Chapter 2: Kantero
Mataas ang sikat ng araw sa lubak na lubak na kalyeng lupa. Sa paligid, puno ng niyog at halamanan. Naglalakad sina Manuel at Sebyo pababa ng kalye. Kapuwa naka polo-shirt na kupas, maong at pinaglumaang rubber shoes. Malayo na nalakad nila. Nagsisimula na silang pagpawisan.
Brakatakatak!
Pugak ng paparating na tricycle. Nabuhayan sina Manuel. Pero, nang makalapit ang tricycle ay puno na ito ng sakay. Hanggang bubong, may batang nakasabit. Hirap ang tricycle sa bigat ng dala. Pagkalampas ng motorsiklo, huminto si Sebyo at humawak sa kanyang mga binti.
"Bakit, 'Tay?"
"Nirarayuma ata ako," ungol ni Sebyo.
5 Minutes later.
Pasan-pasan ni Manuel si Sebyo sa kanyang likuran na parang batang naglalaro ng kabayo-kabayuhan. Hinihingal siya't pinagpapawisan.
"Kung buhay pa sana 'yung kalabaw natin..." ani ni Manuel.
"May kalabaw tayo?" tanong ni Sebyo.
"'Di ba't nalunod sa kumunoy nung isang taon!" paalala ni Manuel.
"Ah, oo nga," sabi ni Sebyo. "Sinamang-palad. Kaawa-awang kalabaw. Akala niyang sapa ay kumunoy pala."
Brrruuukkk.
Tunog ng padating na delivery truck. Huminto sila't inantay makarating ito. Nagminor ang truck sa tabi nila. Dumungaw ang pahinante na nagngangalang Pilo na kasama ang driver na si Jayme. Sila'y nasa edarang 30s.
"Manuel, Ka Sebyo, pasaan kayo?" tanong ni Pilo.
"Bayan," sagot ni Manuel.
"Sakay na kayo sa likod."
"Nakasakay na nga ako," sabi ni Sebyo.
"Sa likuran ng truck daw, 'Tay," sabi ni Manuel.
"Ahh."
Ang truck ay lumang modelo. Gawa sa kahoy ang compartment sa likod. Sumampa si Manuel at hinatak ang ama niya paakyat. Ito'y delivery truck na nagsu-supply sa mga sari-sari store sa lugar nila Manuel. Sa loob ay mga kahon, galon ng tubig at basyo ng softrdinks. Umandar uli ang truck. Ulap ng alikabok mula sa lupa at tambutso.
#
Kalahating oras nang dumating sila sa bayan proper ng Dinagatan. Dito, may wet and dry market, sari-sari stores, parlor, sanglaan, bilyaran at funeraria. Maraming tao sa oras na ito, abala sa mga gawain paroon at parito. Nakaparada ang delivery truck sa tapat ng palengke. Ang driver at pahinante ay nagbababa ng mga bagay mula sa truck at nilalapag sa bangketa. Sina Manuel at Sebyo nama'y nasa tabi.
Dala ni Sebyo ang kanyang bag, kupas na knapsack na kulay pink (wala naman siyang choice pagka't napulot lang niya iyon), "Mauna na ko sa 'yo, anak."
"'Tay, alam nyo ba kung saan ang sakayan?"
"Ano akala mo sa akin ulyanin?"
Naglakad paalis si Sebyo. Maya-maya'y bumalik at naglakad pakabila.
"Doon pala," ani niya.
Napakamot ng ulo si Manuel.
#
May malaking sign sa tapat, drawing ng perspective ng building. Nakasaad ang: Soon to Rise. Supermegamall. The Town's First Ever Commercial Complex. Tagline nito'y "Super na. Mega pa. Saan ka pa?"
Bagama't napaka-engrande ng pangalan, ang super na mega pa na mall na ito ay isa lamang 3-storey na building at siya na'ng pinakamataas at modernong gusali sa bayang ito. May basic framework na ang tinatayo: poste, trusses, beams. Sa paligid, busy ang mga construction workers. May mga naghahalo ng simento, may nakatuntong sa scaffoldings, etc.
