Chapter 14: Huli ka!


Recess.

Sa playground, masayang naglabasan ang mga magaaral para magmeryenda, magkuwentuhan, maglaro at dahil kapanahunan na naman, ang paglalabanan ng mga gagamba. Bago pa sila maging magkaibigan ni Boyet ay kilala na si Enrico bilang isa sa mga prumutor nito. Kapuwa sila Grade 5 ni Boyet at kalaban ni Enrico ay ang mga Grade 6, at hindi siya takot sa mga ito dahil karamihan sa mga ito'y mas maliit pa nga sa kanya, kung may mas matangkad man ay mas lamang pa rin siya sa pangangatawan.

"O game na! Game na!" hudyat ni Enrico.

Nagsipagpulungan ang mga Grade 6 at Grade 5 sa lilim ng puno ng mangga. Dala nilang mga kahon ng posporo kung saan nakatago ang mga gagamba. Ilan sa kanila'y ang lalagyan ay gawa sa kahoy na may takip na plastik. May ilang Grade 4 ang kanilang pinasasali at ito'y ang alam nilang may ibubuga. Hawak ng isang Grade 6 ang stick kung saan nila pagagapangin ang mga gagamba para maglaban, ang tinatawag nilang arena, at nilabas nilang mga pambato.

"O si Jun-Jun at Odik naman ang mauna ha!" sabi ng isang Grade 6. "Tapos, si Enrico at si Reynald!"

"Piso-piso bawat laban! Best of three!"

Gumawa ng sariling rule ang mga bata na tuwing may malalaglag na gagamba ng dalawang beses ay isa itong talo. Sa tatlong talo ay kakamada ang panalo ng kalahati sa napanalunan ng lahat ng tumaya sa kanya. Natuto na rin sila na hindi maglabas ng pera pagka't hinuli na sila ng mga guards, kaya't mayroon sa kanila na taga-lista. At dahil magaling sa Math, iyon ay si Boyet.

"Boyet! Panalo ko ng dalawa ha!" sabi ng bata.

"Ako lima na!" sabi ng isa. "Si Jojo, anim na talo!"

Tumango si Boyet at nilista sa papel ang mga resulta. Wala siyang hilig sa larong gagamba, pero dahil inaasahan siya sa galing niya sa Math ay hindi naman niya mahindian ang mga kaeskwela, lalo na't kasali si Enrico na palaging nananalo.

"Ilan na panalo ko?" bulong niya kay Boyet.

"Marami na."

"Ayos! Ako naman manlilibre mamaya sa 'yo, bossing!" ngiti ni Enrico.

Nakikinood din naman ang mga security guards ng paaralan na naaaliw sa laro ng mga bata. Minsa'y isa sa mga ito ang nagdala pa ng sariling mga gagamba na pang-derby na kanilang ipinakita sa mga namanghang mga mag-aaral. Mga gagambang mas matatapang, mahahabang mga paa at walang kasinggaling na mambilot o manapot.

Supot! Supot! sabi nila sa gagamba na mahinang manapot. Ang talunang gagamba ay madalas na nahuhulog tuwing pinipitik ng kalaban o kaya'y napuputol ang kanilang sapot. Ang magandang laban naman ay iyong dalawang gagamba na nagpapabaging-baging pa at nagpapalitan ng puwesto sa stick.

"Boyet, sampu na panalo ko!" sabi ng bata.

"Okay," sagot ni Boyet.

Kahit na hindi nila sabihin ay nabibilang naman ni Boyet ang mga resulta at walang nakakaligtas na mandaraya sa kanya. Pero, minsa'y pinagbibigyan ni Boyet ang mga Grade 4 na lalapit sa kanya para magmakaawa dahil kulang ang pambayad nila. Pinalulusot sila ni Boyet. Dati-rati'y hindi ito puwede na naririyan si Enrico dahil tiyak na bugbog ang aabutin nila.

At ito ang ipinagbago ni Enrico simula nang maging close sila ni Boyet.

Nariyan pa rin na inaastigan niya ang mga bata, pero hindi na tulad ng dati na napapaiyak pa niya, ngayo'y parang wala na nga siyang interes na mambully. Simula nang maging magkaibigan sila ni Boyet ay tinigilan na niya at ito at hindi na maipakita sa kanyang best friend ang dati niyang gawi. Natutuwa naman ang mga bata na nakakahalubilo nila si Enrico na hindi sila inaano, at natutuwa si Enrico na pumapaligid sa kanya sila. Isang eksena na hindi mo makikita dati ay si Enrico na nakikitawa kasama ang mga bata.

"O time na!" sabi ng mga bata.

