Chapter 6: Beerhouse


S&G BEERHOUSE. Itong sabi ng signage sa labas.

Madilim ang lugar. Ang ilaw ay shade ng pula at asul. Ang mga mesa ay kahoy at upuan ay plastic. May videoke machine na ang songlist ay limang taon nang outdated. Dahil araw ng suweldo, maraming patron sa loob. Umaalingasaw ang amoy ng beer.

Nakaupo sa may sulok na mesa sina Manuel, Isko at Siso. Excited ang kanilang mga mukha, maliban kay Manuel na naiilang. Ngayon lang siya nakapasok sa ganito.

Dinalhan sila ni Andoy, ang 28-anyos na waiter ng mga bote ng beer.

"Mga sers, beer n'yo," all smiles na bati ni Andoy, paborito niyang customer sina Isko dahil nagtitip, bukod sa kababata niya si Siso.

"Andoy, sabihin mo kay Judy na nandito na 'ko. At may dalawa akong kasama," bilin ni Isko.

"Okay, sir!"

Umalis ang waiter.

"Ano, Manuel, okay dito ano?" tanong ni Siso.

"O-oo."

Tuloy sila sa paginom ng beer at paninigarilyo. Maya-maya'y dumating ang tatlong babae na ang mga edad ay nasa late 20s. Sina Judy, Raja at Layla. Si Judy ay 4'11" lamang nguni't malusog ang dibdib nito't puwitan. Si Raja ay katamtaman, blonde ang buhok at makapal magmake-up. At si Layla na katamtaman din ang taas ay dark ang features at mahaba ang buhok. Sexy ang mga suot nila. Tadtad ng make-up at pekeng mga alahas.

"Isko my love!" masayang bati ni Judy.

"Judy!" balik ni Isko.

Yumakap si Judy at tumabi kay Isko. Naupo sila salitan kina Manuel at Siso. Nilandi agad ni Raja si Manuel.

"Bagong mukha. Hi, pogi. My name is Raja. What do you call your name?"

"M-Manuel," nahihiyang sabi ng kausap.

Hinatak ni Siso si Raja.

"Paubaya mo na kay Layla 'yang si Manuel!"

"Ikaw naman, jealosy agad. You know naman I'm yours," kindat ni Raja kay Siso.

Sa lagay ng mga bagay ay steady partner na sina Isko at Judy, at Siso at Raja. Sa madaling salita, suki nila. Naiwan si Layla na partner ni Manuel.

Tumingin si Manuel kay Layla at binigyan siya ng malagkit na ngiti na may kasamang pungay ng mga mata. Parang natunaw si Manuel. Na-love at first sight? Samantala, sina Isko at Judy ay nagnenecking na. Si Raja hinihimas-himas si Siso.

"Pare, 'wag kang matakot d'yan kay Layla. Hindi ka kakagatin n'yan," sambit ni Isko.

Malanding bumulong si Layla kay Manuel.

"'Di bale na lang kung gusto mo."

Sabay hinawakan niya sa hita si Manuel. Nanginig tumbong ni Manuel, para siyang nakuryente.

Matapos ang isa't kalahating oras ay tambak na ang bote ng beer at pulutan sa mesa. Sisig, mani at papaitan. Tatlong lasing na manginginom at tatlong tipsy na ka-table.

"Alam n'yo dapat sha bansha natin, patalshikin 'yung mga walang shilbi. 'Yung mga nagpapainit lang ng upuan sha kongresho!" sabi ni Siso, lashing na sha.

Sa may videoke, may pandak na lalaki na kumakanta ng "My Way" na sobrang sintunado kahit na mga kasama niya'y hindi makuhang pumalakpak. Dinig ang malakas niyang birit mula sa mesa nila Manuel at si Isko ay naiinis—masakit sa tenga niya ang pangit na boses. Hindi siya mapakali.

"At ang shimbahan hindi dapat nakikialam sha politiko," patuloy ni Siso. "Hindi ba?!"

Bumirit pa ang lalaking kumakanta ng "My Way." At pumiyok. That's it. Hindi na nakatiis si Isko at siya'y tumayo at naglakad papunta sa lalaki.

"Hoy, Isko, sa'n ka pupunta?" gulat na tanong ni Judy.

Nang makarating sa may videoke ay inagaw ni Isko ang microphone sa pagtataka ng lalaki.

"Hoy, pandak, kakanta-kanta ka ng My Way, sablay naman," maangas na sabi ng lasing na Isko.

Saksi sila sa ginawa ni Isko at nagulat si Manuel nang nakita niya na ang lalaking pandak ay walang iba kundi si Jimwell, ang nobyo ni Barda, and soon-to-be.

Umaasta-asta si Jimwell. Lasing na din siya at hindi magpapasindak kaninuman. Matapang din ang maliit na lalaki.

"Ano'ng pake mo?" pagtaas ng boses ni Jimwell. "Eh, 'di kumanta ka din! Pataasan tayo ng iskor!"

Dinuro siya ni Isko.

