• AMA •

SONYA ARROVO

DISYEMBRE DALAWAMPU'T LIMA, DIES 'Y NUWEBE 'Y NOBENTA 'Y TRES---nagsipag-uwian ang lahat sa probinsiya para sa noche buena.

Dumating ang mga kapatid ko na isang abogado, isang doktor, isang inhinyero, isang manager ng shoe store, isang sekretarya, at isang kolehiyala pa lamang. Kasama nila ang kani-kanilang mga mahal sa buhay at pamilya, maliit man o malaki. Ang abogado lang ang single at ang kolehiyala naman ay magsasama raw ng isa sa kaniyang mga manliligaw.

Mabuti na lang at hindi sila sabay-sabay na dumating. Kung hindi ay bugsuan sila at mahirap nang asikasuhin. Ang hilig pa naman nilang mag-utos, ang magpabili ng kung ano-ano sa tindahan na kung minsan, e, pagkalalayo mula rito sa malaking lupain ng nanay namin.

Ako ang naiwan dito sa bahay na taga-alaga ni nanay. Ako ang caretaker na rin nitong bahay at ng lupain na kinatitirikan nito. Kaya hilong-talilong na ako tuwing sasapit ang Pasko dahil muli kong isasabay sa aasikasuhin ang mga kapatid ko at ang kanilang mga mahal sa buhay.

Mag-isa kong nilinis ang bahay kaninang umaga. Mag-isa kong inihanda ang mga sangkap para sa lulutuin na noche buena.

Tunay na nakapapagod talaga . . .

***

DUMATING si Dok Felix. Ang sumunod sa akin na panganay sa kapanganakan. Kasama niya ang asawa't anim na anak.

Hindi ba't doktor siya? Hindi ba niya alam na delikado sa babae ang mag-anak ng pagkadami-dami at halos isa hanggang dalawang taon lang ang agwat?

Paghinto ng kotse ni Felix sa bakuran ay inabangan ko sila sa pinto, sa itaas ng hagdan. Naunang umakyat sa hagdan si Felix na buhat ang bunso niyang anak na lalaki.

"Kumusta ang biyahe, Felix?" tanong ko.

"Maayos naman," sagot niya pero tila wala sa presensiya ko ang kaniyang isip. "Ang nanay?"

"Nasa kusina."

Mabilis akong nilagpasan si Felix. Marahil ay patungo na siya sa kusina. Hindi ko malaman kung susundan siya o tutulungan ang asawa niyang naiwan sa tabi ng kotse. Hindi magkandaugaga ang babae sa kasasaway at kahahabol sa limang anak na naiwan sa pangangalaga nito.

Naalala ko bigla ang niluluto ko kaya sumunod na lang ako kay Felix sa kusina.

***

SUNOD na dumating ang kapatid kong sekretarya. Humahangos akong lumabas mula sa kusina nang marinig ang pagdating ng kaniyang sasakyan.

Tumayo ako sa may pintuan at tinanaw si Samantha, pang-apat sa aming magkakapatid. Pinagbuksan siya ng pinto ng kaniyang galanteng asawa na boss din niya sa opisina't may katandaan na. Araw ng Pasko ngunit naka-corporate attire pa rin ang dalawa.

Buhat ni Samantha ang apat na buwan na sanggol. Kaawa-awang bata dahil tuwing nasa trabaho ang mga magulang ay inaalagaan ng hindi nito kaano-ano. Kung bakit ba naman kasi hindi na lang ako kinuha ni Sameng na taga-alaga ng anak niya, e. Kung nakaka-hire naman kasi siya ng mag-aalaga sa anak niya, sana ay mag-hire na lang din siya ng nurse para kay Nanay. Mas madali kasi sa hindi nurse na katulad ko ang mag-alaga ng sanggol kaysa kay Nanay na namamalo ng baston!

Napatingin ako saglit sa lumang bestida na suot ko, pagkatapos ay sa fitting na pencil skirt ni Samantha. Napahaplos ako sa aking pisngi habang hinahangaan ang magandang pagkakalapat ng makeup sa mukha ni Sameng.

"Merry Christmas, Sameng!" bati ko nang makaakyat sila ng hagdan.

Mayuming ngumiti ang maganda kong kapatid. "Ang nanay?"

"Nasa kusina," sagot ko. "Hello, baby!"

Takot na yumakap lang ang sanggol sa nanay nito.

Inilipat ko ang tingin sa asawa ni Samantha. "Merry Christmas, Sir Jorge."

