18

Dumating na ang araw ng pag-alis papunta sa Kabundukan ng Yelo. Lahat ng nakatira sa palibot ng Templo ni Sibol, tao man o espiritwal na nilalang  ay muling nagsilabasan at inabangan ang prusisyon ni Dios Apoi. Nakagawin na ng kanilang kinikilalang hari ang magpaalam sa lahat bago ito umalis sa isang mahalagang misyon.

"Tingan nyo, kasama na rin nila ang mga batang tagapagligtas!" puna ng isang matandang lalaki.

Kumaway si Clyde sa mga nakakilala sa kanila na karamihan ay mga naligtas nila sa Pabrika ng Metal. Tuwang-tuwa si Ryle at tumawag pa ng ilang golem na buhangin upang magpakitang gilas. Si Mayumi ay nahihiya at hindi sanay sa sobrang atensyon. 

Si Bonnie naman ay buong giliw din ang pagkaway at pagbati sa mga tumawag sa kanila at nagbubunyi. Ngunit sa likod ng kanyang mga ngiti ay ang hindi kumportableng pakiramdam na iniisahan nila ang mga may tiwala sa kanila. Ang akala lahat ay makikipaglaban sila sa mga Metal pero ang tanging dahilan  ng kanilang pagtungo sa Kabundukan ng Yelo ay ang paghahanap sa hiyas ng diamond. Ito ay isang sekretong wala dapat ibang makaalam dahil ituturing na taksil at kalaban ni Dios Apoi ang sino mang maghayag nito. Ito ang babala ni Heneral Azur. Dito na napagtanto ni Bonnie na kaya naging taksil at umalis si Kapitan Turq at ang dating prinsesa na si Sapphire ay dahil minsan nilang siniwalat sa lahat ang totoong layunin ni Dios Apoi. Nabigo ang dalawa dahil mas pinaniwalaan ng karamihan si Dios Apoi.

"Okay ka lang, Bonnie?" tanong ni Milo. Alam nito kung ano ang iniisip ni Bonnie. 

Tumango si Bonnie at nginitian si Milo. Tutol si Heneral Azur na isama si Milo dahil lamang wala itong taglay na Hiyas ng Kalikasan. Ngunit nagpumilit sina Bonnie at Clyde dahil nais nilang makasama ang kaibigan. Sa simula pa lang, silang tatlo ang laging magkakasama. Hindi na sila papayag na magkahiwalay muli. 

Hindi namalayan ni Bonnie napatitig siya ng matagal kay Milo. Kita niya na malaki ang pinagbago nito. Mas matikas na ito maglakad at kapansin-pansin na naging mas maganda ang pangangatawan dahil sa araw-araw na ensayo. 

"Okay ka lang?" muling tanong ni Milo. 

"Huh? Wala. Wala naman." naging pula ang mukha ni Bonnie. Agad naman niyang  tinuon ang pansin sa mga kumakaway sa kanya.

Napangiti si Milo. 

Lalong lumakas ang hiyaw ng lahat nang matanaw na ang sinasakyang karosa ni Dios Apoi na gawa sa mga halaman at bulaklak. Ito ay  hila-hila ng apat golem na gawa sa mga sanga at puno na minamanipula ni Amethyst. Hindi tulad nina Clyde na naglalakad, kasama ni Dios Apoi sa karosa si Heneral Azur at ang dalawang na prinsesa na sina Amethyst at Rose Quartz. 

Kahit tutol sina Aquamarine, Garnet, Aventurine at Jade na maiwan, inutusan sila ni Dios Apoi na bantayan ang buong Templo ni Sibol habang wala siya. Sigurado si Dios Apoi na magiging madali lang para sa kanya ang makita at makuha ang diamond kaya hindi na niya kakailanganin pa ng madaming suporta. At syempre, malakas ang kanyang tiwala sa sarili dahil isa siyang diyos.

***

Nang matapos na ang prusisyon, agad na nagpalit ang lahat ng kasama sa panlamig na kasuotan. Ang mga damit ay galing sa isang sirang department store sa labas ng Templo ni Sibol. Natuwa sina Bonnie at Mayumi sa mga mahahaba at makapal na coat na may balahibo sa laylayan at kwelyo. Kanya-kanya ding suot sina Clyde at Milo ng nagustuhan nilang jacket, makapal na pants at boots. 

"Hindi ako matatablan ng lamig!" pagmamayabang ni Ryle at nag-anyong lobo.

Tumungo na lang si Bonnie at hindi ito pinansin. Sumimangot si Ryle at tinuon ang inis kay Milo. 

"At bakit kasama pa itong walang Hiyas ng Kalikasan? Pabigat lang yan!"

"Sinong pabigat? Baka ikaw," sagot ni Milo. 

"Mga pre, awat na. Magkakampi tayo dito." pumagitna si Clyde at parehong inakbayan ang dalawa.

"Hmp. Ayaw kong maging kakampi ang isang mahina!" inis na sagot ni Ryle at kumawala sa pagkakaakbay ni Clyde. Dali-dali din siyang lumabas sa silid kung saan sila pansamantalang naghihintay sa tawag ni Heneral Azur.

