Chapter 25: Kriminal
Tumilaok ang tandang. Inabot na sila ng umaga sa kulungan at doon na natulog, nakahilata, nakasandal. Si Manuel ang tanging wala ni isang minutong tulog. Ni parang hindi siya natinag sa pagkakayuko.
Maya-maya'y dumating sina Hepe at Sarge na binuksan ang rehas at nagising ang mga natutulog na mga disipulo.
"Ikaw!" turo ni Sarge kay Manuel. "Sumama ka sa amin."
Marahang inangat ni Manuel ang kanyang ulo at tumingin.
"Tara na, Manuel," senyas ni Hepe.
Tumayo si Manuel, pinosasan ni Sarge bago nilabas ng kulungan, at insecortan palabas ng himpilan.
"Hoy! San nyo siya dadalhin?" demanda ni Pitoy.
"Kay Mayor," sagot ni Hepe.
#
Pagpasok nila sa loob ng opisina ni Mayor ay kasama nito ang isang payat, maitim at nakasalamin na may edarang lalaki na ipinakilala bilang isang private prosecutor. Naupo si Manuel sa kabilang upuan kaharap nito. Nasa magkabila sina Hepe at Sarge.
"Manuel, alam mo ba kung bakit ka nandito?" tanong ni Mayor.
Umiling si Manuel. Wala siyang muang sa usapang legal.
"Attorney?" baling ni Mayor sa lalaki.
Hawak ng public prosecutor ang papel na kanyang binasa.
"Manuel, ito ang mga demanda laban sa iyo at mga kasama mo sa Church of the Second Coming of Christ," umpisa niya. "Una, Ang organisasyon n'yo ay hindi rehistrado kaya hindi kayo tax exempt, kaya hinaharap n'yo ang kasong tax evasion. Pangalawa, ang mga pekeng milagro ay kaso ng fraud. At pangatlo, extortion. Kapag napatunayan, kayo ng mga kasama mo ay maaaring mahatulan ng hanggang 20 years na pagkakabilanggo."
"At maraming witnesses na handang tumestigo," dagdag ni Hepe.
"Si Mr. Rod Hernando," banggit ni Manuel. "Siyang may-ari ng..."
Hindi pa tapos sa pangungusap ay sumingit ang abugado at binasa ang isa pang papel.
"Ito ang affidavit ni Mr. Hernando," aniya. "Sabi niya'y pinahiram lang niya ang bulwagan sa inyo, ang mga nangyayari sa loob ay wala siyang kinalaman. Sa madaling salita, hindi siya liable sa mga krimeng naganap."
"Krimen?" sabi si Manuel. Hindi niya akalain na matawag na isang kriminal. "Krimen ba ang pagtuturo ng salita ng Diyos?"
Nagkatinginan ang mga nasa loob.
"Krimen kung pineperahan n'yo ang mga tao," sabi ng public prosecutor. "Hindi na ba kayo nahiya na kinukuwartahan n'yo ang matatanda? Pinangakuan n'yo ng puwesto sa langit kapalit ng pera't ari-arian?"
Walang imik si Manuel. Gusto man niyang ipagtanggol ang sarili, gusto man niyang sabihin na wala siyang sala at si Iskong may pakana ng lahat ay naunahan na siya ng lungkot. Lungkot na ang tinuring niyang kaibigan ay pinagtaksilan siya. Dalamhati na idinamay niya ang ibang kaibigan sa kanyang kahibangan. Kahihiyan na isa siyang huwad. Kahihiyan sa lahat ng nanalig at nagubos ng oras sa isang kasinungalingan. Kahihiyan sa pangalan ng kanyang ama't ina. Sa oras na iyon, bumagsak ang mundo niya.
"Manuel?" tawag ni Mayor.
Pagka't natulala si Manuel.
"Manuel!" sigaw ni Sarge.
At siya'y natauhan.
"Manuel, handa kaming makipag-deal sa 'yo," sabi ng prosecutor. "Ibababa namin ang demanda, ang mga kasamahan mo ay hindi makakasuhan, kung..."
Saglit na nagkatinginan ang public prosecutor at si Mayor na tumango sa kanya, senyas na ituloy niyang sasabihin.
