vii
VII.
Tatlong taon nang pabisi-bisita ang tag-ulan. Hindi man matagal ngunit sapat na para basain ang dating tigang na palayan. Napansin din agad iyon ng mga tagakabilang baryo at bumisita sila sa silangan upang tingnan ang lagay ng lupa.
Patuloy sa pagtatanim sa bakuran si David, doon sa likod ng bahay na bato na kahit paano ay nababakuran pa rin ng sementadong harang.
Ang mais at palay ay nadagdagan ng ilang gulay at prutas gaya ng kamatis at mansanas na inipon niya ang buto mula sa kalakal para lang may sariling tanim.
Tuwing umaga siya dumaraan sa parang at nagdadala ng alay sa panakot-uwak. Doon din niya naabutan ang ilang mga tao habang sakay siya ng bisikletang nakuha sa dating napadpad sa silangan ng nayon. Mula sa unahan ng kakahuyan patawid sa sirang bakod, nakita niya ang ilang kalalakihang hindi niya kilala, papalapit sa lugar ng pinag-aalayan niya.
Hindi siya kumilos, nagtago lang sa isang matayog na puno.
"Itumba n'yo na lang!" sigaw ng isa sa tatlong lalaki na itinuturo sa dalawang kasamahan ang direksiyon kung paano palilibutan ang panakot-uwak.
"Madali nang mabuwal 'to!" sagot ng isa habang sinisipa-sipa ang tablang pinagpapakuan ng panakot-uwak.
Malakas ang tibok ng puso ni David. Hindi maaaring mawala ang panakot-uwak. Hindi niya alam ang mangyayari kapag naalis iyon sa gitna ng dating palayan. Magagalit ang mga panginoon at isusumpa silang lahat.
Nakalapit ang isa at akmang itutumba na ang pook-alayan niya.
"Uwaaaak!"
Napatingin sa itaas si David. Isa-isa nang nagdadatingan ang mga uwak na bantay ng palayan.
"O, sabi sa inyo, kaya 'to e." Nagmayabang pa ang isa at maangas na naghamon sa mga kasama niya.
Isang malakas na pagbagsak at hindi na matanaw ni David ang panakot-uwak.
Subalit hindi lang doon nagtatapos ang lahat.
Sinugod ng mga ibon ang kalalakihan. Sigaw nang sigaw ang tatlo habang paikot-ikot sa palayan. Ilang sandali pa ay may lumabas mula sa kabilang direksiyon ng kakahuyan. Isang malaking hayop na may mahabang sungay, doble ng laki ng sa leon, kulay pula ang mga mata, may matatalim na ngipin, at sobrang bilis ng pagtakbo.
Tingin niya ay hindi iyon nakita ng mga lalaki dahil abala ito sa pag-ilag sa mga uwak.
Sinuwag ng malaking hayop ang isa, kinagat naman ang isa. At ang isa ay walang habas na tinadyakan at tinakapan sa dibdib.
Halos mahati ang katawan ng lalaking kinagat nito. At kahit nagdurugo na ang katawan ay nagawa pa ring manghingi ng tulong. Ngunit tanging mga uwak na lang ang dumulog dito at pinagkaguluhan ang mga laman nito.
Maging ang dalawa nitong kasama ay pinagpiyestahan ng malaking hayop at ng mga uwak.
Napayakap si David sa alay sana niyang mansanas at mga butil ng mais na nasa maliit na telang sako.
Nagbalik ang kilabot sa kanya. Akala niya ay sa gabi lang nagpapakita ang mga halimaw ng kakahuyan. Bumaba ang tingin niya sa nakabagsak na panakot-uwak.
Hindi maaaring magmintis sa pag-aalay. Hindi pagpapalain ang makaliligtaang magbigay ng biyaya sa Poon.
"Uwaaak!"
Habang nagkakagulo pa ang mga uwak at ang malaking hayop sa di-kalayuan, nanginginig na lumapit si David sa nakatumbang panakot-uwak. Dahan-dahan niya iyong itinayo at ibinalik sa bitak ng lupa kung saan ito dating nakabaon. At dahil lumuwag na ang pinagtatayuan niyon, napilitan siyang magtambak na lang ng dagdag na alikabok at ilang bitak ng bato para manatiling nakatayo ang pinag-aalayan.
"Kapag nag-alay sa Poon . . . ika'y pagpapalain," bulong niya habang pasmado ang kamay nang isa-isang kunin sa loob ng sako ang mga alay niya sa araw na iyon.
Inilapag niya sa paanan ng panakot-uwak ang dalawang pahinog nang bunga ng mansanas at isa-isang ikinalat ang mga butil ng mais.
Pagsulyap niya sa mga uwak at doon sa malaking hayop, mga nakatingin na ito sa kanya at hindi na pinansin pa ang kinatay na katawan sa likod ng mga ito.
Ang ilang uwak ay muling dumapo sa kanilang pahingahan at tila ba pinanonood mula sa tinatapakang braso at ulo ng panakot-uwak ang nagbibigay ng alay para sa kanila.
"Pagpapalain tayo ng Poon sa ating pagsusumikap."
Muling sumulyap si David sa mata ng mga itim na ibon. Wari ba'y nagtatanong ang mga ito kung natatakot ba siya sa kanila. Para bang hinahamon ang tapang niya kung hanggang saan niya kayang maglingkod sa kanyang mga panginoon.
"Ang biyaya ay hindi ipinagkakait sa nararapat."
Saglit siyang yumukod sa harapan ng panakot-uwak at tumalikod na pagkatapos ibigay ang kanyang alay para sa araw na iyon. Pagsulyap niya sa halimaw ng kakahuyan, sinusundan din siya nito ng tingin. At kahit nais niyang kumaripas ng takbo ay hindi niya nagawa dahil baka siya naman ang habulin nito.
Hindi pa niya kahit kailan nakitang itinumba ang panakot-uwak dahil alam niyang mahalaga iyon sa mga magsasaka, ngunit noong araw na iyon, napatunayan niyang hindi ang mga magsasaka ang may-ari ng panakot-uwak sa gitna ng dating palayan kundi ang mga poon.
At sa tuwing nag-aalay ng dugo sa tigang na lupa ng silangan ng Alvala, hindi kahit kailan nagmintis ang pagpatak doon ng ulan.
• • •
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top