Chapter 6: Food Trip
Namimilipit si Boyet sa pagdumi. Tagaktak ang pawis sa mukha. Hindi sanay ang tiyan niya na makakain ng marami, lalo na ng masasarap. Napalaban siya ng kain sa Jollibee kahapon, pauwi ay may Peach Mango Pie pa siyang nginunguya habang naglalakad. Sa busog, mahimbing ang tulog niya noong gabi, nguni't kinaumagahan ay nagrebelde ang tiyan niya.
"Huy! Ano ba?! Bilisan mo! Gagamitin ko ang banyo!"
Sigaw ni Danilo mula sa likod ng pintuan. Nagulat si Boyet sa malakas na katok.
"S-sandali...k-kuya..."
Ngiwi ng mukha ni Boyet sa pag-ire.
"Anak ng puta! Bilisan mo!" sigaw ng panganay.
Blag! Dag! Hampas niya sa pintuan.
"Boyet! Buksan mo na!"
Maya-maya'y bumukas ang pintuan at nagmamadaling lumabas si Boyet na naka-brief lang. Pagpasok ni Danilo sa banyo ay napatakip ito ng ilong at napaatras.
"Putangina! Ang baho! Ano bang kinain mo?!"
Sipit-sipit ang ilong, pumasok sa loob ng banyo si Danilo at sinara ang pintuan, pero saglit lang ay bumukas muli ito at tumilapon palabas ang shorts ni Boyet.
"Huy! 'Yung shorts mo!"
Nasalo ni Boyet ang shorts pero naglaglagan mula sa bulsa nito ang mga pera—ang sinukli sa kanya. Nakalimutan niyang alisin ang mga ito sa shorts. Kumalansing ang mga barya sa sahig at gumulong kung saan-saan. Nagkandarapa si Boyet sa pagpulot.
At sa tunog ng pera ay napatingin si Pol na nagtitimpla ng kape sa kusina.
Sa loob ng banyo, napataas naman ang kilay ni Danilo.
Ang kalansing ng barya, ang tunog ng pera sa kanila'y parang alarm.
Nagmamadaling dinampot ni Boyet ang mga perang papel at isinuksok sa bulsa ng shorts. Tapos ay hinabol niya ang nagtalsikang mga barya at pinagpupulot. Isang gumugulong na P5 coin ang kanyang hinabol at ito'y huminto sa paanan ni Bert na kapapasok lamang ng bahay. Natigilan si Boyet nang makita ang paa ng ama.
Dinampot ni Bert ang P5 coin.
"San galing 'to?" tanong niya.
Hindi makasagot si Boyet. Kinabahan.
"San pa? E 'di sa imburnal!" sumbong ni Pol mula sa kusina. "Kaya antagal umuwi n'yan, 'Tay, kasi namumulot ng barya sa kanal!"
Hindi makagalaw si Boyet. Para siyang kriminal na nahuli. Hawak niya'ng shorts na hindi pa niya nasusuot. Tinignan siya ng ama.
"Totoo ba 'to? Napulot mo lang sa kanal?"
Tumango si Boyet.
"O-opo, 'Tay. Sa...sa kanal."
Tinignan ni Bert ang anak nang matagal. Nag-iisip.
"Napulot..." may kutya sa kanyang pagkabigkas.
Yumuko si Boyet. Umiwas ng tingin. May takot at hiya sa kanyang mukha.
"Akinang mga barya mo," utos ni Bert.
Inabot ni Boyet ang mga barya na nasa kanyang mga kamay. Binilang sa mata ni Bert kung magkano ang mga ito. P25 lahat.
"Lahat 'to?" paniniguro niya.
"Opo, 'Tay," mahinang sabi ni Boyet. Pinanindigan na ang kasinungalingan.
"Sabi sa inyo, 'Tay eh!" hirit pa ni Pol mula sa kusina. "Walang ginawa 'yan kundi mamulot ng barya!"
