v
V.
Limang taon na ang nakalilipas, unang beses na may naligaw na pamilya sa silangan ng Alvala. Unang beses ding makakita ng sasakyan mula sa labas si David. Nakasalubong niya ang mga ito sa maalikabok na kalsada habang pabalik siya sa bahay na bato sa loob ng kakahuyan.
"Sandali, maaari bang magtanong?" tanong ng lalaking malusog at halos mamula na ang mukha dahil sa init. Tingin niya ay nasa tatlumpu o higit pa ang edad nito. Bigotilyo at tantiya niya ay padre de pamilya ng mga kasama nito sa sasakyan.
"Ano ho iyon?" tanong ni David habang sinisilip ang loob ng sasakyan.
"Sabi sa mapa, may daan daw dito patawid sa Sentral ng Alvala."
Hindi agad nakasagot si David. Nakatuon lang ang tingin niya sa babaeng nasa loob at katabi ng lalaking nagtatanong. May hawak itong mapa na ilang beses nitong inikot-ikot. Sa likod naman ay isang dalagang panay ang pagpapaganda sa salamin.
"Mabuti na hong umikot na lang kayo," sagot ni David.
"Masyadong malayo e. Wala na nga kaming gasolina. Malapit nang lumubog ang araw."
Napatingin si David sa langit. Ang anino niya ay lumilikha na ng sarili nitong orasan sa lupa.
Naalala niya, wala pa siyang alay sa panahong iyon.
Matamis ang ngiti niya nang ituro ang mahabang daan papasok ng kakahuyan. "Tahakin n'yo lamang ho ang daang iyan at makalalabas na kayo ng silangan ng nayon patawid sa Sentral."
"Ayan, maraming salamat!"
Umandar na rin ang sasakyan, sinunod ang direksiyong sinabi niya. Napansin niya ang bisikletang nakasampay at nakatali sa likod ng sasakyan.
Nagmadali na rin naman siyang bumalik sa tahanan bago pa lumubog ang araw.
Kabisado na ni David ang pasikot-sikot sa kakahuyan. Alam niya ang daan ng hangin, alam ang itsura ng mga puno, kung saan liliko at saan hindi dapat puntahan.
Sa gitna ng masarap na hapunan mula sa mga nahuling maya sa may panakot-uwak, malalakas na sigawan ang kanyang narinig mula sa kusina ng bahay na bato.
Ngunit wala na ang takot.
Wala na ang pangamba.
Wala nang dahilan para magtaka pa.
"Ang biyaya ay hindi ipinagkakait sa nararapat," bulong niya habang sandaling nginingitian ang hapunan.
• • •
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top