Chapter 18: Ang Nagagawa Nga Naman ng Pera


Kanal sa gilid ng sidewalk.

Umaagos pababa ng drainage ang maduming tubig kanal. May mga wrapper ng candy at chitchirya, plastic na pambalot ng hamburger na nakabara sa grills. Isang barbecue stick ang tinangay ng agos pababa ng imburnal. Sa gilid ng drainage sa kanal, isang limang pisong coin ang nakalubog sa tubig.

Sa bangketa ng hamburgeran, nakaupo si Boyet na naka-iskul uniform sa simentong bench. Tinitignan niya ang P5 coin at pinag-iisipan kung kukunin ito. Oo. Hindi. Nagdadalawang-isip. Payuko na siya nang dumating si Enrico at bumalik sa kanyang hustong pagkakaupo.

"Heto na, bossing!" hudyat ng kaibigan.

Hawak ni Enrico ang dalawang supot ng buy 1 take 1 hamburger. Binigay niya ang isang supot kay Boyet at naupo sa tabi nito. Napansin ni Enrico na nakatingin si Boyet sa kanal at kanya ring naispatan ang P5 coin.

"Uy! Limang Piso!" natuwang sabi ni Enrico.

Pinatong ni Enrico ang kanyang hamburger sa upuan at umakmang pupulutin ang barya pero umatras siya nang makitang nangingitim sa dumi ang tubig kanal.

"Kaso kadiri," aniya.

Bumalik si Enrico sa upuan. Napabuntong-hininga si Boyet, pagka't kung wala lang ang kaibigan ay pinulot na niya ito. Lalo na ngayong nagbago na ang sitwasyon ng kanyang buhay—o sa madaling salita, nagbalik sa dati.

"Sorry, Enrico. 'Di kita malilibre muna. Wala pa ko pera," sabi ni Boyet sa katabi.

"Sus. Okay lang, Bossing. Ako naman ang manlilibre!"

May pera si Enrico. Panalo niya sa labanan ng gagamba.

"At 'wag mo na nga ko tawaging bossing. Hindi mo ko boss," sabi ni Boyet habang binuklat ang plastik ng hamburger at nagsimulang kumain.

Siguro dati okay itong pa-bossing bossing ng best friend niya, noong parang hindi nauubos ang kanyang pera, feel niyang matawag na bossing kahit alam niyang medyo pabiro ito. Pero ngayon, pakiramdam ng bata na alangan na ito.

"Okay, okay. Nasanay lang kasi ako, hehe," sabi ni Enrico at kumain din ng hamburger.

Nang matapos kumain ay sabay silang naglakad pauwi. Sa kantong lagi nilang dinadaanan, huminto sila sa stoplight. Inabutan sila ng "go." Sa kabilang na kalye ay nagtawiran ang mga tao. Mula roon ay may kotse—isang second-hand na Toyota ang may kabilisang dumating para mag-right turn at kamuntikan nitong mahagip ang tumatawid na lalaki. Malakas na tunog ng preno.

Sumigaw ang pedestrian.

"Hoy! Tangina n'yo! Para kayong mga hari ng kalsada!"

Dumungaw ang mga lulan ng Toyota—ang nagmamaneho ay walang iba kundi si Bert, sa tabi niya si Danilo. Naka-shades si Danilo, si Bert ay may bagong relo.

"Putang ina mo din!" mura ni Bert.

"Kakasa ka ha?! Ano?!" dungaw ni Danilo.

Bagama't malaki ang pangangatawan ng lalaking tumawid na mukhang nag-g-gym ay kapag nakarinig ka ng mura sa tulad nina Bert at Danilo ay alam mong hindi ka ng mga ito sasantuhin. Kahit anong laki ng pangangatawan mo ay alam mong lugi ka sa mga taong halang ang mga bituka. Sindak na naglakad palayo ang lalaki habang nagmumura pa rin, para lang hindi masabing nasindak siya sa laki niyang iyon. Handa na sanang bumaba ni Danilo nang makitang paalis na ang lalaki. Hinaruruot ni Bert ang Toyota.

Nakita lahat nina Boyet at Enrico ang naganap.

"Ang yayabang ng mga 'yun a!" sabi ni Enrico.

Hindi umimik si Boyet. Hindi pa siya nakakasakay sa bagong biling kotse ng ama. Bagong-luma. Galing iyon sa isang second-hand na bilihan ng mga sasakyan na tinuro ni Pol. Si Pol din ang nag-check kung okay pa ito.

Magtatatlong linggo na ang lumipas mula nang nangyari sa bahay ni Lolo Ando. Sa pagitang mga araw ay nakabili ng kotse ang kanyang ama, kasama ang shades ni Danilo, relo ni Bert at rubber shoes ni Pol. Kay Boyet, binigyan siya ng P500 at bahala na raw siya. Tinago lang ni Boyet ang pera. Sinabihan din siya ni Bert at Danilo na huwag na niyang pupuntahan o kakausapin si Lolo Ando, at binigyan siya ng paalala na siroyso sila.

