17
Kahit na nakapagsasalita, si Itim ay isang tipikal na pusa lamang kung ituring ni Heneral Azur. Isang insektong pakalat-kalat naman ang tingin sa kanya ni Dios Apoi at nandidiring tinataboy ito sa tuwing nakikita. Walang pumapansin sa kanya sa loob ng Templo ni Sibol maliban sa kanyang mga kasamahan. Ngunit, wala itong kaso kay Itim. Isa pa nga itong napakalaking pabor dahil malaya siyang nakapagmamasid at nakakapakinig ng mga usap-usapan sa kanyang kapaligiran.
Si itim ay nagtatago sa madilim na bahagi ng isang poste sa bulwagan kung saan inihayag ni Dios Apoi ang paglalakbay sa Kabundukan ng Yelo upang hanapin ang hiyas na diamond.
"Ano ang kapangyarihan ng diamond?" mahinang bulong ni Anino kay Itim.
Ang dahilan kaya pabor kay Itim ang hindi pansinin dahil malaya ding nakakapagmasid si Anino kasama niya. Ang dating diyos ay nagtatago sa kanyang anino. Maraming pagkakataon na napapalingon sina Dios Apoi at Heneral Azur ng ilang beses sa tuwing nakikita siya. Marahil nararamdaman nila ang presensya ni Anino pero dahil nakakubli ito at tanging si Itim ang nakikita nila, pinagsawalang-bahala na lamang nila ito.
"Kagaya nga ng sinabi ni Dios Apoi, isa sa makapangyarihang hiyas ang diamond. Kaya nitong magpakawala ng nakakasilaw na liwanag na maaring magpabulag sandali sa mga kalaban pero ang mas nakakahangang kapangyarihan nito ay ang pananggalang sa kahit ano mang elementong atake."
"Ibig sabihin, walang talab ang apoy, hangin, lupa, tubig, yelo at kidlat sa kung sino mang magtataglay nito."
Tumango si Itim.
"Sadyang sakim sa kapangyarihan itong si Dios Apoi," hayag ni Anino. "Malakas ang kutob ko na hindi niya ito gagamitin upang makatulong sa mga bihag ng mga Metal."
Sumang-ayon si Itim. Ipinaalam ni Anino sa kanya ang narinig nito sa usapan nina Rose Quartz at Dios Apoi.
Hindi naman talaga nilisan ni Anino ang kwarto ni Rose Quartz pagkatapos niyang nakawan ng halik ito. Eksakto namang pinatawag ni Dios Apoi si Rose Quartz kaya dali-daling humalo siya sa anino nito nang hindi namamalayan. Napangitngit sa inis si Anino sa tuwing naaalala niya ang lantarang pang-aakit ni Dios Apoi. Mabuti na lang at nakapagtimpi siya sa inis. Natuwa naman siya dahil walang reaksyon si Rose Quartz dito.
"Kaduda-duda ang totoong layunin ni Dios Apoi," dagdag ni Itim.
"Kaya dapat maunahan natin siya na makuha ang Diamond."
***
Pagkatapos sa bulwagan, pinatawag naman ni Heneral Azur ang mga kabataan sa kanyang opisina. Mabilis na sumunod si Itim.
Masama ang tingin ni Heneral Azur nang makitang papasok din si Itim sa kanyang opisina. Hindi niya maintindihan kung bakit nakikinig ang mga bata sa pusang nagsasalita. Papalabasin sana niya ito pero agad itong binuhat ni Bonnie, marahil naghahanap ng dagdag init. Hindi maitatanggi ng heneral na may kalamigan ang kanyang opisina. Wala siyang nagawa at hinayaan na lang ang pusa.
Mula sa anino ni Itim, mabilis na lumipat si Anino sa isang madilim na sulok ng opisina ni Heneral Azur. Nilibot niya ang tingin dito para mas lalong makilala ang isnaberong heneral. Nagtataka siya kung bakit sobrang masunurin ito kay Dios Apoi. Nais din niya maintindihan kung bakit pamilyar din siya dito na para bang kilala na niya ito dati pa. Katulad ito sa pamilyaridad nila ni Rose Quartz sa isa't-isa. Ayaw man niya isipin pero para bang may kung anong gumulo sa kanilang isipan at alaala.
"Ang paghahanap sa hiyas na diamond ang una at magiging opisyal na misyon ninyo para kay Dios Apoi," panimula ni Heneral Azur.
Sa kanyang harapan ay may isang malawak na lamesa na gawa sa isang bloke ng yelo. Sa ibabaw nito ay nakahulma ang isang mapa ng pinaghalong mundo ng mga tao at mga elemental. Mula sa Templo ni Sibol, tinuro niya ang isang grupo ng nagtataasang mga bundok.
