Chapter 4: Patay Kang Bata Ka!
Mula sa butas ng yerong bakod nakasilip si Boyet. Magdadalawang-minuto na siyang nakaupo sa kanyang hita sa labas ng bakod ng junkyard at nakaihi na nga sa halaman sa tabi, pero hindi pa rin niya magawang pumasok. Natatakot siya na baka naroon ang binatilyong nagbabantay. Matapang siya noong una na tinawag pa niya itong asong ulol, pero ang tutoo'y natatakot siya dahil may panaksak ito.
Sumilip pa siyang mabuti. Wala naman siyang marinig.
"Bahala na," sabi ni Boyet.
Marahan siyang pumasok sa butas, nag-iingat uli na hindi sumabit ang kanyang polo. Nang nasa loob na'y sa gilid ng bakod siya dumaan. Tahimik. Maya-maya'y nakita niya ang kalawang na kotse kung saan siya naglalaro. Yumuko siya at lumapit doon at sa tabi ng sasakyan ay nakita nga niya ang naiwang sapatos. Naroon kung saan niya ito naiwan. Inalikabok na sa magdamag.
Tumingin siya sa paligid. Mukhang wala namang tao. Dalian niyang pinulot ang sapatos at isinuot. Nagawa pa niyang itupi ang dulo ng kanyang medyas. Napangiti si Boyet. Tagumpay, aniya sa sarili. Aalis na sana siya pero biglang huminto at lumingon sa direksyon ng talyer kung saan alam niyang doon natutulog ang kinatatakutang bantay. Tanaw niya ang yerong bubong. Nakaramdam siya ng pagnanais na makaganti. Pumulot siya ng bato.
"Tangina mo, asong ulol," sabi niya.
Pagkasabi'y buong lakas niyang hinagis ang bato sabay tago sa likuran ng sirang oto. Kumalabog ang bubungang yero. Inaantay ni Boyet na may magmumura...pero wala. Nagtaka siya. Baka nga talagang walang tao, aniya. Kumuha siya ng isa pang bato at hinagis uli, ngayo'y hindi na siya nagtago. Inantay niya. Handa na si Boyet na kumaripas ng takbo sa oras na makita niya ang binatilyo. Pero, wala pa rin ito. Muling nagtaka si Boyet at naglakad papunta ng talyer.
Ang talyer ay isang open space na nabububungan ng yero. Magulo, madumi ang hitsura. Sa gilid na pader ay nakatambak ang mga spare parts ng kotse na pulos kinakalawang na. Nagkalat ang mga lata ng langis, mga garapon ng tubig na walang laman. Sa sulok ay may maliit na banyo na sira ang pintuan at putik ang sahig. May mga nakasampay na mga damit sa alambre, t-shirt at basketball shorts.
Nakita ni Boyet ang lumang foldable bed, may unan, kumot at maong na nakapatong dito. May sangsang, amoy natuyong pawis.
Maingat siyang sumilip sa banyo. Walang tao. Inikutan niya ng tingin ang paligid. Nakiramdam. Tinalasan ang pandinig.
Napangiti si Boyet. Wala ngang tao.
Lumingon-lingon siya naghahanap ng bagay na kanyang makukuha, maiuuwi. Nagmamadali. Baka may pera o barya na naiwan. Tinignan niya ang paligid ng kama. Dinampot niya ang maong na pantalon at sinuksok ang mga kamay sa mga bulsa at nakakita siya ng dalawang piso.
"Yes!"
Naghanap pa siya sa paligid. Pabilis nang pabilis ang kanyang kilos pagka't naisip niyang baka maya-maya'y dumating na ang bantay. Maraming basura sa loob. Mga basyo ng bote. Mga pinagkainan. May lukot na diyaryong tabloid na kanyang kinuha't napatingin sa hubad na babae sa cover. Basa ang diyaryo, siguro'y binasa sa loob ng banyo, naisip niya. Gawain kasi iyon ng mga nakatatanda niyang kapatid.
