Kabanata 1 - Mahiwagang Karamdaman
"Aaaahhh!!! Ang kati!!! Ang sakit!!! Hindi ko na kaya!!! Tama na!!! Ayoko na!!! Aaaahhh!!!
Dinig na dinig sa buong kwarto ang palahaw ng paghihirap ng dalagang si Emmy.
Ang marahas na pagkakamot ng dalaga sa leeg nito at mga braso kasabay nang paglabas ng mga maliliit na uod sa mga nagsusugat na nitong balat ang naabutan ni Reynan sa kanyang pagpasok sa kwarto ng kanyang nobya.
Napasakit para sa kanya na marinig at makita ang patuloy na paghihirap ng minamahal na dalaga dahil sa kakaiba nitong karamdaman. Isang linggo na simula nang magkaganito si Emmy. Ilang doktor na rin ang kanilang napuntahan subalit wala namang makitang dahilan ang mga ito kung bakit nangyayari ang ganitong bagay sa dalaga.
Akmang pupuntahan niya ang kasintahan upang aluhin ito nang pigilan siya ng kasamang albularyo.
"Toy, bilis! Kumuha ka ng mahabang tela at takpan natin ang salamin!" nagmamadaling utos ni Mang Ramon.
Bagama't nagulat, natatarantang sumunod si Reynan dahil sa nakitang pag-aalala sa mukha ng matanda. Tanging ang albularyo na lang ang naiisip niyang makakatulong sa kalagayan ng nobya. Kung hindi ito mapagaling ng mga doktor na may kaalaman sa siyensya baka mapagaling ito ng "doktor" na may kaalaman sa mga supernatural na bagay, sa isip-isip ng binata.
Matapos makakuha ng puting kumot agad na pinagtulungan ng dalawang lalaki na takpan ang oval shape full lenght mirror na nakaharap sa paanan ng kama ni Emmy. May pagka-banidosa ang dalaga kaya doon ipinuwesto ang salamin upang makita agad ang sarili pagbangon palang nito mula sa kama.
Napalingon si Reynan sa nobya nang biglang matigil ang palahaw nito matapos na matakpan nila nang buo ang salamin. Nakita niyang nakahiga na sa kama ang dalaga at nakapikit na ang mga mata.
"Emmy!!!" nababahalang sigaw ni Reynan pagkatapos ay mabilis na tumakbo patungo sa kasintahan.
"Huwag kang mabahala utoy, nawalan lang nang malay si ineng. Magiging maayos na ang pakiramdam niya ngayon."
Napatingin si Reynan sa albularyo habang nakaupo sa tabi ni Emmy at hawak ang kanang kamay nito.
"Salamat ho mang Ramon...bakit nga ho pala natin tinakpan ang salamin na iyan?"
Lumapit ang albularyo sa kabilang gilid ng kamang kinahihigaan ni Emmy bago sumagot, "Dahil ginagamit ng mangkukulam ang salamin upang makita at mamatyagan ang kanilang biktima."
Nanlaki ang mga mata ni Reynan sa narinig. "Ibig n'yong sabihin—"
"Oo," putol ni Mang Ramon sa sinasabi ng binata, "malakas ang kutob kong kinukulam ang iyong kasintahan. Kaya nangangati siya...nagsusugat ang balat at may lumalabas na mga uod."
Kinilabutan si Reynan sa mga narinig. Napansin niyan binubugaw ng albularyo ang mga bangaw na umaaligid kay Emmy. Isang linggo na rin nang mapansin niyang laging may mga bangaw sa paligid ng nobya.
"Ang mga bangaw na ito ay nagpapatunay na may negatibong enerhiya ang nakakapit sa nobya mo," sabi ng matanda habang binibugaw paalis ang mga lumilipad na insekto.
Umupo ang albularyo sa gilid ni Emmy at kinuha ang dalawang kamay ng dalaga. Nakita ni Reynan na pinagdikit ng matanda ang dalawang hinliliit ng dalaga, pinagpantay nito ang linya sa dalawang pulso ni Emmy at ipinakita sa kanya.
Napaawang ang kanyang bibig nang makitang hindi pantay ang dalawang daliri ng dalaga.
"Nakikita mo bang mas mahaba ang kaliwang hinliliit ni ineng? Ibig sabihin nito, babae ang nagpakulam sa kanya," sabi ng albularyo pagkatapos ay marahang ibinaba ang dalawang kamay ni Emmy.
"Para makatiyak tayo, halika't kumuha tayo ng palangganang may tubig, kutsara at kandila," aya ng matandang lalaki pagkatapos ay naglakad palabas ng kwarto.
Sumunod si Reynan sa matanda. Maaari ngang nagsasabi ito ng totoo lalo na't napatigil nito ang nararamdaman ng kanyang kasintahan.
Matapos nilang makuha ang mga kailangan. Bumalik sila sa kwarto ng dalaga na mahimbing pa rin sa pagkakatulog. Inutusan siya ni Mang Ramon na ilapag sa sahig ang dala niyang maliit na palangganang may tubig.
Nakita niyang lumapit ang albularyo kay Emmy at ipinahawak ang isang kandila sa kaliwang kamay ng dalaga. Sinabihan siya ng matanda na ipaalam kapag pitong minuto na ang lumipas.
Pagkatapos ng pitong minuto, umalis na sa gilid ni Emmy ang albularyo at umupo sa sahig na siya ring ginawa ni Reynan. Hinati ng matanda ang kandila sa tatlo at inilagay sa kutsara pagkatapos ay inilapag sa sahig. Kumuha ito ng isa pang kandila at sinindihan ito, itinapat sa ibabaw ng palangganang may tubig gamit ang kaliwang kamay. Kinuha ng albularyo ang kutsarang may hinating kandila at itinapat naman sa ibabaw ng may sinding kandila pagkatapos ay nag-orasyon.
Hindi maintindihan ni Reynan ang dasal ng matanda dahil halos pabulong ito at tila nasa salitang latin. Nakita ng binata na matapos matunaw ang hinating kandila na nasa kutsara, itinapon ito ng albularyo sa palanggana. May nabuong hugis mula sa tunaw na kandila.
"Babae nga ang nagpakulam sa iyong kasintahan," sabi ng albularyo habang iniikot ang palanggana paharap kay Reynan. Nakita niyang tila naghugis babae nga ang tunaw na kandila na lumulutang sa tubig.
"May naiisip ka bang pwedeng gumawa ng ganito kay ineng? Mayroon bang babaeng malaki ang galit sa kanya?"
"Isa lang ho ang naiisip ko...ang dati kong kasintahan na si Jobelle," malungkot na sagot ng binata, "Ano ho ang dapat naming gawin upang matigil na ang pangkukulam kay Emmy?"
"Dasal at pananampalataya sa Diyos," sagot ng matanda habang kinukuha ang tunaw na kandila. Ibinalot nito ang naghugis babaeng kandila sa isang papel na may nakasulat na salitang latin pagkatapos ay iniabot kay Reynan.
"Heto, ilagay mo ito sa ilalim ng kanyang unan o sa lugar na malapit sa kanya hanggang sa gumaling ang kanyang mga sugat."
Tinanggap ito ni Reynan at tinandaan ang bilin ng matanda.
"Simula rin ngayon, huwag mo muna siyang palapitin lalo na ang patinginin sa salamin habang hindi pa natin nalalaman kung sino ang mangkukulam na nilapitan ng dati mong kasintahan."
"Sige ho Mang Ramon. Gagawin ko ho ang mga bilin n'yo. Maraming salamat ho ulit sa tulong n'yo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top