Kabanata 10 - Unang Pag-ibig

"Manong, pakihatid nga ho kami sa San Bartolome Apostol Parish Church," narinig niyang sabi ni aling Esther pagkaupung-pagkaupo nito sa loob ng sasakyan.

Kaagad na pinaharurot ng driver ang tricycle nang makita nitong nakaupo na siya sa tabi ng matandang babae. Ilang minuto lang ang lumipas at inihinto na ng driver ang kanilang sinasakyan sa harapan ng simbahan. Nauna siyang bumaba kasunod si aling Esther.

"Ako na ho ang magbabayad," sabi niya nang makita ang matanda na lumapit sa lalaking driver habang dumudukot ng pera sa bulsa ng suot nitong tokong.

"Salamat, Reynan," nakangiting sagot ni aling Esther na lumayo na sa tricycle.

Kinuha niya ang kanyang wallet sa kanang bulsa sa likod ng suot niyang pantalon, bumunot ng singkwenta pesos at iniabot sa tricycle driver. "Salamat ho sa paghatid sa amin."

"Salamat din," matipid na sagot ng lalaking driver na tinanguan pa siya bago pinatakbo paalis ang minamanehong tricycle.

Nang makalayo na ang tricycle, humarap si Reynan sa simbahan. Inaalis niya ang suot na shades at pinagmasdan ang San Bartolome Apostol Parish Church. Pamilyar siya sa simbahang ito dahil malapit lang ito sa bahay nila at dito sila nagsisimba ng kanyang pamilya lalo na noong buo pa sila. Hangang-hanga talaga siya sa pagkakagawa ng simbahan na ito lalo na sa Baroque architecture style nito.

Matapos ang hangaan ang kagandahan ng arkitektura at istruktura ng simbahan, nilingon ni Reynan si aling Esther. "Nandito ho si Jobelle? Dito na ho siya naninirahan?"

"Oo. Dito ko siya dinala matapos nang ginawa sa kanya ni Emmy. Mabuti na lang hindi ako nagkamali nang pinagdalhan sa kanya kundi mas nauna pa siyang binawian ng buhay kesa kay Emmy."

"Sinubukan ho talagang patayin ni Emmy na patayin si Jobelle?! Totoo ho ba 'yan?!" Kinikilabutang tanong ni Reynan.

"Sa maniwala ka man o hindi nagawa 'yun ni Emmy. Hayaan mong si Jobelle na ang magpaliwanag sa'yo ng lahat Reynan. Halika na't pumasok na tayo sa loob," aya ni aling Esther na nauna nang maglakad papasok sa loob ng simbahan.

Sumunod naman si Reynan sa matanda na inihahanda ang sarili sa mga bagay na sasabihin ni Jobelle. Kakausapin niya ito ng masinsinan upang magsabi ito ng katotohanan sa kanya.

Bagama't hindi na siya nagulat sa nabungaran nang tuluyang makapasok sa loob, hindi niya pa rin napigilan ang sarili na mamangha sa lawak at taas ng simbahan.

Inilibot niya ang paningin sa paligid subalit wala siyang nakitang tao maliban sa kanila ni aling Esther. Walang nagsimsimba dahil siguro hapon na at walang misa. Wala ring siyang nakitang mga sakristan, mga mangagawa o kaya'y mga tagapaglinis ng simbahan.

"Maupo ka muna, Reynan. Pupuntahan ko lang si Father sa opisina niya para malaman kung nasaan si Jobelle," paalam ni aling Esther na naglakad patungo sa kaliwang bahagi ng kinatatayuan nila.

Naglakad si Reynan patungo sa mahahabang upuan at napiling maupo sa pinakadulong upuan na pinakamalapit sa kanya. Ipinatong niya ang hawak na shades sa sandalan ng mahabang upuan na nasa harapan niya at saka tumingin sa altar.

Ipinikit niya ang mga mata at umusal ng panalangin, "Panginoon...tulungan N'yo po akong alamin ang katotohanan...gabayan N'yo po ako...sa pagtuklas...sa misteryong bumabalot sa pagkamatay ni Emmy...at sa nangyayari sa akin."

Maya-maya'y nagulat siya nang maramdamang may humawak sa kanyang kaliwang balikat. Agad siyang napadilat at napalingon sa presensyang nararamdaman niyang nakatayo sa kanyang likuran.

"Nasa Baptistry siya sabi ni Father." Tinanguan siya ni aling Esther pagkatapos ay nauna na itong naglakad patungo sa kanang bahagi ng simbahan.

Nag-antada muna ang binata bago tumayo at sumunod sa matanda. Nang makarating sa gilid, napansin niya ang isang rebulto ni Hesus-Kristo na nakatayo sa tabi ng isang paikot na hagdanang bakal patungong itaas.

"Malamang ito ang hagdan patungo sa bell tower," sa isip-isip ni Reynan. Hindi siya pamilyar sa bahaging ito ng simbahan dahil doon lang naman sila pumupunta sa lugar ng panalanginan at altar kapag nagsisimba sila rito.

Nakita niyang pumasok si aling Esther sa isang may kahabaang daanan na mga bato ang gilid patungo sa isang kwarto na may nakasulat na "Baptistry" sa taas ng pasukan nito. Dali-dali naman siyang sumunod sa matanda at binaybay din ang dinaanan nito.

