13
Sa pagtagpo ng mga mata nina Anino at Rose Quartz para bang naglaho ang kapaligiran at ang oras ay naging kanila lamang. Puno sila ng katanungan para sa isa't-isa pero hindi nila masimulan dahil gulong-gulo ang kanilang isipan. Aminado sila na ngayon pa lang sila nagkita ng peronal pero malakas ang bugso ng damdamin na kilalang-kilala nila ang isa't-isa. Sabay man nagtanong kung sino ang isa't-isa. Wala sa kanila ang sumagot, marahil sa gulat at hindi inaasahang pagkakataon na kung saan sila ngayon.
"Pagpasensyahan mo na, Rose Quartz." sabi ni Heneral Azur na dali-daling hinila papalayo si Anino.
Dahil sa lamig at higpit ng pagkakahawak ng heneral sa balikat ni Anino, ang saglit na pagkawala sa sarili ay naglaho. Siya ay natauhan at mabilis na sinuot ang kanyang hood.
Hindi maintindihan ni Anino ang sarili. Bakit siya lumapit sa babaeng ngayon pa lang niya nakita? Magkaganon pa man ay hindi niya napigilang sumulyap at animo'y sinadya ng tadhana, nagkatagpo na naman ang kanilang tingin. Kahit malayo na ang parada at dumaan na ang karosa ng tinatawag na Dios Apoi, si Rose Quartz ay lumingon din papunta sa kanyang direksyon. Agad namang binaling nila sa iba ang kanilang mga tingin.
Nagulat si Heneral Azur nang mawala bigla sa kanyang pagkakahawak si Anino. Hindi siya nakatingin dito dahil ang atensyon niya ay kinuha ng nagsasalitang pusa na biglang lumapit sa kanya. Hindi na niya pinagtuunan ng pansin ang pagkawala nito at inisip na lang na isa itong tagahanga ni Rose Quartz.
"Nais namin makita si Dios Apoi ng personal." hayag ni Itim upang hindi na hanapin pa ng heneral si Anino. Nagulat at naguluhan din siya ikinilos ni Anino kanina. Plano niyang kausapin ito pero ngayon, mas mahalagang malaman ang totoong katauhan ng sinasabing nag-iisang diyos.
Ang dumaang karosa ni Dios Apoi ay hila-hila ng apat na centaur. Bukod sa nasa likod sila ng mga nagkumpulang mga tao at nilalang ng kalikasan na mayroon pang matatangakd at naglalakihang kapre, hindi nila ito makita ng maayos dahil may kurtinang nakaharang palibot sa trono nito sa taas ng karosa.
Tumango si Heneral Azur dahil nais naman talaga niyang ipakilala ang mga ito sa kanyang tinuturing na hari.
***
Maraming mga tao at nilalang ng kalikasan na nakabihis sundalo ang bumati ng buong respeto sa kanilang heneral habang ito ay naglalakad kasama ng grupo nina Itim.
"Sila ay aking mga pinamumunuan. Kami ang pwersang handang lumaban sa mga Metal." hayag ni Heneral Azur. "Ako mismo ang nagtuturo sa kanila sa pakikipaglaban."
"Ang galing! Nais kong magpaturo sa inyo!" buong paghangang sabi ni Ryle.
Si Clyde ay interesado din magpaturo sa heneral. Napangiti ito at nagsabi, "Kung sasali kayo sa aking hukbo, tuturuan ko kayo ng lahat ng nalalaman ko sa pakikipaglaban."
"Ako gusto ko rin sumali." sambit ni Milo. Ito na ang kanyang pagkakataon na patunayan ang kanyang kakayahan sa pakikipaglaban kahit wala siyang Hiyas ng Kalikasan.
Tumango lamang si Heneral Azur pero ang atensyon ito ay nakatuon lamang kina Ryle at Clyde. Hinikayat din nito sina Bonnie at Mayumi na sumali.
Napanganga lamang si Milo. Ayaw man niyang isipan pero halatang mas pinapaboran ng heneral ang may taglay na Hiyas ng Kalikasan. Siya ay napabuntong-hininga na lamang.
