Chapter 5: Pitong Tinapay at Isang Coke
Kinaumagahan ay aburido si Boyet. Papasok siya ng iskul nguni't hindi niya mahanap ang kanyang I.D. Pababa ng hagdan ay hinahalungkat niyang kanyang bag, halos baligtarin na niya ito. Tuloy ay naharangan niya si Pol na palabas ng bahay.
"Huy! Bilisan mo!" sigaw ni Pol.
"Nakita mo ba I.D. ko?" tanong ni Boyet.
"Aba malay ko!" sabi ni Pol at tinabig ang nakababata niyang kapatid na muntik mahulog sa hagdan. Papasok naman siya sa trabaho niya sa talyer .
"Nasaan kaya 'yun?" pagkamot ng ulo ni Boyet.
Inabot ni Pol ang P5 na coin.
"O, heto daw baon mo sabi ni tatay."
Kinuha ni Boyet ang barya.
"Ungas ka rin talaga," sabi ni Pol habang paalis. "'Yung dalas mong makakita ng barya kung saan-saan, ganon din kadalas mong makawala ng bagay!"
Naiwang nagkakamot ng ulo si Boyet. Hindi niya alam kung saan napunta ang kanyang I.D. sa iskul. Naiinis siya pagka't siguradong sisitahin siya ng titser. Umiiling siya na naglakad paalis.
Nang dumaan siya sa bahay ni Lolo Ando ay may binubutingting ang matanda na sirang bintilador. Suot niyang antipara at tumango nang makita si Boyet.
"O, Boyet, nakita mo na pala ang sapatos mo," pansin niya.
Gusto sanang huminto ni Boyet at makipagusap, pero male-late na siya sa eskuwela.
"Opo, 'Lo!" sabi niya at kumaway ng paalam.
Napangiti si Lolo Ando. Masaya siyang hindi na pruprublemahin ng bata ang sapatos nito. Ipinagpatuloy niya ang pagaayos sa sirang kasangkapan.
#
Tunog ng school bell, at masayang naglabasan ang mga elementary students para umuwi ng bahay. Nagmamadali si Boyet. Sa tulin, ay kanyang nilampasan ang ibang mga mag-aaral. Sa kanyang likuran ay hinahabol siya ni Enrico. Ready nang hamunin o muling kutyain ng bully ang kanyang mortal na kaaway.
"Hoy, Boyet! Boyet!" sigaw ni Enrico.
Pero, hindi siya pinansin ni Boyet.
"Boyet! Huy! Huy! Saan ka...?"
Dire-diretso lang si Boyet sa paglalakad, ni para ngang hindi niya narinig ang tumatawag sa kanya. Walang pakialam kundi ang nasasakanyang isipan. Tumawid ang bata at mabilis na nakaalis. Napakamot ng ulo si Enrico.
"Tangina, ang duwag lang?"
#
Sa pamilyar na bakery, inabot ng masungit na tindera ang supot ng pandesal sa matabang ale, kasabay ng sukli nito. Nang makaalis ang ale'y nakitang nasa likuran pala niya si Boyet na natatakpan kanina. Napailing ang tindera nang makita siya. Heto na naman ang batang ito, aniya sa sarili.
"Ano? Isang ensaymada?" tanong ng tindera.
Nakatutok ang mga mata ni Boyet sa estante, kaliwa't-kanan na tinitignan ang mga panindang tinapay, ni hindi napansin na pinipilosopo siya ng kausap. Sinagot niya ang tindera nang hindi tumitingin.
"Tatlo," aniya.
Napataas ng kilay ang tindera. Tatlo? Tinignan niya si Boyet ng may hinala. Busy pa rin ang bata na sinisilip ang mga tinapay, iniisip kung anu ba ang masarap. Kumuha ng papel na supot ang tindera at hinipan ito para bumuka, pagkatapos ay dinampot ang aluminum na tongs at sumipit ng tatlong ensaymada. Tapos ay pinaikot niyang supot para sumara.
Hihingiin na sana niya ang bayad, pero:
"Tatlo din nito, ate," turo ni Boyet.
Nagulat ang tindera. Napataas ng isang kilay na markado ng lapis. Mabagal ang pagkuha niya ng isa pang papel na supot at sa karagdagang order na tatlong pan de coco, hindi inaalis ang tingin kay Boyet.
"At isa din nito, at isang Coke sa plastic," dagdag ni Boyet.
Tumaas pa ang isang kilay ng tindera. Umalma.
"Teka, me pambayad ka ba?"
Ngayon pa lang nakipag-eye contact si Boyet.
"Meron, ate."
Itinaas ng tindera ang dalawang supot ng tinapay, ipinakita sa bata pero ang pose niya'y parang hindi niya ito ibibigay hangga't hindi siya nakakakita ng pera.
"Pakita muna ng pera mo."
Kaswal na hinugot ni Boyet ang pambayad sa kanyang bulsa, at inabot ito sa tindera. Nang makita ng babae ang pera'y siya'y napanganga.
P500 na perang papel ang binigay ni Boyet.
Itinaas ng tindera ang P500 sa flourescent light ng bakery para tignan kung peke ito. Tutoo siya. Malinaw pa sa umaga, tutoo siyang P500. At malutong pa. Ganun din ang reaksyon niya.
"San mo nakuha to?!" malutong na bitaw ng kanyang dila.
Hindi alam ni Boyet ang isasagot.
"Ha?" kanyang gulat na reaksyon.
Nagpamewang ang tindera at pinandilatan si Boyet.
"Ninakaw mo ito, ano?"