Sumalubong sa kanya sa loob ang kulay puting baptismal font na gawa sa marmol. Napansin din niya ang dalawang rebulto ni Mama Mary na nakatayo sa magkabilang gilid ng isang larawan ni Hesu-Kristo na tila nakaukit sa dingding na bato sa likod ng baptismal font.

"Jobelle, anak...may naghahanap sa'yo."

Ang boses ni aling Esther ang umagaw ng pansin niya mula sa pagtingin sa paligid. Nakita niya itong nakatingin sa isang babaeng nakatagilid sa kanila na pinupunasan ang isang rebulto ni Hesus-Kristo na nakaupo sa isang trono.

Mahaba ang tuwid at itim na buhok ng babae na umaabot sa mga balikat nito. Nakasuot ito ng simpleng blouse na kulay cream at skinny denim jeans. Naka-sandals na itim.

Nakita niyang napalingon ang dalaga sa matanda. "Nay! Andito kayo! Ano pong—"

Hindi na natapos ng babae ang sinasabi dahil napatingin ito sa kanya. Nakita niya nang napaawang ang bibig nito at nabitawan ang hawak na basahan.

"Reynan?!" gulat na tanong ni Jobelle.

"Siya nga anak, gusto ka raw niyang makausap kaya siya naparito. Iwan ko muna kayong dalawa para makapagpaliwanagan kayo. Pupuntahan ko na lang ulit si Father sa opisina niya."

"Si-sige po nay," sabi ni Jobelle na tinapunan ng tingin ang nanay-nanayan niya na nagsimula nang maglakad paalis.

Nanatili namang nakatingin kay Jobelle si Reynan. Hindi niya maintindihan kung bakit tila ngayon lang niya nakita ang dating kasintahan. Hindi niya maintindihan kung bakit niya nalimutan ang mukha nito lalo na kung ito ang una niyang minahal.

Maamo ang mukha ng babaeng kaharap niya. Kung mapang-akit ang ganda ni Emmy, inosente naman ang dating ng kagandahan ni Jobelle. May bangs ito na nakabagsak sa kaliwang bahagi ng noo nito. Medyo singkit ang mga mata. Matangos ang ilong, manipis ang mga labi. Katamtaman ang laki ng mga dibdib at maganda rin ang hubog ng katawan katulad ni Emmy. Mas mataas ito kumpara sa yumao niyang kasintahan, tingin niya kasing-taas niya ang babaeng kaharap. Morena ito kumpara kay Emmy na mestiza.

"Reynan..." nangingilid ang luhang sabi ni Jobelle.

"Reynan...mahal ko!" lumuluha nang sabi ng dalaga na sinugod siya ng yakap. Umiyak ito ng umiyak habang nakayakap sa kanya.

Bagama't nagulat hindi naman nagawang magalit ng binata sa inakto ng dati niyang kasintahan. Nais sana niya itong yakapin pabalik subalit para bang may pwersang pumipigil sa kanya. Hindi rin naman niya magawang itulak palayo ang dalaga. Hindi siya galit dito pero wala rin siyang nararamdamang pagmamahal para rito. Hinayaan na lang niya itong umiyak nang umiyak habang nakayakap sa kanya.

Maya-maya'y kumalas na ito ng yakap at tumingin sa kanyang mga mata. Nakita niyang punung-puno ng pangungulila at pagmamahal ang mga mata nito. Pangungulila at pagmamahal para sa kanya.

"Naaalala mo na ba ako mahal ko? Natatandaan mo na ba lahat ng tungkol sa akin?" tanong ng dalaga sa malungkot nitong tinig.

"Hindi Jobelle...ni hindi ko maaalala ang itsura mo...parang ngayon lang kita nakita...tanda ko lang ang pangalan mo at dati kitang kasintahan...alam ko lang na para kayong magkapatid ni Emmy at mayroon kayong nanay-nanayan...ito lang din ang mga bagay na sinabi sa akin ni Emmy," walang emosyong sagot ni Reynan.

Nakita niyang nasaktan ang dalaga dahil sa kanyang mga sinabi. Tumalikod ito sa kanya at naglakad palapit sa rebultong pinupunasan nito kanina. Dinampot nito ang nabitawang basahan at inilapag sa tabi ng rebulto.

"Napakabisa talaga ng epekto ng ginawa sa'yo ni Emmy....nagawa nitong mabura hindi lang ang pagmamahal mo para sa akin...kundi maging ang mga alaala mo tungkol sa akin."

Nakita niyang muli na namang pumatak ang mga luha ng dalaga. Muli na naman niyang naramdaman na nais niya itong yakapin subalit kaagad may pwersa na namang nagsasabi na hindi niya ito dapat gawin. Para bang sinasabi nito na mali ang balak niyang gawin.

"Wala ka man lang bang maalala Reynan na kahit isang detalye sa akin?" Tanong nito nang nakayuko.

"Hindi mo ba naalala ang unang araw na nagkakilala tayo, mahal ko?" Tumingin ito sa kanya na nakangiti subalit hilam sa luha ang mga mata.

Tatlong buwan na ang nakakaraan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top