon..." bulong niya sa kanyang sarili. Nakaramdam siya ng inggit. Kung ikukumpara sa kanyang itsura ngayon, sadyang kalunos-lunos at nakakapanlumo. Malaki ang kanyang pinayat at madungis ang kanyang itsura. Simula nang maging tao siya, ang kanyang dating itim na itim na buhok ay naging walang kinang na puti na lamang.

"Ako ay isang diyos! Anong ginagawa ng isang tao dito!" malakas na sigaw ni Anino na nakaupo sa trono. "Lumayas ka!" Nilahad niya ang kanyang kanang kamay at lumabas mula dito ang isang kristal na Onyx, ang hiyas ng dilim.

Natauhan si Anino. Muntik na siyang manliit sa sarili at mapuno ng panghihinayang sa dating pagkadiyos. Napagtanto niya na walang kwenta ang mainggit sa nakaraan. Ang mahalaga ay ang ngayon. At ngayon siya ay isang tao, isang taong may misyon sa mundong sinakop ng mga Metal!

"Ito lang naman ang isang tao na aagaw sa tronong kinauupuan mo!" sagot ni Anino.

Natawa ng malakas si Anino na nasa trono. "Subukan mo! Mahinang tao!" Kuminang ang Onyx at mula dito ay lumabas ang napakaraming mga aninong may iba't-ibang hugis gaya sa mga tao at mga hayop.

Alam ni Anino ang kanyang kakayahan dati na tumawag at magmanipula ng mga anino. Ito'y kanyang mga alagad na lumalaban para sa kanya. At hindi tulad ng tipikal na mga anino, ang mga ito ay para bang may pisikal na katawan na may kakayahang manakit. Wala ding bisa ang mga armas dahil tumatagos lamang sa mga ito ang bawat atake. Sadyang mahirap talunin ang kanyang mga alagad.

"Hinding-hindi mo ako mapipigilan!" Si Anino naman ang tumawa. "Hindi mo magagamit laban sa akin ang kapangyarihang simula't sapul ay ako ang may nagmamay-ari!"

May sikreto si Anino. Ito ang sikreto kung paano matatalo ang kanyang mga alagad. Ang bawat isang alagad ay may napakaliit na butil ng isang itim na buto. Kailangan lang sirain ang buto at agad maglalaho ang isang alagad. Pero kahit sino hindi agad makikita ang buto. Syempre, dahil ito ay kanyang kapangyarihan, siya lamang ang nakakaalam kung nasaan ang bawat buto sa bawat isang alagad.

Sumugod ang isang hugis aso na anino at isang hiwa lamang ng punyal na gamit ni Anino, naglaho ang aso. Ang bawat umatake na alagad na may hugis tao at iba pang hayop ay madaling natatalo ni Anino.

Naalarma si Anino na nasa Trono nang sa wakas ay natalo ang lahat ng kanyang mga alagad pero hindi ito nagpasindak. Naging itim na usok ito at pinalibutan ang totoong Anino.

"Bakit mo ba niloloko ang sarili mo? Alam mo ang totoong gusto mo... Gusto mong maging diyos. Gusto mong bumalik sa dati... Isang diyos na makapangyarihan at may gandang higit sa mga mortal na nilalang..." bulong ng usok kay Anino. "Isa kang immortal. Ikaw ay higit sa mga tao. Wala silang kwenta para sa iyo. Wala silang pakinabang. Bakit ka ba magpapakahirap para sa kanila? Hindi ba tinakwil ka na ng lahat? Nais ka nilang mamatay! Huwag kang mag-aksaya ng panahon para sa kanila... Halika... sumama ka sa akin. Dito ka nararapat... kalimutan mo na ang lahat... Dito ka nararapat... Isa kang diyos... Dito ka nararapat..."

Napangiti si Anino. Alam niya kung anong ginagawa ng pangalawang Anino sa kanya. Hinahalina siya nito upang sumunod sa kahit ano mang naisin nito. Ito ang kanyang kakayahang pinakaayaw ng kanyang kakambal na si Arao at nagpasama sa tingin sa kanya ng ibang mga diyos at diyosa. Marami na rin siyang napahamak na mga tao at ang mga elemental na nilalang dahil dito. Nakapagdesisyon siya na ito ang kakayahang hindi na niya kailan man gagamitin muli.

"TUMAHIMIK KA!" sigaw ni Anino. "Walang kwenta ang pinagsasabi mo! Ngayon, kukunin ko ang talagang akin!" Kumawala siya sa usok at tinahak ang kristal na trono.

"Ako ang totoong si Anino. Walang ibang may karapatan sa kapangyarihan ng hiyas ng dilim kundi ako!"

"HINNNDDEEEEEE!" sigaw ng pangalawang Anino na bumalik sa dating anyo mula sa usok.

Umupo si Anino sa trono at sa isang iglap ay naglaho ang pekeng Anino. Nakaramdam siya ng kakaibang lakas na dumaloy sa kanyang buong katawan. Ang dating kakisigan ng itsura at tikas ng pangangatawan niya ay nanumbalik. Ang kanyang mahabang buhok ay nanatiling puti pero may kinang ito na animo'y isang dumadaloy na batis sa ilalim ng maliwanag na araw.

Nilahad niya ang kanyang kanang palad at mula dito ay lumabas ang isang kristal ng Onyx, ang hiyas ng dilim. 

***

Original Version posted 2018-2020

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top