Sa bare na ground floor, iniinspect ng foreman na nagngangalang Ato ang mga electrical wires at pinapagalitan ang electrician. 50-years old, siyang tiyuhin ni Manuel, kapatid ni Openg.
"Anak ng tupa! Dapat dito mo pinadaan yung mga kawad. Eh, dumoble tuloy 'yung haba. Ayusin mo 'yan!"
"Yes, boss," nagkakamot ulo na sabi ng electrician.
Sumilip si Manuel. Nakita siya ni Ato.
"O, Manuel, nandito ka na pala."
"Pinapunta ko ni Inay," nahihiyang lapit si Manuel.
"Oo, nangangailangan kasi kami ng mason," inform ni Ato.
Ngayon lang narinig ni Manuel ang salitang ito.
"Mason?"
"Kantero," kumpirma ni Ato.
Kinabahan si Manuel.
"Ano ho uli?" at nilapit niyang tenga niya.
"Tagatabas ng bato"
"Ahh."
"Marunong ka naman sigurong magpalitada, ano? Karpintero tatay mo eh," tanong ni Ato.
Ang katunayan ay paghalo lang ng simento ang alam niya. Sa pagkarpintero naman, naituro sa kanya si Sebyo ay basic na pagmamartilyo, pagkakatam at paglalagare. Pero, pilit siyang tumango.
"Ah, Oho, oho!"
Diskumpiyado si Ato sa sagot ni Manuel, pero, ipinasang-tabi na lang niya ito.
"'Di bale, malaki naman pangangatawan mo," sinusukat ni Ato ang kaha ni Manuel. "Maghalo ka na lang muna ng simento. Magsimula ka na sa Lunes."
"O-oho. Salamat ho, tiyo!"
Tumingin si Ato sa paligid at pasimpleng hinatak si Manuel tungo sa kanya.
"Psst, Manuel, 'wag mo kong tatawaging tiyo dito," bulong niya. "Baka sabihin pinapaboran kong mga kamag-anak ko."
Mabilis na tumango si Manuel at bumulong din.
"Oho, tiyo. Este, yes, sir."
Biglang nawala atensyon sa kanya ni Ato nang may makita sa malayo.
"Anak ng tupa!," sigaw niya. "Ayusin n'yo na yung mga tubo sa taas para sa Lunes makabitan na ng lababo!"
Nakatayo lang si Manuel, tila nagaantay ng cue.
"Ah, sir, alis na ho ako."
Bumalik sa mabait na asal ang tiyuhin.
"Okay, okay, alas-Sais ng Lunes nandito ka na ha."
Magalang na tumango si Manuel, "Oho."
Habang paalis si Manuel ay nadinig pa rin niya si Ato na may sinigawan na namang trabahador.
"O, ayusin mong asinta mo. Anak ng tupa, baka sablay ka na naman!"
#
Ang bakuran ng kubo nila Manuel ay napupuno ng mga halaman at bulaklak na nakatanim sa paso at mga lata. Malawak ang tanawin dito ng mga puno ng niyog at sa hindi kalayuan, ang dagat. Sa dalawang puno ng niyog sa bakuran, nakatali ang duyan.
Nagwawalis ng bakuran si Openg habang pinapakain ng bigas ang pamilya ng manok—isang tandang, inahen, at walong mga sisiw.
"Kain na kayo. Paglaki n'yo, bibigyan nyo kami ng masasarap na itlog ha," mabait na sabi ni Openg sa mga alaga. "Kung hindi, ititinola ko kayo."
Lumapit ang aso nilang si Putol. Ito'y sa dahilang putol ang kanyang buntot. Matanda na ang aso, 12 years old. Hindi na makakitang mabuti kaya't akala'y kasama siya sa pinapakain.
"Putol! Lintik na aso ka! Hindi sa yo 'yan!" sigaw ni Openg.
Hinabol niya si Putol ng walis-tingting. Kumaripas ng takbo ang aso nang maramdaman ang walis sa kanyang balakang.
