Kabanata 8 - Mga Mahal Sa Buhay Part Two

"Halos magdadalawang buwan na kuya."

Sabay silang napalingon ng kanyang ina sa nagsalita.

"Ralf?!" gulat na tanong ni Reynan. Nakita niya ang labing-walong taong gulang niyang kapatid. Seryoso ang mukha nito na nakatingin sa kanya. Basang-basa na ng pawis ang mukha nito maging ang suot na puting sando. Nakasuot ito ng jersey short na kulay black & blue at nakatsinelas na goma.

Nilapitan niya ang  kapatid at niyakap ito. Gumanti din naman ng yakap sa kanya ang nakababatang kapatid.

"Kakisig talaga ng kapatid ko manang-mana sa akin!" Nakangiting biro ni Reynan sa kapatid.

Kitang-kita nga sa suot nitong sando ang magandang hubog ng katawan ng kanyang kapatid. Maraming nagsasabi na magkamukha sila at sa tingin nga niya ay totoo ito. Pinabatang version niya si Ralf. Mas matanda siya rito ng pitong taon. Natutuwa naman siya kapag sinasabi ng mga kakilala nila rito sa Nagcarlan na parang pinag-biyak na bunga silang magkapatid subalit naiinis siya kapag sinusundan ito nang pagsasabing ang kakisigan nilang magkapatid ay namana nila sa kanilang ama.

"Si kuya talaga! Haha!" nahihiyang turan ni Ralf.

"Akala ko galit ka sa akin Ralf, dahil matagal na pala akong walang paramdam sa inyo ni nanay." Sinuntok nang mahina ni Reynan ang dibdib ng kapatid pagkatapos ay ginulo ang buhok nito.

"Hindi kuya. Ang akala nga namin ni nanay eh ikaw ang galit sa amin. Akala namin napapagod at nagsasawa ka na sa kabibigay sa amin ng pera para sa panggastos dito sa bahay at para sa pag-aaral ko."

"Hindi bunso. Hindi ko talaga malaman kung anong nangyari sa akin kung bakit ko kayo nakalimutan simula nang bumalik ako sa Manila kasama si Emmy."

Natigilan si Reynan nang may maalala.

"Teka sandali, 'di ba miyerkules ngayon? Wala kang pasok Ralf?!" Napatingin siya sa dalawang naglalakihang balde na nakalapag sa magkabilang gilid ng kinatatayuan ng kapatid.

"Hindi muna ako pumasok kuya. Pinag-iigib ko kasi si nanay sa poso para sa mga tinanggap niyang labahin. Nasira kasi ang linya ng gripo natin kaya wala tayong tubig dito sa bahay. Tapos, mamaya tutulong ako sa pagtatanim ng palay nila ka Luis para may pambaon ako bukas."

Napailing-iling ang binata dahil sa narinig na sagot mula sa kapatid. Señor high school na ito ngayon. Naalala niyang balak nitong kumuha ng kursong Marine Engineering dahil nangangarap itong makasampa ng barko at maging isang seaman.

"Hayaan mo bunso. Ipapaayos ko ang linya ng tubig natin. At hindi n'yo na kailangang gawin ang mga bagay na iyan ni nanay dahil nandito na ko."

"Oo nga pala Reynan, anak," napatingin si Reynan sa ina nang marinig itong magsalita, "mag-isa ka lang bang umuwi rito sa atin? Hindi mo ba kasama si Emmy?"

Nawala ang ngiti sa mga labi at mga mata ng binata nang maalala ang yumaong kasintahan.

"Mag-isa lang po ako 'nay. Hindi ko kasama si Emmy. Hindi ko siya kasama dahil...patay na siya...patay na po si Emmy," mangiyak-ngiyak na pahayag ni Reynan.

"Ano kuya?! Patay na si ate Emmy? Pero bakit?! Anong nangyari sa kanya?!" Narinig niyang gilalas na tanong ng kanyang kapatid.

Nakita naman niya na napatakip ng bibig ang kanyang ina gamit ang kanang kamay nito dahil sa gulat.

"Kaya pala ganyan ang suot mo anak!" Tiningnan ng kanyang ina ang suot niyang itim na t-shirt at itim na pantalong maong. "Kaya rin pala maga ang mga mata mo at nangigitim ang mga ilalim," pagpapatuloy ng kanyang ina.

"Pero ano bang nangyari anak?! Malakas pa si Emmy noong nagpunta kayo rito sa atin para kunin ang mga gamit mo para sa pagluwas ninyo sa Maynila. Sobrang excited n'yo pa ngang dalawa noong araw na 'yon."

"Oo nga kuya. Naalala ko ang agang mong gumising noon at agad mong hinanap si ate Emmy na nakakagulat dahil kayo pa ni ate Jobelle noon. Parang wala ka nga sa sarili mo noon. Nagmamadali kang umalis para puntahan siya sa bahay nila."

"Tapos bumalik kayo rito anak para mag-empake ng mga gamit mo. Sabi mo babalik ka na sa Maynila kasama si Emmy na ikinagulat naming pareho ng kapatid mo. Ni hindi mo na nga nagawang magpaalam ng maayos sa amin."

Naaalala nga ni Reynan ang mga sinabi ng kanyang nanay at kapatid. Ang totoo niyan, gabi bago ang araw ng pag-alis nila ni Emmy paluwas sa Manila, laman ito ng kanyang panaginip. Napanaginipan niyang kasintahan niya ito. Naalala niya ang mga matatamis at maiinit nilang sandali sa kanyang panaginip.

