12
Nakapalibot ang mga dating bihag sa kanilang kinikilalang mga tagapaglitas. Si Anino ay nagmamasid lamang at walang planong magpakita. May ingit man sa pagkilalang natatamo ng mga bata, wala na siyang kagustuhan pang ipakita ang sarili dahil tiyak ang kanyang kabiguan.
Napatingin si Anino sa kinaroroonan ni Milo. Alam niyang halos pareho sila ng nararamdaman dahil ito lamang ang walang taglay na Hiyas ng Kalikasan hindi tulad ng kanyang mga kaibigan. Mabuti tumabi si Itim dito at nagbigay ng payo. Mabait si Milo at malawak ang pang-unawa. Huwag lang sana ito magpadala sa mga pang-aasar ni Ryle.
Naalala ni Anino ang kanyang dating libangan. Sa mga ganitong pagkakataon, bilang diyos ng poot at dililm, lalo pa niyang iuudyok si Ryle na galitin si Milo at si Milo naman ay bubulungan na maghiganti. Ang pagmamanipula sa mga emosyon ang kanyang paboritong gawain. Ang mga dating gawain ay mahirap kalimutan pero desidido si Anino na hinding-hindi na niya ito gagawin.
"Sumama kayo sa amin mga tagapagligtas!" anyaya ng isang matandang lalaki.
"Tama! Sumama kayo papunta sa Templo ni Sibol!" pagsang-ayon ng isang maliit na diwata na tumatalon pa sa pananabik.
"Sa Templo ni Sibol?" tanong ni Clyde.
"May nakapagsabi sa amin na sa Templo ni Sibol ay may isang komunidad ng mga pinagsamang mga tao at nilalang ng kalikasan. Ang mga nagproprotekta dito ay kagaya ninyong may elementong kapangyarihan!"
"Isang mabuting balita ito!" masayang hayag ni Bonnie, "Sa wakas may lugar na tayong mapupuntahan!"
"Hindi lang kami ang may Hiyas ng Kalikasan! Ayos! Magiging mas malakas na tayo laban sa mga Metal!" sigaw ni Ryle.
Napuno ng galak at pag-asa ang lahat. Natuwa din si Anino sa nalaman. Nais din niyang makilala ang iba pang may hawak ng Hiyas ng Kalikasan. Kung magtulungan sila, mas malaki ang posibilidad na manalo sila laban sa mga Metal.
"Ang namumuno dito ay isang totoong diyos."
Natigilan at napukaw ang atensyon ni Itim. "Isang totoong diyos?" tanong ni Itim na naglakad papalapit sa nagsalita.
"Oo, ang tawag sa kanya ay Dios Apoi."
"At paanong naging isang totoong diyos itong si Dios Apoi? Tanging si Anino lamang ang nakaligtas sa pagsalakay ng pinuno ng mga Metal sa tahanan ng mga diyos at diyosa."
Sumimangot at nagalit ang karamihan nang marinig ang pangalan ni Anino.
"Huwag mong banggitin ang salot!"
"TAKSIL! NAPAKASAMA NI ANINO!"
Hindi pinansin ni Itim ang mga ito. Tinitigan niya ang nagsalita.
Napalunok sa kaba ang engkantong nagsalita at hindi makapaniwala na may epekto sa kanya ang titig ng isang pusa. "I-Isang diyos si Dios Apoi, yan ang sabi sa akin ng nakapunta na sa Templo ni Sibol. Hindi tulad ng iba na kailangan pa ng hiyas para makatawag ng elemento, si Dios Apoi ay natural nang may kakayahang magpaliyab at magpasabog ng apoy."
Napatingin si Itim sa direksyon kung saan si Anino ay nagmamasid. Naka-anyo itong usok sa likod ni Milo. Napaisip saglit pero tumango at sinabing, "Mga bata, samahan natin sila patungo sa Templo ni Sibol."
Natuwa sina Clyde at Ryle. Nagkusa ang dalawa na iayos at ihanda ang mga dating bihag sa gagawing paglalakbay patungo sa templo ng diyosa ng buhay at pagkalinga. Kampante naman ang lahat at may tiwala sa proteksyon kanilang mga tagapagligtas. Si Bonnie ay pinalutang ang sarili upang magbigay babala sa kung ano mang panganib lalo na sa mga Metal. Kagaya ni Ryle na tumawag ng mga golem na buhangin, si Mayumi ay gumawa ng golem na lupa at bato upang maging tagapagbantay.
Si Milo ay sinabayan ni Anino sa paglalakad sa dulo ng grupo. Naka-hood si Anino para hindi makita ang kanyang mahaba at puting buhok.
"Sino kaya itong si Dios Apoi." sabi ni Itim. Siya ay buhat-buhat ni Milo.
