Chapter 10: Ang Aksidente
Ito'y nangyari mahigit isang taon na ang nakalilipas.
Namamasyal si Boyet kasama ang kanyang ama at ina. Sila'y naglalakad sa bangketa sa mataong lugar kalakalan. Hawak niya ang kamay ng ina, masaya sa nakikita sa paligid. Mga tindahan, restawran, sinehan, at department stores kung saan may mga naka-display na manikin suot ang magagarang kasuotan. Sa bangketa mismo marami ang street vendors na may mas mumurahing mga bilihin.
Birthday ni Boyet noong araw na iyon at galing sila na kumaing tatlo sa labas. Sina Danilo at Pol ay nasa-eskwelahan noon kaya't hindi nakasama. Sabi ni Bert ay sa bahay na lang daw maghanda pero sabi naman ng kanyang asawa'y inaasahan ito ng kanilang anak. Isang pangako ng ina kay Boyet noong magkamedalya ito. Noong araw na iyon tutol talaga si Bert na lumabas pa sila.
Natapat ang mag-anak sa tindahan na puno ng mga laruan. Makukulay na laruang plastik na tau-tauhan at mga manika. May laruang isports tulad ng basketball, voleyball at badminton. May mga laro tulad ng dama, chess, chinese checkers, holen, at marami pang iba.
Pero, ang itinuro ni Boyet ay ang plastik na baril-barilang di-baterya at tumutunog kapag kinalabit. Gusto mo 'yung baril-barilan? Tanong ng kanyang ina. Masayang opo na may talon pa ang isinagot ni Boyet. 'Wag na, sabi naman ni Bert. Mahal iyan, masisira lang 'yan. Pero, parang naiiyak si Boyet. O siya, sige na nga, sabi ng ina at kinuha ang kanyang wallet at ibinigay kay Bert ang perang pambili sa laruang baril. Pumasok sa loob ng tindahan si Bert para magbayad.
Habang masayang naghihintay si Boyet at kanyang ina sa bangketa sa labas, ay may sumilaw sa mata ng bata. Siya'y napalingon kung saan iyon nanggagaling.
Sa gitna ng kalsada natanaw niyang may kumikislap sa tama ng araw.
Isang limang pisong coin.
Napangiti si Boyet nang makita ito. Pera na maibibigay niya sa ina, pandagdag sa bayad ng kanyang laruan. Sa kanyang mga mata, wari niya'y para bang abot lang niya iyon, pero nang itaas ang kanyang braso'y natanto niyang malayo, kung kaya't bumitaw siya sa kanyang ina at tumakbo tungo sa kalsada upang kunin ang P5 coin.
Nang maramdaman ng ina na nawalang kapit ng anak ay napalingon ito. Boyet! tawag niya. Nguni't mabilis ang bata, at nang tumingin sa gawi ng kalsada ang ina'y nanlaki ang mga mata nito sapagka't mula sa di-kalayuan ay mabilis din ang paparating na truck.
BOYET! sigaw niya.
Nasa gitna na ng kalsada si Boyet at dinadampot ang P5 coin. Ang rumaragasang truck ay malapit na. BOYET! sigaw ng ina habang tumatakbo papunta sa kanya. Salubong ang araw sa truck kung kaya't hindi kita agad ng driver ang bata sa gitna ng kalsada, hanggang sa ito'y malapit na.
Nakangiting hawak ni Boyet ang P5 coin at walang kamuang-muang. Ang kanyang ina ay tumatakbo papunta sa kanya. Napatingin ang mga tao sa paligid.
Sa loob ng tindahan, dinig ni Bert ang malakas na preno ng truck at ang sigaw ng mga tao. May kabang dumagsa sa kanyang dibdib. Nagmamadali siyang lumabas ng tindahan at nanlaki ang mga mata sa nakita. Nabitawan niyang laruang baril na lumagpak sa simento at nabasag.
Sa kalsada ang duguang ina. Si Boyet umiiyak sa tabi. Hindi makapaniwala si Bert habang nilapitan ang asawa at umiiyak na lumuhod at niyakap ito. Wala ng buhay ang asawa, dead on the spot. Sa tabi, umaagos ang luha ni Boyet, alam din niyang wala na ang kanyang ina.
Hindi niya makakalimutan ang nangyari.
Hindi rin niya makakalimutan ang tingin na ibinigay sa kanya ng kanyang ama ng sandaling iyon.