"H-hindi..."
Kung sa acting lang ay hindi convincing si Boyet.
"Magnanakaw ka ano?! Kabata-bata mo, marunong ka nang magnakaw?!" akusa ng tindera.
Namutla si Boyet. Hindi ito ang inaasahan niyang mangayayari. Hindi siya makapagsalita. Parang sinipit ng tongs ang kanyang dila.
"'Di ka makasagot!" sigaw ng tindera. "Ninakaw mo nga! Tatawag ako ng pulis!"
Napaatras si Boyet. Nang sabihin ng tindera na tatawagin nito ang pulis ay nangatog ang tuhod niya. Pulis. Tutoong pulis. Hindi uubra sa parak ang baril niyang hinugis sa kamay.
Kumaripas ng takbo si Boyet.
"Hoy, bata! Bumalik ka dito! Hoy!" sigaw ng tindera.
Nguni't, dire-diretso ang takbo ni Boyet, walang lingunan.
#
Busy na commercial street malapit sa public market. Mga fastfood restaurants, lechon manukan, convenience store, beauty parlor, sanglaan at botika. Sa bangketa, nagkalat ang street vendors na nagtitinda ng iba't-ibang bagay: cellphone accessories, tuwalya, caps, medyas, tsinelas. Kanila ang puwestong ito sa umaga, sa gabi'y nama'y sa mga vendors ng street food.
Humihingal na naglalakad si Boyet. Pinagpapawisan. Nanghihinayang sa hindi nakuhang tinapay at inuming Coke. Sa takot niya'y umurong ang kanyang gutom. Sumandal siya sa poste ng Meralco para habulin ang hininga.
Sa tapat ng Jollibee.
Nagkatinginan sila mismo ni Jollibee. Ang plastic na mascot sa harapan ng restawran ay para bang tinatawag siya. Parang sinasabi ng tutubi na Halika tikman ang langhap-sarap.
Kumalam ang sikmura ni Boyet. Bumalik ang kanyang gutom. Matagal na siyang hindi nakakakain sa Jollibee, na hindi na nga niya matandaan kung kailan o anong lasa ng pagkain dito. Buhay pa si nanay noon, aniya. Nakapasok naman na siyang mag-isa sa Jollibee pero iyon ay para lamang gamitin ang CR. Hindi niya na-imagine na ngayo'y naglalakad siyang mag-isa papasok para kumain.
"What's your order, sir?"
Sa loob ng Jollibee, nakangiti ang babaeng crew na hindi sure si Boyet kung babae ba o lalaki. Mukhang babae pero bakit boses lalaki? Tumingala siya sa lighted menu board, ang ulo niya'y halos pantay lang sa counter. Dilat na dilat siya, hindi makapaniwala na umoorder siya ngayon. Tinuro niya ang picture ng hamburger.
"Regular yum with Cheese meal?"
Tumango si Boyet.
"Large fries and drinks?"
Mulat na tumango siya uli. Pinunch ng crew ang order.
"How about Peach Mango Pie, sir?"
Tumango si Boyet. Hindi niya actually alam kung ano ba ang peach mango pie. Pinunch ng crew ang karagdagang order.
"One Peach Mango Pie. Is that all, sir?"
May tinuro pa si Boyet. Tinignan ng crew ang tinuturo niya.
"Chickenjoy spaghetti combo meal?"
Tumango uli si Boyet. Punch ng order.
"Your bill is P225, sir."
Inabot ni Boyet ang P500 na perang papel at humakbang paatras, hinihintay ang magiging reaksyon ng crew. Naispatan na niya ang exit door sa gilid kung saan walang guwardiya, at doon lilikas kung saka-sakali. Pero, hindi naman na tinignan ng crew ang pera sa ilaw kundi'y diretso na sa cash register.
"You gave me P500."
Tunog ng cash register.
"Your change is P275."
Inabot ng crew ang sukli. Hindi agad naka-react si Boyet. Nagtaka pa nga siya na mayroon siyang sukli. Dalawang P100, isang P50 at baryang P25.
"Here's your number, sir."
At mayroon pa siyang number. Plastic na plakard.
"Next..." sabi ng crew.
Lumakad paalis ng counter si Boyet hawak ang number ng inorder niya. May ngiti sa kanyang mukha na nagsasabing nakalusot siya. Pinili niya ang upuan na malapit na rin sa exit door at doon naupo, ang mga paa niya'y hindi sumasayad ng sahig. Tahimik siyang nagantay at pinagmasdan ang ibang customers na naroon kung siya ba'y tinitignan. Maya-maya'y dumating ang mga inorder niya.
Hindi magkandamayaw sa pagkain si Boyet. Walang pake kung madumihan ang polo. Walang pake sa ibang mga bata na nakatingin sa kanya mula sa kabilang upuan. Kagat sa burger, sa manok, subo ng spaghetti, subo ng fries, inom ng softdrinks. Hindi naman siya pinagtitinginan ng mga matatanda. Walang nagtatanong, walang naninita. Masaya si Boyet na rito'y may sarili rin siyang mundo.
Dumighay siya. Hawak niya ang Peach Mango Pie nguni't hindi na niya ito kayang kainin dahil sa busog, kundi'y kanya na lamang ibinulsa. Sumandal si Boyet sa upuan at inubos ang kanyang Coke. Tunog ng sipsip ng straw hanggang sa hangin na lamang.
Napangiti si Boyet, solb siya, at ang pinakaimportante'y alam na niya ang gagawin sa susunod.
NEXT CHAPTER: "Food Trip"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top