Chapter 15: Sunod-sunuran
Matapos makita ni Danilo sina Boyet at Lolo Ando sa Jollibee ay agad itong umuwi para sabihin kay Bert ang nasaksihan niya. Nagulat ang ama pero aniya, hindi pa ito dahilan para kanilang usisain si Boyet ukol rito. Anu naman kung kumain sila sa Jollibee? Paano kung may pera naman ang matanda at kanyang naisipang manlibre. Malay ba nila at birthday nito. Alam nilang medyo malapit si Boyet kay Lolo Ando kahit noon pa man. Si Boyet at kanyang ina ay madalas magtungo dati kay Lolo Ando upang magpaayos ng bintilador, doon nagsimula ang lahat.
"Kailangang makasiguro tayo," ani ni Bert.
"Pero kitang-kita ko, 'Tay. Ang dami nilang kinain!" sabi ni Danilo.
"Ang kitid talaga ng utak mo!" bulyaw ng ama. "Eh ano naman kung ganon?!"
Inis na umiling si Danilo at ito'y dahil alam niyang uutusan na naman siyang matyagan si Boyet bukas, imbes na siya'y nagrerelax at nanonood ng TV, na baka ma-miss niya ang sinusubaybayang TV serial. Malas lang, pagka't iyon nga ang ipinagawa sa kanya ni Bert sa kanyang matinding pagtutol. Dinahilan pa ng panganay na mag-iigib pa siya ng tubig, pero ayon sa ama, siya na raw bahala roon. Ang mahalaga ay malaman ang aktibidad nina Boyet at Ando.
Kaya't ng sumunod na araw ay sinundan muli ni Danilo ang bunsong kapatid mula sa eskwelahan hanggang sa kanto ng palengke kung saan nagkikita sina Boyet at Lolo Ando. Nagsuot pa si Danilo ng bullcap na nakababa sa kanyang noo para raw hindi siya agad na mamukaan. Kanyang inaasahan na babalik sina Boyet at Lolo Ando sa Jollibee pero sa kanyang pagtataka ay nilampasan ng mga ito ang hilera ng mga kainan hanggang sa nakarating sa bukana ng maliit na mall at doon ay pumasok.
"Anak ng puta..."
Hindi handa si Danilo para rito. Ito'y pagka't siya'y naka-tsinelas lamang, pudpod pa ang mga ito. At nang tumingin pababa'y nakitang hindi pa siya nakakapagputol ng kuko. Ang mga kuko sa daliri ng kanyang paa'y namamayagpag sa dumi. Napamura siyang muli. Bigla siyang nahiya na sundan ang dalawa sa loob ng mall, pero alam niyang malilintikan naman siya sa ama kapag hindi niya sinunod ang pinagagawa nito. Tumapat siya sa mall at nakita sina Boyet at Ando na nakapasok na.
"Tangina naman..."
Wala siyang nagawa kundi sumabay sa mga nagpapasukan at sa entrance, siya ay hininto ng security guard at pinaaalis ang kanyang suot na bullcap. Masuri pa siyang kinapkapan bago pinatuloy sa loob at sinabihan na sa susunod ay hindi na siya papapasukin kapag naka-tsinelas. Muntik makipagaway si Danilo at nakipagtitigan ng masama sa guard. Nagmumura siyang pumasok sa loob ng mall, naiinis na kung bakit pa kasi siya inutusan para rito, hindi na sana siya nainsulto. Kasalanan ito ni Boyet, sa isip niya.
"Tangina talaga..."
Hinabol niya ng hanap sina Boyet at Lolo Ando sa loob ng mall at nakita niya ang dalawa. At nagulat siya nang pumasok ang mga ito sa Starbucks.
"Tangina. Starbucks?!"
Nagtago si Danilo sa gilid ng maliit na stall ng mga damit at kunwa'y tumitingin, pero sinusulyapan sila Boyet sa loob.
Sa counter, kita niya sina Boyet at Ando na umoorder. Masaya sila. At nakita niya na mula sa bulsa ng shorts ni Boyet, ay naglabas ito ng tatlong P500 na perang papel, at kinuha ang isa para ipambayad. Nanlaki mata ni Danilo.
"Anak ng puta..."
Matapos makuha ang dalawang malaking cup ng kape ay umorder pa si Boyet ng mga cookies. At naupo ang bata at matanda at masayang nagkuwentuhan.
"Anak ng puta..." iling ni Danilo.
"Yes, sir? Anong hanap n'yo?" sabi ng boses.
Lumingon si Danilo at nakitang kinakausap siya ng matabang tindera ng mga damit.
"Pang-ilang taon po ba?" tanong ng babae.
Nakita ni Danilo na ang mga tinitinda pala'y mga damit na pang-bata.
"A-anim na taon?" ang nasabi ni Danilo. Mas tanong kesa sagot.
"Babae po ba o lalaki?"