#
Hawak ni Boyet ang litrato nila ng kanyang ina at pinunasan ang luhang pumatak dito. Sa kanyang pisngi umaagos ang sakit sa paggunita ng masamang ala-ala. Ramdam niya ang bigat ng kanyang damdamin. Nanginginig ang kanyang katawan at hinahayaan niya'ng sarili na maiyak, na mailabas ang lahat ng sakit. Ang hinanakit. Ang pagsisisi.
"Inay....," naiiyak niyang sabi. "Sorry, inay..."
Nang bigla, bumukas ang pintuan ng kanilang bahay at maingay na nagpasukan ang kanyang mga kapatid at ama. Daliang ipinasok ni Boyet ang litrato sa loob ng kahon ng sapatos at sinarhan ito. At nakayukong pinahid ang kanyang mga luha.
"Tangina! Kala ko naman mabibigyan tayo ng pera!" bulyaw ni Danilo pagpasok. "'Yun pala thank you lang! Hayup!"
Bad trip ang mukha ng panganay. Mukhang wala silang napalang reward money at ibinaling ang sisi kay Pol.
"Ikaw kasi, ang hina mo. Dapat tinanong mo muna kung may reward. Basta ka na lang sumatsat satsat eh. Sarap mong dagukan!"
"Kasalanan ko ba? Hindi na nga ko nakunan ng camera e!" balik ni Pol.
"'Yun kasi inatupag mo, eh ang pangit mo naman!"
"Ulol!"
Pumorma ng karate chop si Danilo.
"Ano! Lalaban ka?!"
"Tumigil kayong dalawa! Kundi ako uupak sa inyo," sabi ni Bert na huling pumasok ng bahay habang nagtatanggal ng jacket.
Nagdadabog na naupo si Danilo sa supa. Si Pol nama'y nagsimulang maglatag ng tutulugan sa sahig.
"Wala tayong magagawa kung wala talagang pabuya," sabi ni Bert.
"Pero, Tay, tutoo kaya 'yung sabi-sabi?" baling ni Pol.
"Ano? Na may ninakaw na pera 'yung Jopert kaya pinatay?" sabat ni Danilo, nakasimangot at inis pa rin.
Si Boyet, marahang umusad ng lakad tungo sa aparador. Sa kusina, kumukuha ng tubig na maiinom si Bert nang makita siyang may dala-dala.
"Ano 'yan?" sita ng ama.
Pinakita ni Boyet ang kahon ng sapatos. Saglit siyang tinignan ni Bert pagkatapos ay uminom muli ng tubig.
"'Yun ang sabi ha," patuloy ni Pol. "Isang bag na puno ng pera."
Natigilan saglit si Boyet habang nilalagay ang kahon sa loob ng aparador kung nasaan rin nakatago ang kanyang banig na hihigaan.
"Malamang sa sindikato 'yun," dagdag ni Pol at nailatag ang kanyang kutson at hawak na ang unan.
"Tingin mo naitago ni Jopert 'yung bag?" pag-isip ni Danilo habang nahiga sa supa.
"Naunahan na tayo malamang," balik ni Pol. "Baka nakita ng mga parak sa talyer at pinaghahatian na ngayon."
Nanghinayang tuloy si Danilo at binalik na naman ang sisi sa kapatid.
"Ang tanga mo kasi!"
"Ako? Anong ginawa ko?!"
Sinaway sila ni Bert na paakyat na ng hagdan.
"Tama na 'yan! Magsitulog na kayo!"
Nagsimulang magsitulog ang magkapatid na bumubulong-bulong pa. Si Boyet, tahimik na nilatag ang kanyang banig para matulog rin. Habang nahiga ay alam niyang nakatingin sa kanya ang ama habang paakyat ito ng hagdan.
Ipinikit niyang mga mata para wala na siyang makita at mapag-isa sa dilim ng sariling isipan.
Sa pagtulog, dalawang bagay ang nasa isipan ni Boyet. Una, na kung hindi niya kinuha ang bag ng pera ay wala sana siyang pinuproblema ngayon. Walang kaba o takot sa maaaring mangyari. Pangalawa, kung hindi niya sana pinulot ang limang piso sa kalsada noong araw na iyon na kasama niyang kanyang ama't ina...
NEXT CHAPTER: "Abnoy"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top