14

Mabilis kumalat ang balita na nahuli sa wakas ni Dios Apoi si Anino. Katulad ng ibang mga tsismis na may dagdag o nabawas sa aktwal na nangyari, si Anino daw ay nagtangkang manggulo sa Templo ni Sibol dahil sa utos ng mga Metal. Buti na lang daw at nagawang pigilan ito ni Dios Apoi. Sadyang napakabuti at tunay na tagapagligtas ang natitirang diyos sa mundo. Dali-daling nagtungo ang lahat ng tao at mga nilalang ng kalikasan sa harapan ng templo upang masaksihan ang pagparusa kay Anino.

***

Nagising si Anino sa malamig na buhos ng tubig sa kanyang mukha. Mahapdi at sobrang sakit pa rin ng kanyang buong katawan. Lingid sa kanyang kaalaman, ang ilang mga sundalo ni Heneral Azur ay patuloy pa rin sa pagbubugbog sa kanya kahit wala pa siyang malay. Puno ng galos at sugat ang kanyang katawan, sira-sira na ang kanyang damit at ang kanyang makinang na maputing buhok ay nangitim na sa dumi dahil sa pagsabunot at pag-apak dito. Ang kanyang sugat ng saksak sa kanyang tiyan ay kitang-kita din at patuloy sa pagdugo. Kalunos-lunos ang kanyang itsura na nakatali ang katawan sa isang poste na kahoy pero walang naawa sa kanya at tanging mga mainit na tingin at matatalim na salita ang kanyang natamo. 

Abot langit ang ngiti ni Dios Apoi. Isa itong napakagandang palabas at katuparan sa kanyang matagal nang ninanais. Matagal na niyang hinahanap itong si Anino pero buti na lang ito na mismo ang lumapit sa kanya. "Anong nababagay na kaparusahan sa dating diyos na ito na walang kasing sama? Sapat na ba na naging tao lamang siya? Naniniwala akong hindi ito tama at madaya para sa inyo! Alam ko ang hirap at pagdurusang naranasan ninyo sa mga kamay ng Metal! Kayo ang tanging nakakalam kung anong parusa ang nararapat sa taksil at salot na ito!" hayag ni Dios Apoi.

"PATAYIN!"

"SUNUGIN NG BUHAY!"

"BUGBUGIN HANGGANG SA MAMATAY!"

"WAG NANG PATAGALIN ANG BUHAY NG SALOT! PATAYIN NA YAN!"

Musika sa pandinig ni Dios Apoi ang mga sinisigaw ng lahat. "Ako si Dios Apoi ay sumusunod lamang sa ninanais ninyo. Bilang inyong tanging tapagligtas at nag-iisang diyos dito sa mundo, pinapatawan ko ng kamatayan si Anino!"

Nagpalakpakan at sumigaw as pagsang-ayon ang lahat ng nakapaligid kay Anino. Walang nakapansin sa luhang tumutulo sa kanyang mga mata. Pero ang mga luhang ito ay hindi sa kawalan ng pag-asa o pag-sisisi, ang mga luhang ito ay dahil sa pagkainis at pagkasuklam kay Dios Apoi. Nagngingitngit sa galit ang kanyang mga ngipin. Sigurado siyang ito ang sumaksak sa kanya at sa malamang din ito ang nagpapakawala sa mga Metal. Ngunit magaling ito sa pagpapanggap at tuluyan nitong nabilog ang isipan ng mga biktima ng mga Metal. 

Nagtagpo ang tingin ni Anino at Itim. Tumango ito sa kanya. Alam ni Anino ang ibig sabihin nito. Lingid sa kaalaman ni Dios Apoi, taglay na niya ang hiyas ng Onyx, ang hiyas na nagbibigay ng kanyang nawalang kapangyarihan bilang diyos ng poot at dilim. Ang totoo ay kayang-kaya niyang makawala sa pagkakatali sa poste, siya ay nag-iipon lamang ng lakas. 

Lumapit si Dios Apoi kay Anino. Mas lalo siyang nasiyahan sa nanglilisik na mga mata nito na nakatingin sa kanya. 

"A-Alam kong ikaw ang totoong taksil." hayag ni Anino. 

Natawa ng malakas si Dios Apoi. "Kahit anong sabihin mo, Anino, walang maniniwala sa iyo."  Muli niyang pinansin ang nagdurugong sugat sa tiyan ni Anino. "Alam mo, Anino, isa kang hangal. Hindi ako makapaniwala na ang isang diyos ay napakadaling maloko. Kasalanan mo ang nangyari sa iyo. Pero ang totoo, malaki ang utang na loob ko sa iyo." sabay suntok sa sugat. "Salamat sa iyo dahil nakuha ko na lahat ng ninanais ko."

Nanlabo ang paningin ni Anino sa sobrang sakit pero pinilit niyang magsalita. "Argh! A-Anong pinagsasabi mo?"

Hindi sumagot si Dios Apoi. Umatras siya ng ilang hakbang. Dali-dali namang lumayo ang lahat na nakapalibot. Batid nilang gagamitin nito ang kanyang kakayahan. Alam nilang si Dios Apoi ay ang diyos ng pagliyab at pagsabog. Nilahad  niya ang dalawang palad sa harap ni Anino. "Paalam, mahal kong kapatid!"

Nanlaki ang mga mata ni Anino sa huling sinambit ni Dios Apoi. 

***

May isang malaking pagsabog ang naganap na nagpayanig sa buong paligid. Sa muling pagmulat ng mga mata ng lahat dahil sa saglit na liwanag ng pagsabog, tanging abo na lamang ang natira sa posteng kahoy kung saan nakatali si Anino. Nagbunyi ang lahat at nagtatatalon pa sa saya. Hindi nila napasin ang itim na usok na humalo sa hangin at naglaho sa gitna ng mga nagkakasiyahan. 

