19

Animo'y naka expressway sa bilis ng kanilang pagdating sa Kabundukan ng Yelo. Sa isang iglap ay bumungad agad sa kanila ang maputing kabundukan. Gustuhin man ni Clyde na makita ang buong kapaligiran habang nasa ere ay napapikit na lang sa hilo.  Lumabo at nanigas ang bula dahil sa lamig. Buti na lang sa tagpong pagkabasag nito, naka tapak na sila sa lupang balot ng nyebe.

Si Milo ay nasuka sa hilo. Agad siyang inalayan ni Bonnie at kinamusta ang pakiramdam. 

"Mahinang klase talaga!" kutya ni Ryle sabay tawa ng malakas pero natigilan nang tiningnan siya ng masama ni Bonnie. "Hmp. Basta ako, wala sa akin ang lamig!" Tinubuan siya ng asul na balahibo sa buong katawan at tuluyan naging taong-lobo. 

Tinawag silang lahat ni Heneral Azur at tinipon. 

"Mga bata, kailangan nating tahakin ang mas mataas na parte ng bundok na ito," anito at tinuro ang tuktok ng pinakamalapit na bundok kung saan sila binaba ng bula. "Doon tayo gagawa ng ating magiging kampo. Doon din natin sasalubungin ang pagdating ni Dios Apoi."

Hindi na sila pinagpahinga ng heneral at agad na binagtas ang matarik na gilid ng bundok. Si Mayumi ang nanguna at ginamit ang hiyas ng emerald upang gumawa ng mga hakbang ng hagdanan paakyat sa bundok.

"Magaling!" puri ni Heneral Azur. 

Kung hindi biglang nagkaroon ng bagyong nyebe ay matiwasay sana ang pagtahak nila papunta sa tuktok. Naging doble ang baba ng temperatura na para bang nanunuot ang lamig kahit nakajacket na sila. Si Ryle na mayabang kanina ay yakap-yakap na ang sarili para mainitan. Mahigpit din ang pagkakayakap ni Bonnie kay Itim na may sapat na init ang katawan. Si Clyde naman ay paminsan-minsang bumubuga ng apoy upang magbigay init sa mga kasamahan. 

Dumagdag pa sa hirap ang dalang hangin ng bagyo na lubhang napakalakas. Kahit si Heneral Azur ay nahirapang panatilihin ang tikas sa paglalakad. Isang maling hakbang sa madulas na nyebe ay tiyak na madadala ng hangin kaya dali-daling gumawa ng hawakang bato si Mayumi sa gilid ng hagdanan na kanyang ginawa. 

"Mukhang may naiiwan." puna ni Ryle at natatawang nilingon si Milo na nahuhuli sa grupo. 

Nagngitngit sa inis si Milo sa pang-aasar ni Ryle. Siya ang inatasan ni Heneral Azur na magbuhat ng kanilang gamit kahit tumutol si Bonnie. Ito daw ang tanging dahilan kaya pumayag siyang isama. Dapat magkaroon daw siya ng silbi. Bakit ba sobrang liit ng tingin ng heneral sa mga kagaya niyang walang taglay ng Hiyas ng Kalikasan? 

Dahan-dahan at maingat na inakyat ng grupo ang bundok sa gitna ng bagyo. Pero walang sabi-sabi ay biglang may nagpaulan ng bala ng baril sa kanilang direksyon. Nagulantang ang lahat at hindi inaasahan ang pag-atake.

"ROOOAAARRRR!" humiyaw ng malakas si Heneral Azur at bumuga ng nyebe sa mga nagtataasang puno ng pine tree kung saan nagmula ang pamamaril. Ngunit hindi man lang umabot sa mga puno ang ganti ng heneral dahil sinalubong ito ng isang malakas na ipo-ipo na biglang nabuo sa ere. Makalipas ng ilang segundo ay nawala ang ipo-ipo upang magbigay daan muli sa pagpapaulan ng bala. 

"MGA BATA BILISAN NINYONG UMAKYAT! SINASALAKAY TAYO NG MGA REBELDE!" sigaw ni Heneral Azur sabay balot sa kanyang buong katawan ng makapal na baluti na gawa sa yelo para hindi matamaan ng bala. 

Bumuo si Mayumi ng dalawang malalapad na golem na bato para sumalo sa mga bala. Dali-daling nagtakbuhan sina Clyde at Bonnie sa likod ng mga golem. Si Milo naman ay ginawang pananggalang ang malaking bag na buhat-buhat. Suwerte siya dahil puno ng mga metal na armas ito na promoprotekta sa kanya. 

Hindi magamit ni Ryle ang hiyas ng  peridot dahil tatagos lamang sa buhangin ang mga bala. Sa kanyang pagmamadali para makatago sa likod ng golem na bato ni Mayumi, siya ay nadulas sa nyebe. Agad sumaklolo si Milo at nagawang mahawakan ang kamay ni Ryle para hindi ito tuluyang mahulog sa bangin.

Natulala si Ryle sa ginawa ni Milo. "B-Bakit? Bakit mo ako niligtas?" 

"Humawak ka ng mahigpit!" utos ni Milo at hindi pinansin ang tanong. Isang kamay lang n'ya ang humahawak kay Ryle na naka lambitin pa rin at hindi pa ligtas sa kapahamakan.  

"MILO! RYLE!" sigaw ni Bonnie. Ginamit niya ng hiyas ng celestine para palutangin si Ryle. Salamat dito, mas madaling nahila ni Milo ito pabalik at maligtas. 

Natigil ang pamamaril dahil gumanti ng sunod-sunod na paghagis ng naglalakihang bato ang dalawang golem ni Mayumi sa direksyon ng pinagmulan ng bala.  

Si Ryle ay hindi pa rin makapaniwala na niligtas siya ni Milo kahit lagi n'ya itong minamaliit at kinukutya. Malaki ang utang na loob niya dito. "Um... M-Milo." nahihiyang tawag ni Ryle.

"BANG! BANG! BANG!" 

Napanganga si Ryle dahil sa harapan niya mismo nabaril si Milo. Ito ang naging panangga niya sa muling pagpapaulan ng bala ng mga rebeldeng nagtatago sa makakapal na puno ng pine tree. 

"MMMMMIILLLLLOOOO!" magkasabay na sigaw nina Bonnie at Clyde. 

Dali-daling gumawa si Mayumi ng malaking pader na bato para protektahan ang mga kaibigan.

"HIINNDDEEEE! HINNDEEE!" paulit-ulit na hiyaw ni Bonnie at pilit na kumakawala sa yakap ni Clyde na pumipigil sa kanyang sugurin ang patuloy na pamamaril ng mga rebelde.

"BONNIE, PLEASE TAMA NA. WA-WALA NA SIYA!" umiiyak na sigaw ni Clyde. Umaapaw ng kanyang damdamin sa pangungulila sa matalik na kaibigan. 

Patuloy pa rin ang pagsigaw ni Bonnie habang umiyak. Ayaw niyang maniwala na wala na si Milo. 

Si Ryle naman ay nasa isang sulok at tulala. Nakatatak na sa kanyang isipin ang pagkabaril kay Milo sa kanyang harapan at paghulog nito sa bangin. Muling naging sariwa sa kanyang alaala ang walang awang pagpatay ng mga Metal sa kanyang mga kasamahan. Nabuhay muli ang pangungulilang pilit niyang kinakalimutan sa mga ito. Sa kay tagal na panahon, muling umiyak si Ryle. 

***

Original Version posted 2018-2020

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top