Napansin ni Enrico ang pasa sa braso si Boyet.

"Ano 'yan? May umaway sa 'yo?" tanong ni Enrico. "Sabihin mo sa 'kin kung sino, uupakan ko."

"Wala. Nabagsakan lang ako," sabi ni Boyet.

Siyempre, hindi naman matitiis ni Boyet na hindi puntahan si Ando. At noong isang araw lang ay nahuli siya ni Pol na kausap ang matanda habang nagiigib. Hindi naman sinumbong ni Pol ang bunso pero mahigpit na pinagsabihan. Kung dati rati'y naisumbong na niya ito, marahil ay masaya lang siya na bago ang kanyang rubber shoes. Kulay puti. Orig at hindi Class-A. At hindi naman niya maisuot sa talyer sa takot na ito'y madumihan.

Oo, nagbalik na rin sa pagiigib si Boyet dahil hindi na niya kailangang magbigay ng barya kay Bert, at dahil busy lagi si Danilo sa paglilinis araw-araw ng bagong kotse.

Nagpalit ng signal ang stoplight at tumawid ang magkaibigan.

"Tawid na tayo," pamuno ni Boyet.

Pagdating sa kabila ay huminto sila sandali. Dito, maghihiwalay na sila ng dadaanan.

"Okay, bye. At bukas baka mailibre na kita ng hamburger," sabi ni Boyet.

Umiling si Enrico at humarap kay Boyet. May siryosong ekspresyon sa mukha."

"O, bakit?" pagtataka ni Boyet.

"Ganon ba talaga tingin mo sa 'kin?" ma-dramang tanong ni Enrico.

"Ha?"

Hinawakan ni Enrico ang kaibigan sa balikat, at masinsinang sinabi:

"Iniisip mo yata, kaya lang kita kinaibigan e dahil binibilhan mo ko ng hamburger. Okay lang, sino ba tatanggi sa libre? Ang tutoo, kaibigan kita dahil, alam mo na, ikaw lang lumaban sa akin. At hindi ka natakot. Lumaban ka talaga. Kahit na alam mong mas malaki ako sa 'yo."

"Nakatsamba lang ako," sabi ni Boyet.

"'Di mo ata gets. May tawag sa ganun," balik ni Enrico.

Habang naglakad paatras si Enrico ay pinump-up niya ang kamao sa dibdib sabay turo ng daliri kay Boyet.

"Ang tawag dun...RESPETO!"

Ngumiti si Boyet. Binalikan siya ng ngiti ni Enrico tapos ay tumalikod at naglakad paalis. Pinagmasdan saglit ni Boyet ang kaibigan bago tumuloy na sa kanyang daan.

#

Gabi. Sa bahay nila Boyet.

May pagbabago sa bahay. Bagong pintura ito. May bagong plastic table set para sa inuman at pusoy.

Si Danilo at Pol ay nasa loob ng Toyota at nagsa-sound trip. Malakas ang patugtog. Hip-hop. Kapuwa sila may hawak ng bote ng beer at sumasabay ang ulo sa dagundong ng baho ng speakers ng stereo. Galing silang Raon noon isang araw at ini-enjoy ang nabili.

Ang plastic table ay okupado ni Bert kasama ang apat na kainumang mga lalaki. Marami silang pulutan galing sa kantong ihawan. Barbecue, tenga, isaw, hotdog, betamax. At dahil espesyal ang okasyon, meron silang litson manok at liempo. Ang kanilang inumin, Red Horse, at ilang grande na ang nakatumba. Tugtog ng hip-hop sa isang banda, ingay ng kalasingan sa kabila.

"Iba ka, pare! You're the man! Happy Bertday!" sabi ng lasing na kainuman, kaedaran ni Bert. "Gets n'yo? BERT-day!"

Nagtawanan sila't nag-toast.

"Swerte mo talaga! Ako, halos araw-araw ako bumibili n'yang Scratch-to-Win na 'yan, 'di ako nananalo," pahayag ng isa pang kainuman na may katabaan. "Ikaw, minsan lang tumaya, aba'y sinuwerte pa!"

"Malas ka lang talaga, pare. Pati sa napangasawa," kutya ni Bert.

Malakas na tawanan.

Ang ginawang kuwento nila Bert sa mga kapitbahay ay nanalo siya ng malaking halaga sa Scratch-to-Win sa lotohan. Ganon na lang ang inggit ng ilan na naisipan na ring tumaya kahit na alam nilang ito'y suntok sa buwan. Nang tanungin kung magkano ang total na napanalunan ay hinayag nilang nasa mga P200k lang, sapat para makabili ng segunda manong kotse at ilang kagamitan...at siyempre pa, para makapag-blowout sa kaarawan.

"Baka naman ini-stir mo kami, pare? Baka 'di mo sinasabi saan talaga nanggaling ang pera mo," hirit ng kainumang may kalakihan ang pangangatawan.

Agad na tinignan siya ng masama si Bert. Wasted na ang kainumang ito, at halatang inggitero.

"Hoy, ano'ng gusto mong sabihin?" galit na tanong ni Bert.

