16
"Pinatawag n'yo po ako?" may galang na tanong ni Rose Quartz. Nakatayo siya sa labas ng silid ni Dios Apoi na walang pintuan kundi manipis na puting kurtina.
"Aking prinsesa, bakit ka ba nandyan sa labas? Malaya kang maglabas-pasok dito." hayag ni Dios Apoi mula sa loob, may lambing ang kanyang boses.
Hindi agad gumalaw si Rose Quartz sa kinatatayuan. Sa tuwing pinapatawag siya ni Dios Apoi, kung hindi ito walang damit, kasama nito sa kama ang isa sa mga kasamahan niyang prinsesa. Ang mga tagpong iyon ay hindi kaaya-aya para kay Rose Quartz. Siya lamang sa mga tinuturing na prinsesa ni Dios Apoi ang bukod tanging hindi naghahangad ng pagtangi o pabor mula rito. Para sa kanya, pinaglilingkuran lamang niya ang tagapagligtas ng mga tao at mga nilalang ng kalikasan. Ito ay kanyang responsibilidad dahil may taglay siyang Hiyas ng Kalikasan. Wala siyang ibang hangad kundi ang kabutihan ng lahat at pagkaligtas mula sa mga Metal.
Tanging isang malaking pabilog na kama ang gamit sa loob ng malawak na silid ni Dios Apoi. Sa banda kanan ng silid ay isang banyong walang harang.
"Rose Quartz, pwede mo ba akong tabihan dito?" pang-aakit ni Dios Apoi. Nakahiga ito sa kama, walang damit at tanging manipis na kumot ang tumataklob sa kanyang katawan.
Hindi mapagkakaila ang gandang katawan at kakisigan ni Dios Apoi pero hindi kailan man naakit si Rose Quartz dito. Pero paano kung si Anino ang nasa kanyang harapan? Naalala niya bigla ang nangyari sa kanyang silid kanina. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Umiling si Rose Quartz para mawala sa kanyang isipan ito. Hindi niya namalayan na namula ang kanyang mukha.
"Wag ka nang mahiya, prinsesa ko." Inakala ni Dios Apoi na siya ang dahilan ng pamumula ng mukha ni Rose Quartz.
Napabuntong-hininga si Rose Quartz at bumalik sa dating seryoso at walang ekspresyon ang kanyang mukha.
Sumimangot si Dios Apoi at padabog na umupo sa dulo ng kama, walang pakialam na nahulog ang kumot. Lumingon patagilid si Rose Quartz.
"Hindi kita maintindihan, Rose Quartz!" naiinis na sambit nito.
Pinilit ni Rose Quartz na hindi lumingon. Natawa si Dios Apoi. "Alam ko na hindi rin magtatagal, ikaw na mismo ang lalapit sa akin."
"May nais po ba kayong sabihin sa akin?"
"Ang mga kabataan na dinala dito ni Azur. Dahil sa taglay nilang Hiyas ng Kalikasan mas magiging malakas ang ating pwersa. Siguraduhin mong makukuha natin ang kanilang loob at tuluyang magpasailalim sa aking pamumuno." utos ni Dios Apoi. Wala nang lambing sa kanyang boses at may awtoridad na ang tono.
Tumungo si Rose Quartz. Hindi siya agad umalis dahil may nais siyang tanungin. "Dios Apoi, may nais po akong malaman."
Lumiwanag ang mukha ni Dios Apoi at ngumiti. "At anong nais malaman ng aking prinsesa?" may lambing muli sa kanyang boses.
"Nakatanggap ng impormasyon si Heneral Azur na binubuo muli ng mga Metal ang pabrikang sinalakay natin. Mukhang mas malaki at mas malakas ang depensa. Kailan natin sila pipigilan? Sa tingin ko mas mainam na salakayin natin agad sila para hindi na nila mabuo ang pabrika."
Natigilan si Dios Apoi at nagalit. "Pinapangunahan mo ako?!"
Nagulat si Rose Quartz sa reaksyon ni Dios Apoi. Siya ay napaatras ng ilang hakbang. Inakala niya na matutuwa ito at sasang-ayon na sumalakay agad.
"Magtiwala ka sa akin, Rose Quartz. Sa ngayon, mas mahalaga na makaipon tayo ng maraming mga Hiyas ng Kalikasan. Gusto ko na sundin mo ang nais ko. Ako ang masusunod."
Hindi na nagsalita pa si Rose Quartz at umalis.
***
Ilang araw na rin ang nakalipas nang sumali si Milo sa pag-eensayo ng mga sundalo ni Heneral Azur. Natutunan niya kung paano mas maayos at epektibong gumamit ng sibat at espada. Malaking tulong din ang araw-araw na ehersisyo at maayos na pagkain para maging mas malusog ang kanyang katawan. Hindi na siya ang dating payat na si Milo.