"Ayon kay Dios Apoi, matatagpuan ito sa Kabundukan ng Yelo."
Nais mang lumapit nina Clyde upang mas makita ang mapa, hindi nila magawa dahil sa lamig na nagmumula sa yelong lamesa. Hindi ito pinansin ng heneral. Inisip niyang kailangan masanay sa lamig ang mga ito dahil mas mayelong lugar ang pupuntahan nila.
"Bukod sa mga Metal, may kailangan tayong paghandaan. Sa kabundukan na ito, nagtatago ang mga TAKSIL!" biglang lumakas at galit ang boses ng heneral na kinagulat ng lahat. Bahagyang lumabas ang pangil niya. Agad naman niyang napansin na umatras ng ilang hakbang ang mga kabataan kaya kinalma niya ang sarili.
"Ang mga rebelde at sumasalungat sa layunin ni Dios Apoi ay dito sa kabundukan nagtatago," pagpapatuloy ng heneral. "Sila ang mga walang utang na loob sa ating tagapagligtas at nag-iisang diyos! Pinamumunuan ito ng aking dating kasamahan sa hukbo, si Kapitan Turq!" hindi na naman nagtimpi ang heneral na ipakita ang inis. Lalong lumamig ang opisina. "Napakayabang nito dahil taglay niya ang hiyas na Turquoise."
Huminga ng malalim si Heneral Azur at saglit na pumikit. Sa wakas ay umupo siya sa yelong upuan na malapit sa kanya. Walang ibang upuan sa opisina kaya nanatiling nakatayo sina Clyde. Sila ay nagtabi-tabi dahil sa lamig. Tanging si Ryle ang hindi apektado dahil nag-anyong lobo ito.
"Gusto mo yakapin kita?" bulong ni Ryle kay Bonnie.
Tiningnan ng masama ni Bonnie si Ryle. Sumimangot si Clyde sa narinig kaya lumipat siya ng tayo sa pagitan ng dalawa.
"Kayo naman, hindi na mabiro," natatawang sambit ni Ryle.
"May isa pang taksil," nagsalita muli si Heneral Azur. "Sumama kay Kapitan Turq ang isa sa mga prinsesa ni Dios Apoi, si Sapphire..."
Napansin ni Anino na may lungkot sa tono ng boses ng heneral. Saglit itong lumingon sa isang maliit na lamesa sa gilid ng opisina kung saan may isang larawan na nakatagilid. Dahil likas na mausisa si Anino, maingat siyang nagpalipat-lipat sa anino ng mga gamit at nina Clyde upang makapunta sa maliit na lamesa na nasa kabilang parte ng opisina. Nang sa wakas ay nasilip na niya ang larawan, nakita niya na isa itong lumang litrato ng isang babaeng may maiksing buhok at salamin. Humanga si Anino dahil alam niyang kilala niya ang babaeng ito, hindi lamang niya masabi kung paano at bakit. Malakas ang kanyang kutob na espesyal ang babaeng ito kay Heneral Azur.
Hindi nagtagal biglang nawalan ng gana magsalita si Heneral Azur at pinaalis ang kabataan. Sa susunod na lang daw niya sila kakausapin tungkol sa mga kailangang dalhin at ihanda bago ang kanilang paglalakbay sa Kabundukan ng Yelo.
***
"Sumama ka sa akin."
"Anong ginagawa mo na naman dito?!" galit na sambit ni Rose Quartz kay Anino na biglang nagpakita sa kanyang harapan pagkapasok na pasok pa lamang niya sa kanyang silid.
"Sa akin ka sumama sa paghahanap sa diamond."
"At bakit ako sasama sa'yo?" pagmamatigas ni Rose Quartz pero nagawa niyang tingan mula ulo hanggang paa si Anino. Wala na ang sunog at sira-sirang damit nito. Mukhang kumuha ito ng damit sa mga sundalo. Pero kahit simple at manipis lamang ang kasuotan nito, hindi mawawala ang kakisigan nito sa kanyang paningin.
Napansin ni Anino na nakatitig lamang sa kanya si Rose Quartz kaya naman hindi siya nag-aksaya ng panahon at muling ninakawan ito ng halik sa mga labi.
"Alam kong sa akin ka sasama." malambing na bulong ni Anino at biglang nawala.
Naiwang nakatulala si Rose Quartz na namumula ang mukha. Pinaghalong gulat at inis ang kanyang nararamdaman.
***
Original Version posted 2018-2020
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top