Chapter 3: Limang Piso Kada Araw


Mataas ang sikat ng araw. May nagtitilaukang mga manok. Kaskas ng walis sa lupa. Rev ng mga motor. Malayo pa lamang ay rinig na ang sigaw ng magtataho.

Nakapamasok na si Boyet, ang polo na iningatan niyang hindi madumihan ay sinuot na muli. Pati na ang shorts at brip. Naupo siya sa hagdan ng bahay para magsuot ng medyas. Malaki ang medyas sa kanya kaya't itinupi niya ang dulo bago isinuot ang kanyang sapatos. Nguni't wala na ang kapares nito, nag-iisa na lamang ang sapatos. Kaya't ang nangyari ay:

Isang balat na sapatos at isang tsinelas.

Nagkamot siya ng ulo, napailing, tumayo at bumaba ng hagdan. Sa tapat ng kanilang bahay ay tumingala siya sa 2nd floor.

"Pasok na po ko, 'Tay," kanyang sabi.

Walang sumagot. Marahil ay natutulog pa ang ama. Inulit ni Boyet ang paalam.

"Pasok na po ko..."

At narinig ang boses ni Bert mula sa itaas.

"Oo, narinig kita," sabi nito. "O, heto..."

Mula sa bintana ay nahulog pababa at pumatak sa lupa ang isang P5 coin—baon ni Boyet. Ang kanyang limang piso kada araw. Dinampot niya ito. Mag-t-thank you sana siya sa ama, pero nag-alangan at tumalikod na lamang siya at umalis. Umiika-ika, pagka't hindi pantay ang kanyang lakad sa hindi magkaternong suot sa paa.

GUMAGAWA NG SIRANG BINTILADOR.

Ito ang nakasulat ng pentel pen sa karton na nakasabit ng alambre sa labas ng bahay ni Lolo Ando. Ang tirahan ay nakasandal sa malaking pader ng isang bakanteng lote. Gawa sa plywood, yero at karton. Sa tabi, may puno ng aratiris kung saan nakatali ang isang itim na aso.

Suot ang antipara, kinukumpuni ni Lolo Ando ang sirang bintilador na nakapatong sa kahoy na mesa. Nakalas na niyang takip nito't nililinis ang motor. Sa paligid ng kanyang bahay na kanya ring "shop", naka-display pa ang ilang bintilador na sira, nakapako sa pader ng bahay ang mga elesi.

Maya-maya'y dumaan si Boyet papasok ng iskul. Bitbit niyang plastic na iskul bag.

"Magandang umaga po, 'lo."

"O, Boyet, papasok ka na ba?" tingin ni Lolo Ando.

"Opo."

Sumenyas ang matanda, tinaas ang kanyang palad.

"Teka, sandali lang."

Huminto si Boyet at lumapit habang pumasok si Lolo Ando sa kanyang bahay para may kunin. Yumuko si Boyet para amuin ang asong nakatali sa puno ng aratiris. Hinimas niyang ulo nito at pumaypay ang buntot ng hayop at nilabas ang dila. Magkakilala ang dalawa.

"Bantay, musta ka?"

Kumahol si Bantay. Sinagot niyang tanong sa kanya.

Pagbalik ni Lolo Ando ay dala niyang plastic supot na puno ng barya. Karamiha'y tigbe-bente-singko.

"Heto, naipon ko ito," sabi ng matanda at inaabot kay Boyet ang supot. "Baka sapat na ito pambili ng bago mong sapatos."

"'Wag na, 'Lo," mabilis na iling ni Boyet.

"Sige na," pilit na binibigay ni Lolo Ando ang mga barya, at tinuro ang paa ng bata. "Hindi pwede 'yung ganyan, baka pagtawanan ka ng mga kaklase mo."

Pero, matigas ang pagtanggi ni Boyet.

"Okay lang ako, 'lo. Okay lang 'to."

"Pero..."

Nagmamadaling umalis si Boyet para hindi na siya mapilit pa.

"Sige, 'Lo. Baka ma-late ako!"

"O-okay, sige."

Habang paalis ay tinuro pa ni Boyet ang suot niyang magkatandem na sapatos at tsinelas.

"Malay n'yo mapauso ko pa itong ganito!"