"Kung sino man iyon, makikilala at malalaman din natin kung siya ba ay huwad o totoong diyos." sagot ni Anino.
***
Ilang araw din ang kanilang ginugol para makapunta sa Templo ni Sibol. Humanga ang lahat dahil salungat sa kanilang pinagmulan na may mga patay na puno at tuyong lupa, sumalubong sa kanila ang napakarami at naglalakihang mga puno at halaman. May batis na nakapalibot sa isang napakataas na pader na gawa sa tumigas na putik. Sang-ayon ang lahat na isa itong paraiso para sa mga tao at nilalang na kalikasan na naghahanap ng kalinga at proteksyon laban sa mga Metal.
"PAPASUKIN N'YO KAMI!"
"TULUNGAN N'YO KAMI!"
Sabay-sabay na humingi ng tulong ang mga dating bihag at kinatok ang tambuhalang tarangkahan sa gitna ng matayog na pader.
Hindi nagtagal ay biglang lumamig ang kapaligiran. Sa pagbukas ng tarangkahan na unti-unting nagyelo, may isang matangkad na taong-leon ang bumungad. Napaatras sa takot at panginginig sa lamig ang mga kumakatok at sumisigaw sa tarangkahan. Ang taong-leon ay may malagong puting buhok at balahibo. Kulay asul ang mga mata nitong mapanghusga ang tingin. Makapal at malaki ang baluti nito na pinaghalong metal at yelo.
"Ako si Heneral Azur." pakilala niya. "Ako ang nagpapanatili sa katahimikan at kaayusan dito.
Agad na humarap si Itim at naging kinatawan ng mga dating bihag. "Sila ay mga bihag na niligtas namin sa isang pabrika ng Metal na pinamumunuan ng isang Silver. Hiling namin na sana ay patuluyin mo kami sa komunidad ninyo."
"Isang Silver? Paano ninyo natalo ang isang Silver?" tanong ng heneral.
"Totoong hindi namin kaya kalabanin ng harapan ang isang Silver pero -"
"Nilibing namin sila sa buhangin!" pagmamayabang ni Ryle at hindi pinatapos magsalita si Itim.
Sumabat na din si Clyde at ikinuwento ang nangyari sa Templo ng Lupa.
***
Mukhang nasiyahan si Heneral Azur sa kwento at pagmamayabang nina Clyde at Ryle. Sinaway sila ni Bonnie. Nang malaman ng heneral na ang mga ito ay may kanya-kanyang Hiyas ng Kalikasan, nagliwanag ang mukha nito at naging mabait. Wala nang sabi-sabi ay pinapasok niya ang mga dating bihag.
"Isa itong napakaganda balita! Tiyak na matutuwa ang aming hari dahil mas marami na ngayon ang may taglay ng Hiyas ng Kalikasan na gaya ko." Nilahad ni Heneral Azur ang kanyang palad at lumabas ang isang matingkad na deep blue na kristal. Isang Azurite. "Kaya kong bumuga ng nyebe at balutin ang katawan ko ng yelo." hayag niya.
Lubos ang paghanga nina Clyde at Ryle. Pero bago pa humiling ang dalawa na magpakitang gilas ang heneral, agad pumagitna si Itim. May nais siyang malaman. "Sino ang hari ninyo?" tanong niya.
"Si Dios Apoi! Ang tanging buhay na diyos na tagapagligtas ng dalawang mundo!" buong respetong hayag ni Heneral Azur.
"Astig! Gusto kong makilala ang hari ninyo!" sabi ni Clyde.
Tumango ang heneral. "Oo, dahil sa kabayanihan ninyo ay nararapat lamang na makaharap ninyo ang hari! Halika kayo. Sundan ninyo ako sa Templo ni Sibol."
***
Malayo pa ang templo simula sa tarangkahang pinasukan nila. Malawak ang sinakop ng ginawag teritoryo ng komunidad ng mga tao at nilalang ng kalikasan. Bumalik sa mga panahong wala pang kuryente ang kabuhayan ng mga tao dahil sa payak na bahay na gawa sa putik at kahoy. Bukod sa mga puno at halaman na hitik sa bunga at bulaklak, nagkalat din ang mga tambuhalang kabute at bulaklak na ginawang tahanan ng mga engkanto, duwende at diwata. May kapatagan din para sa mga panamin at isang maliit na lawa. Mula sa malayo, ang Templo ni Sibol ay halos maging palasyo na dahil sa mga nagtataasang tore at balkonaheng dinagdag sa orihinal na istruktura nito.
"Hindi ito komunidad. Isa itong kaharian!" sambit ni Itim, may galit sa kanyang tono.
