Chapter 19: Ang Usap-usapan


Tawang-tawa ang tindera ng bakery sa pinapanood niyang noon-time show na hindi niya agad napansin ang pagdating ng lalaking bibili. Habang nanonood ay busy rin siya sa pag-text at hindi mabitawan ang hawak na cellphone, nakapuwesto sa maliit na plastic na upuan at kung minsa'y itataas ang paa para kamutin ang sakong.

"Miss, Marlboro Reds nga," sabi ng boses.

Rinig naman ng tindera pero hindi agad ito kumilos.

"Miss..."

Sa ikalawang sabi ng lalaki ay natinag na ang tindera sa panonood, pero imbes na alistong gumalaw ay sinadya lang niyang bagalang kumilos.

"Ilan?" tanong niya sa boses, tumayong nakatingin pa rin sa TV at hindi sa customer.

"Isang kaha."

Tumungo ang babae kung nasaan ang lagayan ng sigarilyo at kumuha ng isang pack at nagpunta sa estante para iabot ito, saka pa lamang natunghayan ang lalaking bumibili at siya'y napatitig dito. Wari niya'y may hitsura ito, may dating ng isang misteryosong brusko. Kinuha ng tindera ang bayad at bumalik sa panonood niya ng noon time show, pero na-abala na siya sa balbas-saradong lalaki.

Ang lalaking naka-itim.

Binuksan ng lalaki ang kaha, nagtaktak ng isang stick at nagsindi gamit ang nakataling lighter sa tindahan at habang bumuga ng usok ay pinagmasdan ang lugar. Hithit. Buga. Gusto sanang sabihan ng tindera na bawal manigarilyo sa tapat ng bakery, pero siya'y nangamba. May porma ang lalaki na hindi ito dapat na sinasaway basta-basta. Mabuti na lang at umalis ang lalaki at tumayo sa gilid, sa tapat ng mga nakapilang mga tricycle at doon nanigarilyo. Bumalik ang tindera sa kanyang puwestong upuan at hindi naman na niya tanaw ang lalaking naka-itim.

Naguusap ang dalawang tricycle driver na nagaabang ng pasahero. Pamilyar ang mukha ng isa pagka't walang iba ito kundi ang matipunong kainuman ni Bert noong birthday niya—ang lalaking kanyang pinatumba na ang pangalan ay Terio. Kausap nito ang isa pang tricycle driver na kasama niyang nakapila.

At sa matalas na pandinig ng lalaking naka-itim ay narinig niyang usapan nila.

"Tutukan ba naman ako ng balisong, pare," sabi ni Terio.

"Aba. Tarantadong 'yun a," ang reaksyon ng kausap.

"Ang yabang porke't nagkapera kala mo hari na ng Purok Singko," patuloy ni Terio. "Pero, pre ha, sa asal n'yang 'yun, hula namin, 'yung pera n'ya, 'yun 'yung nawawalang pera dun sa patayan sa junkshop. Malaki kutob ko sila nakakuha nun. Sabi lang nila 'yung nanalo sila sa Scratch-to-Win."

Pumintig ang tenga ng lalaking naka-itim sa narinig.

"I-tip mo sa pulis, pare. Nang mabigyan ng leksyon ang Bert na 'yan," mungkahi ng tricycle driver kay Terio.

"Ano? Siguradong ako babalikan nun. E halang mga kaluluwa ng mga Dela Cruz na 'yan!"

Dela Cruz. Bert. Purok Singko. Bumuga ng usok sa ilong ang lalaking naka-itim habang sinaulo ang mga impormasyong nalalaman.

"Yaan mo pre, mga ganung klaseng tao, 'di nagtatagal at kakatukin ni Kamatayan, maniwala ka," sabi ng kausap na tricycle driver, at may sumakay na babaeng pasahero sa tricycle niya at kanya itong pinadyak ng start.

Pugak ng maingay na motor at umandar paalis ang tricycle. Inusad ng puwesto ni Terio ang kanyang tricycle sa harapan ng pila.

Dela Cruz. Bert. Purok Singko, ulit ng lalaking naka-itim sa kanyang isipan, tapos ay tinapon ang upos ng sigarilyo at naglakad paalis. Hindi niya napansin ang bata sa bakery na bumibili na kanyang dinaanan at nilampasan.

Si Boyet.

Nasa tapat ng bakery si Boyet at namimili ng tinapay na bibilhin. Kung naroon si Enrico'y malamang naituro na niya ang lalaki na siyang naghahanap sa kanya. Wala siyang kamalay-malay na malapit nang magtagpo ang kanilang landas.

"Isa nga nito," turo ni Boyet sa ensaymada at inabot ang P5 niya.

Nang makita ng tindera si Boyet ay tumanggi ito sa bayad, bagkus ay kinuhanan pa siya ng maraming tinapay.

"'Wag na. E 'di ba, 'di kita nasuklian dun sa P500 mo dati?"

Nagtaka si Boyet.

"Ha?"

Sa gulat ni Boyet ay inabutan siya ng tindera ng kulang-kulang na P450, pati isang supot na puno ng ensaymada't ibang tinapay, at may Coke pa sa plastik. At naalala niya noong bumili siya dati at siya'y tinawag ng tindera na magnanakaw at siya'y nagtatatakbo. Ngayon, kung bakit biglang nagbago ang asal ang masungit na tindera sa kanya. At hindi lang ang sukli at libreng tinapay ang ikinagulat niya—nginitian pa siya ng tindera! At nalaman niya kaagad kung bakit.

"'Di mo sinabing anak ka pala ni Mang Bert. O ayan, para sa 'yo 'yan," abot ng tindera sa mga tinapay.

"A..e..thank you," sabi ni Boyet.

