iv
IV.
Ilang buwan ding pinag-aaralan ni David ang bahagi ng silangang hindi pa lubusang napupuntahan ng karamihan.
Sinubukan niyang mag-isip nang nasa tamang katinuan pa sa kabila ng nakababaliw na nalaman sa Silangang Alvala. Sa gitna ng kakahuyan niya nakita na mas madaling makahanap doon ng makakain kaysa sa labas. Ngunit ang tanging titiisin na lamang niya ay ang pananatili roon tuwing gabi.
Paminsan-minsan ay lumalabas siya sa kakahuyan at dumaraan sa tigang na lupain.
Naalala niya ang paulit-ulit na sinasabi ng matatanda noon: ang pag-aalay ay kailangan upang pagpalain ng Poon.
Tuwing may natitirang karne ang mga hayop sa kakahuyan—kahit pa alam niya kung anong uri ng karne iyon—pinupulot niya pa rin at isinisilid sa maliit na sako. Dinadala naman niya ang mga karne sa may panakot-uwak.
"Ang biyaya ay hindi ipinagkakait sa nararapat."
Ibabato niya ang mga karne sa palibot ng panakot-uwak at sabay-sabay na iiyak ang mga itim na ibon.
"Uwaaak! Uwaaaak!
Pagkakaguluhan ng mga ibon ang mga karneng ikinakalat niya sa lupa. At pagkatapos ng bawat pag-aalay, walang mintis ang pagdaan ng ulan sa silangan ng Alvala.
Ang dugong pumapatak sa tigang na lupa ay hindi lamang nagkataon.
Parang hibang na napangiti si David habang nakatitig sa langit na naghahandog ng kaunting grasya nito sa munti niyang handog.
Parang mga diyamante sa langit ang bawat patak ng ulan. At sa kanyang pagdipa at pagsalo sa mga diyamanteng iyon, napag-isip-isip niya na ang pag-aalay ay hindi lamang isang kathang-isip kundi isang tungkulin bilang naninirahan sa silangan ng Alvala.
"Magpasalamat tayo sa biyaya ng Poon."
• • •
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top