"Hindi makukulong ang mga kasamahan mo," patuloy ng prosecutor, "kung boluntaryo kang papasok sa isang mental hospital. "
Nagkatinginan sina Hepe at Sarge. Alisto sila sa isasagot ni Manuel.
"Lahat ng kasama ko ay palalayain?" tanong ni Manuel.
"Walang kaso. Walang demanda. Lalaya silang lahat," confirm ng prosecutor.
"Promise," ngiti ni Mayor.
Tumango si Manuel. Pero, may concern siya.
"Paano ang simbahan namin?"
"Wala na ang simbahan, Manuel," matigas na sabi ni Mayor habang sumandal sa kanyang swivel chair. "Babalik nang mga kasama mo sa dati nilang mga trabaho."
"At si Isko?" tanong ni Manuel.
"Hahanapin namin si Isko!" sabi I Hepe.
"At haharapin n'yang hiwalay na mga demanda," sabi ni Mayor.
Sa tono ng alkalde ay alam ni Manuel na hindi ito nagsasabi ng totoo. Hula nya'y sinadyang patakasin din ng mga pulis si Isko pagka't alam niyang sangkot si Mayor na alam din niyang kaibigan ni Rod Hernando. Ang tangi niyang nais ay mapawalang-sala sina Pitoy at ang iba pa. Hindi sila dapat makulong dahil sa kanya.
"So, ano say mo, Manuel?" tanong ni Mayor.
Hindi sumagot si Manuel, tulala siya at malayo ang tingin. Sa isip niya, na sana'y iba ang naging takbo ng mga bagay.
"Hindi ba kayo natatakot?" bigla niyang sabi sa kanila.
Nagtaka sina Mayor, Hepe, Sarge at Prosecutor. Hindi ito ang inaasahan nilang sagot. Nagulat sila nang magbago ang mukha ni Manuel at napalitan ng galit.
"Hindi n'yo ba narinig ang kapangyarihan ko? Kaya kong gawing alak ang tubig. Kaya kong pagalingin ang bulag. Kaya kong bumuhay ng patay," matigas na sabi ni Mauel.
Nagkatinginan ang mga tao sa kuwarto. Nakaramdam sila ng takot.
"Ang kapangyarihan ko ay galing sa kaitaas-taasan!" sigaw ni Manuel.
Biglang nakaramdam si Mayor ng paninikip ng dibdib. Kasunod ang public prosecutor, tapos sina Hepe at Sarge na kapuwa napaatras. Parang dinudurog ang kanilang mga puso. Inaatake sila. Hindi sila makahinga. Ang mga ugat nila sa leeg at ulo ay naglabasan. Tumirik ang kanilang mga mata.
"Ako ang Diyos at huling hukom!" tumayo si Manuel. Ang boses niya'y nag-echo.
Gustong sumigaw nina Mayor, prosecutor, Hepe at Sarge nguni't walang lumalabas sa kanilang mga bibig. Napako sa kinuupuan si Mayor, si public prosecutor ay natumba sa sahig, at ang dalawang pulis ay napaluhod. Biglang namula ang kanilang mga mata at lumabas doon ang dugo. Umagos din mula sa kanilang mga ilong, tenga at bibig. At sila'y nalunod sa sarili nilang mga dugo at nagsipagbagsakan at namatay.
Sa labas ng munisipyo ay naghihintay si Father See kasama ang mga dating followers ng Simbahan ng Ikalawang Pagbabalik ni Kristo. Nagpulong ang maraming tao, galit na masa na handa nang batuhin si Manuel ng putik, plastic, at bato. Nakahanda sila para isigaw ang kanilang galit sa huwad na panginoon.
Nguni't, paglabas ni Manuel ng gusali ay may kakaibang galit sa kanyang mga mata. Nang makita siya ng mga tao'y napaatras ang mga ito, nguni't hindi pa rin naantala si Father See na pangunahan ang rally.
"MANLOLOKO! HUWAD!" sigaw ng pari, at sinenyasan ang mga tao na batuhin si Manuel. Nguni't, nang bubuwelo na sila'y biglang nanigas ang kanilang mga kamay.