Walang-imik at walang-reaksiyon na tumango lang ito. Pagkatapos ay nilingon nito si Samantha. "Inalalayan ko lang kayo paakyat ng hagdan. Babalik muna ako saglit sa kotse para kunin ang mga regalo."

Ngumiti si Samantha sa asawa. "Sige."

Sinamahan ko sina Samantha sa kusina at nagmamadaling lumabas ng bahay para tulungan si Jorge sa pagbitbit sa mga regalo.

***

SA WAKAS, dumating na rin ang paborito ng lahat, ang ikatlo sa aming magkakapatid, ang abogadong si Luisito.

Hindi nakapagtataka na paborito siya nina Nanay. Napakapulido manamit at suwabe kung kumilos. Nakakawit ang magkabila niyang braso sa baywang ng dalawang kaibigan na kasama niya sa okasyong ito--isang seksing babae at isang lalaking malambot kumilos. Napakapalakaibigan talaga ni Luisito.

Binati ko sila sa pinto at hindi katulad ng iba kong kapatid, ang unang tinanong ni Luisito ay . . .

"Nalinis mo ba ang kuwarto ko?"

"A, oo, Luisito!"

Nagsalubong ang mga kilay niya. "Hingal na hingal ka yata?"

Tumango ako. "Maraming trabaho sa kusina, e."

Luminga-linga si Luisito sa paligid. Nagtatakang bumalik ang tingin niya sa akin. "Ang iba, nasaan?"

Abogado na nga talaga ang paborito naming si Luisito. Ang daming tanong!

"Nasa kusina."

Walang-imik na nilagpasan ako nina Luisito.

"Doon muna kayo sa kuwarto ko. Pupuntahan ko lang si Nanay saglit," naulinigan kong bulong niya sa dalawang kasama.

***

DUMATING ang manager ng shoe store na si Philip, ang pang-lima sa aming magkakapatid. Katulad ko ay high school lang ang tinapos ni Philip. Ang ipinagkaiba lang, hindi ako nagtapos para magtrabaho at pag-aralin sila; si Philip naman, hindi nakapagtapos dahil nakabuntis. Gayunman, nagawa niyang maging manager dahil nagtrabaho siya aa shoe store mula sa kaniyang murang edad para itaguyod ang kaniyang pamilya hanggang sa maging regular siya roon. Hinangaan ang kaniyang loyalty ng mga boss doon.

Sa ngayon ay may tatlong anak na si Philip at ang kaniyang asawa. Dumating sila rito nang nakasakay sa traysikel at binati ko sila agad sa pinto.

"Kumusta ang biyahe, Phil?"

"Nakakainit ng ulo! Punyeta na yan! Siksikan sa bus! Ang traffic!"

At kapag nagreklamo na si Philip ay tuloy-tuloy na iyon. Nahiya tuloy ako para kaniyang asawa't mga anak. Dapat, hindi na ako nagtanong tungkol sa biyahe.

Para patigilin sa karereklamo si Philip ay inako ko ang pagdadala sa ilan sa kanilang mga gamit. "Mukhang pagod nga kayo sa biyahe. Tara, dalhin muna natin ito sa kuwarto."

Nang mailagay sa kuwarto ni Philip noon ang gamit at makapasok kami rito kasama ang kaniyang pamilya, nagtanong siya.

"Nasaan ang nanay?"

"Nasa kusina. Gusto mo bang papuntahin ko rito?"

"Hindi na. Ako na ang pupunta."

"Pero pagod kayo sa biyahe."

Tiningnan ni Philip ang kaniyang asawa. "Bantayan mo ang mga bata." Pagkatapos at tinanguan niya ako, hudyat na sundan ko siya sa paglabas ng kuwarto.

Ngunit bago ko pa maihatid sa kusina si Philip ay dumating na ang inihinyero kong kapatid. Siya ang ikalima sa aming magkakapatid, si Peter.

"Kuys!" masiglang lapit ni Philip kay Peter.

Nagyakapan ang magkuya at nag-akbayan. Inakay ni Philip si Peter patungo sa kusina at tahimik ko naman silang sinundan.

"Nasa'n ang misis? Nasa'n ang mga bata?" ani Philip.

"Nando'n kina biyenan!" tila pabalewala na sagot ni Peter.

"Ay, ibig sabihin, saglit ka lang dito?"

"Hindi, no! Dito ako magpa-Pasko!" masaya niyang balita.

"Ayyy . . . LQ kayo ni misis, Peter?" may panunukso sa himig ni Philip.

