Kabanata 5 - Ang Bisita Sa Lamay

Hindi na natapos ni Reynan ang sasabihin dahil dahan-dahan nang humarap sa kanya ang misteryosang bisita.

Inalis nito ang hood na nakatalukbong sa ulo kaya tumambad sa kanya ang maamo nitong mukha at mahabang itim na buhok na lagpas hanggang balikat.

"E-Emmy?!" Nanlaki ang mga mata ni Reynan nang makilala ang babae.

"Love," tawag nito sa kanya pagkatapos ay ngumiti ng matamis.

Napaatras ang binata sa kanyang kinatatayuan dahil sa gulat.

"Paano nangyari ang bagay na ito? Patay ka na! Namatay ka na!"

"Ako?!" gulat ding sagot ng dalaga.

"Namatay?" Nakita ni Reynan na natawa ang nobya matapos itong sabihin.

"Hindi love. Buhay ako. Buhay na buhay. Nakikita mo namang nakatayo ako sa harapan mo ngayon," sabi ni Emmy na muling ngumiti sa kanya.

"Pero nakita ko nang nawalan ka ng buhay!...sa karumal-dumal na paraan!...hindi ka na humihinga nang  matagpuan kita sa pampang ng ilog!" giit ng binata.

"Binabangungot ka lang love...isang masamang panaginip lang ang lahat...lahat ng sinasabi mong nakita mong nangyari sa akin," kalmadong pahayag ng dalaga.

"Hindi!" tiyak na tugon ng binata, "paano mo ipapaliwanag ang kabaong na 'yan?" Itinuro ni Reynan ang ataul sa harapan nila, "yan ang kabaong na pinaghihimlayan ng katawan mong wala nang buhay."

"Katawan kong wala nang buhay? Nagkakamali ka love. Wala ako diyan dahil nandito ako sa harap mo. Sabi ko nga sa iyo, hindi ako patay, hindi ako namatay."

Napakunot-noo si Reynan dahil sa mga nangyayari. Gulung-gulo na ang isip niya at hindi na niya malaman kung ano ang reyalidad at hindi. Napapikit na lang siya dahil sa pagsakit ng kanyang ulo.

"Halika't tingnan natin ang sinasabi mong katawan kong wala nang buhay."

Napadilat si Reynan dahil sa muling pagsasalita ni Emmy. Nakita niya ang kaliwang kamay nito na inaabot sa kanya. Matapos ang ilang saglit na pag-aalinlangan, tinanggap niya ang kamay nito at naramdaman ang init ng palad nito nang dumampi sa kanyang kanang kamay.

Sabay silang naglakad palapit sa kabaong at tiningnan ang loob nito.

"Walang laman ang kabaong!" gulat na bulalas ng binata.

"Sabi ko naman sa'yo love. Wala ako diyan...wala ako diyan dahil hindi ako patay."

"Love! Salamat sa Dios at buhay ka! Salamat dahil isang masamang panaginip lang ang lahat!" sabi ni Reynan sa mangiyak-ngiyak na tinig. Buong pananabik niyang niyakap ang nobya na gumanti rin ng mahigpit na yakap sa kanya. Naramdaman niya ang init ng katawan nito, maging ang paghinga nito.

Kumalas ng yakap si Emmy pagkatapos ay humarap sa kanya at hinawakan ang magkabilang pisngi niya. Bahagya itong nakatingala sa kanya dahil mas mataas siya kumpara sa dalaga. Muli niyang napagmasdan ang kagandahan nito. Ang malalaki ngunit mapang-akit na mga mata, ang matangos na ilong at ang mapanuksong mga labi nito.

"Huwag kang iiyak love...huwag kang umiyak dahil hindi naman ako nawala sa'yo. Pagmasdan mo dahil buhay ako...buhay na buhay at humihinga."

Lumayo nang bahagya sa kanya si Emmy pagkatapos ay hinubad nito ang suot na mahabang itim na damit.

Natutula si Reynan nang tumambad sa kanya ang hubad na katawan ng nobya. Wala itong suot na panloob, wala na itong suot ni isang saplot. Napaawang ang bibig ng binata nang mapagmasdan ang malalaki at tayung-tayong dibdib ng dalaga, ang magandang hubog ng katawan nito at ang kaakit-akit nitong pagkababae.

Makalipas ang ilang sandali, natauhan siya nang maalala na nasa labas sila at maaaring may biglang dumating at makakita sa kanyang nobya.

Dali-dali niyang pinulot at hinubad nitong damit at isinuot sa dalaga.

"Love! Anong ginagawa mo?! Nasa labas tayo ng bahay, baka may makakita sayo."

"Ano ka ba love? Sigurado akong walang makakakita sa akin. Mahimbing na ang tulog ng mga kapit-bahay natin," sagot ng dalaga pagkatapos ay ngumiti ng mapanukso.

"Walang makakakita sa atin...at sa gagawin natin," paanas na turan ni Emmy pagkatapos ay muling hinubad ang suot na damit.

Nang-aakit na lumapit ito kay Reynan pagkatapos ay dahan-dahan siyang itinulak-tulak palapit sa isang upuan.

Nag-init ang buong katawan ng binata nang muli niyang mapagmasdan ang hubu't-hubad na katawan ng kanyang nobya at dahil sa inaakto nito.

Hindi niya namalayan na naitulak na pala siya nito paupo sa monoblock chair. Nagulat na lang siya nang bigla itong kumandong sa kanya.