Hindi magalaw ng mga tao ang kanilang mga braso. Hawak sila ng kapangyarihan ni Manuel na nagkokontrol sa kanila.
"HUWAD?! ITO BA ANG HUWAD?!" sigaw ni Manuel.
At tulad nila Mayor, lumabas ang dugo sa mukha nina Father See at ng mga tao, at sila'y sabay-sabay na nalagutan ng hininga at namatay. Ang iba'y sumabog pa ang ulo na parang nilagyan ng dinamita sa loob. Nagkalat ang dugo sa simento, sa harapan ng munisipyo hanggang plasa. Nanlilisik ang mga mata ni Manuel, ang mukha niya'y nabalutan ng dugo ng kanyang mga biktima.
At bigla, narinig ang boses ni Mayor.
"So, ano say mo, Manuel?" tanong ng alkalde. "Manuel?"
Natauhan si Manuel mula sa kanyang imahinasyon, at nakitang sarili na nasa kuwartong muli ng Mayor. Inaantay ng prosecutor at nila Hepe at Sarge ang kasagutan niya.
"Anong say mo, Manuel? Payag ka ba?" muling tanong ng alkalde.
Hindi agad nakasagot si Manuel. Naisip niya, kung tutoo lang sana na may kapangyarihan siya'y ginawa na niya ang na-imagine. Pinaputok na sana niyang ulo ng mga ito, at ng mga taong nagpulong sa labas ng munisipyo.
Nguni't, wala siyang ganoong kapangyarihan.
At tumango na lamang.
"Kung ganon, tatawagan ko na ang mental institution para sunduin ka," sabi ng public prosecutor.
Nagngitian sa isa't-isa sina Mayor, Hepe at Sarge.
#
Nang bumalik ni Sarge sa police headquarters ay balisa ang mga disipulo.
"O, laya na kayo!" sabi ng pulis.
Nagtataka ang disipulo habang palabas ng kulungan.
"Si Manuel? Pa'no si Manuel?" tanong ni Pitoy.
"Inako niya lahat ng mga kasalanan nyo," sabi ni Sarge.
"Ano?" bulalas ni Ato.
"Sa mental ang punta niya," pamewang ni Sarge. "Pasalamat na lang kayo at 'di kayo damay."
#
Sa labas ng opisina ni Mayor, nakaupo si Manuel, nakaposas at bantay ng dalawang pulis. Maya-maya'y nagmamadaling dumating sina Openg at Sebyo.
"Manuel, anak! Anong nangyari?" lapit ni Openg.
Puno ng lungkot si Manuel. Halos hindi makatingin sa kanila.
"Hindi tutoong nakakapagmilagro ako, 'Nay. Gawa-gawa lang ang lahat. Pineke ang mga milagro," yuko ni Manuel.
"Ha?" hindi makapaniwala ang kanyang ina.
Pinaliwanag ni Manuel sa kanyang mga magulang ang mga akusa sa kanya na inihain ng publis prosecutor, at ang sinabi nilang deal.
"Kung hindi ko isusuko ang sarili ko sa mental hospital ay ikukulong nila kaming lahat," sabi ni anak.
"Isasakripisyo mong sarili mo?" pagtataka ni Sebyo.
"Ganon na nga, 'Tay."
"Pero, anak, bakit?" nag-uumpisa nang maluha si Openg. "Bakit ka dadalhin sa mental? Hindi ka naman nasisiraan ng ulo."
Tinignan ni Manuel nang masinsinan ang kanyang mga magulang, at sinabi:
"Nakasisiguro po ba kayo?"
Hindi nakasagot sina Openg at Sebyo at nagkatinginan. Kung may makakapagsabi ng tunay na kalagayan ng mentalidad ni Manuel, ay sila. Silang saksi sa pagbabago ng anak, mula nang maaksidente ito't ma-coma, hanggang sa kanyang pagaala-Kristo. Sa tanong ng mental state ni Manuel, ay oo, hindi nawala ang kanilang pagdududa, pero, anak nila si Manuel at mahal na mahal nila ito, at dahil sa pagmamahal na iyon, handa silang maniwala sa kung anuman. Pero, kargado din sila ng kunsyensya, pagka't hinayaan nilang mangyari ang lahat.