Nagkibit-balikat lang si Peter. "Wala, e. Guwapo ang kapatid mo, e. Lahat na lang pinagseselosan ni misis!"

"Baka naman may dapat ikaselos!"

Naghalakhakan sila.

"Magpapayat kasi siya para hindi siya nagseselos sa Pepsi body ng assistant engineer ko!"

Halakhakan uli.

Pero mabilis namatay ang kanilang tawanan nang madatnan namin kung gaano kagulo ang kusina.

Nakita ko ang paninigas ng katawan ng mga kapatid ko sa gulat. Nang lingunin nila ako, ako ang unang nakapag-react sa aming nasaksihan.

Nagpakawala ako ng malakas at nangingilabot na sigaw.

***

HULING dumating para sa noche buena ang aming bunso, si Stephanie.

Hindi katulad ng iba kong mga kapatid, si Stephanie ay maganda na, may sarili pang sikap. Siya lang ang hindi ko pinag-aral sa aking mga kapatid dahil bukod sa iskolar siya ay nagkolehiyo siya sa Maynila para makapag-part time job na rin. Siya ang umaako sa mga gastusin niya roon at hindi siya nakalilimot na kumustahin kami ni nanay sa telepono.

"O, nasa'n si Johnny?" tanong ko nang salubungin siya sa pinto. "Ang sabi mo, isasama mo ang manliligaw mo?"

Ngumiti lang si Stephanie. "Hindi ko alam, e. Hindi ako sinundo, e. Ayoko namang ma-late sa family reunion kaya nauna na ako rito."

Sinamahan ko siya sa pagpasok sa bahay.

"Patawag, ha, Ate? Baka sagutin na ni Johnny ang tawag ko. Itatanong ko lang kung nasaan siya."

"Sige." At sinamahan mo siya sa tabi ng telepono.

"Hello?" ani Stephanie nang sagutin na ang tawag niya. "Si Stephanie po ito. Stephanie Arrovo. Gusto ko po sanang kausapin si Johnny." Saglit siyang tumahimik. Mabilis sa kidlat na kumulog ang kaniyang reaksiyon sa buong sala. "What?"

Nagugulohang sinilip ko ang kaniyang mukha.

"Wala siya rito, e," aniya. "Pa'no mangyayari iyon, e, ang usapan, susunduin niya ako sa boarding house?" Nakinig siya saglit sa kaniyang kausap.

Pagkatapos, nakatingin lang sa akin si Stephanie na may pinaghalong pag-aalala at galit sa mga mata.

Muntik na akong mabingi nang ibagsak niya ang telepono.

"Ate, huwag n'yo nga akong pinagbibibiro! Magkasabwat kayo ni Johnny, ano?"galit niyang saad.

Hindi ako makapaniwala na sa kauna-unahang pagkakataon ay pagtataasan ako ng boses ng kapatid ko . . .dahil lang sa isang lalaki!

"Ano'ng . . . ano'ng ibig mong sabihin?" garalgal ko.

"Nauna raw dito si Johnny! Alam n'yo, it's not funny, ha?" Mabibigat ang mga hakbang na sumugod si Stephanie patungo sa kusina. "Johnny! Lumabas ka na! Nag-e-enjoy ka talaga kapag pinag-aalala mo akong hayop ka!"

Maagap na hinawakan ko sa mga braso si Stephanie. Bago pa siya nakapunta sa kusina ay pinihit ko na siya papunta sa dining area. Pinaupo ko siya sa kabiserang upuan.

"Kumalma ka nga, puwede?" mahinahon kong wika. Bumulong ako mula sa likuran ng kaniyang tainga. "Hindi mo ba napapansin? Tahimik ang buong bahay."

Dahan-dahang iniling ni Stephanie ang ulo para lingunin ako. Pero dahil sa posisyon namin ay hindi niya ako lubusang nalingunan.

"May sorpresa kasi para sa iyo si Johnny," mahina kong paliwanag. "At kinutsaba niya kaming lahat. Makisama ka na lang."

"Anong surprise?" mahinang bulong ni Stephanie.

"Makikita mo rin."

Tumayo na ako at nagmamadaling nagtungo sa kusina.

Pagbalik ko, sumalubong sa akin ang nag-aalalang mga mata ni Stephanie.

"Ate?" aniya habang pinapasadahan ng nagugulohang tingin ang mga nakahain para sa aming noche buena. "Bakit parang puro ginisa itong handa natin?"

Nginitian ko siya at inilapag ang may takip na platter sa kaniyang harap.

"Nasa'n si Johnny?" aniya.

