Kabanata 7 - Mga Mahal Sa Buhay Part One

"Sige ho. Sa lalong madaling panahon, uuwi ako ng Nagcarlan para harapin ang dati kong kasintahan. Aalamin ko kung may kinalaman siya sa nangyari kay Emmy at sa nangyayari sa akin," pinal na pasya ng binata.

***

Linggo ng hapon nang maihatid ni Reynan sa huling hantungan ang katawan ni Emmy. Kasama niya ang kanyang kasera, si mang Ramon at ang ilan nilang kapit-bahay sa paglibing ng kanyang yumaong nobya sa Manila North Green Park Cemetery.

Makalipas ang dalawang araw ng pamamahinga para kahit papaano ay makabawi sa pagod at puyat, nagdesisyon na ang binata na magbyahe patungo sa kanilang probinsya.

Mabuti na lamang at hindi siya nahirapan makapag-file ng mahabang bakasyon mula sa trabaho. Maganda kasi ang performance niya sa construction firm na kanyang pinapasukan at hindi rin siya pala-absent kaya naman mabilis maaprubahan ng kanyang project manager ang hiningi niyang karagdagang araw na bakasyon. Sa tingin kasi ng kanyang immediate head, mahalagang bagay ang kanyang gagawin kaya nanghihingi siya ng leave extension.

Maaga pa lang nang araw ng miyerkules ay naghanda na si Reynan ng kanyang mga gamit na dadalhin sa pag-uwi niya sa kanilang probinsya. Mataas na ang sikat ng araw nang makarating siya sa harap ng kanilang bahay na matatagpuan sa barangay Bambang sa bayan ng Nagcarlan, probinsya ng Laguna.

Pinagmasdan niya ang isang palapag nilang bahay na gawa sa bato. Naipaayos niya ito unti-unti mula sa pagiging gawa sa kahoy at plywood  sa loob ng tatlong taon na pagta-trabaho niya sa kumpanyang kanyang pinapasukan. Mapalad siya na makapasok at makakuha ng magandang posisyon sa kanyang pinagta-trabahuhan kahit fresh graduate pa lang siya noon sa kursong civil engineering. Dahil maganda ang posisyon, malaki-laki ang naging sahod niya kaya nagawa niyang maipaayos ang kanilang bahay at patuloy na mapag-aral ang kanyang bunsong kapatid.

Siya na ang nagsilbing breadwinner ng kanilang pamilya simula nang iwan sila ng kanyang ama noong 18 years old pa lang siya. Mabuti na lang at nakuha siyang scholar ng kanilang governor kaya nagawa niyang makapag-aral at makapagtapos sa Laguna State Polytechnic University.

Habang nag-aaral, nag-part time job siya bilang isang service crew sa Jollibee branch na malapit sa palengke ng kanilang bayan para sa kanilang pagkain at iba pang mga gastusin sa araw-araw. Tumatanggap naman ng labada ang kanyang nanay noon na pinatigil na niya nang makahanap na siya ng trabaho.

Sukbit ang kanyang knapsack bag sa likod, inaayos niya nang bahagya ang suot na shades sa kanyang mga mata pagkatapos ay naglakad na palapit sa kanilang bahay.

"Nay, andito na po ako!" malakas na tawag ni Reynan sa kanyang ina. Sinubukan niyang pihitin ang doorknob para buksan ang pinto subalit napagtanto niyang naka-lock ito. Kumatok siya at muling tinawag ang ina maging ang pangalan ng kanyang nakababatang kapatid subalit wala siyang narinig na tugon mula sa loob ng bahay.

Naalala niya na may pintuan sila sa likod ng bahay kaya napagpasyahan niyang umikot patungo sa likod. Ikinagulat niyang makita ang kanyang ina sa labas ng kanilang bahay na abala sa paglalaba gamit ang washing machine na binili niya para rito. Napansin din niya ang mga nakatambak na mga labahin sa isang tabi at mga nalabhan nang kumot na kasampay.

Hinubad ni Reynan ang suot na shades pagkatapos ay nagsalita, "Nay?! Ano pong ginagawa n'yo diyan?! Bakit marami kayong labahin?!"