***
Napakagandang tingnan sa malapitan ang templo ni Sibol, napapalibutan ito ng iba't-ibang halaman at puno na namumulaklak. Naging mas double ang laki nito kaysa dati dahil may dinagdag na mga ilan pang kwarto at tore. Ito ngayon ay mas mukha nang palasyo kaysa sa isang templo. Ito ang ikinadidismaya ni Itim.
Pumalakpak sa galak sina Bonnie at Mayumi dahil ang bumungad sa kanila ay ang malawak na bulwagan ng templo na may mga halaman ding hitik sa bulaklak. May baging nakapulupot sa bawat poste at sa isang malaking chandelier sa gitnang kisame. Sa dulo ng bulwagan ay ang malaking nakatayong estatwa ni Sibol na may hawak na banga. Mula sa banga ay may dumadaloy na tubig papunta sa balon na nakapalibot sa estatwa.
Ang tanging hindi nababagay sa buong bulwagan ay ang upuang nasa harap mismo ng estatwa ni Sibol na budbod ng mga dyamante at kristal. Ito ang trono ni Dios Apoi.
***
Ang sumalubong sa kanila ay si Amethyst. Natigilan ang lahat sa ganda nito na maaaring kahalintulad na din sa ganda ng mga diyosa.
Si Anino na nagtatago na sa anino ni Milo ay nagulat naman dahil parang pamilyar din sa kanya ang itsura ni Amethyst. Kahit si Heneral Azur, may sumasagi din sa kanyang isipan na kilala niya ito. Pero hindi tulad sa dalawa, espesyal at may halong damdamin ang kanyang pagkaalala kay Rose Quartz na para bang parehong puso at isipan ay sumasang-ayon na kilala niya ito. Gulong-gulo ang kanyang isipan ngayon. Pinipilit niyang pakalmahin ang sarili para maiwasan na naman ang ginawa niya kanina.
"Azur, may dala ka pa lang mga bisita." sambit ni Amethyst, ang kanyang boses ay malumanay. Sinadya niyang ngitian sina Clyde na titig na titig sa kanya. Napasimangot naman sina Bonnie at Mayumi.
"Ang mga batang ito ay may kanya-kanyang mga Hiyas ng Kalikasan. Nais ko silang ipakilala kay Dios Apoi."
"Sino ang nais mong ipakilala?" biglang may malalim at malakas na boses ang nagsalita.
"Aking diyos!" masayang tumakbo si Amethyst at niyakap ang kakapasok pa lang sa bulwagan na isang lalaking may matikas na tindig at mahabang itim na buhok. Ang kanyang pananamit ay hango din sa kasuotan ng mga diyos na gawa sa manipis na tela. Kitang-kita ang kanyang makisig na katawan na puno ng mga alahas.
Kasama ni Dios Apoi ang kanyang limang prinsesa. Ang apat sa mga ito ay agad pumalibot sa kanya pagkaupo sa trono.
Si Amethyst naman ay dali-daling kumandong at sumandal sa dibdib ni Dios Apoi. Ang kanyang mga mata ay puno ng pagsamba dito. Tanging si Rose Quartz ang nakatayo na may ilang hakbang ang layo sa trono. Hindi siya nakisali sa limang nakikipagkumpitensya sa atensyon ng kanilang hari.
"Dios Apoi, nandito ang mga bayaning kabataan na nagligtas ng maraming bihag mula sa Pabrika ng Metal." hayag ni Heneral Azur. Sa kanyang pagluhod ay lumingon siya kina Clyde at nagsenyas na lumuhod din. Agad naman silang sumunod.
"Natutuwa ako sa kabayanihang ginawa ninyo." sagot ni Dios Apoi pero walang ekspresyon ang kanyang mukha. "Maaari na kayong tumayo."
Tumayo na sina Clyde mula sa pagkakaluhod pero tanging si Mayumi ang hindi makatayo.
"Ayos ka lang, Mayumi?" nag-aalalang tanong ni Bonnie.
