10

Sa hudyat ni Bonnie ang lahat ng mga armas na nakapalibot kay Taurus ay sumugod. Pinuntirya niya  ang dibdib nito. Hindi tulad ni Ryle, alam ni Bonnie na ang buhay ng mga Metal ay nagmumula sa kanilang Metal Core. Pero ang kaalaman nito ay walang kwenta kung ang lahat ng armas na gamitin niya ay hindi man lang gumagasgas sa purong pilak na katawan ni Taurus. Nagsitalsikan lamang ang lahat ng ito.

Malakas ang pagtawa ni Taurus. "Magaling! Magaling!" 

Muling tinaas ni Bonnie ang kanyang kamay at pinalutang ang dalawang kahong metal kung saan sila ni Ryle kinulong. Batid niyang hindi-hindi niya matatalo ang Silver at pinaglalaruan lamang sila nito. Ang tanging nais niya ay makatakas. Gaya ng kanyang inaasahan ay tumalsik lamang sa malayo ang mga kahong metal at nayupi. Sinadya ito ni Bonnie para masira ang kanilang kulungan. Mapipilitang kumuha muli ng bagong metal na kahon ang mga Steel Knight. Ito ang gagawin niyang pagkakataon para makatakas. Sa ngayon kailangan niya munang makipaglaro kay Taurus. 

Kulang sa tulog at walang kain kaya sobrang nanghihina ang katawan ni Bonnie pero tiniis niya ito at sinubukang palutangin ang isang Steel Knight. Nagpumiglas ang gulat na Metal na nasa ere. Puno naman ng paghanga si Taurus at tuwang-tuwa pa. 

"Tatawa-tawa ka pa. He'to ang para sa iyo!" sabi ni Bonnie at inihulog ang Steel Knight sa mukha mismo ni Taurus. 

Hindi ito inaasahan ng Silver. Ang nagpupumiglas na Steel Knight ay natusok sa isang sungay nito kaya naman napaatras siya at napaupo sa sahig. Galit na galit na tinanggal at inihagis ni Taurus ang Steel Knight at agad na sumugod ng suntok kay Bonnie. Mabilis namang gumalaw si Bonnie papalayo at ginawang pananggalang isang Steel Knight na pinalutang din niya. Ito ang sumalo sa suntok ni Taurus. 

"MAPANGAHAS NA NILALANG NG LUPA!" sigaw ng isa sa mga Bronze General at hinampas si Bonnie. 

Napasubsob si Bonnie sa sahig at napaiyak sa sakit dahil sa pagkakahampas sa kanya. 

"AKO LANG ANG PWEDENG MAKIPAGLARO SA KANYA!" galit na sigaw ni Taurus at sinuntok ang Bronze General. 

"P-Paumanhin po, Taurus." Takot na gumapang papalayo ang General Bronze. 

Dinampot ni Taurus si Bonnie sa ulo. Hindi na nagawang magpumiglas ni Bonnie dahil sa iniindang sakit ng katawan. Pakiramdam din niya na mapipisat ang kanyang ulo dahil sa mahipit na pagkakahawak nito. 

"Wala na akong ganang makipaglaro!" sabi niya sabay hagis kay Bonnie sa sahig katabi ni Ryle.

"Hi-Hindi. Pwede-" sambit ni Bonnie sa kanyang sarili. Hindi pwedeng mawalan din siya ng malay kagaya ni Ryle. Nagawa na niyang masira ang kanilang kulungan, batid niyang bubuhatin sila ng Steel Knight papunta sa kinaroroonan ng iba pang kahon na metal. Alam niyang dalawang Steel Knight ang magdadala sa kanila. Kung dalawa lang, alam niyang magagawa niyang makatakas. Kung mawalan siya ng malay, walang kwenta ang pagsira niya sa kanilang kulungan. Maghihintay na naman siya ng matagal hanggang sa maisipan muli ni Taurus na makipaglaro sa kanila. Ayaw na niyang maghintay. Gusto na niyang makatakas. Gusto niyang makita muli sina Clyde at Milo. Ngunit kahit anong gusto ni Bonnie, binigo siya ng kanyang mahinang katawan at nawalan ng malay. 

***

Si Anino ay dali-daling lumipat sa anino ng Steel Knight na bumuhat sa walang malay na si Bonnie. Isa pang Steel Knight ang inutusan ng General Bronze na buhatin si Ryle. Si Taurus naman ay bumalik at umupo muli sa kanyang trono. 

Matapos masaksihan ni Anino ang kalunos-lunos na kondisyon nina Bonnie at Ryle, napagdesisyunan niyang  iligtas ang mga ito. Ang kanyang plano ay magmasid lamang at bumalik  agad sa kanyang mga kasama pero hindi niyang magawang iwanan ang dalawa.

Mula sa malawak na bulwagan ng Templo ng Lupa, ang dalawang Steel Knight ay pumasok sa isang pasilyo papunta sa mga silid na puno na mga kalansay at mga labi ng mga dating laruan ni Taurus. Nanlumo si Anino. Libangan lamang ang tingin ni Taurus sa tao at elemental na nilalang. Nais niyang gantihan ang Silver pero lubos na matibay at malakas ito, hindi dapat siya magpadalos-dalos. 