"Aminin mo na, pare? Aminin mo naaaaa," patuloy ng lalaki, hindi napansing uminit ang ulo ng may birthday.

Walang anu-ano'y biglang hinawakan ni Bert ang lalaki sa damit at kanyang ibinalibag sa sahig, ito'y kahit na mas malaki sa kanya ang lalaki. Mabilis din niyang nahugot agad ang balisong sa kanyang likurang bulsa ng maong. Tinutukan ni Bert ang lalaki sa mukha. Ganoon na lang ang gulat ng tatlo pang kainuman, nawala bigla ang amats nila.

"Anong gusto mong sabihin, na ninakaw ko? Ha!" galit na bulyaw ni Bert.

Nakasampa ang tuhod ni Bert sa lalaki na nakatumba sa sahig at nanginginig sa takot, at itinaas ang dalawang kamay bilang sumpa na hindi siya lalaban.

"H-hindi..." nginig niyang sabi.

Napatakbo sina Danilo at Pol mula sa kotse.

"'Tay!" sigaw ni Danilo.

"Hoy! Wala kang pakialam sa'n galing ang pera ko! O kung san ko nakuha!" giit ni Bert sa lalaki, ang balisong mahigpit sa kanyang kamay.

Sa sinabi ni Bert ay nagkatinginan ang ibang kainuman. Dinig din nina Danilo at Pol ang inusal ng ama at natatakot na kung ano pa ang masabi nito, hindi naman nila agad maawat ang ama sa takot na baka sila ang undayan ng saksak sa pakikialam—at alam nilang hindi malabong mangyari iyon.

"'Tay!" ulit ni Danilo.

Pinagpapawisan ng malagkit ang lalaki.

"A-akala ko lang sa sugal mo napanalunan pera mo," paliwanag niya.

Mabuti na lang at natauhan si Bert.

"Ganun ba?"

At siya'y tumayo at ibinalik ang balisong sa likurang bulsa at bumalik ng lakad sa kanyang upuan.

"O, inum pa tayo! Birthday ko!" aya niya, as if walang nangyari.

Nagbalik sa upuan ang mga kainuman, bagama't medyo ilag na, lalo na ang nakapagsabi ng sablay na umupo sa pinakamalayo kay Bert, at binagalan na rin ang inom. Nakahinga nang maluwag sina Danilo at Pol at mabagal na bumalik sa kotse. Matalino si Bert, alam ng magkapatid na hindi ito basta-bastang magkakamaling magsabi na ikapapahamak nila—nguni't iba ito kapag nalalasing.

Nagtuloy ang hapi-hapi. Sinabihan pa ni Bert si Danilo na tigilan ang patugtog ng hip-hop at iyong makaluma ang hanapin sa istasyon.

"Ilipat mo sa RJ!" sigaw ni Bert.

Mula sa pinto, ay nakasilip si Boyet. Kanyang nakita ang lahat ng nangyari at nanatili lamang na nakatago sa loob. Palabas na sana siya kanina bago ang kaguluhan at kinailangan pa ng ilang minuto para makabuwelo muli.

Lumabas ng bahay si Boyet.

"Hoy! Sa'n ka pupunta?" turo ni Bert sa anak.

"Sa tindahan po, 'Tay," sagot ni Boyet, alam na niya ang sasabihin.

"Siguraduhin mong sa tindahan ha!" pagdilat ni Bert. Alam nilang pareho na ang ibig sabihin nito'y sa tindahan at hindi kay Lolo Ando.

Tumango si Boyet. Winagayway siya paalis ng ama.

"O, sige na!" aniya at bumalik ng tingin sa mga kainuman.

Natanaw ni Boyet ang dalawang kapatid na nasa labas ng oto na nakatingin sa kanya hawak ang kanilang bote ng beer at halatang hindi nage-enjoy sa makalumang tugtog. "Tito" music kung kanilang tawagin.

Naglakad paalis si Boyet.

Matalino rin naman ang bata. Alam niyang mauuwi ang kasiyahang ito sa sobrang pagkalasing ng ama't mga kapatid, at noong gabing bagsak na sa kalasingan sila'y sumimple siya ng labas sa bahay para dalawin si Lolo Ando, at dalhan ng tirang manok. Nang bumalik si Boyet sa bahay ay tulog pa rin ang ama't dalawang kapatid. Kanyang niligpit ang naiwang mga kalat sa mesang pinaginuman. Ang mga bote'y tinabi niya at hinugasan ang mga baso at plato. Sakaling magising sila't hanapin siya'y may idadahilan siya, bukod sa pagagawa rin naman ito sa kanya kinabukasan.

At habang naglilinis sa labas ay nakita niya ang ilang barya sa lupa na naiwan ng mga nag-inuman. Isang piso, ilang biente singko. Kanya itong pinulot at ibinulsa.

Napangiti si Boyet. Bumalik man ang dating sitwasyon ay nagbalik din ang mga barya sa kanyang buhay. At naisip niya na sa barya muli siya magsisimula.

NEXT CHAPTER: "Ang Usap-usapan"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top