Ang Obra Maestra: Dugo't Pintura

"Ang pagpipinta ang aking napili upang ibahagi ang aking katauhan, damdamin, at mga ideolohiya. Dahil ang mensahe ng isang obra ay hindi limitado sa mga sulok at dulo ng kuwadro. Kaya nitong abutin ang bawat tao, kahit saan man sa mundo, basta ang mga ito ay mayroong puso't isip na handang umunawa." Ngumiti ako at nilingon siya sandali bago binalik sa pinipinta ang mga mata.

Kaya pakiramdam ko'y malaya ako sa pagpipinta, malaya akong ipahahayag kung sino ako, ang paniniwala ko, at ang mga pinaglalaban ko. Kaya salamat sa mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay. Dahil ngayon ay may kalayaan na ang mga alagad ng sining...o mayroon pa nga ba?

"Pero sa panahon namin ngayon, kung saan mas kailangan naming pahalagahan ang damdamin ng mga namumuno, wala ng puwang ang kalayaan. Ang pagrereklamo at kritisismo ay kapareho na ng rebelyon at terorismo. Ang mamamayan ay ninanakawan, batas ay may kinikilingan, ang mga dalubhasa ay ipinagsasawalang bahala at niyuyurakan, at ang kasaysayan ay pinapalitan.

"Oo, ito ang tinatawag nilang bagong mukha ng Pilipinas. Ngunit bakit tila nagbalik lamang kami sa panahon niyo? Bakit kinuha muli sa amin ang kalayaang ilang beses niyo nang pinaglaban? At ang masakit, ang gumagawa nito ngayon ay hindi mga mananakop, kundi mga kapwa Pilipinong sakim, ignorante, at panatiko."

Napabuntong hininga na lang ako at tinignan ang obrang aking ipinipinta. Madilim. Magulo. Masalimuot. At madugo. Ito ang masakit na katotohanang pinagdadaanan namin, mula noon hanggang ngayon.

Binitawan ko ang aking brotsa sa lamesang puno ng pintura at lumayo sa pinipinta. Dinampot ko ang aking kape at tinignan ang kabuuan ng obra. At kahit pa lagpas pitong buwan ko na itong tinatrabaho at ilang ulit nang ni-rebisa, hindi pa rin ako kontento.

Hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong gawin at pagod na rin ako kaya tama na muna para sa araw na ito. Inubos ko na ang malamig na kape at tsaka nagsimulang linisin ang mga kagamitan ko. Habang nang nililigpit ko ang mga pintura, napatigil ako nang nakita siyang may hawak na libro. Binitawan ko ang mga bitbit na lata at nilapitan siya, parang bang napasailalim ako sa hipnotismo at may pwersang humila sa akin.

"Isa ito sa mga koleksiyon ko patungkol sa pagpipinta, partikular sa mga kilalang Pilipinong pintor kagaya mo." Kinuha ko 'yon sa kamay niya. Pagbukas ko ng unang pahina, ang obrang nagsilbing inspirasyon ko para tahakin ang landas na ito ang unang nakita ko.

Tila nagbalik ang alaala nung ako ay siyam na taong gulang pa lamang. Dinala ako ng aking ina sa Pambansang Museo ng Pilipinas, kung saan nakita ko ang isang  napakalaking obra. Hindi ko napigilang mamangha, at kahit sa musmos na kaisipan ay naging interesado ako sa obra na iyon.

Noong una, ang tumatak lamang sa aking isipan ay ang ganda, kulay, at detalye ng larawan. Pero habang tumatanda, unti-unti kong naintindihan ang mensahe sa likod nito. At habang nagkakaedad ako, nakikita ko ang repleksiyon nito sa ating kasaysayan at kasalukuyan. Tila ba isa akong sanggol na namulat, hindi na pipiliing pumikit pa muli.

Dahil nakita ang mga mandirigma ng bagong henerasyon, mga modernong miyembro ng Katipunan na walang sawang ipinaglalaban ang hustisya, kapayapaan, at kalayaang pamamahayag ng saloobin. Pero kagaya ng mga gladyador, kasawian ang kanilang inabot at hinila sila sa kanilang huling hantungan.

Nang inikot ko ang aking paningin, nakita ko ang mga tumatangis sa sinapit ng kanilang kapwa at ng bansa. Ang mga walang magawa. Ang mga nawalan ng ama, ina, anak, kapatid, at kaibigan. Ang mga dumaan sa kapighatian dahil lamang sa pagpanig sa kabutihan at katotohanan.

At sa kabilang banda, ay ang mga nagbubulag-bulagan at kampon ng kadiliman. Pinupuri ang nagtatapang-tapangang tigre habang tinitingala ang agilang may mataas na lipad. Mga Pilipinong nauto ng mga kasinungalingan at nasilaw sa gintong kathang-isip lamang. Mga nagkakalat ng mga maling impormasyon at pumapatay sa katotohanan at kasaysayan.

Nakakalungkot at nakakabahala, pero walang ibang paraan kung hindi ang lumaban. Kaya kinuha ko ang panyal at ginilitan ko ang aking palad, hinayaan ko itong dumanak at umagos sa paleta. Dinampot ko muli ang brotsa at tinuloy ang pagpinta gamit ang sariling dugo. At nang natapos ko na ang obra, pinirmahan ko ito.

"JUAN, iyan ang aking pangalan. Hindi man Luna ang aking apelyido, ngunit isa rin akong pintor na naghahangad na lumaya at maging edukado ang mga Pilipino. Magpapaalala na ang mga kritiko at aktibista ay hindi mga kalaban, dahil hindi sila ang bumabali ng katotohanan. Ito ang mensahe na nais kong iparating sa pamamagitan ng aking obra maestra na ang tanging puhunan ay puso, dedikasyon, at dugo. At sa pamamagitan nito, ako'y naglalayong maging bayani kagaya mo."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top