Ramdam na ramdam niya ang init ng singaw ng katawan nito na dumadampi sa kanyang katawan. Ang pagkikiskis ng malulusog na dibdib nito at ng pagkababae nito sa kanyang katawan. Lalo siyang nag-init dahil sa naaamoy niyang mabangong samyo ng katawan nito at dahil sa mabangong hininga nito.

Hinalikan ni Emmy ang noo niya pagkatapos ay sinunod ang ilong niya.

"Lo-loveeeee" paungol na sabi ni Reynan dahil sa pagdampi ng mainit na mga labi ng dalaga sa kanyang balat.

"Shhh...shhh," saway ni Emmy na mapang-akit pang nilaro-laro ng hintuturo ng kanang kanang kamay nito ang mga labi ng binata, "huwag mo nang pigilan love, alam kong gusto mo rin ito," pabulong na sabi ng dalaga sa kanyang nobyo.

Ramdam ni Reynan ang tugon ng kanyang pagkalalaki dahil sa pagkiskis ng mainit at malambot na katawan ng nobya sa kanyang katawan at dahil sa mga ginagawa nito. Pilit na sinasabi ng kanyang isipan na hindi ito dapat nangyayari subalit iba ang sinasabi ng kanyang katawan, init na init na siya dahil sa ginagawa ng nobya.

Dahil bago pa lang silang magkasintahan, wala pang nangyayari sa kanilang dalawa. Ilang beses nang iminungkahi ni Emmy na magsama na lang sila sa inuupahang bahay nito subalit tumatanggi siya at sinasabi na sayang ang ibinayad niyang advance na renta para sa kanyang unit. Subalit ang totoo, ayaw lang niyang matukso kapag nagsama na sila sa bubong ng kanyang nobya. Iniiwasan niyang magalaw niya ito dahil gusto niyang maiharap ito sa altar na isang birhen.

"Hayaan mong ipadama natin ang init ng pagmamahal natin sa isa't-isa love," mapang-akit na sabi ni Emmy na tuluyan nang sinakop ang mga labi ng binata.

Hindi na napigilan ni Reynan ang sarili, napapikit na siya at buong kasabikang tinugon ang tila uhaw na halik sa kanya ng nobya. Pinaglakbay niya rin ang dalawa niyang kamay sa likod ng dalaga. Hinaplos-haplos niya ang makinis nitong balat.

Tuluyan na siyang bumigay sa nais na mangyari ng nobya dahil naisip niya na binigyan siya ng pangalawang pagkakataon para maipadama niya nang lubusan ang init ng pagmamahal niya sa kasintahan. Binigyan sila ng pangalawang pagkakataon na maramdaman nila na maging isa.

Maya-maya'y nagulat siya nang maramdamang may nahawakan siyang tila madulas na likido sa likuran ng dalaga. May naramdaman din siyang tila madudulas na maliliit bagay na kumikislot-kislot sa loob ng bibig niya. Naramdaman niya ang ilan ay gumapang pa papunta sa kanyang lalamunan.

Mabilis siyang napadilat nang mapagtantong nanggagaling sa bibig ni Emmy ang mga bagay na napunta sa loob ng bibig niya. Ikinagimbal niya na makita ang nanlilisik nitong mga mata na nakatitig sa kanya.

Ikinagulat din niya na mula sa mabangong samyo, napakasangsang na ang amoy na nagmumula sa bibig at katawan ng nobya.

Naitulak niya nang patayo ang dalaga pagkatapos ay tumayo siya at  isinuka ang mga bagay sa bibig niya. Kitang-kita niya ang maraming maliiit na mga uod na kanyang isinuka na kumikislot-kislot pa. Muli siyang napasuka dahil sa kanyang nasaksihan. Napatingin din siya sa kanyang dalawang kamay at nakita na puno ito ng dugo.

Napatingin siya kay Emmy nang marinig niyang tumatawa ito sa napakatinis na tinig. Pakiramdam niya ay muli na naman siyang masusuka nang makita niya na may mga maliliit na uod na bumabagsak mula sa bibig nito.

"Love! Anong nangyayari sa'yo?" nangingilabot tanong ni Reynan sa nobya.

Napatigil sa pagtawa ang dalaga pagkatapos ay nakita ni Reynan ang pagrehistro ng sobrang sakit sa mukha nito. Kita-kita niya na nagkaroon ng maliit na bukol ang mukha nito maging ang buong katawan.

Ikinagimbal ni Reynan nang magputukan ang mga bukol at may mga naglabasan na mga maliit na uod mula sa mga ito. Kitang-kita rin niya na may tumatagas na dugo mula sa mga napisang bukol.

"Aaahhhh!!!! Aaaahhh!!! Aaahhh!!!" sigaw ng nahihirapang dalaga sa tinig na ngayon naman ay malaki at mababa na tila ba nanggagaling sa kailaliman ng lupa.

Mas lalong nasindak ang binata nang makita na may nagpupumilit na lumabas mula sa mga mata ng dalaga.

"Alupihan!" hilakbot na sigaw ni Reynan sa kanyang isipan.

"Ipaghiganti mo ako Reynan! Ipaghiganti mo ako!!!" sigaw ni Emmy sa malaki at mababa nitong tinig matapos na bumagsak ang dalawang alupihan na lumabas sa magkabilang mata nito na parehong duguan.

"Aaahhhh!!!!" ubod lakas na sigaw Emmy pagkatapos ay nakita niyang nagsilabasan ang dagsa-dagsang ipis mula sa nakabukas na bibig nito na lahat ay nakita niyang nagliparan patungo sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top