Kabatana 3 - Kababalaghan Sa Bangkay
Huni ng sisiw ang agad na sumalubong kay Reynan sa kanyang paglabas ng bahay ni Emmy. Dala ang tray na may nakalagay na mga tasa ng lugaw agad siyang napatingin sa kabaong ng yumaong nobya dahil doon nanggagaling ang naririnig niyang ingay. Nakita niya ang isang sisiw na naglalakad-lakad sa ibabaw ng ataul ng kasintahan.
Isa-isa munang ibinigay ng binata ang mga tasa ng lugaw sa mga nakikiramay bago nilapitan si mang Ramon na nakatayong malapit sa kabaong at nakatingin sa labi ng kanyang nobya.
"Kayo ho ba ang naglagay ng sisiw na ito mang Ramon?" malumanay na tanong ni Reynan nang makalapit sa matanda.
"Ako nga utoy. Nakikiramay ako para sa sinapit ng nobya mo," malungkot na sagot ng albularyo habang patuloy na nakatingin sa bangkay ng kanyang kasintahan.
"Salamat ho," buong kapaitang sabi ng binata. Ibinaling niya ang paningin mula kay mang Ramon patungo sa sisiw.
"Hindi ho ba naglalagay lang ng sisiw kapag namatay sa krimen ang isang tao? Para hindi patahimikin ng huni nito ang walang pusong kriminal?" muling tanong ni Reynan.
"Tama ka diyan 'toy. Naglagay na rin ako nito dahil tila isang krimen na rin ang nangyari sa nobya mo. Hindi man sa paningin ng batas dahil marami pa ring hindi naniniwala sa kulam at dahil wala tayong matibay na ebidensya. Subalit krimen ito sa mata ng Diyos. Isang malaking kasalanan. Ang paggamit ng kapangyarihang itim upang kumitil ng buhay ng isang tao."
"Hindi nga kaya mapapatahimik ng huni ng sisiw na ito ang konsensiya ng taong gumawa ng napakasamang bagay na ito kay Emmy?" tanong ng binata na tumingin naman sa labi ng kanyang kasintahan.
Hindi napigilan ni Reynan ang muling pagpatak ng luha sa kanyang mga mata nang makita ang kalunus-lunus na itsura ng kanyang nobya.
Tandang-tanda niya ang karima-rimarim na itsura ni Emmy nang makita niya itong wala nang buhay sa pampang ng ilog. Sindak ang namayani sa buo niyang katauhan nang makita na puro sugat ang buong katawan nito at mukha dahil sa mga insekto at mga uod na lumabas mula sa kanyang nobya. Nakita niya rin na tila tumanda ang itsura nito dahil sa pagkulubot ng balat at pagputi ng maraming hibla ng buhok nito.
Agad siyang tumawag ng ambulansya na kaagad namang dumating sa resthouse na kanilang kinaroroonan. Mabilis nilang naisugod sa pinakamalapit na ospital ang dalaga subalit bigo ang mga doktor na ma-i-revive ito.
"Mahal na mahal mo talaga ang nobya mo 'toy no?" tanong ni mang Ramon na makitang umiiyak ang binatang nakatunghay sa labi ng kasintahan nito.
"Sobra ho mang Ramon...kaya napakasakit nang nangyaring ito para sa akin...kaya naman ipinapangako ko kay Emmy na pagbabayarin ko ang gumawa ng karumal-dumal na bagay na ito sa kanya," sagot ni Reynan habang pinapahid ang kanyang mga luha.
Nanlaki ang mga mata ni Reynan nang muling mapatingin sa nakahimlay na katawan ng nobya.
"Mang Ramon! Tingnan n'yo ho si Emmy!"
"Bumalik na siya sa dati," kalmadong sabi ng albularyo na nakatingin na sa labi ng dalaga.
Ikinakunot ng noo ni Reynan nang marinig ang kalmadong boses ng albularyo. Ipinagtaka niya rin nang tingnan niya ito dahil wala siyang mababanaag na pagtataka man lang sa nakita nilang nangyari sa bangkay ng yumao niyang kasintahan na tila ba inaasahan na nito ang magaganap.
"Hesusmaryosep! Anong kababalaghan itong nangyari sa nobya mo Reynan?! Mula sa pagmumukhang matanda nanumbalik na sa pagiging dalaga ang itsura niya!"