Nagkaroon ng malaking piging sa templo ni Sibol. Ang buong pamayanan palibot sa templo ay imbitado. Lahat ay masaya at gumaan ang loob dahil sa balitang pagkamatay ni Anino. Ang mga prinsesa ni Dios Apoi ay ang naghanda ng libangan at mga pagkain. Si Heneral Azur naman at ang kanyang hukbo ay tapat sa kanilang tungkulin na panatilihin ang kaayusan ng paligid. Samantalang si Dios Apoi ay abala sa mga papuri at regalong binibigay sa kanya habang makaupo sa kanyang trono.

"Bakit hindi kayo nakikisaya sa labas?" nagtatakang tanong ni Ryle. Galing na siya sa piging at nakakain na ng marami pero hindi niya makita sina Bonnie kaya pinuntahan niya ang silid sa templo na pinagamit sa kanila ni Dios Apoi. 

Galit siyang nilapitan ni Bonnie at sinampal. "Wala kang utang na loob!" 

Nagulat si Ryle. "Ba-Bakit, Bonnie?" 

"Ryle, sino ba ang nagligtas sa atin kay Taurus? Ganun na lang ba kadali sa iyo kalimutan ang lahat? Kahit anong sabihin nila, hindi ako naniniwala na si Anino ang nagpakawala sa mga Metal. At kung ano man siya noong diyos pa siya, naniniwala akong nagbago na siya." nagsimula muling umiyak si Bonnie. 

Natahimik si Ryle. Napalingon siya kay Clyde na masama din ang tingin sa kanya. 

"Ah, pasensya na." sabi ni Ryle  at tinangkang lapitan si Bonnie pero si Milo na ang nakayakap dito at nagpapakalma. Nainis siya at mabilis na lumabas ng silid. 

***

"Ano na ang gagawin natin?" tanong ni Clyde. "Totoo bang si Dios Apoi ang totoong nagtaksil sa lahat at nagpakawala sa mga Metal?"

Tumango si Mayumi. 

"Si Mayumi ay nandoon sa Puso ng Kalikasan noong sumalakay ang reyna ng mga Metal na si Platinum. Kilala niya ang itsura ni Dios Apoi, ang totoong taksil." sagot ni Itim. 

"Ang galing din niya at nagawa niyang maloko ang lahat at isisi kay Anino ang ginawa niya!" inis na sambit ni Clyde. 

"Dapat malaman ng lahat ang katotohanan!" giit ni Bonnie. 

"Mapanganib." sabi ni Milo. "Ang makakalaban natin ay ang lahat ng nakatira dito sa pamayanan. Kasama pa dito si Heneral Azur at ang anim na prinsesa na buo ang kapatan kay Dios Apoi." 

"Tama." pagsang-ayon ni Itim. "Lubhang mapanganib, lalo pang si Dios Apoi ay ang diyos ng pagliyab at pagsabog."

"Ah! Tama nga!" napagtanto ni Clyde. "Kaya siguro siya na lang ang nag-iisang diyos kasi nakipagkasunduan siya sa mga Metal."

"Malaki ang posibilidad ng sinabi mo, Clyde." pagtungo ni Itim. 

"Babalik na naman tayo sa tanong ko kanina, ano na ang ating gagawin?" napabuntong-hininga si Clyde. 

"Magmanman." seryosong sagot ni Itim. "Kailangan nating manatili dito. Kuhanin ang loob ni Heneral Azur at kahit ng mga prinsesa para makakuha tayo ng impormasyong magpapatunay sa kataksilan ni Dios Apoi."

"Wow, gusto ko yan! Parang mga secret agent!" nagliwanag mukha ni Clyde. 

"Kapag nakaipon na tayo ng sapat na ebidensya, doon natin isisiwalat ng totoong baho ng iniidolo at sinasamba ng lahat." dagdag ni Itim. 

"Pero... may tanong ako." nagdadalawang-isip na sambit ni Milo. "Totoo bang patay na si Anino?"

"Oo, imposibleng mamatay agad si Anino!" sabi ni Bonnie. Dali-dali niyang pinunasan ang mga luha. 

"Mukha mang imposible pero naniniwala akong nakaligtas si Anino." hayag ni Itim. "Marahil siya ay nasa tabi-tabi lang at nagpapahinga."

Lahat ay nabuhayan ng loob. 

***

Hindi mapakali si Rose Quartz. Hindi siya sumali sa kasiyahang nagaganap sa labas ng templo. Nanatili siya sa kanyang silid. Bukod sa gusto niyang mapag-isa, nais din niyang walang kamakita ng mga luhang patuloy na pumapatak sa kanyang mga mata. Hindi niya maintindihan ang labis na kalungkutang nadarama  sa nasaksihang kinahinatnan ni Anino.

"Bakit labis akong nasasaktan? Bakit para bang nawalan ako at hindi ko matanggap na hindi ko na makikita si Anino?" tanong ni Rose Quartz sa sarili. 

Naispan ni Rose Quartz magpahinga na lamang at itulog ang mga gumugulo sa kanyang isipan. Humiga siya sa kanyang malambot na higaan at pinikit ang mga mata. Wala pang ilang minuto ay may naramdaman siyang tumabi sa kanya. Muntik na siyang mapasigaw pero nagawa niyang pigilan ang sarili. Dali-dali siyang tumayo at lumayo sa kanyang higaan para makita ang mapangahas na pasok sa kanyang silid at tumabi sa kanyang pagtulog. Napanganga siyat at nanlaki ang mga mata. 

"Anino?"

***

Original Version posted 2018-2020


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top