Dumating ang dalawang male nurses para sunduin si Manuel, at escortan palabas ng munisipyo sa naghihintay na ambulansya sa labas.
Hindi napigilan ni Openg at Sebyo na maiyak at kanilang niyakap nang mahigpit si Manuel hanggang sa sila'y paghiwalayin ng mga nurses at pulis.
"'Wag kayong mag-alala, 'Nay, 'Tay. Babalik din ako. Babalik ako," sabi ni Manuel.
Pagkatapos ay dinala na siya ng mga nurses at pulis palayo. Napaakap si Openg kay Sebyo, kapuwa sila lumuluha.
#
Nagaantay sa labas ng munisipyo ang van na magdadala kay Manuel sa mental hospital. Nagaantay na rin ang mga galit na sina Father See at ang mga tao na dating mga followers ng Church of the Second Coming. Hinaharangan sila nina Sarge at ng mga pulis para makalapit. Paglabas ni Manuel at ng mga escort niya ay agad siiyang pinagbabato ng kung ano-ano: putik, bato, plastic, basura, habang sila'y sumisigaw ng huwad!
"Nar'yan na ang huwad na diyos!" si Father See ang nangunguna sa pagsigaw.
"Manloloko!" sigaw ng mga tao
Naroon din ang dalawang ginang.
"Ibalik mong pera namin!" sigaw nila.
Patuloy ang sigawan at batuhan habang pasakay si Manuel sa van kasama ang escort na mga male nurses. Sa bintana, nagsipagtamaan ang mga bulok na prutas, putik at plastik. Hinahampas pa ng mga tao ang van at hinarangan pang makausad. Hirap ang mga pulis na sawayin sila.
"Huwad!" sigaw nila.
Sa pulutong ng mga tao, nakita ni Manuel si Layla. Malungkot itong kumaway sa kanya, sa mukha ng hostess, nakita niya na nakikiramay ito sa kalagayan niya. At sa puntong iyon ay tumibok ang puso niya, at siya'y nakaramdam ng matinding lungkot habang kumaway pabalik gamit ang mga nakaposas na mga kamay. Umandar ang van at hirap na makalampas sa nakaharang na mga tao, ang driver at mga nurses ay napikon na at pinagsigsigaw sila.
Lumingon si Manuel kay Layla, at sila'y naghabulan ng tingin hanggang sa putulin ito ng distansya.
Sa may plasa makalapas ng himpilan ng pulisya, nagmamadaling tumatakbo ang mga disipulo. Kita nila ang van na sakay si Manuel na umiikot sa kalsada.
"Manuel! MANUEL!" sigaw nila.
Dumaan ito sa tapat nila at kanilang hinabol.
"Manuel! MANUEL!
Nakita nila si Manuel na dumikit sa salamin at tumingin sa kanila. Sa mga mata ni Manuel ay ningning ng kasiyahan, at siya'y ngumiti sa kanila—isang pasasalamat sa lahat-lahat. Na sila'y itinuring siyang kaibigan, at sa maikling panahon, bilang kanilang Messiah, kanilang Kristo. Na naging mapalad siya na tawagin silang mga disipulo. Kung ano mang hinanakit ang naramdaman ng iba'y naglaho nang makita nila si Manuel na nakaposas at tila tinuring na kriminal o isang baliw.
Habol-habol pa ang mga disipulo, sina Pitoy, Berto, Dumas, Siso, Jimwell, Ato, Pilo, Jayme at Andoy, at kanilang hinahampas ang gilid ng van habang isinisigaw ang pangalan ng kanilang kaibigan.
Manuel! Manuel!
Bumilis ang takbo ng van hanggang sa hindi na nila nakayanang makasabay.
Humihingal na pinagmasdan na lang ng mga disipulo ang pag-alis ng van. At na-realize nila na ito na ang wakas. Sa mukha nila ang matinding kalungkutan. Para sa matalik nilang kaibigan. Para sa mga plano ng simbahan na hindi na matutuloy.
At ang huling imahen ni Manuel na kanilang nakita ay magkahalong lungkot at ligaya.
NEXT CHAPTER: "Wakas"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top