Ang isa sa mga silid ay puno ng mga metal na kahon. Saglit na napaisip si Anino kung bakit sa mga kahon na ito kinukulong sina Bonnie at Ryle pero agad niyang nahulaan ang sagot. Dahil sa mga taglay na Hiyas na Kalikasan ng dalawa, iniiwasan at sinisigurado ni Taurus na hinding-hindi makakatakas ang mga ito. 

Bago pa masarado ang mga metal na kahon, may pumukaw sa atensyon ng mga Steel Knight. Ang ilan sa mga labi ng mga patay na tao ay gumalaw at gumawa ng ingay. Wala mang katalinuhan, alam ng mga Steel Knight na dapat hindi na gumagalaw ang mga ito. Nagulat pa sila dahil may anyong aninong tumakbo papalabas. Naalarma ang dalawa dahil batid nilang ayaw ng Bronze General na may makatakas sa kanilang mga bihag. Dali-daling sumunod ang dalawa. Nawala sa kanilang munting isipan na lahat ng mga bihag sa mga silid ay mga patay na.

Mula sa madilim na parte ng silid ng mga metal na kahon, lumabas si Anino. Sa kanyang hudyat ay may dalawa pang mga anino ng Steel Knight ang nabuo mula sa kadiliman.  Binuhat ng dalawang anino sina Bonnie at Ryle. 

"Huh?! Bitawan mo ako!" gulat na sambit ni Bonnie nang biglang nagkamalay.

"Shhhh!" saway ni Anino. 

"Si-Sino ka?"

"Huwag kang matakot, Bonnie. Kaibigan ako. Nandito ako para iligtas ka." 

Tiningnan ni Bonnie si Anino at pinagmasdan ang mukha nito. Sa kung anong dahilan ay pamilyar ito sa kanya. "Magkakilala po ba tayo?"

Umiling si Anino. "Hindi pa. Pero kilala ko ang kakambal mo na si Clyde."

Naging maaliwalas ang mukha ni Bonnie. "Kilala mo ang kapatid ko?"

Tumango si Anino. "Naghihintay siya kasama ni Milo."

"Pati si Milo!" muntikan nang pumalakpak ni Bonnie.

"Shhhh." muling saway ni Anino. "Huwag kang maingay."

Tumahimik si Bonnie. Kahit hindi pa rin kumportable na mabuhat ng isang nilalang na anino. Napansin din niya na kahawig nito ang anyo ng isang Steel Knight. Lumingon siya at nakita na si Ryle ay buhat-buhat naman ng isa pang kagaya nito. Maraming gustong itanong si Bonnie pero alam niyang mas mabuting tumahimik muna siya para sila ay makatakas. Ayaw man niyang agad magtiwala dahil mukhang misteryoso ang lalaking nakaitim na hood at may maputing buhok na nagligtas sa kanila, kailangan niya ang tulong nito. Nanghihina pa rin at hindi niya maigalaw ang nabugbog na katawan. 

***

 Ang labasan ng pasilyong kanilang dinaan ay ang malaking bulwagan kung nasaan si Taurus. Kailangang makahanap si Anino ng ibang lalabasan na hindi dadaan sa bulwagan.

"May lagusan sa  tabi ng pasilyo." bulong ni Bonnie. "Papunta ito sa isa sa mga tore ng templo." Ito ang planong daanan ni Bonnie kapag nagawa niyang makatakas.  

Hindi na nagtanong pa si Anino at naunang pumasok sa lagusan. Agad na sumunod ang kanyang mga aninong Steel Knight na may buhat kina Bonnie at Ryle. Bumungad sa kanila ang isang makipot na hagdanan pataas. Nagkalat ang alikabok at buhangin dahil hindi kailanman dumaan dito ang mga Steel Knight at wala silang dahilan para umakyat pataas. 

Lumabas sila sa tuktok ng tore. Madilim na ang kapaligiran dahil dumating na ang gabi. Pabor ito kay Anino dahil mawawala ang kanyang mga alagad na anino kung nagkataon na maliwanag pa ang kalangitan. 

"Ang problema ngayon, paano tayo bababa." hayag ni Anino. Sila ay mahigit sampung palapag ang taas mula sa lupa. 

"Si Ryle ang makakatulong sa atin." sabi ni Bonnie. Nakapagpahinga na siya at may lakas nang bumaba mula sa pagkakabuhat ng alagad ni Anino. 

Naintindihan ni Anino kung paano makakatulong si Ryle. Ang kapangyarihang taglay ng hiyas na hawak nito ay buhangin. Nagkataong nasa gitna ng deserto ang Templo ng Lupa. Kung iisipin ang lahat ng kondisyon ay pabor na pabor dito.

 "Ryle! Gising, Ryle!" tawag ni Bonnie sa nakapikit na si Ryle. 

Makalipas ng ilang minuto at minulat ni Ryle ang kanyang mga mata pero napasigaw sa sakit ng kanyang ulo. Nang mahimas-masan ay nag-aalalang niyakap si Bonnie.