Inispatan muli ni Danilo sina Boyet at Ando na ngayon ay may cookies nang kinakain bukod sa iniinom na kape. Masaya ang dalawa, kaswal na kaswal at tila at home sa Starbucks. Hindi makapaniwala si Danilo at nag-init ang ulo niya.
"Babae po ba o lalaki?" ulit ng tindera.
Bumaling si Danilo sa babae at:
"Ang dami mong tanong! Baboy!"
Sabay naglakad paalis si Danilo. Galit na minura siya ng tindera. Bastos! Ang sigaw nito. Napatingin ang ibang tindera ng katabing stalls. Mula sa loob ay narinig pa nga nina Boyet at Lolo Ando at nakita ang nagsisisigaw na tindera. Pero, mabilis nang nakaalis si Danilo.
#
Sa labas ng bahay nila Boyet, nakaupo uli sa sirang upholstery sa ilalim ng puno si Danilo at kumakain ng banana cue. May bote ng softdrinks sa tabi. Mabilis ang kain niya, dalawang kagat kada kain, nagutom lang sa ginawa. Ang inis ng kanyang na-experience ay dinaan na lang sa meryenda.
Si Bert ay nakatayo sa malapit, naninigarilyo at malalim ang iniisip.
"Talaga?" sabi ng ama.
"Oo, 'Tay. Kitang-kita ko eh," sabi ni Danilo habang ngumunguya. "Sangkatutak na P500!"
"Saan kaya nakakuha ng pera ang kapatid mo?"
"Ewan, baka bigay ni Ando," sagot ni Danilo habang inabot ang bote ng softdrinks. "Baka may naitatagong pera 'yung matanda."
Humithit si Bert at bumuga ng usok.
"Pero galing sabi mo sa bulsa ni Boyet."
"Oo, 'Tay."
Nagpalakad-lakad si Bert, patuloy na nag-iisip. Pinagdidikit-dikit ang mga bagay-bagay. Ang hinala niya sa anak, ang asal nito sa mga nakaraang linggo. Naisip niya na maaaring araw-araw na na ginagawa nina Boyet at Lolo Ando ang pagkain sa labas, kung kaya't laging gabi o pagabi na umuuwi ang bata. Isa pa iyong wala itong ganang kumain at nagkukunwaring gutom lamang. Nakita niya kung paano pasimpleng itinapon ni Boyet ang pagkain sa basurahan. Nahalata niya na tila lumulusog ang bata. At ang bagay na tungkol sa pera. Ang inaabot sa kanyang barya ni Boyet na umanoy napupulot lang nito araw-araw. Hindi madaling makapulot ng pera. Naisip na nga niya na baka namamalimos ang bata kaya may barya ito palagi, pero nang ibalita ni Danilo ang nakita nito'y parang nagkakaliwanag na ang lahat. At ang ultimong sagot sa lahat ay isang ala-ala.
"Ano tingin n'yo, 'Tay?" tanong ni Danilo.
"Junkshop..." ani ni Bert.
Nagtaka si Danilo. Hindi ma-process sa utak kung ano'ng kinalaman ng junkshop sa pinaguusapan nila.
"Junkshop?"
"Naalala ko," sabi ni Bert. "Nang minsang umuwi kami galing sa eskwelahan kasama ang nanay mo, wala kaming masakyan, kaya naglakad lang kami."
Napakamot ng ulo si Danilo.
"'Tay, anong kinalaman..."
"Makinig ka!" bulyaw ni Bert.
Natahimik si Danilo at kumain na lamang ng banana cue.
"Naglakad lang kami," patuloy ni Bert. "Sa rota na nilalakad pauwi ng kapatid mo ngayon araw-araw mula eskwela hanggang dito sa bahay."
Napailing si Danilo, "O-okay..."
Tumingin sa kanya ang ama at sinabi:
"May nadaanan kaming junkshop."
Napahusto ng upo si Danilo. At last, may nagets siya na tumpak.
"'Yung junkshop sa TV!"
"Mismo," sabi ni Bert.
"Tangina!" napatayo si Danilo sabay tapon ng stick ng banana cue at may tinamaan na dumaraang pusa. "'Yung pera! Baka sila nakakita sa bag ng pera!"
Malakas ang boses ni Danilo kaya agad siyang pinatahimik ni Bert na tumingin sa paligid para makasigurong walang nakarinig.
"'Yung pera, 'Tay. Tingin mo, sila nakakita sa pera?" bulong ni Danilo.
"Posible."
"Pero, paano tayo makakasiguro?"
"May plano ako," sabi Bert. "Pag-uwi ni Pol mamaya, sasabihin ko sa inyo ang gagawin natin."
Tumango si Danilo, may malakas na kabog sa dibdib at ngitngit ng galit. Inubos niya'ng kanyang softdrinks, at nang makita uli ang pusa ay kanya itong binato ng bote. Muntik tamaan ang pusa na nagtatatakbo sa takot.
Nagsindi naman ng panibagong sigarilyo si Bert. Nagpalitan sila ni Danilo ng matatalas na tingin.
NEXT CHAPTER: "Luha't Dugo"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top