Napangiti si Lolo Ando at pinagmasdan ang pag-alis ng bata. May sense ng paghanga sa kanyang mukha kay Boyet. Hawak niyang supot ng barya, tinignan niya ito't nilapag sa mesa at ipinagpatuloy ang ginagawa.

#

Sa classroom ng isang mababang paaralan.

Kasalukuyang nagtuturo ng mathematics ang babaeng guro. Si Titser ay may katabaan, maliit lamang pero may bagsik ang mukha. Attentive ang mga estudyane na nakikinig, lalo na si Boyet pagka't paborito niya itong subject. Pero, naiistorbo siya ng tumatawang kaklase na nasa likuran niya—si Enrico na isang school bully.

"Enrico, wag ka ngang maingay," lingon sa likuran ni Boyet.

Tuloy hagikhik ni Enrico.

"Ano bang problema mo?" inis na sabi ni Boyet.

"Nasan sapatos mo?"

"Ano?" simangot ni Boyet.

"Bat iisa sapatos mo?" tumatawang sabi ni Enrico.

Tinuro niya ang paanan ni Boyet. Ang nag-iisa niyang sapatos na ang kapares ay tsinelas. Napatingin na rin ang ibang mag-aaral.

"'Yan na ba ang uso ngayon?!" pang-aasar ni Enrico.

"Pakelam mo," simangot ni Boyet.

At napansin sila ni titser. Ngayon, nagsilingunan na ang lahat sa loob ng classroom sa direksyon ni Boyet.

"Kayong dalawa d'yan! Ba't ang ingay nyo?!" sita ni titser.

"Si Boyet, Ma'm. Ginugulo ako," agad na sabi ni Enrico.

Nanlaki mata ni Boyet na siya'ng isinumbong.

"Ano? Tarantado ka a!" bulyaw niya.

Nagulantang ang lahat nang madinig nila ang mura.

"Boyet! Ang bibig mo! Halika nga dito sa harapan!" sigaw ni Titser.

"Pero, Ma'm. Hindi naman ako e!" pagtanggol ni Boyet sa sarili.

"Halika dito!" umibabaw ang boses ng titser sa loob ng classroom. Nagising ang mga estudyanteng natutulog sa likuran.

Pinandilatan ng titser si Boyet, ang nanlalaking mga mata niya'y nakatuon sa kanya na para bang lalamunin siya nito ng buhay. Inis na tumayo si Boyet para lumakad sa harap, lalo pa siyang nainis na makita si Enrico na nakingiting aso, at arte niyang nagaamu-amuhan.

"Tado ka. Mamaya tayo sa labas sa uwian," sabi ni Boyet sa kanya.

"Oo ba," sabi ni Enrico.

"Boyet!" sigaw ng titser at nagpamewang.

Naglakad sa harap si Boyet at nang naroon na:

"Squat!" utos ng kanyang guro.

Sa harap ng pisara, sa gilid ng mesa ni titser nag-squat si Boyet. Laking gulat ng titser nang mapansin ang:

"Bakit iisa sapatos mo?"

Nagtawanan ang lahat at si Boyet ay napahiya. Tinignan niya ng masama si Enrico na siyang pinakamalakas ang halakhak, halos malaglag ito sa upuan. Ginantihan siya ng tingin ng bully at sumenyas pa ito sa relo sa pader, paalala sa kanilang pagtutuos sa pagtatapos ng eskwela.

#

Nag-ring ang bell. Tapos na ang iskul.

Nagkandarapa ang mga mag-aaral sa pagtakbo palabas. Kamuntikan pa nilang matabig ang dala-dalang mga aklat ng matandang librarian. Ang iba'y nadulas pa sa basang sahig na mino-mop ng janitor. Nagmamadali sila palabas, hindi para makauwi kundi'y para masaksihan ang mangyayaring buntalan.

#

Dumapo ang suntok sa mukha ni Boyet at tumagilid ang ulo niya at siya'y napaatras. Putok na ang kanyang labi pero susugod pa rin siya.

Sa likuran ng bahay paaralan ay may malawak na bakuran na taniman ng gulay at kung saan may mga puno ng saging. Ito'y liblib at siyang tapunan ng basura at ihian ang pader na hollow blocks na ilang taon nang naghihintay na mapinturahan o mapalitadahan man lamang. Dito, nagaganap ang suntukan ng dalawang naghamunang mag-aaral. Nakapaligid ang mga grade schoolers kina Boyet at Enrico at nagsisipag-cheer. May ilang nangungubra ng taya.

