11
Masayang nilapitan ni Bonnie si Anino para magpasalamat. Ngayon kilala na niya kung sino ito. Lubos siyang nagulat nang sinabi ni Clyde na ang nagligtas sa kanila ay ang dating diyos na kinamumuhian ng lahat na si Anino pero hindi gaya ni Ryle na galit na galit na sumugod at nanisi, madali para sa kanyang tanggapin na nagbago na ito. Sa kung anong dahilan, magaan ang kanyang loob dito.
"Pasensya ka na kay Ryle." sabi ni Bonnie kay Anino na nabuo mula sa pagiging usok. Para makaiwas sa matalas na kalmot ni Ryle, ito ay nag-anyong usok.
Pilit kinalma nina Clyde at Mayumi si Ryle pero nang magtagpo ang tingin nila ni Bonnie at umiling ito, natahimik si Ryle at pilit kinalma ang sarili.
"Pasalamat ka kay Bonnie." bulong niya at tumalikod. Agad namang tinabihan ito ni Clyde at kinumbinsi pa rin. "Ah, basta! Kung okay lang kay Bonnie, okay lang sa akin!" bulalas nito.
Nag-thumbs up si Clyde at natawa naman si Bonnie. "Alam kong madaling kausap si Ryle."
"Maraming salamat sa pagligtas mo sa amin." muling ulit ni Bonnie.
Tumango si Anino.
"Kung sana lahat ay katulad n'yo." hayag ni Itim, "Kung sana lahat ay may bukas na isip at hindi nabubulag ng galit. Si Anino ay tao at nagbago na."
***
Kinabukasan ay nagising si Anino mula sa saglit na pag-iglip. Buong gabi siyang nasa labas ng kweba para magbantay. Sa pagdami ng kanyang mga kasama at bilang mas nakakatanda, inako na niya ang responsibilidad na protektahan ang mga ito.
Nakita niya si Mayumi na tahimik na lumipad gamit ang matingkad na pakpak na minsan lang nitong ilabas. Malungkot ang mukha nito at para bang paiyak na. Nagdalawang isip si Anino na sundan ang diwata.
Naalala niya si Milo kagabi na lumayo rin sa karamihan saglit pero agad namang bumalik na para bang wala lang. Dahil sa kanyang pagmamasid, napagtanto ni Anino na sa likod ng ngiti Milo sa harap ng mga kaibigan ay may lungkot na nakakubli lalo na sa tuwing nagagawi ang tingin nito kina Bonnie at Ryle na malapit sa isa't-isa. Kay Bonnie lang nakikinig at sumusunod ang taong-lobo.
Ano naman ang kinalulungkot ni Mayumi? Napabutong-hininga si Anino. Ngayong tao na siya, maraming mga pinaghalo-halong mga emosyon ang kanyang nararamdaman. Ito ay normal lang gaya ng nakararami. Hindi na siya naiiba sa lahat. Isa na rin siyang mortal na may damdamin.
Si Mayumi ay umupo sa isa sa mga pinakamataas na puno na may patay na mga sanga. Nakatingin siya sa direksyon kung saan maaaninaw ang mga toreng metal na nakatayo sa tabi ng Templo ng Lupa.
"Si Mayumi ay anak ni Bulkano." bungad ni Itim. Tumabi ito sa kinauupuan ni Anino.
Nanlaki ang mga mata ni Anino. May anak ang diyos ng lupa? Wala siyang alam tungkol sa anak ni Bulkano. Natawa si Anino sa sarili. Syempre wala siyang alam dahil simula't sapul noong isa pa siyang diyos, wala siyang pakialam sa iba pang diyos at diyosa. Mga kakaway ang tingin niya sa mga ito at hindi niya inintindi ang kani-kanilang personal na buhay.
Batid ni Itim ang kawalan ng alam ni Anino tungkol sa ibang diyos at diyosa. "Si Bulkano ay may kabiak na diwata, Makiling ang pangalan. Noong sumalakay ang mga Metal sa Puso ng Kalikasan, saktong doon pa lang dinala ni Bulkano ang anak pero ang dapat na masayang alaala ay naging trahedya."
"Nakita niya kung paano natalo ng mga Metal ang mga diyos at diyosa." sambit ni Anino, hindi patanong kundi kumpirmasyon ng lakas ng mga mananakop.
"At siya rin ang nakakita sa taksil na siyang sumaksak sa iyo."
Napahawak si Anino sa kanyang malalim na sugat sa may tiyan. Masakit pa rin ito at nagdudugo kapag masyado niyang nababanat ang katawan pero nasanay na siya na para bang parte na ng kanyang pang araw-araw na buhay ang pagtitiis sa sakit at maglilinis ng benda nito.
