UNANG YUGTO: Ang Paggising ng Mutya



UNANG YUGTO: 
Ang Paggising ng Mutya


WALA na 'atang mas sisimple pa sa buhay sa probinsiya. Lahat ay payak at kuntento. Noong araw ay saganang-sagana pa ang mga makukulay na kwento ng mga baryo, at mga kwentong kinasasabikan sa tuwing sasapit ang gabi.

Mas mainam na huwag ka nang lumabas ng gabi dahil doon daw nagsisilabasan ang mga duwende, at kapag ikaw ay naabutan ng dilim sa daan, huwag na huwag mong kakalimutang magsabi ng 'tabi-tabi po', dahil nariyan lamang sila, ang mga alamat na pilit nilimot ng kasaysayan subalit binubuhay ng mga kwentong-bayan.

Naiiba sa lahat ng mga bata si Arissa o may palayaw na Arki dahil siya lamang ang tanging bata na hindi natatakot sa mga kwento ng kanyang lola. Ang mga kwento tungkol sa kapre, aswang, duwende, tikbalang, at marami pang ibang alamat na pinantatakot sa mga bata ay lubos na nakamamangha para kay Arki. 

Noong gabing 'yon ay katulad ng kanilang nakagawian ay bago matulog magkukwento muna ang lola ni Arki ng mga kwentong alamat.

"Lola, ano po ang kwento n'yo sa'kin ngayong gabi?" sabik na tanong ng musmos na si Arki na nasa kanyang higaan.

Bukas ang bintana kung kaya't pumapasok ang preskong hangin, maririnig din ang tunog ng mga kuliglig. Tinatanglawan ng liwanag ng gasera ang buong silid. Umupo si Lola Bangs sa kanyang tabi.

"Isang kwento na nilimot ng kasayasyan, ang kwento tungkol sa huling binukot," wika ni Lola Bangs.

"Ano po 'yung binukot, Lola Bangs?" 

"Ang binukot ay isang prinsesa, anak ito ng isang datu, ang binukot ay tila isang kayamanan ng isang tribo sapagkat hindi siya pinapaarawan o pinapatapak ang kanyang mga paa sa lupa." Hinaplos ni Lola Bangs ang kanyang ulo. "Naalala mo pa ba ang kinuwento ko sa'yo tungkol sa mga diyos at diyosa?"

"Opo!" maligalig na sagot ni Arki. "Dati silang nakatira kasama ng mga tao, kaso umalis sila, eh! 'Di ba, lola? Hindi na ba sila babalik dito sa'tin?"

Napangiti nang matipid si Lola Bangs. "Minsan silang bumalik sa ating mundo, Arki."

"T-Talaga po, Lola?! Anong ginawa nila rito s'atin?"

"Ang kwento'y nakita ni Tala ang hinaharap na may mangyayaring trahedya kung kaya't sinabi niya 'yon kay Bathala. At inatas ni Bathala sa mga diyosa ng Tagalog ang isang misyon..."

"Ano pong misyon, Lola Bangs?"

"Isang misyon na bumalik sila sa mundo ng mga mortal at hanapin ang huling binukot upang basbasan ito ng kapangyarihan na makakasupil sa kasamaan."

"Wow!" manghang-manghang bulalas ni Arki.

"Isang gabi nang isilang ang prinsesa'y nakita ng buong tribo na nagliwanag ang apat na bituin sa langit at bumaba ang apat na liwanag sa dampa. Nakita ni Datu Kagirim at ng kanyang asawa ang apat na diyosa na nais magbasbas ng kapangyarihan sa kanilang anak, iginawad ng apat na prinsesa ang kapangyarihan ng kalikasan at isang regalo mula kay Bathala, ang kwintas na Mutya."

Namimilog ang mga mata ni Arki dahil tila naiimahe niya sa kanyang isip ang mga diyosa. Likas na malakas ang kanyang imahinasyon, isang bagay na unti-unti nang nawawala sa mga kabataan sa kasalukuyan.

"Lumaking malusog ang prinsesa subalit dumating ang nakatakdang pangyayari, naghasik ng lagim sa buong isla ang isang Datu, si Datu Bagobo! Nais nitong patayin ang lahat ng prinsesa o binukot."

"Bakit naman po pinapatay ng Datu na 'yun 'yung mga prinsesa, ang bad naman po niya, Lola!" reaksyon ni Arki.

"Dahil nais ni Datu Bagobo na patayin ang binukot na binasbasan ni Bathala at ng apat na diyosa ng kapangyarihan upang magwagi ang pwersa ng kasamaan ni Sitan, Arki."

Napatitig lang si Arki sa kanyang lola sapagkat may bakas ng pagkabahala ang boses at ekspresyon ng mukha nito.

"Napatay po ba ng salbaheng datu 'yung huling binukot?" tanong ni Arki pagkaraan.