"Bonnie, ayos ka lang? May masakit ba sa iyo?"

Natawa si Bonnie. "Ako pa talaga ang inalala mo, eh ikaw itong mas bugbog sa akin."

"Sino ka!?" tanong ni Ryle sabay labas ng kanyang nagtatalasang pangil. Agad niyang hinila si Bonnie papunta sa kanyang likod. Kapansin-pansin na tumayo ang mga teynga nito na patusok na kagaya sa mga lobo. 

Hindi naman kumibo si Anino. 

"Teka, Ryle. Huwag kang mag-alala. Siya ang nagligtas sa atin." paliwanag ni Bonnie. "Hindi siya kaaway."

"Paano ka nakakasiguro?" 

"Kilala niya ang aking kapatid na si Clyde. Naikwento ko na sa iyo na may kakambal ako, di ba?"

"Sino ka? Anong pangalan mo?" tanong ni Ryle. 

Napabuntong-hininga si Anino. Sasabihin ba niya na siya si Anino? Naalala na naman niya ang  galit na galit na reaksyon ng kanyang mga niligtas sa unang pabrika. 

"Hindi na mahalaga kung sino ako pero sana maniwala kayo na wala akong planong masama. Nais ko lamang ang inyong kaligtasan. Magtiwala kayo."

"May tiwala ako sa iyo." sagot ni Bonnie at pumagitna sa pagitan nina Ryle at Anino. 

"Salamat, Bonnie. Mas mainam din kung kay Clyde mo tanungin kung sino ako."

Tumango si Bonnie. 

"Dahil may tiwala sa iyo si Bonnie, maniniwala ako sa ngayon. Pero kung may masama kang binabalak, humanda ka sa akin!" banta ni Ryle. 

Hindi sumagot si Anino. 

Gamit ang  hiyas na peridot, nagawa ni Ryle na bumuo ng isang malaking dausdusan na gawa sa pinong buhangin.  Mabilis at matiwasay silang na nakababa mula sa tuktok ng tore. Laking pabor din sa kanila na kahit sobrang daming mga Steel Knight sa buong Templo ng Lupa, mas pinapahalagahan ng mga ito ang pagbabantay sa loob ng pabrika na nasa ilalim ng templo at ang mismong bulwagan kung nasaan si Taurus namamalagi. May ilang parte ng templo ang kanilang nakakaligtaan. Ito ang impormasyon kailangan ni Anino para sa kanilang susunod na plano. 

***

"Bakit ngayon ka lang?"  salubong ni Itim kay Anino. Buong araw naghintay ang pusa sa labas ng kanilang pinagtataguang kweba na gawa ni Mayumi. Sila ay nasa pagitan ng kagubatan at diserto.  

Napangiti si Anino. Si itim ay para bang isang amang naghihintay sa anak na ginabi sa pag-uwi.  "Matagumpay ang aking pagmamasid sa Templo ng Lupa." kanyang sagot. 

Napansin ni Itim na may isang tao at taong-lobo na nakasunod kay Anino. Tumango siya kay Anino. "Tatawagin ko sina Clyde at Milo."

"Totoo bang nandito na si Bonnie?!" dali-daling lumabas si Clyde. "Si Bonnie, nandito na?"

"C-Clyde?" 

"BONNIE!" sigaw ni Clyde at niyakap ang kakambal. Nagsimulang umiyak ang magkapatid. "Walang araw na hindi kita inalala. Napakasaya ko ngayon at nandito ka na sa piling ko!" 

"Ako din, Clyde, lagi kang nasa mga dasal ko." sagot ni Bonnie. 

"Bonnie, salamat at ligtas ka! Miss na miss kita." naiiyak na sambit ni Milo. 

"Ikaw din, Milo, miss na miss din kita!" masayang hayag ni Bonnie at niyakap din si Milo. 

"Ehem! pagpapansin ni Ryle.

"Ah, oo nga pala, guys, ito si Ryle." pakilala ni Bonnie. 

"Ako si Ryle, ako ang tagapagtanggol ni Bonnie!" sambit ni Ryle sabay labas ng kanyang hiyas na peridot."  tiningnan niya ng masama si Milo.   

Hindi kumibo si Milo. Clyde naman ay  tuwang-tuwa at inakbayan si Ryle. 

"Wow! May hiyas ka rin ng kalikasan?! Astig! Buti naman at may body guard na ang aking kapatid!"

"Clyde, hindi ko kailangan ng body guard!" protesta ni Bonnie. "Mayroon din akong hiyas na may kapangyarihan!" 

Pinakilala din ni Clyde si Mayumi kina Bonnie at Ryle.

Tahimik lang na nanunuod si Itim sa mga bata.  Napalingon si Anino at nakitang unti-unting umaatras si Milo sa grupo at dali-daling tumakbo papalayo papunta sa  madilim na kagubatan. Napabuntong-hininga si Itim nang napansin din ang pag-alis ni Milo.  

***

Original Version posted 2018-2020

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top