At nagmamadali siyang naglakad paalis na nagtataka pa rin. Habang tinatahak ang bangketa ay kumakain siya ng tinapay at umiinom ng softdrinks. May umusbong na ngiti sa mukha ni Boyet, at ang lakad niya'y nagkaroon ng yabang. Nakaramdam siya ng paghanga na ang pamilya niya'y kinatatakutan at na ito'y napakinabangan niya. Kung alam n'yo lang, sabi niya sa sarili.

Mula sa bakery ay dumaan si Boyet sa bahay ni Lolo Ando, inabutan niya itong nagkakape sa labas ng bahay.

"'Lo! May dala akong tinapay!"

Nagulat ang matanda.

"Boyet naman, sinabi ko na sa 'yong 'wag ka na pupunta dito. 'Pag nakita ka dito!"

"Kinuha na nga nila pera ko. Pati ba naman ikaw mawawala pa sa 'kin," sabi ni Boyet.

Biglang natahimik si Ando. Para siyang nasabuyan ng malamig na tubig sa mukha

"O siya, mabuti pa sa loob tayo ng bahay," sabi ni Lolo Ando. "Halika."

Pumasok sila sa loob ng bahay at naupo sa mesa at kumain ng tinapay. Pinagtimpla ni Ando ng 3-in-1 na kape si Boyet. Sabay silang humigop.

"Alam mo, masarap pa ang lintik na 'to sa Starbucks eh. Hindi ba?" sabi ni Lolo Ando ukol sa kanyang kape.

Saglit na nag-isip si Boyet, humigop muli, at:

"'Di rin, 'Lo. Ang labnaw kaya ng lasa nito!"

Natawa sila.

"Sa'n n'yo po nilibing si Bantay?" tanong ni Boyet, alam niya ang naging kapalaran ng aso.

"Doon sa may bakanteng lote," turo ni Lolo Ando.

"Sorry, 'Lo," pakiramdam ni Boyet ay kasalanan niyang nangyari kay Bantay.

"Okay lang," tapik ni Ando sa ulo ng bata.

Sinawsaw nila ang tinapay sa kape at masarap na isinubo.

"Ito, wala nito sa Starbucks!" hudyat ni Lolo Ando.

"Lo, naman! Wala talaga!"

Tumawa silang muli.

"Kumusta na po kayo, 'Lo?" tanong ni Boyet.

Huminga nang malalim si Ando.

"Heto, okay lang naman. E ikaw?"

Nagtaas ng balikat si Boyet.

"Okay lang siguro."

"Dun sa "siguro" ako nag-aalala eh," sabi ni Lolo Ando.

"Po?" 'di tiyak ni Boyet ang pinupunto ng matanda.

"May inaantay kang mangyari o may inaantay na gawin. 'Yun ang ibig sabihin ng "siguro" mo," paliwanag ni Lolo Ando.

Nagtaas muli ng balikat si Boyet.

"Siguro."

Nagsawsaw muli sila ng tinapay sa kape.

"Ang gusto kong gawin ay lumayas, 'Lo."

Napasandal si Ando. Pero, hindi siya nagulat sa pahayag na ito.

"Lalayas? At sa'n ka pupunta?"

"Kahit saan. Basta malayo sa amin. Bahala na."

"Mahirap 'yang bahala na. At hindi mo pa kayang mag-isa."

"E 'di sumama po kayo sa 'kin."

Napabuntong-hininga ang matanda at kinuhang supot niyang barya.

"Gusto ko man mangyari 'yon, Boyet, pero, heto lang ang pera ko."

Nilabas naman ni Boyet ang pera niyang sinukli sa tindahan.

"Ito naman pera ko, 'Lo."

Pinagtabi nila ang mga pera.

"Ang mararating lang natin nito ay pamasahe sa walang kasiguraduhan," sabi ni Lolo Ando.

Lumungkot si Boyet.

"Balik sa "siguro," aniya.

"Oo. Balik sa "siguro," sabi ng matanda.

"At antayin ang mangyayari," mahinang sabi ni Boyet sa sarili.

Hindi agad nahuli ni Lolo Ando ang huling binigkas ni Boyet, tatanungin niya sana nang biglang may malakas na boses ang tumawag mula sa labas. Nagulat sila at muntik matapon ang mga kape.

"Mang Ando! Mang Ando!"

Tumayo at sumilip si Ando sa bintana. Sa labas ng bahay, isang ginang ang may dala-dalang bintilador.

"Mang Ando. Paayos naman nitong bwisit na bintilador na ito."

"Bababa na ako," sabi ni Ando.

Tumayo na rin si Boyet para magpaalam.

"'Lo, iwan ko itong pera ko sa inyo. Baka makita nila."

"Sa dami nilang pera, kukunin pa ba 'yan?"

Taas-balikat muli mula kay Boyet.

"O siya. Iwan mo. Daanan mo na lang 'pag kailangan mo."

"Sige, 'Lo."

Lumabas sila na bahay. Nakaabang ang ginang at ang bintilador niya sa mesang gawaan.

"Ano ba sira nito?" paglapit ni Ando.

"Eh nung pagsaksak ko, biglang nag-spark eh. Nag-amoy sunog," matining ang boses ng ginang.

Tahimik na naglakad paalis si Boyet habang binusisi ni Ando ang sirang bintilador. Nang lumingon siya ay nagkatinginan pa sila ni Lolo Ando. Mga tingin na may lalim. Mga tingin na may kahulugan. Mga tingin na nagsasabing may mangyayari pa, na hindi pa rito nagtatapos ang lahat.

"Mabilis lang ba yan?"

Nahimasmasan si Lolo Ando sa boses ng ginang, at binalik ang atensyon sa bintilador.

"Oo. Bahala na."

NEXT CHAPTER: "Isang Negosasyon"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top