Nakita ng binata na nagulat ang kanyang ina nang marinig na may nagsalita. Napatingin ito sa kanya at nagliwanag ang mukha. Nagpunas ito ng mga basang kamay sa suot na bulaklaking duster na kulay pink pagkatapos ay sumugod sa kanya.

"Anak! Reynan!" nakangiting sigaw nito pagkatapos ay niyakap siya nito nang mahigpit na tinugon din naman niya ng mahigpit na yakap.

Kumalas ng yakap ang kanyang ina pagkatapos ay tumingin sa kanyang mukha at hinawakan ang magkabila niyang pisngi.

"Kumusta ka na anak?! Anong nangyari sa'yo?! Wala na kaming nabalitaan mula sa'yo simula nang umalis kayo rito ni Emmy."

"Marami pong nangyari 'nay. Pero bago ko ikwento ang lahat, sagutin n'yo po muna ang tanong ko kung kanina bakit marami kayong labada?"

Inalis muna ng kanyang ina ang pagkakahawak ng mga kamay nito sa kanyang pisngi bago nagsalita sa may kalungkutang tinig. Nakita rin niya na napalis ang ngiti sa mga labi nito.

"Nang umalis kasi kayo ng bago mong kasintahan paluwas sa Maynila, wala na kaming natanggap na tawag o text mula sa'yo. Wala na rin kaming natanggap na perang padala mula sa'yo. Kaya naisipan kong tumanggap uli ng labada para may panggatos kami ng kapatid mo sa araw-araw."

"Patawarin n'yo po ako 'nay. Kailan ko nga lang rin po napagtanto na hindi ko na pala kayo nakakamusta at hindi na ako nakagpadala ng pera sa inyo. Hindi ko rin po alam kung anong nangyayari sa akin. Pero...bakit hindi n'yo po ako pinatawagan o pina-text man lang kay Ralf?"

"Ayoko kasing abalahin ka anak. Baka kako busy ka sa trabaho mo...at saka...nahihiya na ako sa'yo dahil ikaw na ang sumalo sa dapat na responsibilidad ng ama mo sa atin. Naisip ko na baka napapagod ka na anak...baka nagsasawa ka na sa pagbibigay ng suporta sa amin ng kapatid mo."

Nalungkot si Reynan sa nakitang paghihirap ng kalooban ng ina dahil sa mga sinabi nito.

"Hindi n'yo po dapat sabihin ang mga bagay na 'yan nay. Gusto ko po ang ginagawa kong pag-suporta sa inyo ni Ralf. Mahal na mahal ko po kayong dalawa. Hinding-hindi po ako magsasawang suportahan kayo at ibigay ang lahat ng pangangailangan ninyo ng kapatid ko."

Dahil sa sinabi ng ina, naalala ng binata ang lahat ng paghihirap niya noong nag-aaral siya sa kolehiyo. May mga araw na nakakatulog siya sa klase dahil sa pagod sa kanyang part-time job. May mga gabing naiiyak na lang siya dahil nahihirapan siyang pagsabayin at pagtatrabaho at pag-aaral. Subalit tiniis niya ang lahat. Ginawa niyang motibasyon ang pang-iiwan ng kanyang ama sa kanila para sa ibang babae. Nagpursige talaga siyang makatapos para magkaroon ng magandang trabaho.

Ipinangako niya noon sa sarili na magtatagumpay siya at giginhawa ang buhay nilang mag-iina para maipakita niya sa kanyang tatay nagawa nilang mabuhay nang maayos kahit wala ito sa piling nila. Nais niyang ipamukha sa ama kapag nagkita sila balang-araw na hindi na nila ito kailangan sa buhay nila.

Naningkit ang mga mata at nagtiim ang bagang ni Reynan nang maalala ang kanyang ama.

"Salamat, anak. Napakapalad ko talaga na maging anak ang isang responsableng batang katulad mo," lumuluhang pahayag ng kanyang ina na hindi niya namalayan na nakayakap na pala sa kanya.

"Gaano katagal na po ba nang umalis kami ni Emmy dito sa Bambang?"

Nakita niyang napakalas nang yakap ang kanyang ina sa kanya at kunu't-noo itong tumingin sa kanya.

"Halos magdadalawang buwan na kuya."

Sabay silang napalingon ng kanyang ina sa nagsalita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top