***

"Ikaw, itim kailangan mo ba ng jacket?" tanong ni Bonnie kay Itim. "Parang may nakita ko dun sa department store na Pet Shop. Baka may damit para sa mga pusa." Napangiti si Bonnie sa ideyang may kasuotan si Itim. 

Umiling si Itim. "Hindi ko na kailangan ng kasuotan. Ang balahibo ko ay sapat na."

"Oo nga pala! Hindi ba may kakayahan kang balutin ang sarili mo ng apoy!" hayag ni Clyde.

"SHHHH!" Hinarangan naman ni Milo ang bibig ni Clyde. 

"Ang ingay-ingay mo naman Clyde!" saway ni Bonnie. "Di ba sabi ni Itim na sekreto dapat na may kakayahan ding elemento si Itim kahit isa siyang pusa."

"Ah, oo. Sorry. Sorry," natawa-tawang sagot ni Clyde. "Si Itim ang ating secret weapon. Hehe!" 

"Mga bata, Alam ko na batid nyo nang hindi totoong tagapagligtas ng lahat si Dios Apoi," seryosong sambit ni Itim. 

Tumango sina Clyde. 

"Ang pagsekreto pa lang sa lahat ng totoong dahilan ng pagpunta natin sa Kabundukan ng Yelo ay hindi na katiwa-tiwala," dagdag ni Bonnie. 

"Kung nagawa niyang magsinungaling tungkol sa paghahanap ng diamond, malamang hindi rin totoo ang sinabi niya na si Anino ang nagpakawala sa mga Metal." hayag ni Milo. 

"Tama ka d'yan, Milo," puri ni Anino na nabuo ang anyo mula sa itim na usok. 

Nanlaki at nagulat sina Clyde, Milo at Bonnie. Umiiyak na tumakbo si Mayumi at niyakap ng mahigpit si Anino na ngayon ay nakabihis na din na pangmalamig na klima. 

"Buhay ka! Buhay ka!" masayang sambit ni Clyde.

"Clyde!" saway muli ni Bonnie sabay yakap kay Anino. 

"Sorry. Sorry," nakangiting sabi ni Clyde at hindi na rin nahiyang yakapin si Anino. "Ang galing-galing at buhay ka!"

"Sabi ko na nga! Hindi ka patay!" Nakiyakap na din si Milo. 

Labis ang sayang nararamdaman ni Anino. Hindi niya akalain ang naging reaksyon ng mga ito sa kanyang pagpapakita. Halos isipin niyang ilusyon lang ito dahil hindi niya lubos maisip ang katulad niyang sanay mag-isa noon, ngayon ay may mga totoong kaibigan na. 

"Tuluyan ka nang nagbago, Anino. Wala na sa'yo ang bahid ng pagiging diyos ng poot at dilim," giit ni Itim. 

***

Sa wakas ay pinatawag na sila ni Heneral Azur sa labas ng Templo ni Sibol. Si Anino ay muling humalo sa anino ni Itim. 

"Kailangan din bang sumama ng pusang ito?" marahas na tanong ng heneral. 

"Oo, kailangan namin siya." Dali-daling binuhat ni Bonnie si Itim habang tiningnan ng masama ni Heneral Azur ito.

"Tayo ang mauuna papunta sa Kabundukan ng Yelo. Sisiguraduhin natin na ligtas at maayos ang lahat sa pagdating ni Dios Apoi sa kabundukan," sambit ni Heneral Azur.

Lumingon-lingon si Clyde sa kapaligiran. Napaisip siya kung may sasakyan ba sila papunta sa kabundukan o maglalakad lamang sa paglalakbay. 

"Ahh!" 

Nagulat si Clyde sa biglang pagsigaw ni Bonnie at natigilan ng makitang nasa loob ito ng isang malaking bula. Isang saglit lamang ay napagtanto niya na nasa loob na rin siya ng isa pang bula. Nasa kanya-kanyang bula na rin sina Mayumi, Milo at Ryle. 

"Huwag mag-alala," natatawang sabi ni Heneral Azur. Nasa tabi na pala niya si Aquamarine. "Ang mga bulang iyan ang magiging sasakyan natin papunta sa Kabundukan ng Yelo. Sisiguraduhin ni Aquamarine na matibay ang mga bulang gawa niya." 

Huminga ng malalim si Aquamarine at bumuga ng bula na unti-unting lumalaki at pumapalibot kay Heneral Azur. Hindi rin nagtagal ay nasa loob na siya ng bula. Medyo nandiri si Bonnie sa katotohanan na binuga ni Aquamarine ang bulang sinasakyan nila.

Sunod na lumabas si Aventurine mula sa templo at walang sabi-sabi na bumuga ng napakalakas na hangin na nagtulak sa mga bula na lumutang ng mas matatas sa ere patungo sa kalangitan. 

"Ang hangin ni Aventurine ang s'yang maghahatid sa ating destinasyon ng ilang oras lamang." hayag ni Heneral Azur. 

Lumipad si Aventurine gamit ang kanyang mga pakpak na tulad sa agila at muling bumuga ng napakalakas na hangin sa mga bula papunta sa direksyon ng Kabundukan ng Yelo.    

***

Original Version posted 2018-2020


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top