Napalingon ang binata sa kasera niyang si aling Roma na nakatayo na pala sa tabi niya. Nanlalaki ang mga mata nitong nakatingin sa bangkay ng kanyang kasintahan. Ang gulat na reaksyon nito ang pumigil sa kanya sa gagawin sanang pagtatanong kay mang Ramon para sa kalmadong tugon nito sa kababalaghan na kanilang nasaksihan.
Sinulyapang muli ni Reynan ang mukha ng kanyang kasintahan. Dahil sa pagbalik ng kabataan, mababakas na ang kagandahan nito. Mahusay ang funeral parlor na nag-asikaso sa bangkay ng dalaga dahil sa kabila ng karumal-dumal na naganap dito naging maayos naman kahit papaano ang itsura nito matapos maayusan. Hindi na masyadong karimarimarim kaya naman napagdesisyunan ni Reynan na hayaang nakabukas ang takip ng kabaong sa bandang ulunan nito upang makita niya at ng mga dadalo sa lamay ang mukha ni Emmy.
Ito naman talaga ang nais niya habang nakaburol ang iniibig niyang dalaga, ang gabi-gabing masulyapan ang mukha nito bago niya ito ihatid sa huling hantungan. Sa isip-isip din ng binata, na sa tuwing makikita niya ang mukha ng kasintahan, ipinapaala nito sa kanya na kailangan niyang ipaghiganti ang masaklap na sinapit nito sa kung sino mang kumulam o nagpakulam dito.
Naagaw ang atensyon ni Reynan nang bulungan ng mga taong nasa likuran niya. Napatingin siya sa mga ito at nakitang lumapit na rin pala at nakikiusyoso ang mga nakikiramay nilang kapit-bahay. Nag-alala siya isang bagay na maaaring mangyari dahil sa kababalaghan nasaksihan nila kaya naman napagpasiyahan niyang pakiusapan ang mga ito.
"Mga kaibigan...mga kapit-bahay...kung maaari lang sana atin-atin na lang ang naganap sa bangkay ni Emmy. Ayoko kasing pagpiyestahan pa siya ng maraming tao lalo na ng mga reporter....nakikiusap ako sa inyo."
"Oo naman Reynan. Huwag kang mag-alala, atin-atin lang ang nangyari ito," sagot ni aling Roma pagkatapos ay bumaling sa kanilang mga kapit-bahay, "Hindi ba mga kapit-bahay?"
Kitang-kita ng binata nang pinanlakihan ng mga mata ng kanyang kasera ang kanilang mga kapit-bahay nang tanungin ang mga ito.
"Oo, Reynan..'wag kang mag-aalala."
"Wala kaming ibang pagsasabihan aling Roma, Reynan."
"Hindi naman ito ikakalat pre."
Isa-isang segunda ng ilan sa mga ito samantalang ang iba naman ay tumango lang bilang pagsang-ayon.
Kampante na ang binata sa mga nakita at narinig lalo na't sigurado siyang susundin ng mga ito ang sinabi ng kanyang kasera dahil nirerespeto ito sa lugar nila dahil sa pagiging matulungin nito sa oras ng pangagailangan.
Nakita niyang nagkanya-kanya nang balikan ang mga nakikiramay sa kani-kanilang mga pwesto. Binalingan naman ni Reynan si mang Ramon upang usisain ito.
"Bakit nga ho pala hindi man lang kayo nagulat kanina mang Ramon sa nangyari kay Emmy?"
"Inaasahan ko na yan utoy. Katunayan iyan na kinulam talaga ang iyong nobya. Nagmukha siyang matanda dahil sa kulam at muli nang bumalik ang dati niyang anyo ngayong nakahimlay na siya sa kabaong...at sa tingin ko 'toy..."
Napansin si Reynan na tila nag-iisip ang matanda kung sasabihin nito ang tumatakbo sa isipan nito o hindi habang nakatingin sa kanya.
"Ano ho 'yon mang Ramon? Ano ho ang gusto n'yong sabihin?" buong pagtatakang tanong ng binata.
"Sa tingin ko...higit pa sa kulam ang nangyari sa iyong nobya...may higit pang itim na kapangyarihan ang naging dahilan ng kamatayan ni ineng," pagpapatuloy ng matanda na tumingin pa sa labi ni Emmy.
"At..." muling pagsasalita ni mang Ramon na ngayon ay tumingin naman kay Reynan, "maging sa'yo ay may nagawa ang sinasabi kong itim na kapangyarihang ito."
Naapawang ang bibig at nanlaki ang mga mata ng binata sa narinig "Sa akin ho?!...Ano hong ibig n'yong sabihin mang Ramon?!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top