Nagising nga siya noon nang maaga na hinahanap-hanap si Emmy at hindi si Jobelle. Para bang uhaw na uhaw siya na ang makita at makasama ito ang tanging makakapag-patid ng kanyang uhaw na nararamdaman. Natatandaan din niya nang bumalik siya rito sa kanilang bahay kasama si Emmy at nag-ayos ng mga gamit niya na dadalhin sa pagluwas nila sa Manila. Hindi rin niya maintindihan kung bakit hindi na nga niya nagawang magpaalam ng maayos sa kanyang ina at kapatid.

"Ano bang nangyari kay Emmy sa Maynila, anak?"

Ang muling pagtatanong ng kanyang ina sa nangyari sa kanyang kasintahan ang nagpabalik sa isip ni Reynan sa kasalukuyan.

"Nagkaroon po siya ng kakaibang karamdaman na hindi mapagamot ng mga doktor na pinuntahan namin kaya lumapit ako sa isang albularyo. Ang sabi ng albularyo, kinukulam si Emmy. At ito ang naging dahilan...ng kamatayan niya."

Pinahid ng binata ang mga naglandasang mga luha sa kanyang pisngi matapos magsalita.

"Kinulam si Emmy?! Sigurado ka ba diyan anak?!"

"Yun po ang sabi ni mang Ramon, ang albularyo na hiningian ko ng tulong. Napagaling naman po niya si Emmy kaso muling bumalik ang nangyari sa kanya na naging dahilan para tuluyan siyang bawian ng buhay. Saka ko na po ikukwento ang iba pang mga detalye."

Nakita niyang napaisip ang kanyang ina sa kanyang sinabi.

"Kung talagang kinulam si Emmy, sino ang kumulam o nagpakulam sa kanya?"

"Kaya nga po ako umuwi rito sa atin  'nay. Bukod sa gusto ko kayong makita at makasama ni Ralf, gusto kong puntahan si Jobelle at kausapin para matanong siya."

"Huwag mong sabihing pinaghihinalaan mo ang dating mong kasintahan, anak? Tingin mo ba siya ang nagpakulam kay Emmy?"

"Sigurado ka ba kuya? Parang hindi naman magagawa ni ate Jobelle ang ganyang bagay."

Napatingin si Reynan sa kapatid dahil sa sinabi nito.

"Hindi ako sigurado Ralf. Pero sabi nga ni mang Ramon. Kung walang kinalaman si Jobelle, baka sakaling siya ang magdala sa akin sa kung sino talaga ang may kinalaman sa nangyari kay Emmy...at...sa nangyayari sa akin."

"Anong ibig mong sabihin diyan anak?! Anong nangyayari sa'yo?"

"May mga bagay akong nakakalimutan 'nay. Napagtanto ko lang noong lamay ni Emmy. Tulad nito, matagal na pala akong walang komunikasyon sa inyo."

Kita ng binata na naguluhan ang kanyang ina at bunsong kapatid sa kanyang sinabi base sa reaksyon ng mukha ng mga ito.

"Nakapagtataka nga ang mga nangyari sa inyo ni Emmy. At nakakakilabot kung talagang may kinalaman ang kulam."

Pansin ni Reynan ang pangingilabot ng ina dahil sa huli nitong tinuran. Nakita niyang hinawakan pa nito ang mga braso na tila ba naramdaman nito ang pagtindig ng mga balahibo nito sa katawan.

"Oo nga pala, anak. Alam mo bang hindi ko na nakikita sa labas ng bahay si Jobelle. Hindi ko na siya nakikitang kasama ni aling Esther sa pagtitinda ng gulay sa palengke.

"Hindi ko na rin siya nakikita sa labas ng bahay nila kuya kapag dumadaan ako doon," segunda ni Ralf sa kanyang ina.

"Hindi ko naman matanong si aling Esther dahil baka galit din iyon sa akin dahil sa ginawa mo anak. Iniwan mo ba naman si Jobelle at ipinalit si Emmy na anak-anakan rin niya," pagpapatuloy ng kanyang ina.

Doon lang naalala ni Reynan na Esther ang pangalang ng nanay-nanayan nila Emmy at Jobelle subalit hindi niya pa rin gaanong matandaan ang itsura nito.

"Hindi ako makapaniwala na magagawa mo ang ganoong bagay Reynan, anak. Lalo na't saksi ka sa ginawa sa akin ng tatay mo...ng tatay nyo," malungkot na sabi ng kanyang ina na tumingin pa sa kanilang magkapatid.

"Hindi ko nga rin po maintindihan kung bakit ko nagawa ang ganoong bagay. Naguguluhan din po ako sa sarili ko. Kaya siguro nakukumbinsi rin ako na may kakaiba ngang nangyayari dahil sa nagawa kong iyon kina Jobelle at Emmy."

"Siguro nga anak...ay siya, halina kayong dalawa sa loob at mainit na masyado rito. Doon na natin ituloy ang pag-uusap. Tamang-tama, anak, nagluto ako ng paborito mong tinolang manok. Halina ka na't mananghalian na tayo. Siguradong gutom ka sa dahil sa layo ng binyahe mo. Ikaw din Ralf, anak, malamang pagod ka na sa pag-iigib ng tubig kaya pasok na sa loob."

"Sige po 'nay. Kain po muna tayo bago ako pumunta kina Jobelle. Gutom na rin ako," nakangiting sagot ng binata sa ina.

"Tara na, bunso pasok na tayo," aya ni Reynan na nilingon pa ang kapatid.

"Sige kuya, itatabi ko lang itong mga inigib ko."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top