Nanginginig ang buong katawan ni Mayumi at para bang nawalan ng lakas. Namutla ang kanyang balat at natulala siya.
"Mayumi." dali-daling lumapit si Itim na kanina lang ay tahimik na nagmamasid sa likod ng mga halaman sa bulwagan.
Tumingin si Mayumi kay Itim at biglang tumulo ang kanyang mga luha. Alam ni Itim kung bakit nagkakaganito ang diwata. Sa wakas natagpuan na nila ang totoong taksil.
"IKAW!" mula sa sulok may itim na usok ang lumabas at unti-unting nabuo dito si Anino. "IKAW! IKAW ANG SUMAKSAK SA AKIN! IKAW ANG DAHILAN KUNG BAKIT AKO NAGING TAO! IKAW!"Galit na galit na sumugod si Anino hawak-hawak ang kanyang pilak na punyal. Hindi siya nagkakamali, sigurado siyang itong si Dios Apoi ang sumaksak sa kanya!
Nagulat man sa biglaang pagpapakita ni Anino, agad namang tumayo si Dios Apoi sa pagkakaupo at inihanda ang sarili. Sa kanyang simpleng kampay ng kamay, biglang may pwersang sumabog sa harapan ni Anino. Tumalsik si Anino at natumba patalikod. Lumabas ang kanyang mahaba at maputing buhok.
"Hindi ko inaasahan ang pagbisita ng taksil! Ang taksil na nagpakawala sa mga Metal! Ang dating diyos ng poot at dilim, si Anino." siwalat ni Dios Apoi.
Hindi tulad nina Amethyst na galit na galit at humanda na sa pag-atake, si Rose Quartz naman ay puno ng pagkabahala at gulo ng isipan. Hindi niya lubos maisip na ang lalaking pamilyar sa kanya ay walang iba kundi si Anino. Ang kanyang pinagtataka, sa parada pa lang niya ito unang nakita at hindi niya ito personal na kilala. Paanong pamilyar ang itsura nito sa kanya?
***
Sakto naman ang pagpunta ng hukbo ni Heneral Azur na naalarma dahil sa biglang pagsabog sa loob ng bulwagan. Nang marinig nila ang inihayag ng kanilang hari, galit silang nagsigawan at pinagmumura si Anino. Nais nilang kuyugin ito pero pinigilan sila ni Dios Apoi.
Nahilo si Anino sa pagkakauntog sa sahig pero pinilit niyang makabangon. Puno ng paso ang kanyang katawan at dahil sa nasunog niyang damit, lumabas ang nakabenda niyang tiyan na puno ng mantsya ng dugo. Nakita ito ni Dios Apoi at napangiti.
"Kamusta ang sugat mong hindi gumagaling?" bulong ni Dios Apoi kasabay ng kanyang aktong tutulungang tumayo si Anino pero ang totoo, ito ay para lamang makasuntok siya ng mas malakas at sakto sa sugat.
Napasigaw sa sakit si Anino at napaluhod. Pero hindi pa tapos si Dios Apoi at sinundan pa niya ito ng sipa. Nawalan ng malay si Anino at paharap na napasubsob sa sahig.
"Kunin ninyo ang taksil na ito at ikulong!" utos ni Dios Apoi. "Tawagin din ninyo ang lahat ng tao, diwata, duwende, kapre - lahat! Ang lahat ng may galit kay Anino! Ihaharap ko sa kanila ang taksil at sila ang humusga kung bubuhayin pa ba natin ang salot na ito!"
Nanghina si Itim sa narinig. Walang tigil ang pag-iyak ni Mayumi. Sina Clyde, Bonnie at Milo ay natahimik. Hindi nila magawang kumontra dahil batid na nila ang kakayahan ni Dios Apoi. Tanging si Ryle lamang ang nagbunyi katulad ni Heneral Azur at ng kanyang hukbo. Masaya sila na mapaparusahan na ang puno't dulo ng kanilang pagdurusa.
***
Original Version posted 2018-2020
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top