Chapter 10: Ako si Hesus!
One Week Later.
Ang buhok niya'y mahaba na at natatakpan ang kanyang tenga. Mahaba nang bangs niya at abot na sa kanyang baba. At ang bigote't balbas ay kumakapal na din na halos takpan na ang kalahati ng kanyang mukha.
Pinagmamasdan ni Manuel ang ang kanyang hitsura sa maliit na salamin na naka-hang sa kanyang kuwarto at hindi siya mapalagay—nguni't sa dahilan na ikinasasaya pa niya. Tila may gusto siyang matanto sa sarili na isang linggo na niyang unti-unting napapatunayan.
Saglit niyang iniwan ang salaminan at lumabas ng kuwarto. Maya-maya'y bumalik siya at hawak na ang maliit na novena na mga 2x3 inches ang laki at sa harap ay may larawan ni Hesus. At habang tinignan niya ang mukha sa salamin, ay itinabi niya ang pictyur ni Hesus at inihambing ang sarili. Napakunot-noo siya. May hindi tama, aniya sa sarili. Pagkatapos ay hinati niya ang kanyang buhok sa gitna at hinila ang dulo nito para pilit na maabot ang kanyang balikat. Si Manuel ay napangiti at muling itinaas ang litrato ni Hesus sa kanyang mukha at namalas sa sarili na, oo, may pagkakahawig kami.
Sa labas, nagdidilig ng mga halaman si Openg habang si Sebyo ay nagsusunog ng mga tuyong dahon nang dumating si Pitoy na may dalang mga isda.
"O, Pitoy, ikaw pala," bati ni Openg.
"Magandang hapon, Ka Openg. Sadya ko ho si Manuel," sabi ni Pitoy.
"Halika, pasok, nasa likuran siya," mabilis na sabi ni Openg dahil na rin nakita niya ang dalang isda ng bisita, at: "Para sa amin ba 'yan?"
"Oho."
Walang atubiling kinuha ni Openg ang isda.
"Naku, maraming salamat! Napakabait mo talaga!"
"Kumusta na pala si Manuel?"
May concern sa mukha ni Openg.
"Naku, Pitoy, hindi ko alam kung matutuwa ba kami o hindi! Tumino siya makaraan ang aksidente. Bumait na para bang semenarista!"
"Ganoon ho ba?"
Kumapit sa braso ni Pitoy si Openg at sinabi nang pabulong, "Pero, hindi na siya ang Manuel na alam ko. Hindi na siya bugoy!"
"Hindi ba maganda 'yun?" pagtataka ni Pitoy.
"Nakakanibago kasi."
"Puntahan ko na, ho," paalam ni Pitoy at naglakad tungo sa likod-bakuran.
"O siya, sige," sabi ni Openg at bumaling sa asawa. "Huy! Sebyo! Tama na 'yan! Halika at kunin mo itong isda!"
Iniwan ni Sebyo ang sinisiga at lumapit sa asawa.
Pagdating ni Sebyo sa likuran ay inabutan niya si Manuel na nakaupo sa hagdan at may binabasa habang hinihimas sa ulo si Putol.
"Manuel!" tawag niya.
"Uy, Pitoy!" masayang sabi ni Manuel.
"Ano 'yang binabasa mo?" paglapit ng kaibigan.
Ipinakita ni Manuel ang maliit na bibliya na King James Version ng Bagong Tipan—'yung kadalasan ay ipinamimigay ng libre.
Nagtaka si Pitoy.
"'Di ka naman nagbabasa n'yan dati ah."
Hindi na nag-react si Manuel dito, kundi'y:
"Alam mo ba, Pitoy, na sinabi mismo ni Hesus na tatlong araw at gabi siyang mamamatay bago siya mabubuhay muli? At 'yon nga ang nangyari!"
"Ganun ba?" pagkamot ng ulo ni Pitoy.
"Oo! Ako, tatlong araw din bago ako nagising. 'Di ba't nakapagtataka 'yun? Pareho kami ni Hesus?"
Napaatras ng ulo si Pitoy at napangiwi.
"Kaya ka ba nagpapahaba ng buhok at balbas? Iniidolo mo na ngayon si Hesus?"
Tumingin sa malayo si Manuel, may ngiti at ningning sa mukha. Animo'y may matinding rebelasyon siyang nakita mula sa langit.
"Hindi lang 'yon, Pitoy," umpisa ni Manuel.