"Yabang nito ah. Lakas ng loob mong magpataasan!"

Muntik na silang magpangabot, nakaporma na, kundi lang namagitan si Manuel. Nagulat si Jimwell nang makita siya.

"Manuel?"

"Kilala mo ang bansot na ito?" nagtatakang sabi ni Isko.

"O-oo."

Binaba nila Isko at Jimwell kanilang mga kamao.

"Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong ni Manuel kay Jimwell.

"Bachelor's party ko," sagot ni Jimwell at tinuro ang mesa sa malayo. "Kasama ko mga utol ko."

Sa mesang itinuro: ang apat na mga kapatid ni Jimwell ay mga nagkukulang din sa height. Hindi naman sila unano kundi'y animo'y miniature na mga lalaki. Mga lasing na din sila at nang makita sina Jimwell, Manuel at Isko ay masayang nagtaas ng mga baso.

"P-parang Lord of the Rings," sabi ni Isko, at tumingin kay Manuel at tumawa.

Makaraan ang isa pang oras ay magkakasama na sina Manuel, Isko, Siso, Judy, Raja at Layla, at sina Jimwell, at apat niyang mga kapatid. Nagtatawanan na para bang matagal ng magkakakilala. Natigil na rin ang videoke at ngayo'y tumutugtog na lang ang stereo.

Maya-maya'y lumapit kay Layla ang isang maton mula sa kabilang mesa, malaking kalbo na me mga tato.

"Miss beautiful, pwede ba kitang masayaw?" pa-cute na sabi nito.

"Sorry, Pipoy, me kasama na ako eh," tanggi ni Layla sabay kumapit sa braso ni Manuel.

"Hindi Pipoy pangalan ko. Charles," ngiti ng kalbong maton.

"Kahit lagyan mo pa ng "prince" ang pangalan mo, ayoko pa rin," mataray na balik ni Layla.

Pero, mapilit ang maton.

"Tara na. Matatapos na 'yung Air Supply o!" hiling nito.

Nainis si Layla.

"Ayoko nga! Kulit mo! At ayoko sa Air Supply!"

Biglang hinawakan si Layla sa braso ng maton.

"Sasayaw ka sa Air Supply sa ayaw mo't sa gusto!"

Hinawakan naman ni Manuel ang braso ng maton.

"Bingi ka ba? Sinabi na'ng ayaw niya e!" usal ni Manuel.

Tumayo si Manuel at nagharap sila ng maton. Kasintaas niya ito pero malaki ang diperensya sa laki ng katawan. Doble. Tinignan siya ng maton mula ulo hanggang paa ng magkasalubong na mga kilay at mapungay na mga mata.

"Marami na akong pinadala sa ospital na tulad mo. Karamihan sa kanila hindi na nakilala ng kanilang pamilya. 'Yung iba naman pinagtitirikan na ng kandila..."

Napalunok si Manuel.

"...tuwing Nobyembre," dagdag ng maton.

By now, nakatingin na sina Isko at iba pa. Sumilip si Isko sa mesa ng mga kasama ng maton. At nakita niyang kasama niya'y tatlo pang mga maton na nagsisipagtayuan na. Pero, hindi aatras ang kaibigan niya.

Tumapang pa si Manuel, channeling Robin Padilla.

"Astig ka na sana," paumpisa ni Manuel. "Kundi lang bukas zipper mo."

Nanlaki mata ng Maton at agad na tumingin sa kanyang zipper. Na sarado naman. Biglang kumuha si Manuel ng bote ng beer at hinampas sa ulo ng maton. Crack! At nagulat siya, dahil wa epek ang ginawa. Hindi ininda ng maton ang hampas ng bote.

Napangiti si Manuel. Oops. Nakatingin sa kanya ang maton at namumula sa galit.

At nauwi sa rambulan.

Inislam si Manuel ng maton sa mesa. Brak! Tumalsik ang mga bote ng beer at pulutan. Pinagtulungan nina Isko at Siso ang isang maton. Salitan sila sa suntok, at salitan din silang pagtanggap nito. Pinagtulungan naman ni Jimwell at apat niyang mga kapatid ang dalawa pang maton. Mabibilis ang munting mga lalaki, nagpaikot-ikot at may mga coordinated moves, ang isa'y nakasuot pa sa ilalim ng maton para bigyan ito ng uppercut sa bayag.

At ang mga hostess...nakihampas gamit ang kanilang mga pekeng designer handbags at high-heels. At deodorant spray na ginawang pepper spray sa mata.

Kagulo. Nagtakbuhan ang ibang customers. Hindi alam ng waiter ang gagawin at nagtago sa likod ng kanyang tray. Lahat ng ito habang ang stereo ay nagpapatugtog ng Air Supply.

Maya'maya'y narinig ang pito ng mga pulis at kanya-kanya sila ng takbo. Humabol ang mga pulis pero nadulas sa natapong beer. Nahuli nila ang naglalakihang maton, pero, ang grupo nila Manuel ay matulin na nakapuslit.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top