Maya-maya'y dumating si Manuel. Pagod. Nanlalambot sa haba ng nilakad. Pasado katanghalian na.
"Ano nangyari sayo't parang talo mo pa ang nagpenitensya sa Mahal na Araw?" tanong ng kanyang ina.
"Wala po kasing masakyan, kaya nilakad ko mula sa labasan."
"Malayo ba 'yon?" tanong ni Openg.
"Mga sampung kilometro lang naman."
Nagpamewang si Openg.
"Ano nangyari sa lakad mo? Nakausap mo ba Tito Ato mo?"
"Opo, sa lunes ako magsisimula."
Ngumiti si Openg. Tagumpay.
"E 'di mabuti!" sabi niya at itinuro si Putol. "Pakainin mo na si Putol at ginugulo na ang mga manok."
"'Nay naman, ako nga 'di pa kumakain eh."
"Ganun ba? O e 'di kumain ka muna sa loob."
Kinaladkad ni Manuel ang kanyang mga paa paakyat ng bahay habang pinagpatuloy ni Openg ang pagwawalis ng bakuran.
Sa kusina, ang ulam ay tira pa ng kinagabihan. Pero, walang pakialam si Manuel dahil sa matinding pagod at init ng nilakad, kahit ano kakainin niya.
Nang matatapos sa pananghalian, tumayo siya at naghugas ng kinainan. Kinayod niya ang tutong na kanin sa kawali at binuhos ang natirang sabaw. Hinalo niya ang tirang ulo ng isda at buntot. Pagkatapos ay lumakad siya tungo sa likod pintuan.
Maliban sa poso, sa likod bakuran ang sampayan. Maraming puno ng niyog dito at medyo malayo ang agwat ng ibang kapitbahay. Humakbang sa pababang hagdan si Manuel tangan ang kawali habang tinatawag ang aso.
"Putol! Putoool!" sigaw niya.
Dumating si Putol. Binuhos ni Manuel ang laman ng kawali sa planganang kainan ng aso.
Naupo siya sa hagdan at pinanood kumain si Putol. Matagal na niyang aso ito, siyang nagalaga dito mula nung tuta pa. Madami silang pinagsamahan. Masasayang mga araw. Naalala pa niya.
Na-imagine ni Manuel na inaaruga si Putol noong maliit pa ito na para bang baby. Pinapakain ng isda. Pinapaliguan sa poso. Pinapatulog sa duyan. Pinaiinom ng gatas mula sa tsupon. At sila'y naglalaro. Iniikot ang aso na parang chubibo. Hinahagis sa ere. Nagpapaikot-ikot sa buhangin.
From out of nowhere, narinig ang boses ni Openg.
"Manuel! Manuel!"
Nag-snap out si Manuel mula sa pag-d-day dream. Naalimpungatan sa malakas na boses ng ina na sumulpot mula sa likuran niya. Samantala, si Putol ay tapos nang kumain at dumudumi na sa lupa.
"Nas'an ka ba? Kanina pa kita hinahanap!" sabi ni Openg.
"Bakit po?"
"May bisita tayo. Si Barda."
"Si Barda?"
Parang nakarinig ng alarma ng bumbero si Manuel sa pagbanggit ng pangalan na ito. Instinct niya'y kumaripas ng takbo.
"Si Barda! Yung kababata mo! Ikakasal na sila ng nobyo niya."
Allergic si Manuel sa mga salitang "nobyo," at lalo na sa salitang "kasal."
"Kasal? Eww."
"Halika't narito sila," sabi ni Openg at lumakad ito paloob.
Pagod pa si Manuel sa pagpunta sa bayan at gusto na lang sana niya'y magpahinga at pababain ang kabusugan bago lumusong sa dagat. Ngayon, may mga bisitang hindi naman niya nais makita ay kailangang bigyang atensyon. Hindi siya masaya sa tinakbo ng araw na ito, nagmamaktol siyang tumayo para sundan ang ina.
NEXT CHAPTER: "Ang Kababata't Ang Matalik Na Kaibigan"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top