Chapter 17: Isang Tsunami ng Pagkabahala
Maaliwalas ang umaga sa kubo nila Manuel. Nakaupo sa hagdan si Sebyo at pinauusukan ang alagang manok, samantalang si Openg ay handa din namang pausukan ang inipong tuyong mga dahon sa harap bakuran. Sa paligid, hinahabol naman ng asong si Putol ang pamilya ng manok, na nagsipagtakbuhan sa lilim.
"Putol! Lintik kang aso ka! Lubayan mong mga manok!" sigaw ni Openg at akma na niyang ihahagis ang hawak na walis tingting.
Umiling si Openg at sinumpa ang asong hindi niya kailanman masaway, bago lumingon sa asawa.
"Bumangon na ba si Manuel?"
"Nakita ko na kanina. Nasa aplaya ata," sagot ni Sebyo na abala pa din sa pagbuga sa tanang na tandang.
Kinaskas ni Openg ang posporo at sinindihan ang tuyong basura. Hinipan niya ito para mabilis na kumalat ang apoy. Muntikan siyang matumba sa apoy nang magulat at magtakbuhan ang mga manok sa kanyang likuran habol-habol ni Putol.
"Putol! Lintik ka talaga! May araw ka din!" sigaw ni Openg.
#
Sa aplaya, nakatayo si Manuel at pinagmamasdan ang kapaligiran. Masaya, gawa ng mga nangyari ng nagdaang mga araw. Ang simbahang itinayo nila. Ang pagtuturo niya. Dumapo ang ngiti sa kanyang mukha habang hinahangaan ang magandang tanawin. Malawak na karagatan at kalangitan. Ang mga puno ng niyog na dumuduyan sa hangin. May tingin siya sa kanyang mga mata na nagsasabing tuluyan nang nagbago ang kanyang pagkatao. Na siya at si Hesus ay iisa.
Nguni't, ang kagandahan ng panahon ay maiistorbo. Mula sa malayong karagatan siya'y may matatanaw. May paparating at ang senyales nito'y isang malakas na ihip ng hangin na nagpapungay sa kanyang mga mata at tinulak ang kanyang mahabang buhok pabalik. At naramdaman niyang gumapang ang dagat sa kanyang mga paa.
Tumingin siya sa langit at nakitang nagdidilim ito. Naglitawan ang makakapal na mga ulap na may kasamang kulog at kidlat. At nang ibalik niyang tingin sa karagatan ay nakitang umaangat ito. Isang malaking tsunami na higit pa ang taas sa puno ng niyog ang paparating.
Nguni't, hindi siya natakot.
Itinaas niyang dalawang mga kamay at iniharang sa paparating na tsunami, sa akmang patulak. At naramdaman niya na may kapangyarihang dumaloy sa kanyang katawan. Kapangyarihan na galing walang iba kundi sa Diyos.
At ang higanteng tsunami ay unti-unting lumiit hanggang sa tuluyang naglaho. Ang galit na panahon ay kumalma at nagbalik ang liwanag.
At si Manuel ay nagising.
Nakita niyang sarili na nakahiga sa buhangin. Saglit siyang nanatili na nag-iisip. Dama pa niya ang panaginip. Parang napakatutoo nito. At naisip niya kung iyon ba'y mangyayari pa lamang o isang simbolo lamang. May paparating ba na tsunami, kung gayon, may ibig sabihin ba ito?
Ang isa pa'y hindi naman siya pala-panaginip. Ang ama niyang si Sebyo ang madalas na managinip, hindi siya. Tumayo siya't nagtaktak ng buhangin sa katawan, pagkatapos ay naglakad pabalik ng kubo.
Nang makarating siya sa kubo'y naroon pa rin ang kanyang ama't ina sa kanilang kaninang ginagawa. Mataas na ang apoy ng sinigahang basura ni Openg at ang tandang ay hilo na sa usok na buga ni Sebyo. Si Putol ay nakatali na sa puno at panay ang tahol pagka't hindi niya maabot ang inahen at mga sisiw na malayang nagpapaikot-ikot sa kanya.
"Oh, heto na pala si Manuel eh," turo ni Sebyo.
"Anak, san ka ba galing?" sita ni Openg. "Ke aga-aga'y nasa aplaya ka. Kumain ka na ba?"
"Hindi pa po, Nay."
Binitawan ni Openg ang hawak na walis at inaya ang dalawa.
"Halikayo, magalmusal muna tayo."
"Nagkape na ko," sabi ni Sebyo sabay buga pa ng usok sigarilyo sa high na na tandang.
"Kape lang?" taas ng kilay ni Openg habang tinabig ang asawa para makadaan sa hagdan. "May niluto akong masarap na almusal."
"Hindi ko nakita 'yun a!" angal ni Sebyo.