Kahit masaya siya sa kanyang pagbabago, may kaunting lungkot si Milo dahil hindi man lang tinago ni Heneral Azur ang diskriminasyon sa kanya dahil lamang wala siyang Hiyas ng Kalikasan. Wala nang magagawa si Milo. Buti na lang lagi siyang pinapayuhan ni Itim. Hindi na siya naiingit.
"Mainam na gumaling kayo sa paghawak ng armas at hindi laging umaasa sa kapangyarihan ng Hiyas ng Kalikasan." sambit ni Itim nang tumabi siya kay Milo na tahimik na nanunuod sa mga kasamahan na personal na tinuturuan ni Heneral Azur.
Malaki din ang pinagbago at ginaling ng mga ito sa paghawak ng armas. Si Clyde ay gumaling sa paggamit ng espadang double ang laki at lapad sa ordinaryong espada. Natuto si Mayumi na gumamit ng palaso. Si Bonnie naman ay sa mga kutsilyo na pinapalutang niya sa ere. Si Ryle ay mas humasa sa paggamit ng kanyang mahahaba at nagtatalasang kuko.
"Sang-ayon ako dyan." sagot ni Rose Quartz na may dalang inumin. "Nauuhaw na ba kayo? He'to magpalamig muna."
"Salamat po." nakangiting sabi ni Milo. Natutuwa siya dahil hindi tulad ng ibang prinsesa na isnabera at mapagmataas, si Rose Quartz ay mabait at pala kaibigan. Ang gusto din ni Milo na wala itong diskriminasyon kahit wala siyang taglay na kapangyarihan ng Hiyas ng Kaliksan.
"Likas ang kabutihan at busilak ng puso mo." puri ni Itim. "Taglay mo ang isa sa mga kapangyarihan ni Sibol, ang pagpapagaling."
Tumango si Rose Quartz at binigyan ng haplos sa balahibo si Itim. Nagpaalam ito sa dalawa at dumiretsyo kung saan nag-eensayo si Heneral Azur kasama ng iba.
Si Rose Quartz ang bukod tanging malapit sa lahat. Ang totoo, hindi na kailangan pang iutos sa kanya ni Dios Apoi na makipag-kaibigan sa grupo nina Clyde dahil sa kung anong dahilan malapit ang kanyang loob sa mga kabataan lalo na sa kambal na magkapatid.
"Nandito si Ate Rose Quartz!" sumalubong agad si Bonnie nang makita itong papalapit.
"Ate Rose Quartz!" tumigil si Clyde sa pag-eensayo at dali-dali ding lumapit dito.
"Kamusta kayo?" nakangiting sambit ni Rose Quartz. "Magpahinga muna kayo. May dala akong malamig na inumin."
"Ang bait-bait talaga ng ate namin." natutuwang sabi ni Bonnie. Katulad ng kanyang kapatid na si Clyde, may kakaibang saya silang nararamdaman kapag kasama nila si Rose Quartz. Sobrang saya nila na pumayag ito na tawagin nilang ate. Ang lakas ng kanilang koneksyon dito na para bang totoo nilang nakakatandang kapatid ito.
Hinayaan din ni Heneral Azur na lumapit sina Mayumi at Ryle kay Rose Quartz. Alam niya ang utos ni Dios Apoi dito.
***
Masayang nagkwekwentuhan sina Rose Quartz at ang mga kabataan nang biglang ipatawag silang lahat ni Dios Apoi papunta sa bulwagan ng Templo ni Sibol.
"Pinatawag ko kayong lahat dito dahil may maganda akong balita sa inyo! Ngayon, lahat ng hirap ninyo sa pag-eensayo ay hindi masasayang!"
"Sasalakay po ba tayo sa isang pabrika ng mga Metal?" hindi napigilang sambit ni Clyde na agad namang natahimik dahil sumimangot si Dios Apoi.
"Dahil ako na lang ang nag-iisang diyos dito sa mundo, naging misyon ko ang ipunin at pagsamahin ang mga nawala at nagkalat na kapangyarihan ng aking mga kapwa diyos at diyosa." pagpapatuloy ni Dios Apoi.
Napabuntong-hininga si Rose Quartz. Hindi pa rin siya sang-ayon na sa ibang bagay nakatuon ang atensyon ni Dios Apoi kaysa sa makipaglaban sa mga Metal.
"Sama-sama nating lakbayin ang Kabundukan ng Yelo upang hanapin ang isang tagong lugusan. Dito matatagpuan ang isa sa pinakamakapangyarihang Hiyas ng Kalikasan, ang diamond!"
***
Original Version posted 2018-2020
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top