"Sana sa lalong madaling panahon ay malaman ko na ang pesteng nagsimula ng lahat!" galit na sambit ni Anino.
Tumahimik si Itim at hinayaang maglabas ng sama ng loob si Anino pero agad naman itong nahimasmasan.
"Marahil labag sa loob ni Mayumi ang pinaplano natin?" tanong ni Anino.
Tumango si Itim. "Hindi natin siya masisisi kasi masisira ang kanyang tahanan. Pero mas mainam na ito kaysa hayaang manatili ang mga Metal sa templo ng kanyang ama."
Si Mayumi ay lumipad papalapit sa kinaroroonan nina Anino at Itim.
"Handa ka na?" tanong ng pusa.
Tumango ang diwata.
***
Naghanda na ang lahat. May kanya-kanyang bitbit na armas ang bawat isa. Pinili ni Bonnie ang isang sibat mula sa koleksyon ni Clyde ng mga armas. Nakagawian na Clyde na kumuha ng armas mula sa mga Steel Knight na kanilang natalo. Si Ryle naman ay kuntento na sa kanyang mga matatalas na kuko. Gaya ni Mayumi, na may golem na bato, si Ryle ay gumawa naman ng buhangin na golem. Imbes na espada, panakol ang ginawang armas ni Milo.
"Kaya mo ba yan?" mapang-asar na tanong ni Ryle.
"Oo naman kaya yan ni Milo!" kampi ni Bonnie. "Malakas kaya ang katawan niya. Nagkataon lang na mahirap maghanap ng makakain sa ating kalagayan ngayon. Kaya bumagsak ang laki ng katawan. Lahat naman tayo, kahit si Clyde, malaki din ang pinayat."
Napangiti si Milo. "Magpapakalakas ako para hindi mo ako mapag-iwanan, Bonnie. Dati kaya, nagpapabuhat ka pa sa akin, eh!"
Natawa si Bonnie pero nagulat nang biglang iangat siya ng golem ni Ryle at nilagay sa balikat nito. "Tama na ang satsat, tara na sa labanan!"
"Game!" dagdag ni Clyde sabay taas ng kanyang paboritong espada.
"Mga bata, tandaan ninyo ang ating plano. Hindi tayo makikipaglaban." paalala ni Itim.
"Oo naman, Itim. Ang plano ay iligtas ang mga bihag at sirain ang templo!" hayag ni Clyde pero agad siyang natahimik at napatingin kay Mayumi. Isiniwalat na kasi ni Itim ang tungkol sa mga magulang nito. Dali-dali siyang lumapit, "Sorry, Mayumi."
Umiling si Mayumi at ngumiti. Alam niya na para ito sa ikatatagumpay ng kanilang pinaplano at batid niyang gugustuhin din ito ng kanyang ama kung magkataon dahil ito ay para sa ikabubuti ng lahat.
***
Kahit malayo pa lang sa Templo ng Lupa, rinig na rinig na ang pagwawala ni Taurus.
"PAANONG NAKATAKAS ANG AKING MGA LARUAN?! PAANO?!" paulit-ulit na sigaw nito.
"Taurus, huminahon po kayo." pagmamakaawa ng Bronze General. Lalong nainis si Taurus at sinuntok siya nito. Hindi makalapit ang isa pang Bronze General.
Nagkalat din sa sahig ang mga Steel Knights na hindi makagalaw dahil sa yupi-yuping mga parte ng katawan. Sila ang napag diskitahan ni Taurus.
Agad binalita ni Anino ang nagaganap sa loob ng templo. Nauna siya para magmasid bago nila gawin ang pinaplano.
"Magaling!" natutuwang sabi ni Itim. "Habang nagkakagulo ang karamihan ng mga Steel Knight dahil sa pagwawala ni Taurus, ito ang pagkakataon natin na makapasok na hindi nila mapapansin."
"Bakit ba hindi natin kalabanin na lang si Taurus? Lahat naman tayo ay may Hiyas ng Kalikasan, maliban sa isa." pangising sambit ni Ryle sabay tingin kay Milo.
"Ang kulit-kulit mo naman, Ryle!" saway ni Bonnie, "Hindi ka ba nakinig kagabi? Ang buhay ng mga Metal ay nasa kanilang mga Metal Core at ang tibay nito ay base sa kung anong uri sila na Metal. Tanso ang makakasira sa asero, pilak sa tanso at ginto naman sa pilak. Sa ngayon, wala tayong ginto kaya kahit kalabanin natin si Taurus, hinding-hindi natin masisira ang kanyang Metal Core dahil siya ay isang Silver."