Matapos ang recess ay nagbalikan ang mga mag-aaral sa kanilang mga klase, nakakubli ang mga kahon ng gagamba sa kanilang mga bulsa, at naiwan pa sa mga mukha ang saya ng kanilang pagkapanalo at sabik sa susunod na labanan kinabukasan.

Nang mag-bell para sa katapusan ng eskwela sa araw na iyon, ang ibang mga bata'y nagpatuloy sa labanan ng gagamba. Hindi na sana nais lumaban pa ni Enrico pagka't nasa isip lamang ay ilibre si Boyet, pero nang hamunin ng mga Grade 6 ay hindi niya ito matanggihan dahil ayaw niyang makantsawan.

"Bossing, okay lang ba na bukas na kita ilibre?" sabi ni Enrico kay Boyet. "Lalabanan ko lang mga ito."

"Okay lang."

"'Di bale, 'pag nanalo ako, hindi lang hamburger ililibre ko sa 'yo. Pitsa pie pa!"

"Oo ba!" ngiti ni Boyet.

Ang tutoo'y ayaw naman niyang magpalibre pagka't may pera siya, pero tingin niya'y baka nagtataka na rin ang kanyang best friend na lagi siyang may pera.

"O Enrico! Tara na!" sigaw ng mga bata. "Takot ka ata eh kasi supot ang gagamba mo!"

"Ulol! Ikaw ang supot!" nakangiting sigaw pabalik ni Enrico.

Nagtawanan ang mga bata. Niyaya nila si Boyet pero sinabi nitong magkikita pa sila ng kanyang lolo.

"O, bukas na lang, bossing!" paalam ni Enrico.

"Sige, bukas."

Pagkatapos ay nagpuntahan sina Enrico at ang mga bata sa likod bakuran para doon maglaban ng mga gagamba at si Boyet ay naglakad na paalis. May konting lungkot si Boyet na hindi makasama si Enrico sa pagkakataong iyon kahit na araw-araw silang magkasama nito tuwing uwian. Balak sana niyang isama si Enrico sa lakad nila ni Lolo Ando at ipakilala ito sa kanya kaya medyo may pagtatampo siya. Naisip pa nga niya na ipinagpalit siya nito sa mga gagamba.

Nagkita sina Boyet at Lolo Ando sa kanto ng palengke at mula roon ay nagtungo sila sa Jollibee. Gutom lang si Boyet kaya't naparami ang inorder nila. Two-piece chicken, spaghetti at ice cream. Nahirapan lang silang makahanap ng upuan pagka't may birthday party sa second floor pero nakahanap naman ng puwesto malapit sa glass window.

"Kumusta naman ang araw mo?" tanong ni Lolo Ando.

"Okay naman, 'Lo," sagot ni Boyet habang tinitinidor ang spaghetti. "Labanan na naman ng mga gagamba."

"Ganon ba?"

"Oo, 'Lo, marunong ba kayo no'n?"

"Oo naman, pero minsan-minsan lang ako naglalaro noon. Iba hilig ko."

"Ano, 'Lo?"

"Saranggola."

Ngumiwi si Boyet.

"Sus, 'di na uso 'yun, 'Lo!"

"Marahil sa inyo," sabi ni Lolo Ando. "Pero, nung panahon ko 'yon ang kinahihiligan namin. Nagdo-dogfight pa kami."

"Dogfight?" pagtataka ni Boyet.

Ipinaliwanag ng matanda na sa labanan ng saranggola ay nilalagyan nila ng bubog ang pisi o tali, ito'y dinikdik na pinong bubog ng bote, at ang pisi na napahiran ng bubog ay madaling mapipigti ang tali ng kalaban.

"Ang gulang n'yo lang, 'Lo!"

Natawa si Lolo Ando.

"Minsan nga magpunta tayo sa park at tuturuan kitang magpalipad ng saranggola."

"Sige, 'Lo!"

Natuwa si Boyet, isa itong bagay na hindi pa niya nae-experience.

Masaya silang kumain at nagpatuloy pa sa pagkukuwento si Lolo Ando ng mga laro noong kapanahunan niya. Noong panahon daw na hindi pa uso ang mga electronic games, kung saan ang mga bata sa lansangan ay pinagpapawisan sa paghahabulan at pagtataguan.

Sa labas ng Jollibee maraming sasakyan ang nagdaraanan, mga taong naglalakaran, na kung mapapadaan ka at makikita sina Boyet at Lolo Ando na nagtatawanan ay tiyak na ikatutuwa mo.

O kaya'y ikagugulat.

Mahuhulog ang sigarilyo sa simento at ito'y aapakan ng paang naka-tsinelas.

Sa likuran ng poste sa kabilang kalye ng Jollibee ay nakatayo si Danilo, at hindi siya makapaniwala sa nakikita.

"Tangina...at Jollibee nga ang gusto."

NEXT CHAPTER: "Sunod-sunuran."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top