Tumingin si Bert kay Pol bago ibinalik ang mga mata kay Boyet. Para bang naninigurado na walang sabwatang nangyayari.
Sa loob ng banyo, tahimik na nakikinig si Danilo. Kapag usapang pera, interesado siya.
Binalik ni Bert ang P5 coin kay Boyet at ibinulsa ang iba, at sinabi sa anak:
"Kung makapag-uuwi ka ng ganitong kadaming barya araw-araw, wala akong pake kung gabihin ka sa pag-uwi. Basta may dala kang pera. Limang piso sa iyo, akin ang iba. Naiintindihan mo?"
"O-opo, 'Tay."
Biglang bumakas nang bahagya ang pintuan ng banyo at sumilip si Danilo na nakaupo pa sa inidoro.
"Teka, 'Tay! E pano 'yung pag-iigib ng tubig sa hapon?" tanong niya.
"Eh 'di ikaw na ang mag-igib," sabi ni Bert.
"Anak ng...eh bakit ako?!" angal ni Danilo.
"Wala ka namang ginagawa," diin ni Bert. "Si Pol nasa talyer. Ikaw walang trabaho."
"E walang kumukuha sa 'kin eh!"
"Dahil alam nilang galing kang kulungan at nanakawan mo lang sila."
Nagdadabog na ibinalibag ng sara ni Danilo ang pinto. Tutoo naman ang sinabi ng ama. Ilang beses siyang nag-apply ng trabaho, pero nare-reject palagi nang malamang marami na siyang rekord. Sa loob ng banyo, dinig ang boses niya.
"Bad trip naman o! Tangina!"
Hindi pa rin naisusuot ni Boyet ang kanyang shorts, na kanyang mahigpit na hawak-hawak at dahan-dahang tinatago sa kanyang likuran, natatakot na baka makita ang mga perang papel sa bulsa nito. Tinignan uli siya ng ama.
"O, malinaw ba tayo?"
Tumango si Boyet. Binuksan ni Bert ang maliit at lumang TV, naupo sa sala, nagsindi ng sigarilyo at nanood. Dahan-dahang isinuot ni Boyet ang shorts at lumabas ng bahay.
#
Ang tulay na dinadaanan ni Boyet pauwi.
Nagdaraan ang mga jeepney. Week day rush hour. Maraming tao sa paligid, paroon at parito. Agawan na naman sa pagsakay.
Sa ilalim ng tulay, ang tuyong ilog. Kalat ng basura sa paligid na galing sa taas ng tulay na tinatapon ng mga nagdaraan. Sa lilim ng tulay ay isang bilog at konkretong drainage pipe. Malaki ito, kasya ang tao, at tulad ng ilog, tuyot rin.
Madilim ang loob ng drainage pipe. Madumi. Hindi ka mangangahas na pumasok dito. Hindi mo alam kung anong naghihintay sa loob. Daga. Ahas. Sakit. Bukod na lamang kung kinakailangan. Pagka't sa loob ng drainage pipe na ito itinago ni Boyet ang bag ng pera. At narito siyang muli para kumuha ng ipangkakain.
Binuksan ni Boyet ang bag at humugot ng P500 mula sa bundle. Tinupi niya ang perang papel at isinuksok sa kanyang bulsa, pagkatapos ay tinulak niya'ng bag palayo, paloob pa ng drainage pipe, sa dilim.
#
Naglalakad sa may bangketa, palingon-lingon si Boyet sa paligid. Kanan. Kaliwa. Nag-iisip. Namimili.
Ano kaya? Saan kaya? Sabi niya sa sarili. Excited siya at natatakam.
Hirap siyang mamili. Nagkalat ang mga kainan sa paligid: Jollibee, McDo, Greenwich, KFC, Chowking, Dunkin Donuts, Mang Inasal...