"Lalabas siya kapag binuksan mo iyan," tukoy ko sa platter ko sa harapan niya.

Tinitigan muna ni Stephanie ang may takip na pagkain.

"Proposal? Engagement ring ba ang narito? E, nanliligaw pa lang naman si--" aniya sabay angat sa takip ng platter.

Napasigaw siya nang makita ang pugot na ulo ni Johnny.

Tawang-tawa naman ako sa reaksiyon niya. "O, 'di ba? Sabi ko sa 'yo, e, sosorpresahin ka ni Johnny!"

"Ate--"

Bago pa niya ako nalingon ay ikinawit ko na ang braso ko sa leeg niya. Kinabig ng parehong braso ang kaniyang ulo patingala para may madaanan ang kutsilyo na ipinanggilit ko sa kaniyang leeg.

***

DISYEMBRE 26, 1993
8 a.m.

"NASAAN ka noong December 25, 1993, kahapon, sa pagitan ng alas-siyete hanggang alas-diyes 'y singko ng gabi?" tanong ng pulis-imbestigador kay Sonya Arrovo.

Sonya Arrovo.

Edad, kuwarenta'y dos.

Walang asawa at walang anak.

Hindi kilala ng mga kapitbahay dahil bukod sa malayo ang bahay ay palaging nasa bahay para mag-alaga sa kaniyang ina.

"No'ng mga oras na iyan, nasa kusina ho ako . . . nasa bahay. Nag-aasikaso ng mga handa para sa noche buena at sinasalubong sa pinto ang mga kapatid ko . . ." deretsong sagot ni Sonya.

Magkaharap na nakaupo ang imbestigador at si Sonya sa interrogation room ng police station.

"Ibig sabihin, nakita mo ang naganap na krimen sa mga oras na iyan?"

"Hindi ho. Nasa kusina kasi ako kadalasan."

"Ni sigawan o ingay . . . wala kang narinig?"

"Walang kakaiba . . . dahil maingay ang mga bata at ang patugtog ko sa radyo sa kusina."

"Ngunit ang isa sa kanila ay posibleng nakita ang pumatay sa pamilya mo. Wala man lang bang nagsumbong sa iyo?"

"Wala po."

"Walang tumakbo sa kusina para magtago?"

"Wala po."

"Pero . . . mas madugo sa kusina. Tila karamihan sa mga Arrovo ay pinatay sa kusina."

"Hindi ko na ho alam iyon."

"Paanong hindi, kung ikaw mismo ang nagsabi na nasa kusina ka mula alas-siyete hanggang alas-diyes y singko ng gabi?"

"Naglalagi ako sa kusina sa mga oras iyon dahil nagluluto ako. Pero paalis-alis din ako roon sa mga oras na iyon para salubungin ang pagdating ng mga kapatid ko."

"Bakit duguan ang damit mo?"

"Niyakap ko po si Stephanie nang makita kong patay na siya."

"At umiyak ka?"

"Hindi naman po."

"Niyakap mo lang dahil hndi ka makapaniwala na wala na siya?"

"Opo. At sa karumal-dumal na paraan. Hindi ko inaasahan na hahantong kami sa ganoon. Siya pa naman ang pinakagusto kong makasama sa noche buena." Naluluhang nagyuko ng ulo si Sonya.

"Ngunit imposibleng wala kang nasaksihan sa mga nangyari. Pinatay ang mga Arrovo sa mismong loob ng bahay kung nasaan ka."

"Wala ho talaga dahil bandang alas-diyes ay lumabas ako ng bahay para mamili ng kulang na sangkap sa tindahan."

"Malayo ang tindahan mula rito."

"Alam ko po."

"At posibleng sarado sila dahil Pasko."

"Nagbakasakali po ako. Ayoko pumalpak . . . lalo na sa pagluluto. Sa pagluluto na nga lang ako makakaambag sa pamilyang ito . . ."

"Hindi ba ang sabi mo, nasa bahay ka hanggang alas-diyes y singko? Paanong lumabas ka pala ng alas-diyes?"

"Inestima ko na lang po. Hindi ko naman kasi alam ang saktong oras noong lumabas ako ng bahay. Basta noong umalis ako, maayos pa ang lahat. Pagbalik ko . . . tapos na."

"Bakit puro ginisa ang handa ninyo sa noche buena?"

"Gusto kasi ng pamilya ang magisa sa sarili nilang mantika," pabulong na sagot ni Sonya.

"Ano?"

"Mahilig sa panggigisa ang pamilya," malumanay na ngiti ni Sonya sa imbestigador.

THE END . . .?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top