Iyon lang, one-sided ang labanan. Mas mataas si Enrico kay Boyet ng halos 5 inches, at mas may pangangatawan. Halatang mas nakakakain ng mabuti ang malaki doon sa maliit. Ikanga'y mas batang star margarine si Enrico kung ikukumpara sa patpating si Boyet.

"Laban, Boyet!" sigaw ng ilan, umaasang manalo ang underdog.

Nguni't, sadyang dehado ang manok nilang maliit. Matapang man ito'y walang ubra sa katunggali. Nasapak uli si Boyet, ang kamao ni Enrico ay tumama sa kanyang ulo sa ibabaw lamang ng kanyang tenga at siya'y tumalembong sa lupa. Nakasando lamang si Boyet pagka't hinubad niyang polo pagka't ayaw niya itong madumihan.

"Ano lalaban ka pa? La ka pala eh!" sabi ni Enrico.

Mabilis na tumayo si Boyet sa pagtataka ni Enrico pagka't alam niyang malakas ang suntok na iyon, at sa ulo pa, pero bakit parang hindi ininda ito ng kanyang kalaban. Inuga lang ni Boyet ang kanyang ulo at siya'y ready na uli.

"Go! Boyet!" sigaw ng iba nang makita ang nangyari.

Hindi alam ni Enrico na ang ulo ni Boyet ang pinakamatigas na parte ng kanyang katawan. Ang ulo niya ang pinakasanay sa sakit. Ikaw ba naman ang kutusan at batukan araw-araw.

"Yun na ba 'yon?" mayabang na sabi ni Boyet. "Wa epek naman ang suntok mo!"

Sumugod si Enrico pero ngayo'y nakaiwas si Boyet at kanya pang napatid ang bully.

Bumagsak si Enrico sa lupa una'ng mga braso at nagasgasan ito sa bato. Umaray ang bully, at nag-cheer ang mga kakampi ni Boyet.

"Go Boyet! Go Boyet go!" sigaw nila. May tono pa.

Nainis si Enrico na si Boyet na ang chini-cheer ng mga bata. Tumayo siya't pinagpag ang sarili. Iisa na lang ang nasa isipan niya, at iyo'y bugbugin si Boyet nang malupit. Nakahanda naman si Boyet sa kanyang paglapit. Pero, sa ingay ng mga mag-aaral ay narinig sila ng security guard na maya-maya'y sumulpot.

"Huy! Ano yan?!"

Nag-kanya-kanya ng takbo ang mga mag-aaral sa iba't-ibang direksyon. Ilang barya na pusta ay hindi na napulot. Mabilis nang nakatakbo si Enrico, pagka't alam niyang siya'ng unang pagbibintangan na nagsimula ng gulong ito. Sa madaling salita, may rekord na siya sa mga guards.

Agad ding nakalikas si Boyet pagka't may taglay siyang bilis pagdating sa takasan. Kinuha niyang polo na sinampay niya sa puno at tumakbo. Kahit na nananakit ang katawan at iika-ika dahil nag-iisa ang sapatos, siya'y hindi nagawang mahuli. Ngayon naman, ang tsinelas naman niya ang naiwan. Sa mga puno ng saging tumakbo si Boyet pagka't may alam siyang short cut dito palabas ng eskwelahan. Patuloy ang takbo niya, hanggang sa nakalayo na siya.

Hiningal si Boyet at sa maliit na eskenita ay naupo sa bangketa para magpahinga. Hawak niya ang polo at bag. Napatingin siya sa kanyang mga paa, sa nag-iisang sapataos, at ngayon, naiwan pa niya'ng tsinelas sa iskul. Ito ang nagsimula ng away, naisip niya sa sarili. Tama si Lolo Ando, pinagtawanan tuloy ako. At naisip niya na para hindi na siya alaskahin ay iisa lang ang dapat niyang gawin, at iyon ay bumalik sa junkyard para hanapin ang nawawalang kapares na sapatos.

Tumayo si Boyet at naglakad tungo sa junkyard.

NEXT CHAPTER: "Patay Kang Bata Ka!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top