#
Nakaupo si Boyet. Ang kahoy na numero ng kanyang inorder ay nasa tusukan nito. Amoy niya ang usok na galing sa kusina ng restawran. Ang usok ay umabot na kung saan kumakain ang mga customers. Hindi puno ang loob pagka't alanganin ang oras. Dahilan din kaya dito naisipang kumain ni Boyet. Bukod sa matagal na siyang hindi nakakain ng manok ay mas at home siya rito, pagka't kita niya'ng ang ibang kumakain ay nagkakamay. Marami rin ang naka-sando't naka-tsinelas lang.
At nagulat siya na tila libre ang kanin. Nakita niya na may nag-iikot na crew na may plastic na lalagyan at namimigay ng kanin. Unli-rice nabasa niya at naintindihan niya.
Maya-maya'y dumating ang order niya. Pechong manok courtesy of Mang Inasal.
Nilapag ng crew ang order sa mesa at kinuha ang kanyang number. Napangiti si Boyet at agad na kumain. Naka-puwesto siya malapit sa bintana kung saan tanaw ang bangketa sa labas. Hahawakan na sana niya ang manok pero naisipang gamitin ang kutsara't tinidor. May pagka-class aniya, kung naka-kubyertos. Maka-ilang subo ay nanlaki ang kanyang mga mata.
Sa labas, naglalakad ang kuya Danilo niya padaan ng Mang Inasal. Agad na tumalikod ng upo si Boyet. Nanginig ang buong katawan niya sa kaba.
Ang masama'y huminto pa mismo sa tapat niya sa labas ng glass window si Danilo para magsindi ng sigarilyo. Hindi makagalaw si Boyet. Saglit na bumaling ng tingin si Danilo sa loob ng restawran pero hindi naman niya namukaan ang nakatalikod na kapatid. Kung hindi mo inaakala ay hindi mo rin naman makikita.
Maya-maya'y naglakad paalis si Danilo.
Mabilis pa'ng pintig ng puso ni Boyet. Mabilis din ang pagkain niya pagkatapos sa kagustuhang makaalis agad bagama't makaka-tatlong hiling pa rin siya ng unli rice.
Nang sumunod na araw, ay sa Mang Inasal muli kumain si Boyet. Nasarapan lang. Hawak niya ang kanyang number at mauupo na sana malapit sa bintana nang may maalala, at dalian siyang naghanap ng upuan sa pinakadulo. Nang dumating ang order niya'y may kasama na itong halo-halo. Iyon, at gumawa na rin si Boyet ng kanyang sawsawan at ginaya na'ng iba na tinataktakan ng chicken oil ang kanin.
Matapos ang tatlong scoop ng unli rice at habang kinakain ang kanyang panghimagas ay binilang ni Boyet ang baryang nasa bulsa niya.
"1..2...3...4..5..."
Limang P5 coins.
"P25..." bilang niya.
Napangiti si Boyet. Alam niyang wasto ang bilang niya at nakaramdam ng yabang sa sarili na magaling siya sa Math.
Tulad ng nagdaang mga araw, pag-uwi ni Boyet sa bahay ay diretso na siya kay Bert na nanonood ng TV. Bubuksan ni Bert ang kanyang palad at ilalagay ni Boyet doon ang limang P5 coin. Kukunin ni Bert ang apat at ibabalik kay Boyet ang isa. Pagkatapos ay kaswal na tatalikod paalis si Boyet, makakasalubong pa niya ang kuya Danilo niya na papasok sa bahay bitbit ang timba ng tubig na inigib. Titignan siya ng masama ng panganay nguni't hindi lang niya ito papansinin.
Ito ang naging routine ni Boyet sa araw-araw. Pasok sa eskwela. Kain. Uwi. Bigay ng pera.
Pero sa pagtagal, ay unti-unting nabubuo na ang hinala ni Bert. May hindi tama, wari niya. Ito'y pagka't tuwing bigay ni Boyet ng pera ay palaging saktong P25.
NEXT CHAPTER: "Ang Lalaking Naka-itim."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top