#
Kung malaki ang ipinagbago ni Manuel ay ganoon din ang kanilang almusal. Kung dati rati'y espesyal na ang isdang sinaing at itlog maalat, ngayo'y etsapwera na'ng mga ito. Mula nang magpunyagi ang simbahan, ay nakaranas na ng masarap na hain sa bahay nina Manuel. Ngayong umaga, ang menu ng almusal ay fried rice, sunny side ups, longganisa, tocino, SPAM, at macaroni soup. Ang kapeng nabanggit ni Sebyo? Taster's Choice. Na kapag binuksan mo ang kabinet sa kusina'y halos umapaw ito sa mga de lata.
"Paabot nga ng Taster's Choice," sabi ni Sebyo, nagtitimpla ng pangatlo niyang kape.
Inabot ni Manuel ang garapon ng kape.
"At 'yung Coffe Mate."
Tuwing iaabot sa kanya ang hiniling ay nagpa-pause pa si Sebyo na parang may imbisibol na camera.
"Tigilan mo nga 'yan!" inis na sabi ni Openg.
"Ginagaya ko lang naman 'yung mga artista sa TV," balik ni Sebyo.
Nasa may hapag-kainan sila't sabay na nagaalmusal. And speaking of TV, hayan at may bago silang 40" flat screen na ngayon ay naka-on na't naka-tune in sa morning show. Hindi naman ito iyong mamahaling brand, malayo pa sila sa ganoon, kundi'y tatak na sounds like. Bukod sa TV, may bagong kalan sa kusina at sa kuwarto, brand new na mga kutson.
Masarap ang kain ng mag-asawa, ang subo'y apat kada minuto. Kapansin-pansin na tila walang ganang kumain si Manuel. Tila malalim ang iniisip nito.
"O, anak, hindi mo ba gusto ang niluto ko?" concerned na sabi ng kanyang ina.
Natauhan si Manuel.
"Ha, ah eh, hindi naman po, 'Nay," sabi ni Manuel sabay higop ng kape at mababasa ang kanyang makapal na balbas.
"Mukhang malalim ang iniisip mo," sabi ni Openg.
"'Yan ang kailangan natin!" biglang singit ni Sebyo.
Tinuturo niya ang TV kung saan may commercial ng aircondition.
"Ang sarap ng tulog natin kung may ganyan tayo," patuloy niya, "Parang noong nasa ospital tayo, hindi ba, Openg? Masarap magakapan!"
Tinignan siya ng masama ng asawa.
"Ano ba't sarap ng tulog ang pinagsasabi mo ha," inis na usal ni Openg. "Heto't may dinaramdam ang anak mo kung anu-anong pinagsasabi mo!"
Napahiya, bumaling si Sebyo sa anak.
"May problema ka, anak?" hawak pa niya sa balikat ni Manuel.
"Wala naman po, 'Tay."
"Ano bang dinaramdam mo, anak," malumanay na sabi ni Sebyo. "Heto't matagumpay naman ang itinayo mong simbahan."
Tutoo. Walang dapat ikalungkot si Manuel. Ang lahat ng nais niya'y nangyayari na. Ang pagiging Kristo niya'y tanggap na ng lahat. Sa mga nagdaang linggo walang hupa ang pagdagsa ng mga tao sa simbahan. Ilang session na ang kanyang pagtuturo at lahat ng mga nagpunta ay umuwi na may bagong pananalig sa Diyos, bagong pag-asa sa buhay. Lalo na ang kanyang mga napagaling. Mga may kapansanan. Ang taong naka-wheelchair nang dumating ay sumasayaw na nang umuwi.
Kung bakit may bumabagabag pa rin sa kanyang isipan.
Hindi niya mawari.
Pagka't lingid sa kanyang kaalaman at ng ibang disipulo na tuwing matatapos ang session ang kanyang umano'y napagaling ay binabayaran ni Isko ng patago sa may likuran. Hindi din nila alam ang pagtanggap ng pera ni Isko sa mga matatanda kapalit ng puwesto sa langit. At lalo nang lingid sa kanilang kaalaman ang paghahati ng pera nina Isko at Rod Hernando. Limpak-limpak na salapi. Ang tanging perang nakikita nila ay mga abuloy sa money box na pinapaikot ng mga disipulo.
"Okay lang ako, 'Tay, 'Nay," sabi ni Manuel.
"Baka pagod ka lang," ani ni Sebyo.
"Baka nga."
Tumango si Openg. Hindi tulad ni Sebyo, may ideya siya sa tunay na dinaramdam ng anak. Alam niyang may kinalaman ito sa pagiging Hesukristo niya. Alam niya bilang ina.
Narinig nila ang tunog ng busina mula sa labas. Dumating na ang delivery truck nina Pilo at Jayme para sunduin si Manuel.
"Alis na po ako, 'Nay, 'Tay," pagtayo ni Manuel.
Humalik siya sa mga magulang at lumabas ng bahay. Palabas, saglit na nagkatinginan sina Manuel at Openg at nagpalitan ng mga ngiti. Si Sebyo ay abala sa paglipat ng channel sa TV.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top