Tila ba may maririnig na heavenly background music na galing sa himpapawid, bago sinabi ni Manuel:
"Ako at si Hesus...ay iisa."
At ang heavenly music ay biglang natigil na parang radyong nawalan ng baterya.
At ang reaksyon ni Pitoy? Napatakip siya ng mukha, at si Putol ay tumalon at nagtago sa silong.
"Patay kang bata ka," sabi ni Pitoy.
#
Hapunan. Nakaupo na sina Manuel at Sebyo habang ipinatong ni Openg ang ulam sa mesa at naupo din. Uumpisahan na sana ni Openg ang dasal, pero, inunahan siya ni Manuel.
"Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo," pag-kurus ni Manuel, at, "Amen."
Nagtatakang nagkurus sina Openg at Sebyo, habang pumikit ang kanilang anak at nagdasal.
"Ama, salamat sa biyayang handa namin ngayon. Ikaw ang nag-iisang Diyos na taga-aruga sa sangkatauhan. Basbasan mo ang pagkaing aming kakanin sa araw-araw..."
At kumanta pa ito to the tune of "Ama Namin."
"...At patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin..."
Nagkatinginan sina Openg at Sebyo. Para silang tinusok ng kung ano sa puwitan.
"At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso at iadya mo kami sa lahat ng masama," pagtapos ni Manuel sa awiting-dasal, at: "Amen."
"Amen," magkasalungat na sagot ng mag-asawa.
Dumilat si Manuel sabay ngumiti, at nagsimula silang kumain. Sa pangatlong subo ay hindi na mapigilan ni Openg ang kanyang pangamba tungo sa anak.
"Anak, nag-aalala na kami ng tatay mo sa 'yo."
"Bakit naman, 'Nay?" pagtataka ni Manuel habang maganang lumalapa.
"Okay na sana 'yung parang nag-born again ka, pero, para atang sumobra," sabi ng ina. "Daig mo pa ata ang mga saksi ni Jehovah."
"'Di kaya sinasaniban ka?" singit ni Sebyo.
"'Tay, 'Nay, ang tanging sumanib sa akin ay ang Espiritu Santo na nagbukas sa isipan ko," sabi ni Manuel.
"'Yung sinasabi mong ikaw at si Hesus ay iisa, 'di kaya naapektuhan ang utak mo sa aksidente?" dagdag ni Openg.
"Tignan mo, 'Nay. Hindi ba nakapagtataka na pareho kami ng birthday ni Hesus? Disyember biente-singko?"
Hinawakan ni Openg si Manuel sa braso.
"Anak, nagkataon lang naman 'yun," mahinahon niyang sabi. "May mga kilala nga kami na pinanganak din ng Disyembre biente-singko. Ayun nasa kulungan. Nakapatay!"
"Mantakin mo 'yun!" bulalas ni Sebyo.
Pero, hindi papapigil si Manuel.
"Hindi ba kataka-taka na nag-iisa n'yo akong anak? At pinanganak ako sa kamalig?"
"Dun kasi ang bahay ng manghihilot," paliwanag ni Openg.
"At anong tunay mong pangalan, 'nay?"
"Ophelia."
"'Yung buo."
"Maria Ophelia."
Hinampas ni Manuel ang palad niya sa mesa at muntik matapon ang baso ng tubig.
"O, tignan n'yo na! Kayo si Maria!"
"Anak, may limang pinsan akong may Maria rin sa pangalan nila," mabilis na balik ng ina. "At ang lola Hule mo ay isa ding Maria"
At masayang sumingit si Sebyo. Tila ba naaliw sa usapan.
"E ako, anak?" magiliw niyang sabi. "Ako Eusebio! Euseb parang Hosef!"
Nagliwanag mukha ni Manuel.
"O, 'di ba, 'Tay!"
Pinalo ni Openg si Sebyo ng kanyang kutsara.
"At kinukunsinti mo pa!"
Napasimangot ang matandang lalaki.
"Anak, baka gusto mong magpatingin sa duktor," balik ni Openg kay Manuel. "Baka lumala ka. Baka sa susunod eh maghanap ka na ng labing-dalawang disipulo."
At muling nagliwanag ang mukha ni Manuel at siya'y napatayo.
"Tama kayo, Inay!" bulalas niya. "'Yun ang susunod kong dapat gawin!"
Parang hihimatayin si Openg.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top