At sa sandaling iyon narinig niya ang ungol.
Ungol ng tao.
Tumalon ang puso ni Boyet. May tao! At agad siyang humakbang paalis.
Pero, natigilan siya, pagka't nawari niya ang sinasabi.
Tulong.
Iyon ang sinasabi ng ungol. At parang boses iyon ng bantay. Pero, kung saan nanggagaling ang boses ay hindi niya masabi.
"H-hello?" tawag ni Boyet.
Tulong.
Parang galing sa likuran noong bulok na van na nakaparada sa malapit.
Tulong. Humihina ang boses.
Marahang naglakad si Boyet sa van at kinabahan siya nang makita ang mga patak ng dugo sa lupa. Iniwasan niya itong maapakan. Gusto na sana niyang lumikas na lamang nguni't hindi niya mapigilang hindi malaman ang nangyayari. Umikot siya sa likuran ng van at siya'y nagulat.
Nakadapa sa gilid ng van ang binatilyong bantay. Naliligo sa sarili niyang dugo. Mukhang ang dugo'y nagmumula sa kanyang tagiliran.
Hindi alam ni Boyet ang gagawin.
Gusto niyang tulungan ang lalaki pero paano? Ngayon lang siya napunta sa ganitong sitwasyon. Ngayon lang siya nakakita ng taong duguan ng ganitong kalapit. Bukod sa lahat, isa lamang siyang bata.
Ngayon, gumagapang na ang duguang binatilyo.
"H-hoy," mahinang sabi ni Boyet. "Kailangan mo ba ng tulong?"
Hindi siya sinagot ng binatilyo. Ni hindi nga tumingin sa gawi niya.
"Pe...pe...pera..." aniya.
Parang may inaabot ang binatilyo. Gumagapang ito papalapit sa van. Nakita ni Boyet ang pakay nito. Malapit sa gulong...
...ay may kulay itim na bag.
Inaabot ng binatilyo ang bag.
Napako sa kanyang kinatatayuan si Boyet.
Umungol pa ang binatilyo. Isang mahaba at malalim na ungol bago ito tuluyang hindi na gumalaw.
Nakatayo lang si Boyet. Hindi alam ang gagawin. Hindi na gumagalaw ang binatilyo, iniisip niya kung nawalan lang ba ito ng malay o talagang patay na. Lumapit si Boyet at nakitang tirik ang mga mata ng binatilyo. Sa kanyang nakita sa TV, kapag ganito ang hitsura'y siguradong dedo na ito. Napailing si Boyet at napagpasyahang umalis na at baka siya pa ang mapagbintangan. Lalakad na siya paalis nang mapunta ang atensyon niya sa itim na bag.
May kalakihan ang bag, gawa sa leather. Hindi na mukhang bago pero mukhang mamahalin. May dalawang hawakang bitbitan. Parang maliit na gym bag. Naisip niya: Anong nasa loob ng bag? Mamamatay na siya, pero 'yun pa rin ang inaabot niya.
Lumuhod si Boyet sa harapan ng bag, nanginginig ang mga kamay niyang inabot ang zipper at binuksan ito. Sumilip siya sa loob at nanlaki ang mga mata.
Puno ito ng pera.
Napaatras si Boyet na para bang nakakita ng nakakatakot. Ang hitsura ng bag na puno ng limpak-limpak na perang papel ay isang bagay na ngayon lang niya nakita. Sa tutoo lang, nakakasindak ito. Hindi makapaniwala si Boyet. Tutoo ba ang kanyang nakita?
Binuklat niya uli ang bag. Tutoo nga. Puno ng pera. Tutoong pera. At ang mga pera'y naka-bundle, may papel na nakapaikot at may marka. Kumuha si Boyet ng isang bundle. Ang kapal ay kalahati ng haba ng kanyang kamay. Binasa niyang nakasulat sa papel.