Tumango si Ryle pero tumatawa pa ring nakatingin kay Milo. Napabuntong-hininga na lang si Milo.
***
Pinagmalaki ni Ryle ang kanyang paggawa ng lagusan sa ilalim ng buhangin hanggang sa Templo ng Lupa pero agad naman pinaalala ni Bonnie na si Mayumi naman ang gumawa ng sahig na bato dahil masyadong malambot lakaran ang buhangin. "At si Milo kaya ang nakaisip ng kumbinasyon ng buhangin at bato." dagdag niya.
Hindi na sumagot si Ryle. "Hmp! Bakit ba laging kinakampihan ni Bonnie ang walang kwentang si Milo." bulong niya sa sarili.
May maliit na butas sa dulo ng lagusan kung saan sumilip si Itim. "Gaya ng inaasahan, halos wala nang mga Steel Knight sa labas ng templo." aniya.
Ang lalabasan ng lagusan ay sa may bandang gilid ng templo. Sa pagitan ng makapal na mga bato at lupang pader ay ang kulungang pinagsisiksikan ng mga bihag para sa pabrikang tinayo sa ilalim ng templo.
Naunang lumabas si Mayumi at kahit labag sa kanyang loob ay inutasan niya ang kanyang golem na bato na sirain ang pader upang makagawa ng butas. Hindi naman ito agad mabutasan dahil sa tibay ng pader.
May mailan-ilan pa rin namang mga Steel Knight na nagagawi sa gilid ng templo dahil nagpapatrolya. Kapansin-pansin din naman ang ingay sa bawat pagsuntok ng golem ni Mayumi sa pader. Buti na lang at ang atensyon ng karahima ng Steel Knight ay sa nagwawalang si Taurus dahil agad na maaalarma ang mga ito sa nagaganap na pagsira ng pader. Ang pagsigaw at pagdadabog ng Silver ay mas malakas at mas nakakabahala sa kahit anong ingay na nagmumula sa labas.
Pinalutang ni Bonnie ang isang minalas na Steel knight at habang nagpupumiglas sa ere ay salitan sina Clyde at Milo sa pag-atake hanggang sa lumabas ng Metal Core nito. Ang pagsabog ng Metal Core ay dali-daling hinigop ni Clyde at inipon sa kanyang bunganga. Sakto namang may sapat nang laki ang butas sa pader at kunting pwersa na lang ay masisira na ito. Dito ibinuga ni Clyde ang pagsabog at tuluyan nang nakagawa ng lagusan papalabas. Tumawag si Ryle ng makapal na buhangin na siyang pumalibot at nagprotekta sa mga bihag sa loob.
"MGA TAGAPAGLIGTAS! MGA SUGO NG DIYOS AT DIYOSA!"
"MARAMING SALAMAT MGA MAKAPANGYARIHANG BATA!"
"MGA BAYANI!"
Panay ang puri ng mga bihag at puno ng pasasalamat. Hinayaan ni Anino na sina Clyde ang magpakitang gilas at nakipaglaban sa mga Steel Knight na bantay sa kulungan.
"Mga bata, panahon na!" sigaw ni Itim nang makalabas na sa kulungan ang huling bihag.
"Ikaw na bahala sa akin, Bonnie." sabi ni Ryle.
Natawa si Bonnie pero agad namang nag-concentrate upang palutangin si Ryle sa ere hanggang maging mas mataas pa sa Templo ng Lupa. Nilabas ni Ryle ang hiyas na peridot upang tumawag ng mas malakas na pwersang magpagalaw sa buhanging nakapalibot sa templo. Unti-unting nilamon ng animo'y gumagapang na buhangin ang buong templo.
Inangat naman ni Mayumi ang mga naglalakihang mga bato sa ilalim ng templo para masira ang loob nito.
Habang nagtatago lilim ng lagusan dinaanan ng mga bihag, kinuntrol ni Anino ang anino ng mga Steel Knight upang hindi makagalaw ang mga ito. Malayang namang nakaatake si Clyde at nakaipon ng mga pagsabog ng Metal Core upang ibuga sa gilid at pundasyon ng templo.
Tuluyan nang nasira at nilamon ng literal na tsunami ng buhangin ang buong Templo ng Lupa. Nakulong sa loob si Taurus. Tiwala naman sina Itim na matatagalan ang mga Metal na hukayin ang sarili papalabas sa gumuhong templo.
Halos walang katapusang papasalamat at paghanga ang nakuha nina Clyde, Bonnie, Ryle at Mayumi sa mga pinalayang bihag. Si Milo ay nasa isang tabi at pinagmamasdan ang mga kaibigan.
***
Original Version posted 2018-2020
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top