Umiling si Lola Bangs. "Isang matapang na uripon ang nagligtas sa prinsesa, kinarga niya ang paslit patungo sa kanilang punong babaylan. Gamit ang isang makapangyarihang salamangka, dinala ng punong babaylan sa kasalukuyang panahon ang huling binukot, kung saan hindi siya mahahanap ni Datu Bagobo."

Unti-unting bumigat ang talukap ng mga mata ni Arki. Pinahiga ng maayos ni Lola Bangs si Arki at itinaas ang kumot nito.

"Matulog ka na, apo ko," sabi ni Lola Bangs at hinaplos ang kanyang buhok.

"Bukas ulit ng gabi, Lola," mahinang sabi ni Arki hanggang sa tuluyan na siyang mapapikit.

Napangiti si Lola Bangs, tumayo ito upang patayin ang gasera. Bago lumabas si Lola Bangs ng silid ay umusal muna ito ng panalangin, nakita nito sa bintana na nakasilip ang maliliit na diwata—ang mga hindi nakikitang kaibigan ni Arki na nagbabantay sa kanya. 

"Salamat sa daghan uyamut," bulong ni Lola Bangs sa hangin. 


*****


National Museum
Taong Kasalukuyan

"Ano nga ba ang kasaysayan? According to Dr. Abrera of UP Diliman, ang kasaysayan ay ang patuloy na pag-uugnayan ng kasalukuyan at ang nakaraan."

Hindi maiwasang mapailing ni Rahinel habang pinapanood ang kanyang kaibigan habang nagtatalakay ito. Halatang mas interesado ang mga estudyante sa itsura ng kanyang kaibigan kaysa sa mga sinasabi nito.

"Bago pa tayo sakupin ng mga Espanyol ay maroon na tayong makulay na kultura. The real identity of our Philippine culture lies on the tale of epics, halimbawa na lang ay ang mga kwento ng mga Datu at kanilang Balangay."

Sumulyap si Rahinel sa kanyang relos at napagtantong mahigit isang oras na siyang naghihintay.

Oras.

Iyon ang mortal na kalaban ng mga tao ngunit hindi para sa tulad niyang isinumpa.

Walang-wala ang paghihintay niya ng isang oras sa paghihintay niya sa loob ng mahigit na tatlong daang na taon... para hanapin siya.

"Rah?" nag-angat siya ng tingin, nakita niya na palapit ang kanyang kaibigan na kanina pa niya hinihintay. Hindi niya namalayan na tapos na pala ang lecture nito at wala na ring mga estudyante sa loob ng art gallery. "Pasensiya na, kanina ka pa ba naghihintay?"

"Karl, kamusta?" bati niya sa kaibigan.

Si Karlheinz Ocampo, ang anak ng namayapa niyang kaibigan na si Arthur. Katulad ng ama nito ay isa rin itong History professor sa nangungunang unibersidad ng Pilipinas.

"Mabuti naman! Ikaw? Hindi ka tumatanda ah!" hindi pa rin namamatay ang biro nito. Masaya siyang tinapik nito.

Sarkastiko siyang tumawa. "Sa susunod na magka-anak ka huwag mong ituturo ang biro na 'yan, panahon pa ni kopongkopong binibiro sa'kin 'yan ng ninuno mo."

Nagtawanan lang silang dalawa. Sanay naman na siya dahil lolo pa ni Karl ang bumibiro sa kanya ng ganoon. Tanging ang angkan lamang ng mga Ocampo ang nakakaalam kung ano ba talaga siya—isang nilalang na mula sa nakalipas, isang nilalang na biniyayaan ng kapangyarihang matatawag na sumpa na hindi matablan ng oras, ang pagiging isang imortal.

Naglakad-lakad sila ni Karl sa loob ng Museo. Marami-rami ang mga turista at karamihan dito'y panay kuha ng mga larawan at iilan lamang ang talagang sumusuri at pumupuri sa mga likhang sining.

"I guess nandito ka dahil hindi mo pa rin siya nahahanap." Naglaho ang kanyang ngiti sa tinuran ng kaibigan.

"Nawawalan na ako ng pag-asa, Karl," sabi niya. "Natatakot din ako dahil hindi lang ako ang biniyayaan ng ganitong kapangyarihan. Hindi lang ako ang imortal."

"Datu Bagobo." Natahimik sila parehas nang banggitin ni Karl ang pangalan na hindi man naitala sa kasaysayan ay naglikha ng malaking pinsala sa nakalipas na panahon. Isa itong sakim na mandirigma na hahamakin ang lahat upang maging makapangyarihan.

Tumingin si Rahinel sa kaibigan at seryosong pinahayag, "Kailangan ko siyang mahanap bago siya mapasakamay ng kasamaan. Kailangan kong mahanap ang huling binukot." 



✧༝┉┉┉┉┉˚*❋ ❋ ❋*˚┉┉┉┉┉༝✧



A/N: Fernando Amorsolo is the painter of the featured paintings. Photo of National Museum from Gab Garcia. 


Baybayin ang sinaunang o ancient writing system ng mga Tagalog. 



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top