"Five...Zero...Zero..."
500.
Ngayon lang siya nakahawak ng P500 na perang papel. Ngayon lang.
"Tangina..."
Napatingin siya sa bangkay ng binatilyo, pagkatapos sa bag uli.
"Tangina..." ulit niya.
Tumayo si Boyet at sinubukang buhatin ang bag. Mabigat ito. Binuhat niya ng dalawang kamay at umangat ang bag. Huminga siya nang malalim at bumuwelo pagkatapos ay buong lakas na binuhat ang bag at sinampa sa kanyang balikat. Muntik siyang matutumba, pero naka-balanse naman. Sa pagbuhat ay nahulog ang kanyang school I.D. mula sa bulsa ng kanyang polo. Hindi niya napansin ito.
Saglit pa siyang tumingin sa binata bago naglakad paalis. Gusto niya itong tawaging Asol Ulol sa huling pagkakataon, pero magkahalong awa at takot na baka siya multuhin ang pumigil sa kanya.
#
Nagdidilim na nang makauwi ng bahay si Boyet. Pinagpapawisan siya at kinakabahan. Sa labas ng kanilang barung-barong ay dinig niyang hiyaw ng mga kapatid niya. Nanonood sila ng basketball sa TV.
"Putangina! I-shoot mo na!" dinig niyang sigaw ni Pol.
"Dipensa! Dipensa!" sigaw naman ni Danilo.
Dahan-dahang pumasok sa loob si Boyet. Naroon din pala ang kanyang amang si Bert na nanonood habang nagsisigarilyo't may hawak na bote ng beer. Mahina ang reception ng maliit at lumang colored TV, tumayo si Pol para i-adjust ang antenna.
"Huwag kang humarang, gago!" bulyaw ni Danilo sa kapatid.
Lumingon si Bert nang makita si Boyet.
"Ba't ngayon ka lang?" tanong niya, mapungay ang mga mata. Marami na siyang nainom.
Hindi alam ni Boyet ang isasagot, pero hindi na niya kailangan.
"May pagkain pa d'yan," walang ganang senyas ni Bert sa kusina.
Tumango lang si Boyet at nagtungo sa kusina. Hindi rin naman siya sinita't pinansin ng mga kapatid na excited sa pinapanood na labanan. May pustahan ang dalawa. Palakad si Boyet nang narinig muli ang boses ng ama.
"Ano 'yang dala mo?"
Napahinto si Boyet.
"Ano po?"
"Yan, ano yan?"
Tinaas ni Boyet ang kanyang bag—ang plastic bag na may string na kanyang school bag.
"Bag ko po sa eskwela," sabi niya.
"Ahh," sabi ni Bert, pagkatapos ay nanood na muli.
Naupo si Boyet sa kusina para kumain. May tira pa nga. Tutong na kanin at isang tasa ng instant noodles na lumamig na. Sinalok ni Boyet ang tutong sa plato pagkatapos ay binuhos ang noodles at siya'y kumain. Napatalon si Danilo nang maka-shoot ang player niya.
"Yon! Patay kang bata ka!" sigaw niya.
"Putang-ina naman!" bulalas ni Pol.
"Bayad ka sa akin, gago!" kutya ni Danilo.
Pinagmasdan ni Boyet sila. Dati'y kasama pa siya tuwing nanonood ng basketball sa TV. Nakaupo pa sa siya noon sa gitna ng kanyang ama at ina, at may hawak pang baso ng gatas at chitchirya. Naglolokohan pa sila ng kanyang mga kapatid. Noon.
Pinagmasdan ni Boyet sila habang siya'y kumakain. Pero, wala siyang gana. Ang isipan niya'y nasa nangyari kanina. Sa talyer. Sa binatilyo. Sa pera.
Sa bag ng pera na itinago niya kung saan.
NEXT CHAPTER: "Pitong Tinapay at Isang Coke"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top