Napatingin si Anino kay Itim. Kitang-kita niya sa dilaw na mga mata nito ang pagkainis. Alam niya kung bakit nagagalit ang pusa. Ito ay dahil sa pagbabagong ginawa sa Templo ni Sibol. Kahit hindi siya naging malapit sa diyosa at napakalaki ng kasalanan niya dito noong masama pa siyang diyos, alam niyang hindi nanaisin ni Sibol ang pagbabago sa templo.
"Sadyang tunay! Isa itong kaharian ni Dios Apoi!" pagsang-ayon ni Heneral Azur. Hindi niya napansin ang tono ni Itim.
"Nandito na ang parada ni Dios Apoi!" sigaw ng isang tikbalang.
"Kasama niya ng kanyang mga prinsesa!" dagdag ng isang tuwang-tuwa na lalaki.
Naglabasan ang mga tao at mag nilalang ng kalikasan mula sa kani-kanilang tahanan. Marami din ang tumigil sa kanilang ginagawa at sumama sa kumpulan ng sabik na naghihintay.
"Araw-araw may nagpaparada si Dios Apoi upang magbigay pag-asa lahat ng mga naninirahan dito." paliwanag ni Heneral Azur.
Mahinang natawa si Anino. Malakas ang kanyang kutob na nais lang ng kung sinong Dios Apoi na ito ang magyabang at ipamukha sa lahat ang taglay na kapangyarihan.
Hindi naman nagpahuli ang mga kabataan. Umupo sina Clyde, Ryle, Bonnie at Milo sa malaki at mataas na bato na tinawag ni Mayumi para mas makita nila ang parada.
Nauna sa parada ang mga tinawag na prinsesa ni Dios Apoi. May anim na naggagandahang mga babae at diwata ang sumasayaw indayog ng tambol na pinapatunog ng mga bata at duwende. Ang kanilang mga damit ay hango sa kasuotan ng mga diyosa na gawa sa manipis at malambot na tela at binudburan ng mga kumikinang na kristal.
"Si Aventurine." pakilala ni Heneral Azur habang tinuturo ang isang diwatang may mga pakpak ng katulad sa isang agila.
"Ang sumasayaw at nakikipaglaro sa mga lumulutang na bula ay si Aquamarine." tinuro niya ang isang diwatang may paalon-alon na buhok at may mga kabibe na palamuti sa damit.
"Siya si Jade." ang tawag niya sa diwatang may patulis-tulis na buhok at bukod tanging matigas ang katawan kung sumayaw.
"Ah! Heneral Azur, teka po. Parang hiyas ang pangalan nila?" tanong ni Bonnie.
"Tama. Ang pangalan nila ay hango sa Hiyas ng Kalikasan na taglay nila." sagot ng heneral. "Iyon naman si Garnet." Tumingin ang lahat sa isang diwatang may maiksi at mapulang buhok. Kapansin-pansin ang mga nagbabaga nitong mga kamay.
Ang pinakapinagsisigawan ng lahat ay ang babaeng halos wala na nang saplot para lang mapakita ang perpektong hubog ng katawan. Ito rin ang may pinaka-sensual at mapang-akit na pagsayaw. Sa bawat tapak niya sa lupa may mga maliliit na bulaklak ang tumutubo.
Napabuntong-hininga si Heneral Azur. "Siya si Amethyst."
Ang huli sa mga prinsesa ay isa rin tao katulad ni Amethyst. Elegante at pulido ang pagsayaw nito kagaya sa mga balerina. Maitim na tuwid ang mahabang buhok at hindi tulad ng ibang prinsesa, konserbatibo ang pananamit nito.
"A-Anong pangalan niya?!" dali-daling tanong ni Anino. Kanina pa siyang nasa likod at hindi nagsasalita para hindi siya mapansin ni Heneral Azur pero ngayon ay hindi niya mapigilang magtanong. "Sino siya? Anong pangalan niya?"
Nagulat ang heneral kay Anino. Kung hindi ito nagsalita ay hindi niya ito mapapansin dahil kanina pa itong literal na anino lamang sa kanyang paningin.
"Huh? Siya si Rose Quartz."
"Rose Quartz? H-Hindi Rose Quartz ang pangalan niya!" sigaw ni Anino at wala sa sariling tumakbo papunta sa gitna ng parada upang salubungin ang babae na para bang matagal na niyang hinahanap.
Nagulat si Rose Quartz sa lalaking biglang humarang sa kanyang dadaanan. Hindi sana niya ito papansinin pero natigilan siya nang tanggalin nito ang hood na katakip sa ulo nito. Mas nakita niya ang itsura ng lalaki. Nagkatitigan sila. Bumilis bigla ng tibok ng kanyang puso na para bang kilalang-kilala niya ang lalaking ito.
"Sino ka?" magkasabay nilang tanong sa isa't-isa.
***
Original Version posted 2018-2020
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top